Walang hinihintay ang mga tumatangging sumampalataya kundi ang pagkaganap ng ipinabatid sa kanila na masakit na pagdurusa na kauuwian ng kalagayan nila sa Kabilang-buhay sa araw na darating ang ipinabatid sa kanila mula roon at ang ipinabatid sa mga mananampalataya na gantimpala. Magsasabi ang mga lumimot sa Qur'ān sa Mundo at hindi gumawa ayon sa nasaad dito: "Talaga ngang dumating ang sugo ng Panginoon Namin dala ang katotohanan na walang mapag-aalinlanganan kaugnay dito at walang duda na ito ay mula sa ganang kay Allāh. Kaya kung sana mayroon kaming mga tagapagpagitan na mamamagitan para sa amin sa piling ni Allāh upang palampasin Niya sa amin ang pagdurusa, o kung sana kami ay makababalik sa makamundong buhay upang gumawa ng gawang matuwid na maliligtas kami sa pamamagitan nito kapalit ng mga masagwang gawang ginagawa namin noon." Ipinalugi na ng mga tumatangging sumampalataya na ito ang mga sarili nila dahil sa pagpapunta sa mga ito sa mga puntahan ng kapahamakan dahilan sa kawalang-pananampalataya nila. Nawala na sa kanila ang mga sinasamba nila noon bukod pa kay Allāh kaya hindi nakapagpakinabang ang mga ito sa kanila.