Ang pagpapaliban sa kabanalan ng buwang binanal sa buwang hindi binanal at ang paglalagay nito sa kinalalagyan niyon - gaya ng ginagawa noon ng mga Arabe sa Panahon ng Kamangmangan - ay isang pagdaragdag ng kawalang-pananampalataya sa dating kawalang-pananampalataya nila kay Allāh yayamang tumanggi silang sumampalataya sa kahatulan Niya sa mga buwang pinakababanal. Inililigaw ng demonyo sa pamamagitan ng mga ito ang mga tumangging sumampalataya kay Allāh nang pinauso niya sa kanila ang masagwang kalakarang ito. Nagpapahintulot sila [ng labanan] sa isang taon sa isang buwang pinakababanal sa pamamagitan ng pagpapalit nito ng isang buwang kabilang sa mga buwang karaniwan. Pinanatili nila ito sa pagpapabanal nito sa isang taon upang umalinsunod sa bilang ng mga buwang binanal ni Allāh. Kung sumalungat sila sa mga ito ay hindi sila nagpapahintulot ng [labanan sa] isang buwan malibang nagbabawal sila ng [labanan sa] kapalit nito sa isa pang buwan. Kaya naman ipinahintulot nila sa pamamagitan niyon ang ipinagbawal ni Allāh kabilang sa mga buwang pinakababanal at sumasalungat sila sa kahatulan Niya. Pinaganda para sa kanila ng demonyo ang mga gawaing masagwa kaya naman ginawa nila ang mga ito, na kabilang sa mga mga ito ang pinauso nilang pag-aantala [sa buwang pinakababanal]. Si Allāh ay hindi nagtutuon sa mga tumatangging sumampalataya na nagpupumilit sa kawalang-pananampalataya nila.