Walang iba ang mga tao noon kundi nag-iisang kalipunang mananampalatayang naniniwala sa kaisahan ni Allāh. Pagkaraan ay nagkaiba-iba sila sapagkat mayroon sa kanilang nanatiling mananampalataya at mayroon sa kanilang tumangging sumampalataya. Kung hindi dahil sa nagdaang pagtatadhana ni Allāh na Siya ay hindi hahatol sa pagitan nila kaugnay sa ipinagkaiba-iba nila sa Mundo at hahatol lamang Siya sa pagitan nila hinggil dito sa Araw ng Pagbangon, kung hindi dahil doon ay talaga sanang humatol Siya sa pagitan nila sa Mundo kaugnay sa hindi nila pinagkakasunduan para luminaw ang napapatnubayan sa naliligaw.