O mga tao kung nangyaring mayroon kayong pagdududa sa kakayahan Namin sa pagbubuhay sa inyo matapos ng kamatayan, magnilay-nilay kayo sa pagkakalikha sa inyo. Nilikha Namin ang ama ninyong si Adan mula sa alabok. Pagkatapos ay nilikha Namin ang mga supling niya mula sa punlay na pinalalabas ng lalaki sa sinapupunan ng babae. Pagkatapos ay nagbagong-anyo ang punlay na naging namuong dugo. Pagkatapos ay nagbagong-anyo ang namuong dugo para maging isang piraso ng laman na nakawawangis ng piraso ng lamang nginuya. Pagkatapos ay nagbagong-anyo ang piraso ng laman para maging isang nilikhang lubos, na mananatili sa sinapupunan hanggang sa lumabas na isang sanggol na buhay o para maging isang nilikhang hindi lubos, na ilalaglag ng sinapupunan, upang maglinaw Kami sa inyo ng kakayahan Namin sa paglikha sa inyo sa mga antas. Nagpapatatag Kami sa loob ng mga sinapupunan ng niloloob Namin na mga fetus hanggang sa isilang ito sa panahong itinakda na siyam na buwan. Pagkatapos ay nagpapalabas Kami sa inyo mula sa mga tiyan ng mga ina ninyo bilang mga bata, pagkatapos upang makarating kayo sa kalubusan ng lakas at isip. Mayroon sa inyo na namamatay bago niyon. Mayroon sa inyo na nabubuhay hanggang sa umabot sa edad ng pag-uulyanin kung kailan humihina ang lakas at humihina ang isip hanggang sa maging higit na masahol sa kalagayan kaysa sa bata, na hindi nakaaalam ng anuman mula sa dating nalalaman. Nakakikita ka na ang lupa ay tuyot, na walang halaman dito, ngunit kapag nagbaba Kami sa ibabaw nito ng tubig ng ulan ay namumukadkad ito sa mga halaman, umaangat ito dahilan sa paglago ng mga halaman nito, at nagpapalabas ito ng bawat uri ng mga halamang magandang pagmasdan.