Halos ang kidlat, dahil sa tindi ng ningning at kinang nito, ay kumuha sa mga paningin nila. Sa tuwing kumikislap ang kidlat sa kanila at tumanglaw ito ay sumusulong sila. Kapag hindi tumanglaw ito ay nananatili sila sa kadiliman sapagkat hindi nila nakayang gumalaw. Kung sakaling niloob ni Allāh ay talaga sanang nag-alis Siya ng pandinig nila at mga paningin nila sa pamamagitan ng kakayahan Niyang sumasaklaw sa bawat bagay at hindi babalik ang mga ito sa kanila dahil sa pag-ayaw nila sa katotohanan. Ang ulan ay isang paghahalintulad para sa Qur'ān. Ang tunog ng mga lintik ay isang paghahalintulad sa taglay ng Qur'ān na mga pagsaway. Ang tanglaw ng kidlat ay isang paghahalintulad para sa paglitaw ng katotohanan sa kanila paminsan-minsan. Ang paglalagay ng pasak sa mga tainga dahil sa tindi ng mga lintik ay isang paghahalintulad sa pag-ayaw nila sa katotohanan at hindi pagtugon dito. Ang anyo ng pagkakawangis sa pagitan ng mga mapagpaimbabaw at ng mga pinatutungkulan ng dalawang paghahalintulad ay ang kawalan ng napala. Sa pang-apoy na paghahalintulad, walang napala ang nagpaningas ng apoy kundi kadiliman at pagsunog. Sa pantubig na paghahalintulad, walang napala ang mga nagnanais ng ulan kundi ang naninindak sa kanila at bumabagabag sa kanila na kidlat at kulog. Ganito ang mga mapagpaimbabaw; wala silang nakikita sa Islām kundi ang kahigpitan at ang kabagsikan.


الصفحة التالية
Icon