Si Allāh ay ang liwanag ng mga langit at lupa at tagapatnubay ng sinumang nasa mga ito. Ang paghahalimbawa sa liwanag Niya - kaluwalhatian sa Kanya - sa puso ng mga mananampalataya ay gaya ng isang hindi tumatagos na butas sa isang dingding, na sa loob nito ay may isang ilawan. Ang ilawan ay nasa loob ng isang salaming nagliliyab. Para bang ito ay isang tala na nagtatanglaw na gaya ng perlas. Pinagniningas ang ilawan mula sa langis ng isang pinagpalang punong-kahoy, ang punong-kahoy ng oliba. Ang punong-kahoy ay hindi natatakpan sa araw ng anuman: hindi sa umaga at hindi sa gabi. Halos ang langis nito, dahil sa kadalisayan nito, ay nagtatanglaw kahit pa man hindi ito nasaling ng apoy kaya papaano na kapag nasaling ito? Ang liwanag ng ilawan ay sa ibabaw ng liwanag ng salamin. Ganito ang puso ng mananampalataya kapag sumikat dito ang liwanag ng kapatnubayan. Si Allāh ay nagtutuon para sa pagsunod sa Qur'ān sa sinumang niloloob Niya kabilang sa mga lingkod Niya. Naglilinaw si Allāh sa mga bagay sa pamamagitan ng mga kawangis ng mga ito sa pamamagitan ng paggawa ng mga paghahalimbawa. Si Allāh sa bawat bagay ay Maalam: walang naikukubli sa Kanya na anuman.