Si Allāh ay nagbaba sa Sugo Niyang si Muḥammad - pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan - ng Qur'ān na pinakamagaling na pag-uusap. Nagpababa Siya nito bilang nagkakawangisan: nagkakawangis ang ibang bahagi nito sa iba pang bahagi sa katapatan, kagandahan, pagkakatugmaan, at kawalan ng salungatan. Marami rito ang mga kasaysayan, ang mga patakaran, ang pangako, ang banta, ang mga katangian ng mga alagad ng katotohanan, ang mga katangian ng mga alagad ng kabulaanan, at ang iba pa roon. Nangingilabot mula rito ang mga balat ng mga natatakot sa Panginoon nila kapag nakaririnig sila ng nasaad dito na banta at babala. Pagkatapos ay lumalambot ang mga balat nila at ang mga puso nila sa pagkaalaala kay Allāh kapag nakaririnig sila ng nasaad dito ng pag-asa at mga balitang nakagagalak. Ang nabanggit na iyon mula sa Qur'ān at epekto niyon ay patnubay ni Allāh; nagpapatnubay Siya sa pamamagitan niyon sa sinumang niloloob Niya. Ang sinumang itinatwa ni Allāh at hindi Niya itinuon sa kapatnubayan ay walang ukol dito na anumang tagapatnubay na papatnubay rito.