Ukol sa inyo, o mga asawa, ang kalahati ng naiwan ng mga maybahay ninyo kung hindi sila nagkaroon ng anak - lalaki man o babae - mula sa inyo o mula sa iba sa inyo; ngunit kung nagkaroon sila ng anak - lalaki man o babae - ay ukol sa inyo ang ikaapat (1/4) mula sa naiwan nila na anumang ari-arian. Hahatiin sa inyo iyon matapos ng pagpapatupad ng habilin nila at ng pagbayad ng pananagutan nila na anumang utang. Ukol sa mga maybahay ang ikaapat (1/4) mula sa naiwan ninyo, o mga asawa, kung hindi kayo nagkaroon ng anak - lalaki man o babae - mula sa kanila o mula sa iba sa kanila; ngunit kung nagkaroon kayo ng anak - lalaki man o babae - ay ukol sa mga maybahay ang ikawalo (1/8) mula sa naiwan ninyo. Hahatiin sa kanila iyon matapos ng pagpapatupad ng habilin ninyo at ng pagbayad ng pananagutan ninyo na anumang utang. Kung namatay ang isang lalaking walang magulang ni anak o namatay ang isang babaing walang magulang ni anak at ang patay sa alinman sa dalawa ay may isang lalaking kapatid sa ina o isang babaing kapatid sa ina, ukol sa bawat isa - na lalaking kapatid niya sa ina niya o babaing kapatid niya sa ina niya - ang ikaanim (1/6) bilang tungkuling pamana; ngunit kung ang mga lalaking kapatid sa ina o ang mga babaing kapatid sa ina ay higit sa iisa, ukol sa lahat sa kanila ang ikatlo (1/3) bilang isang tungkuling pamanang paghahatian nila, na nagkakapantay roon ang lalaki sa kanila at ang babae sa kanila. Kukuha lamang sila ng parte nilang ito matapos ng pagpapatupad ng habilin ng patay at ng pagbabayad ng pananagutan niya na anumang utang sa kundisyong ang habilin niya ay hindi nagpapasok ng kapinsalaan sa mga tagapagmana gaya ng kung ang habilin niya ay sa higit sa isang katlo ng ari-arian niya. Ang patakarang ito na nilalaman ng talata ay isang tagubilin ni Allāh sa inyo, na isinatungkulin Niya sa inyo. Si Allāh ay Maalam sa anumang nakabubuti sa mga lingkod Niya sa Mundo at Kabilang-buhay, Matimpiin: hindi Siya nagmamadali ng kaparusahan sa sumusuway.