Nagbawal si Allāh sa inyo na pangasawahin ang mga ina ninyo at kahit pataas: ang ina ng ina at lola niya sa panig ng ama o ina; ang mga babaing anak ninyo at kahit pababa: ang babaing anak niya, ang babaing anak ng babaing anak niya, at gayon din ang babaing anak ng lalaking anak at ang babaing anak ng babaing anak at kahit pababa; ang mga babaing kapatid ninyo sa mga magulang ninyo o sa isa sa kanilang dalawa; ang mga tiyahin ninyo sa ama at gayon din ang mga tiyahin sa ama ng mga ama ninyo at mga ina ninyo, at kahit pataas; ang mga tiyahin ninyo sa ina at gayon din ang mga tiyahin sa ina ng mga ina ninyo at ng mga ama ninyo, at kahit pataas; ang mga babaing anak ng lalaking kapatid ninyo, ang mga babaing anak ng babaing kapatid ninyo, ang mga anak nila, at kahit pababa; ang mga ina ninyo na nagpasuso sa inyo; ang mga babaing kapatid ninyo sa pagpapasuso; ang mga ina ng mga maybahay ninyo, nakipagtalik man kayo sa kanila o hindi kayo nakipagtalik sa kanila; ang mga babaing anak ng mga maybahay ninyo mula sa iba sa inyo, na lumaki at inaalagaan sa mga bahay ninyo kadalasan, gayon din kapag hindi inalagaan ang mga ito, kung kayo ay nakipagtalik sa mga ina nila, ngunit kung hindi kayo nakipagtalik sa mga ito ay walang maisisisi sa inyo sa pag-aasawa sa mga babaing anak ng mga ito. Ipinagbawal sa inyo na pangasawahin ang mga maybahay ng mga lalaking anak ninyo na mula sa mga katawan ninyo, kahit pa man hindi sila nakipagtalik sa mga ito. Napaloloob sa patakarang ito ang mga maybahay ng mga anak ninyo mula sa pagpapasuso. Ipinagbawal sa inyo ang pagsasabay sa dalawang babaing magkapatid sa kaangkanan o pagpapasuso, maliban sa nagdaan na mula roon sa Panahon ng Kamangmangan sapagkat nagpaumanhin na si Allāh roon. Tunay na si Allāh ay laging Mapagpatawad sa mga lingkod Niyang mga nagbabalik-loob sa Kanya, Maawain sa kanila. Napagtibay sa Sunnah ang pagbabawal sa pagsasabay rin sa babae at tiyahin nito sa ama o tiyahin nito sa ina.