Tunay na ang Panginoon mo, O Sugo, ay nakaaalam na ikaw ay nagdarasal ng kulang-kulang sa dalawang-katlo ng magdamag minsan, o tumatayo [sa pagdarasal] sa kalahati nito minsan o isang katlo nito minsan, at tumatayo [rin sa pagdarasal] ang isang pangkat kabilang sa mga mananampalataya kasama sa iyo. Si Allāh ay nagtatakda sa [sukat ng] magdamag at maghapon at nagbibilang sa mga oras ng dalawang ito. Nakaalam Siya - kaluwalhatian sa Kanya - na kayo ay hindi makakakaya sa pagbilang niyon at pagtutumpak sa mga oras niyon. Nakabibigat sa inyo ang pagsasagawa sa higit na marami niyon bilang paghahangad sa hinihiling. Dahil doon ay nagpatawad Siya sa inyo kaya magdasal kayo sa bahagi ng gabi ng anumang naging madali [sa inyo]. Nakaalam Siya na kabilang sa inyo, O mga mananampalataya, ay magiging mga may-sakit na pinahina ng sakit, may mga iba na maglalakbay habang naghahanap ng panustos ni Allāh, at may mga iba pa na makikipaglaban sa mga tagatangging sumampalataya sa paghahangad ng kaluguran ni Allāh at upang ang Salita ni Allāh ay maging ang pinakamataas. Sa mga ito ay makabibigat ang pagdarasal sa gabi. Kaya magdasal kayo ng anumang naging madali mula sa bahagi ng gabi. Magsagawa kayo ng pagdarasal na isinatungkulin ayon sa pinakaganap na paraan, magbigay kayo ng zakāh ng mga yaman ninyo, at gumugol kayo mula sa mga yaman ninyo sa landas ni Allāh. Ang anumang ipinauuna ninyo para sa mga sarili ninyo na anumang kabutihan ay makatatagpo kayo rito ng isang higit na mabuti at isang higit na mabigat sa gantimpala. Humiling kayo ng kapatawaran mula kay Allāh; tunay na si Allāh ay Mapagpatawad sa sinumang nagbalik-loob sa Kanya kabilang sa mga lingkod Niya, Maawain sa kanila.