Walang isa mang higit na lumalabag sa katarungan kaysa sa kanya na gumawa-gawa laban kay Allāh ng kasinungalingan sa pamamagitan ng pag-uugnay ng katambal sa Kanya o ng kakulangan o ng pagsabi laban sa Kanya ng hindi naman Niya sinabi o ng pagpapasinungaling sa mga tanda Niyang hayag na nagpapatnubay tungo sa landasin Niyang tuwid. Ang mga nagtataglay ng katangiang iyon ay magtatamo ng bahagi nilang itinakda para sa kanila sa Talaang Pinangalagaan gaya ng mga sarap ng Mundo. Ito ay hanggang sa kapag dumating sa kanila ang anghel ng kamatayan at ang mga katulong nito kabilang sa mga anghel para kunin ang mga kaluluwa nila ay magsasabi ang mga anghel sa kanila bilang paninisi sa kanila: "Nasaan ang mga diyos na sinasamba ninyo noon bukod pa kay Allāh? Dumalangin kayo sa mga iyon upang pakinabangin kayo." Magsasabi ang mga tagapagtambal sa mga anghel: "Talaga nga umalis sa amin ang mga diyos na sinasamba namin noon at naglaho sila kaya hindi namin nalalaman kung nasaan sila." Kikilala sila laban sa mga sarili nila na sila noon ay mga tumatangging sumampalataya subalit ang pagkilala nila sa sandaling iyon ay isang katwiran laban sa kanila at hindi magpapakinabang sa kanila.