Tinatanong ka ng mga Kasamahan, O Sugo, tungkol sa mga samsam sa digmaan kung papaano mong binahagi ito at kung sa kanino ang bahagi? Sabihin mo, O Sugo, bilang tumutugon sa tanong nila: "Ang mga samsam sa digmaan ay ukol kay Allāh at sa Sugo. Ang patakaran sa mga ito ay kay Allāh at sa Sugo Niya kaugnay sa pamamalakad at pamamahagi kaya walang kailangan sa inyo kundi ang pagpapaakay at ang pagpapasakop." Kaya mangilag kayong magkasala kay Allāh, O mga mananampalataya, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ipinag-uutos Niya at pag-iwas sa mga ipinagbabawal Niya. Ayusin ninyo ang nasa pagitan ninyo na pagpuputulan ng ugnayan at pagtatalikuran sa pamamagitan ng pagmamahalan, pag-uugnayan, kagandahan ng kaasalan, at pagpapaumanhin. Manatili kayo sa pagtalima kay Allāh at sa Sugo Niya kung kayo ay mga mananampalataya sa totoo dahil ang pananampalataya ay nagbubuyo sa pagtalima at paglayo sa pagsuway. Naganap ang tanong na ito matapos ang labanan sa Badr.