[Banggitin] noong nagsasabi ka, O Sugo, sa biniyayaan ni Allāh ng biyaya ng Islām at biniyayaan mo mismo ng pagpapalaya - ang tinutukoy ay si Zayd bin Ḥārithah, malugod si Allāh sa kanilang dalawa - nang dumating siya sa iyo na sumasangguni hinggil sa lagay ng pagdidiborsiyo sa maybahay niyang si Zaynab bint Jaḥsh. Nagsasabi ka sa kanya: "Panatilihin mo sa iyo ang maybahay mo, huwag mo siyang diborsiyuhin, at mangilag kang magkasala kay Allāh sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ipinag-uutos Niya at pag-iwas sa mga sinasaway Niya," samantalang itinatago mo sa sarili mo ang ikinasi ni Allāh sa iyo na pagpapakasal kay Zaynab dala ng takot sa mga tao. Si Allāh ay maglalantad sa pagdiborsiyo ni Zayd kay Zaynab, pagkatapos ay sa pagpapakasal mo sa kanya. Si Allāh ay higit na karapat-dapat na katakutan mo kaugnay sa bagay na ito. Kaya noong lumuwag ang loob ni Zayd at inayawan niya ito at diniborsiyo niya ito, ipinakasal ito sa iyo ni Allāh upang hindi magkaroon para sa mga mananampalataya ng isang kasalanan sa pagpapakasal sa mga maybahay ng mga anak nila sa pag-aampon kapag diniborsiyo ang mga ito ng mga iyon at natapos ang `iddah ng mga ito. Laging ang utos ni Allāh ay ginagawa: walang pipigil dito at walang hahadlang dito.