O mga sumampalataya kay Allāh at gumawa ayon sa isinabatas Niya para sa kanila, huwag kayong pumasok sa mga bahay ng Propeta malibang matapos magpahintulot siya sa inyo sa pagpasok sa mga iyon sa pamamagitan ng pag-anyaya sa inyo sa pagkain. Huwag kayong magpahaba ng pag-upo habang naghihintay sa pagkaluto ng pagkain, subalit kapag inanyayahan kayo sa pagkain ay pumasok kayo. Kapag nakakain na kayo ay lumisan kayo at huwag kayong mamalagi matapos niyon habang nakikihalubilo sa isa't isa sa inyo sa isang pag-uusap. Tunay na ang pananatiling iyon ay nakasasakit noon sa Propeta - pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan - ngunit nahihiya siya na hilingin sa inyo ang lumisan, samantalang si Allāh ay hindi nahihiya na mag-utos ayon sa katotohanan. Kaya nag-utos si Allāh sa inyo ng paglisan upang hindi kayo makasakit sa kanya - pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan - dahil sa pananatili. Kapag humiling kayo sa mga maybahay ng Propeta - pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan - ng isang kinakailangan gaya ng kaldero at kauri nito ay humiling kayo ng kinakailangan ninyo mula sa likuran ng isang takip. Huwag kayong humiling niyon sa kanila nang harapan upang hindi makakita sa kanila ang mga mata ninyo bilang pangangalaga sa kanila dahil sa kalagayan ng Sugo ni Allāh - pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan. Ang paghiling na iyon mula sa likuran ng takip ay higit na dalisay para sa mga puso ninyo at higit na dalisay para sa mga puso nila upang hindi manuot ang demonyo sa mga puso ninyo at mga puso nila sa pamamagitan ng panunulsol at pagpapaganda sa nakasasama. Hindi nararapat sa inyo, O mga mananampalataya, na manakit kayo sa Sugo ni Allāh dahil sa pananatili para sa pag-uusap ni mag-asawa kayo ng mga maybahay niya matapos ng kamatayan niya sapagkat sila ay Ina ng mga Mananampalataya at hindi pinapayagan para sa isa man na mag-asawa sa ina niya. Tunay na ang pananakit na iyon - na kabilang sa mga anyo nito ay ang pag-aasawa ninyo sa mga maybahay niya matapos ng kamatayan niya - ay bawal at itinuturing sa ganang kay Allāh na isang kasalanang sukdulan.


الصفحة التالية
Icon