Kung tatanggi kayong sumampalataya, O mga tao, sa Panginoon ninyo, tunay na Siya ay Walang-pangangailangan sa pananampalataya ninyo. Hindi nakapipinsala sa Kanya ang kawalang-pananampalataya ninyo. Ang kapinsalaan ng kawalang-pananampalataya ninyo ay babalik sa inyo lamang. Hindi Siya nalulugod para sa mga lingkod Niya na tumanggi silang sumampalataya sa Kanya at hindi Siya nag-uutos sa kanila ng kawalang-pananampalataya dahil Siya ay hindi nag-uutos ng kahalayan at nakasasama. Kung magpapasalamat kayo kay Allāh sa mga biyaya Niya at sasampalataya kayo sa Kanya ay malulugod Siya sa pasasalamat ninyo at maggagantimpala Siya sa inyo dahil dito. Hindi papasanin ng isang kaluluwa ang pagkakasala ng ibang kaluluwa. Bagkus bawat kaluluwa sa nakamit niya ay nakasangla. Pagkatapos ay sa Panginoon ninyo ang panunumbalikan ninyo sa Araw ng Pagbangon. Magpapabatid Siya sa inyo hinggil sa anumang dati ninyong ginagawa sa Mundo at gaganti Siya sa mga gawa ninyo. Tunay na Siya - kaluwalhatian sa Kanya - ay Maalam sa anumang nasa mga puso ng mga lingkod Niya: walang naikukubli sa Kanya na anuman mula sa anumang nasa mga ito.