Subukin ninyo, o mga tagatangkilik, ang mga ulila kapag tumuntong sila sa edad ng karampatang gulang sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng isang bahagi mula sa ari-arian nila na pangangasiwaan nila. Kung humusay sila sa pangangasiwa rito at luminaw sa inyo ang katinuan nila, ipasa ninyo sa kanila ang mga ari-arian nila nang buo nang hindi nababawasan. Huwag kayong gumamit ng mga ari-arian nila nang lumalampas sa hangganan na ipinahintulot ni Allāh para sa inyo mula sa mga ari-arian nila sa sandali ng pangangailangan. Huwag kayong magdali-dali sa paggamit ng mga ito sa takot na kunin nila ang mga ito kapag umabot sila sa karampatang gulang. Ang sinuman kabilang sa inyo na may yamang sasapat sa kanya ay magpigil sa pagkuha mula sa ari-arian ng ulila. Ang sinuman kabilang sa inyo na maralitang walang ari-arian ay kumuha ng katumbas sa pangangailangan niya. Kapag nagpasa kayo sa kanila ng mga ari-arian nila matapos tumuntong sa tamang gulang at luminaw ang katinuan ng isip mula sa kanila ay magpasaksi kayo para sa pagpapasang iyon bilang pangangalaga sa mga karapatan at paghadlang sa mga kadahilanan ng pagtatalu-talo. Sumapat si Allāh bilang Saksi roon at Tagapagtuos para sa mga tao sa mga gawa nila.


الصفحة التالية
Icon