Nagtatagubilin sa inyo si Allāh at nag-uutos Siya kaugnay sa nauukol sa pamana sa mga anak ninyo, na ang pamana ay hahatiin sa pagitan nila [ng ganito]: ukol sa anak na lalaki ay tulad ng parte ng dalawang anak na babae. Ngunit kung nag-iwan ang patay ng mga anak na babae nang walang anak na lalaki, ukol sa dalawang anak na babae o higit pa ang dalawang katlo mula sa naiwan niya; at kung may iisang anak na babae, ukol dito ang kalahati ng naiwan niya. Ukol sa bawat isa sa mga magulang ng namatay ang ikaanim ng naiwan niya, kung mayroon siyang isang anak, lalaki o babae. Kung hindi siya nagkaroon ng anak at walang tagapagmana sa kanya bukod pa sa dalawang magulang niya, ukol sa ina niya ang ikatlo at ang natitira sa pamana ay ukol sa ama niya. Kung nagkaroon ang patay ng mga kapatid, dalawa o higit pa, mga lalaki man o mga babae na mga kapatid na buo o hindi buo, ukol sa ina niya ang ikaanim bilang tungkuling pamana at ang natitira ay ukol sa ama bilang ta`ṣīb (pagmamana ng tira), at walang anuman para sa mga kapatid. Ang paghahating ito sa pamana ay matapos ng pagpapatupad sa habilin na ihinabilin ng patay sa kundisyong hindi lalabis ang habilin niya sa ikatlo ng ari-arian niya at sa kundisyong nabayaran ang utang na pananagutan niya. Gumawa nga si Allāh - pagkataas-taas Siya - ng paghahati ng pamana ayon dito dahil kayo ay hindi nakababatid kung sino sa mga magulang at mga anak ang higit na malapit sa inyo sa pakinabang sa Mundo at Kabilang-buhay. Maaaring magpalagay ang namatay sa isa sa mga tagapagmana niya ng kabutihan kaya magbibigay siya rito ng ari-arian niya sa kabuuan nito, o magpalagay siya rito ng kasamaan kaya magkakait siya rito mula roon. Maaaring ang kalagayan ay maging salungat doon. Ang nakaaalam niyon sa kabuuan niyon ay si Allāh na walang naikukubli sa Kanya na anuman. Dahil doon, hinati Niya ang pamana ayon sa nilinaw Niya at ginawa Niya ito bilang tungkulin mula sa Kanya na kinakailangan sa mga lingkod Niya. Tunay na si Allāh ay laging Maalam: walang naikukubli sa Kanya na anuman mula sa mga kapakanan ng mga lingkod Niya, Marunong sa pagbabatas Niya at pangangasiwa Niya.