ﯩ
surah.translation
.
من تأليف:
مركز تفسير للدراسات القرآنية
.
ﰡ
O mga sumampalataya kay Allāh at gumawa ayon sa isinabatas Niya para sa kanila, huwag kayong gumawa sa mga kaaway Ko at mga kaaway ninyo bilang mga katangkilik na kakampi kayo sa kanila at magmamahal kayo sa kanila, samantalang tumanggi na silang sumampalataya sa dumating sa inyo na relihiyon dala ng Sugo ninyo, habang nagpapalayas sila sa Sugo mula sa tahanan nito at nagpapalayas sa inyo mismo rin mula sa mga tahanan ninyo sa Makkah. Hindi sila nagsasaalang-alang sa inyo ng pagkakaanak ni kaugnayan ni dahil sa anuman malibang kayo ay sumampalataya kay Allāh, ang Panginoon ninyo. Huwag ninyong gawin iyon kung kayo ay humayo alang-alang sa pakikibaka sa landas Ko at alang-alang sa paghahanap sa pagkalugod Ko. Nagtatapat kayo sa kanila ng mga ulat tungkol sa mga Muslim dahil sa pagmamahal sa kanila samantalang Ako ay nakaaalam sa anumang ikinukubli ninyo mula roon at anumang inihahayag ninyo: walang naikukubli sa Akin na anuman mula roon ni mula sa iba pa roon. Ang sinumang gumawa ng pagkampi at pagmamahal na iyon sa mga tagatangging sumampalataya ay nalihis nga palayo sa kalagitnaan ng daan, naligaw palayo sa katotohanan, at umiwas sa kawastuhan.
Kung magwawagi sila sa inyo, maglalantad sila ng kinikimkim nila sa mga puso nila na pagkamuhi, mag-aabot sila ng mga kamay nila sa inyo sa pamamagitan ng pananakit at paghahagupit, magpapawala sila ng mga dila nila sa pamamagitan ng pang-iinsulto at panlalait, magmimithi sila na sana tumanggi kayong sumampalataya kay Allāh at sa Sugo Niya upang kayo ay maging tulad nila.
Hindi magpapakinabang sa inyo ang pagkakaanak ninyo ni ang mga anak ninyo kapag kumampi kayo sa mga tagatangging sumampalataya alang-alang sa kanila. Sa Araw ng Pagbangon ay maghahati-hati Siya sa pagitan ninyo kaya papasok sa Hardin ang mga maninirahan sa Hardin kabilang sa inyo at sa Apoy ang mga maninirahan sa Apoy sapagkat hindi magpapakinabang ang iba sa inyo sa iba pa. Si Allāh sa anumang ginagawa ninyo ay Nakakikita: walang naikukubli sa Kanya -kaluwalhatian sa Kanya- na anuman mula sa mga gawain ninyo, at gaganti sa inyo sa mga ito.
Talaga ngang nagkaroon para sa inyo, O mga mananampalataya, ng isang huwarang maganda dahil kay Abraham - sumakanya ang pangangalaga - at sa mga mananampalataya na kasama sa kanya noon nang nagsabi sila sa mga kababayan nilang mga tagatangging sumampalataya: "Tunay na kami ay mga walang-kaugnayan sa inyo at sa anumang sinasamba ninyo bukod pa kay Allāh kabilang sa mga diyus-diyusan; tumanggi kaming sumampalataya sa taglay ninyong relihiyon at lumantad na sa pagitan namin at ninyo ang poot at ang pagkasuklam hanggang sa sumampalataya kayo kay Allāh -tanging sa Kanya- at hindi kayo magtambal sa Kanya ng isa man sapagkat naging kailangan sa inyo na magpawalang-kaugnayan sa mga kababayan ninyong mga tagatangging sumampalataya tulad nila," maliban sa sabi ni Abraham - sumakanya ang pangangalaga - sa ama niya: "Talagang hihiling nga ako ng kapatawaran para sa iyo mula kay Allāh," ngunit huwag kayong tumulad sa kanya hinggil doon dahil iyon ay nangyari bago ng pagkawala ng pag-asa ni Abraham sa ama niya sapagkat hindi ukol sa isang mananampalataya na humiling ng kapatawaran para sa isang tagatambal, "at hindi ako makapagtutulak palayo sa iyo ng anuman mula sa pagdurusang dulot ni Allāh. Panginoon namin, sa Iyo kami sumandal sa lahat ng mga nauukol sa amin sa kabuuan ng mga ito, sa Iyo kami nanumbalik na mga nagbabalik-loob, at sa Iyo ang panunumbalikan sa Araw ng Pagbangon.
Panginoon namin, huwag Mo kaming gawin bilang pinag-uusig para sa mga tumangging sumampalataya sa pamamagitan ng pagpapanaig Mo sa kanila laban sa amin para magsabi sila: "Kung sakaling sila ay nasa katotohanan ay talaga sanang hindi kami ay pinanaig laban sa kanila," at magpatawad Ka sa amin sa mga pagkakasala namin. Tunay na Ikaw ay ang Makapangyarihan na hindi nadadaig, ang Marunong sa paglikha Mo, batas Mo, at pagtatakda Mo."
Itong huwarang maganda ay tinutularan lamang ng sinumang nangyaring naghahangad kay Allāh ng kabutihan sa Mundo at Kabilang-buhay. Ang sinumang aayaw sa huwarang magandang ito, tunay na si Allāh ay ang Walang-pangangailangan sa mga lingkod Niya: hindi Siya nangangailangan ng pagtalima nila, at Siya ang Pinapupurihan sa lahat ng kalagayan.
Marahil si Allāh ay maglalagay sa pagitan ninyo, O mga mananampalataya, at ng mga inaway ninyo kabilang sa mga tagatangging sumampalataya ng isang pag-ibig sa pamamagitan ng pagpatnubay sa kanila ni Allāh sa Islām kaya sila ay magiging mga kapatid para sa inyo sa relihiyon. Si Allāh ay May-kakayahan: nakakaya Niyang baguhin ang mga puso nila patungo sa pananampalataya. Si Allāh ay Mapagpatawad sa sinumang nagbalik-loob kabilang sa mga lingkod Niya, Maawain sa kanila.
Hindi sumasaway sa inyo si Allāh, tungkol sa mga hindi kumalaban sa inyo dahilan sa pag-anib ninyo sa Islām at hindi nagpalayas sa inyo mula sa mga tahanan ninyo, na gumawa kayo ng mabuti sa kanila at maging makatarungan kayo sa kanila sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng ukol sa kanila na karapatan sa inyo. Ito ay gaya ng ginawa ni Asmā' bint Abī Bakr Aṣ-Ṣiddīq sa ina nitong tagatangging sumampalataya noong pumunta ito sa kanya matapos na nagpaalam ito sa Propeta - basbasan siya ni Allāh at pangalagaan - hinggil doon at nag-utos naman ang Propeta - basbasan siya ni Allāh at pangalagaan - na makipag-ugnayan siya rito. Tunay na si Allāh ay umiibig sa mga makatarungan na nagpapakatarungan sa mga sarili nila, mga mag-anak nila, at tinangkilik nila.
Sumasaway lamang sa inyo si Allāh - tungkol sa mga kumalaban sa inyo dahilan sa pananampalataya ninyo, nagpalayas sa inyo mula sa mga tahanan ninyo, at tumulong sa pagpapalayas sa inyo - na kumampi kayo sa kanila. Ang sinumang kumampi sa kanila kabilang sa inyo, ang mga iyon ay ang mga tagalabag sa katarungan sa mga sarili nila sa pamamagitan ng paghahatid sa mga ito sa mga hatiran ng kasawian dahilan sa pagsalungat sa utos ni Allāh.
O mga sumampalataya kay Allāh at gumawa ayon sa isinabatas Niya, kapag dumating sa inyo ang mga babaing mananampalataya bilang mga lumikas mula sa lupain ng kawalang-pananampalataya tungo sa lupain ng Islām ay subukin ninyo sila sa katapatan ng pananampalataya nila. Si Allāh ay higit na nakaaalam sa pananampalataya nila: walang naikukubli sa Kanya na anuman mula sa kinikimkim ng mga puso nila. Kaya kung nalaman ninyo na sila ay mga babaing mananampalataya matapos ng pagsubok sa pamamagitan ng lumilitaw sa inyo na katapatan nila, huwag kayong magsauli sa kanila sa mga asawa nilang mga tagatangging sumampalataya. Hindi ipinahihintulot sa mga babaing mananampalataya na mag-asawa ng mga tagatangging sumampalataya at hindi ipinahihintulot para sa mga tagatangging sumampalataya na mag-asawa ng mga babaing mananampalataya. Magbigay kayo sa mga maybahay ng mga ito ng ipinagkaloob ng mga ito na mga bigay-kaya sa kanila. Walang kasalanan sa inyo, O mga mananampalataya, na mag-asawa kayo sa kanila matapos ng pagwawakas ng `iddah nila kapag nagbigay kayo sa kanila ng mga bigay-kaya sa kanila. Ang sinumang ang maybahay niya ay isang babaing tagatangging sumampalataya o tumalikod sa Islām, huwag siyang magpanatili sa babae dahil sa pagkaputol ng kasal nilang dalawa dahil sa kawalang-pananampalataya ng babae. Humiling kayo sa mga tagatangging sumampalataya ng ipinagkaloob ninyo na mga bigay-kaya sa mga maybahay ninyong tumalikod sa Islām at humiling naman ang mga ito ng ipinagkaloob ng mga ito na mga bigay-kaya sa mga maybahay ng mga ito na yumakap sa Islām. Ang nabanggit na iyon na pagbawi sa mga bigay-kaya mula sa panig ninyo at mula sa panig ng mga ito ay ang kahatulan ni Allāh; humahatol Siya sa pagitan ninyo - kaluwalhatian sa Kanya - ayon sa niloloob Niya. Si Allāh ay Maalam sa mga kalagayan ng mga lingkod Niya at mga gawain nila: walang naikukubli sa Kanya mula sa mga ito na anuman, Marunong sa anumang isinasabatas Niya para sa mga lingkod Niya.
Kung ipinagpalagay ang paglayas ng ilan sa mga maybahay ninyo bilang mga tumalikod sa Islām patungo sa mga tagatangging sumampalataya at hiniling ninyo ang [ibinigay na] mga bigay-kaya mula sa mga tagatangging sumampalataya ngunit hindi nila ibinigay ang mga ito at nakasamsam kayo mula sa mga tagatangging sumampalataya, magbigay kayo sa mga asawang nilayasan ng mga maybahay nila, na naging mga tumalikod sa Islām, ng tulad ng ipinagkaloob nila na mga bigay-kaya. Mangilag kayong magkasala kay Allāh, na kayo ay sa Kanya mga mananampalataya, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ipinag-uutos Niya at pag-iwas sa mga sinasaway Niya.
O Propeta, kapag dumating sa iyo ang mga kababaihang mananampalataya habang nangangako ng katapatan sa iyo - gaya ng nangyari sa pagsakop sa Makkah - na hindi sila magtatambal kay Allāh ng anuman bagkus sasamba sila sa Kanya, tanging sa Kanya, hindi sila magnanakaw, hindi sila mangangalunya, hindi sila papatay ng mga anak nila bilang pagsunod sa kaugalian ng mga kampon ng Kamangmangan, hindi sila mag-uugnay sa mga asawa nila ng mga anak nila mula sa pangangalunya, at hindi sila susuway sa iyo sa anumang nakabubuti kabilang sa tulad ng pagsaway laban sa pananaghoy, pag-aahit ng buhok, at pagpunit ng damit [sa sandali ng dalamhati] ay tumanggap ka ng pangako ng katapatan nila at humiling ka para sa kanila ng tawad mula kay Allāh para sa mga pagkakasala nila matapos ng pagpapahayag ng katapatan nila sa iyo. Tunay na si Allāh ay Mapagpatawad sa sinumang nagbalik-loob kabilang sa mga lingkod Niya, Maawain sa kanila.
O mga sumampalataya kay Allāh at gumawa ayon sa isinabatas Niya para sa kanila, huwag kayong tumangkilik sa mga tao na nagalit si Allāh sa kanila, na hindi nakatitiyak sa Kabilang-buhay; bagkus sila ay mga nawawalan ng pag-asa sa Kabilang-buhay tulad ng kawalan ng pag-asa nila sa panunumbalik ng mga patay nila sa kanila dahil sa kawalang-pananampalataya nila sa pagbubuhay na muli.