ﮖ
ترجمة معاني سورة يونس
باللغة الفلبينية من كتاب الترجمة الفلبينية (تجالوج) للمختصر في تفسير القرآن الكريم
.
من تأليف:
مركز تفسير للدراسات القرآنية
.
ﰡ
Alif. Lām. Rā’. Nauna ang pagtalakay sa mga katapat ng mga ito sa simula ng Kabanatang Baqarah. Ang mga talatang binibigkas na ito sa kabanatang ito ay mga talata ng Qur'ān na nilubus-lubos, na hinusayan, na naglalaman ng karunungan at mga patakaran.
Motibo ba para sa mga tao sa pagtataka na nagbaba si Allāh ng pagsisiwalat sa isang lalaking kabilang sa lahi nila habang nag-uutos na magbabala sa kanila laban sa pagdurusa mula sa Kanya? Magpabatid ka, O Sugo, sa mga sumampalataya kay Allāh ng magpapatuwa sa kanila, na ukol sa kanila ay tahanang mataas bilang ganti sa ipinagpauna nilang gawang maayos sa ganang Panginoon nila - napakamaluwalhati Niya. Nagsabi naman ang mga tagatangging sumampalataya: "Tunay na itong lalaking naghatid ng mga talatang ito ay talagang isang manggagaway na hayag ang panggagaway."
Tunay na ang Panginoon ninyo, O mga nagtataka, ay si Allāh na lumikha sa mga langit sa kabila ng kalakihan ng mga ito, at lupa, sa kabila ng pagkalawak nito, sa anim na araw. Pagkatapos ay tumaas Siya at umangat Siya sa Trono. Kaya papaano kayong nagtataka sa pagsusugo Niya ng isang lalaking kabilang sa lahi ninyo? Siya - tanging Siya - ang nagtatadhana at nagtatakda sa kaharian Niyang malawak. Hindi ukol sa isa na mamagitan sa Kanya sa anuman malibang matapos ng kapahintulutan Niya at kaluguran Niya sa namamagitan. Ang nailalarawang iyon sa mga katangiang ito ay si Allāh, na Panginoon ninyo, kaya mag-ukol kayo ng kawagasan sa Kanya sa pagsamba - tanging sa Kanya. Kaya hindi ba kayo napangangaralan sa pamamagitan ng mga patotoo at mga katwirang ito sa kaisahan Niya? Ang sinumang mayroong pinakamababang pagkapangaral ay nakaaalam niyon at sumasampalataya sa Kanya.
Tungo sa Kanya - tanging sa Kanya - ang pagbabalikan ninyo sa Araw ng Pagbangon upang gantihan Niya kayo sa mga gawa ninyo. Nangako si Allāh sa mga tao niyon ayon sa isang pangakong tapat na hindi Siya sisira roon. Tunay na Siya ay nakakakaya niyon. Nagpapasimula Siya sa pagpapairal sa nilikha ayon sa walang naunang kahalintulad. Pagkatapos ay uulitin ni Allāh ito matapos ng kamatayan upang gumanti sa mga sumampalataya sa Kanya at gumawa ng mga gawang maayos ayon sa katarungan. Kaya hindi Siya magbabawas mula sa mga magandang gawa nila at hindi Siya magdaragdag sa mga masagwang gawa nila. Ang mga tumangging sumampalataya kay Allāh at sa mga sugo Niya ay magkakaroon ng isang inumin mula sa tubig na pinalabis-labis ang init na magpuputol sa mga bituka nila, at magkakaroon ng isang pagdurusang nakasasakit dahilan sa kawalang-pananampalataya nila sa Kanya at sa mga sugo Niya.
Siya ang gumawa sa araw na sumisinag ng tanglaw at nagpapalaganap nito at gumawa sa buwan bilang liwanag na ipinanliliwanag. Nagtakda Siya sa pag-inog ng buwan sa pamamagitan ng bilang ng mga yugto nito na dalawampu't walo. Ang yugto ay ang distansiyang tinatahak nito sa bawat araw at gabi upang malaman ninyo, O mga tao, sa pamamagitan ng araw ang bilang ng mga araw at sa pamamagitan ng buwan ang bilang ng mga buwan at taon. Hindi nilikha ni Allāh ang mga langit at ang lupa at ang anumang nasa pagitan ng mga ito kundi ayon sa katotohanan upang lumitaw ang kapangyarihan Niya at ang kadakilaan Niya sa mga tao. Nililinaw ni Allāh itong mga patunay na nagpapaliwanag at mga patotoong hayag sa kaisahan Niya para sa mga taong umaalam sa pagpapatunay roon sa pamamagitan ng mga ito.
Tunay na sa pagkakasunuran ng gabi at maghapon sa mga tao, anumang isinasama niyon na dilim at tanglaw at ikli ng isa sa dalawa at haba nito, at mga nilikhang nasa mga langit at lupa ay talagang may mga palatandaang nagpapatunay sa kapangyarihan ni Allāh para sa mga taong nangingilag magkasala sa Kanya sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ipinag-uutos Niya at pag-iwas sa mga sinasaway Niya.
Tunay na ang mga tagatangging sumampalataya ay hindi umaasa sa pakikipagtagpo kay Allāh para mangamba sa Kanya o mag-asam nito. Kinalugdan nila ang buhay na pangmundong maglalaho sa halip ng buhay na pangkabilang-buhay na mananatili. Natiwasay ang mga sarili nila rito bilang pagkatuwa rito. Ang mga pabaya sa mga tanda ni Allāh at mga patunay Niya ay mga nalilingat.
Ang mga nailalarawang iyon sa mga katangiang ito, ang tuluyan nilang kakanlungan nila ay ang Apoy dahilan sa kinamit nilang kawalang-pananampalataya at pagpapasinungaling sa Araw ng Pagbangon.
Tunay na ang mga sumampalataya kay Allāh at gumawa ng mga gawang maayos ay tinutustusan sila ni Allāh ng kapatnubayan tungo sa gawang maayos na nagpapaabot sa kaluguran Niya dahilan sa pananampalataya nila. Pagkatapos ay papasukin sila ni Allāh sa Araw ng Pagbangon sa mga hardin ng ginhawang mamamalagi, na dumadaloy mula sa ilalim nila ang mga ilog.
Ang dalangin nila sa Paraiso ay ang pagluluwalhati kay Allāh at ang pagbabanal sa Kanya. Ang pagbati ni Allāh sa kanila, ang pagbati ng mga anghel, at ang pagbati ng isa't isa sa kanila ay kapayapaan. Ang pangwakas sa dalangin nila ay ang pagpapapuri kay Allāh, ang Panginoon ng mga nilikha sa kabuuan ng mga ito.
Kung sakaling mamadaliin ni Allāh - napakamaluwalhati Niya - ang pagtugon sa panalangin ng mga tao ng kasamaan laban sa mga sarili nila, mga anak nila, at mga yaman nila sa sandali ng galit, tulad ng pagtugon Niya sa kanila sa panalangin nila ng kabutihan, talaga sanang napahamak sila. Subalit si Allāh ay nagpapalugit sa kanila kaya hinahayaan Niya ang mga hindi naghihintay sa pakikipatagpo sa Kanya dahil sila ay hindi nangangamba sa isang parusa at hindi naghahangad ng isang gantimpala. Iniiwan Niya sila habang mga nag-aatubili, mga nalilito, mga nag-aalinlangan sa Araw ng Pagtutuos.
Kapag dumapo sa taong tagapagmalabis sa sarili niya ang isang karamdaman o ang isang kasagwaan ng kalagayan ay dumadalangin siya sa Amin habang nagpapakaabang nagsusumamo habang nakahiga sa tagiliran niya o nakaupo o nakatayo, sa pag-asang papawiin ang taglay niyang kapinsalaan. Ngunit noong tinugon Namin ang panalangin niya at inalis Namin ang taglay niyang kapinsalaan ay nagpatuloy siya sa kung ano ang dating nasa kanya na para bang hindi siya dumalangin sa Amin ng pagpawi sa kapinsalaang dumapo sa kanya. Kung paanong pinaganda para sa umaayaw na ito ang pagpapatuloy sa pagkaligaw niya, pinaganda sa mga lumalampas sa mga hangganan dahil sa kawalang-pananampalataya nila ang ginagawa nila noong kawalang-pananampalataya at mga pagsuway kaya hindi nila naiiwanan.
Talaga ngang nagpahamak si Allāh ng mga kalipunan bago pa kayo, O mga tagapagtambal, dahil sa pagpapasinungaling nila sa mga sugo ni Allāh at paggawa nila ng mga pagsuway samantalang dumating na sa kanila ang mga sugo sa kanila na isinugo Niya sa kanila dala ang mga patotoong maliwanag na nagpapatunay sa katapatan nila sa inihatid nila mula sa ganang Panginoon nila. Ngunit hindi naging matuwid sa kanilang sumampalataya dahil sa kawalan ng paghahanda nila sa pananampalataya kaya itinatwa sila ni Allāh at hindi Niya sila itinuon doon. Kung paanong ginantihan ang mga kalipunang tagalabag sa katarungang iyon, gagantihan ang mga tulad nila sa bawat panahon at pook.
Pagkatapos ay gumawa Kami sa inyo, O mga tao, bilang kahalili sa mga kalipunang nagpasinungaling na ipinahamak Namin upang tumingin Kami kung papaano kayong gagawa: Gagawa ba kayo ng kabutihan para gantimpalaan kayo dahil dito o gagawa ba kayo ng kasamaan para parusahan kayo dahil dito?
Kapag binibigkas sa kanila ang mga talatang maliwanag na nagpapatunay sa paniniwala sa kaisahan ni Allāh ay nagsasabi ang mga nagkakaila tungkol sa pagkabuhay na muli na hindi naghahangad ng gantimpala at hindi nangangamba sa parusa: "Maglahad ka ng isang Qur’ān na iba sa Qur'ān na ito, na naglalaman ng panlalait sa pagsamba sa mga anito o ng iba rito sa pamamagitan ng pagpapawalang-bisa sa isang bahagi nito o kalahatan nito, na umaayon sa mga pithaya namin." Sabihin mo sa kanila, O Sugo: "Hindi natutumpak na baguhin ko ito at hindi ko makakaya - higit lalo pa - ang paghahatid ng iba pa rito, bagkus si Allāh - tanging Siya - ay ang magpapalit nito ng loloobin Niya sapagkat ako ay hindi sumusunod maliban sa isinisiwalat ni Allāh sa akin. Tunay na ako ay nangangamba, kung sinuway ko si Allāh sa pagtugon ko sa inyo sa hiniling ninyo, sa pagdurusa sa isang araw na sukdulan, ang Araw ng Pagbangon."
Sabihin mo, O Sugo: "Kung sakaling niloob ni Allāh na hindi ko bigkasin ang Qur'ān sa inyo ay hindi ko sana nabigkas ito sa inyo at hindi ko sana naipaabot sa inyo ito. Kung sakaling niloob Niya ay hindi Niya sana ipinaalam ang Qur'ān ayon sa dila ko sapagkat namalagi nga ako sa gitna ninyo nang isang mahabang panahon - apatnapung taon - na hindi nagbabasa ni nagsusulat ni humihiling ng kalagayang ito ni naghahanap nito. Kaya hindi ba kayo nakatatalos sa pamamagitan ng mga isip ninyo na ang inihatid ko sa inyo ay mula sa ganang kay Allāh at walang kaugnayan sa akin hinggil doon?"
Kaya walang isang higit na lumalabag sa katarungan kaysa sa sinumang umiimbento laban kay Allāh ng isang kasinungalingan kaya papaanong ukol sa akin na palitan ko ang Qur'ān bilang isang paggawa-gawa laban sa Kanya? Ang katotohanan ay na ang mga lumalampas sa mga hangganan ni Allāh sa pamamagitan ng paggawa-gawa laban sa kanya ay hindi nagtatamo ng hinihiling nila.
Sumasamba ang mga tagapagtambal bukod pa kay Allāh ng mga inaakalang diyos na hindi nagpapakinabang at hindi nakapipinsala samantalang ang sinasambang ayon sa karapatan ay nagpapakinabang at nakapipinsala kapag niloob Niya. Nagsasabi sila tungkol sa mga sinasamba nila: "Ang mga ito ay mga tagapagpagitnang namamagitan para sa amin sa kay Allāh para hindi Niya kami pagdusahin sa mga pagkakasala namin." Sabihin mo sa kanila, O Sugo: "Nagpapabatid ba kayo kay Allāh, ang Maalam, na mayroon Siyang katambal at Siya ay hindi nakaaalam na mayroon Siyang katambal sa mga langit ni sa lupa? Pagkabanal-banal Niya at napakawalang-kaugnayan Niya sa sinasabi ng mga tagapagtambal na kabulaanan at kasinungalingan."
Walang iba ang mga tao noon kundi nag-iisang kalipunang mananampalatayang naniniwala sa kaisahan ni Allāh. Pagkaraan ay nagkaiba-iba sila sapagkat mayroon sa kanilang nanatiling mananampalataya at mayroon sa kanilang tumangging sumampalataya. Kung hindi dahil sa nagdaang pagtatadhana ni Allāh na Siya ay hindi hahatol sa pagitan nila kaugnay sa ipinagkaiba-iba nila sa Mundo at hahatol lamang Siya sa pagitan nila hinggil dito sa Araw ng Pagbangon, kung hindi dahil doon ay talaga sanang humatol Siya sa pagitan nila sa Mundo kaugnay sa hindi nila pinagkakasunduan para luminaw ang napapatnubayan sa naliligaw.
Nagsasabi ang mga tagapagtambal: "Bakit hindi nagbaba kay Muḥammad ng isang tanda mula sa Panginoon niya, na nagpapatunay sa katapatan Niya?" Kaya sabihin mo sa kanila, O Sugo: "Ang pagbaba ng mga tanda ay lingid na natatangi si Allāh sa kaalaman nito kaya maghintay kayo ng mga pisikal na tanda; tunay na ako ay kasama ninyo kabilang sa mga tagapaghintay sa mga ito."
Nang nagpalasap Kami sa mga tagapagtambal ng isang biyaya ng ulan at katabaan ng lupa matapos ng tagtuyot at kahikahusang dumapo sa kanila, biglang mayroon silang panunuya at pagpapasinungaling sa mga tanda Namin. Sabihin mo, O Sugo, sa mga tagapagtambal na ito: "Si Allāh ay higit na matulin sa panlalansi at higit na mabilis sa pagpapain sa inyo at sa pagpaparusa." Tunay na ang mga tagapag-ingat kabilang sa mga anghel ay nagsusulat ng anumang ipinapanukala ninyong panlalansi. Walang makalulusot sa kanila mula sa mga ito na anuman kaya papaanong makalulusot sila sa Tagapaglikha nila? Gagantihan kayo ni Allāh sa panlalansi ninyo.
Si Allāh ay ang nagpalakbay sa inyo, O mga tao, sa katihan gamit ang mga paa ninyo at gamit ang mga sasakyang hayop ninyo at Siya ang nagpalakbay sa inyo sa karagatan sa mga sasakyang-dagat. Nang kayo ay nasa mga sasakyang-dagat sa karagatan at umusad ang mga ito lulan sila sa isang kaaya-ayang hangin, natuwa ang mga pasahero sa kaaya-ayang hangin. Habang sila ay nasa pagkatuwa nila, dumating sa kanila ang isang hanging malakas ang pag-ihip at dumating sa kanila ang mga alon ng karagatan mula sa bawat dako. Nanaig sa pag-aakala nila na sila ay mapapahamak. Dumalangin sila kay Allāh - tanging sa Kanya - at hindi sila nagtambal sa Kanya ng iba pa sa Kanya habang mga nagsasabi: "Talagang kung sasagipin Mo kami mula sa nakapapahamak na pagsubok na ito ay talagang kami nga ay magiging kabilang sa mga nagpapasalamat sa Iyo sa ibiniyaya Mo sa amin."
Ngunit noong tumugon Siya sa panalangin nila at sumagip Siya sa kanila mula sa pagsubok na iyon biglang sila ay nanggugulo sa lupa sa pamamagitan ng paggawa ng kawalang-pananampalataya, mga pagsuway, at mga kasalanan. Magkamalay kayo, O mga tao. Ang masamang kahihinatnan ng pananampalasan ninyo ay laban sa sarili ninyo lamang sapagkat si Allāh ay hindi napipinsala ng pananampalasan ninyo. Tatamasain ninyo ito sa buhay na pangmundo gayong ito ay maglalaho. Pagkatapos ay tungo sa Amin ang pagbabalikan ninyo para magpabatid Kami sa inyo hinggil sa ginagawa ninyo noon na mga pagsuway at gumanti Kami sa inyo roon.
Ang paghahalintulad sa buhay na pangmundo na nagtatamasa kayo rito kaugnay sa bilis ng pagwawakas nito ay katulad lamang ng ulan na humalo rito ang mga halaman ng lupa, na mula sa mga ito kumakain ang mga tao ng gaya ng mga butil at mga bunga at mula sa mga ito kumakain ang mga hayupan ng gaya ng mga damo at iba pa rito. Hanggang sa nang kunin ng lupa ang palamuti nitong namumukadkad, gumanda ito dahil sa pinatutubo nito na mga uri ng mga halaman, at inakala ng mga naninirahan dito na sila ay mga nakakakaya sa pag-ani ng anumang pinatubo nito at pagpitas dito ay dumating naman dito ang pasya Namin sa paglipol dito kaya ginawa Namin itong isang inaning para bang hindi nangyaring ito ay puspos ng mga punong-kahoy at mga tanim sa panahong kamakailan. Kung papaano Naming nilinaw sa inyo ang kalagayan ng Mundo at ang bilis ng pagwawakas nito, nililinaw Namin ang mga patunay at ang mga patotoo para sa sinumang nag-iisip-isip at nagsasaalang-alang.
Si Allāh ay nag-aanyaya sa lahat ng mga tao tungo sa Paraiso Niya, na siyang Tahanan ng Kapayapaan. Maliligtas doon ang mga tao sa mga kasawian at mga alalahanin, at maliligtas sila mula sa kamatayan. Si Allāh nagtutuon sa sinumang niloob Niya kabilang sa mga lingkod Niya tungo sa Relihiyon ng Islām na nagpaparating sa Tahanang ito ng Kapayapaan.
Ukol sa mga nagpakahusay sa pagsasagawa sa isinatungkulin ni Allāh sa kanila na mga pagtalima at pag-iwan sa ipinagbawal Niya sa kanila na mga pagsuway ay ang gantimpalang pinakamahusay, ang paraiso. May ukol din sa kanilang isang karagdagan pa roon: ang pagtingin sa marangal na mukha ni Allāh. Hindi magtatakip sa mga mukha nila ng alikabok at hindi magtatakip sa mga ito ng isang pagkahamak at isang kahihiyan. Ang mga nailalarawang iyon sa pagpapakahusay ay ang mga maninirahan sa Paraiso. Sila ay sa loob nito mga mamamalagi.
Ang mga gumawa ng mga masagwang gawa gaya ng kawalang-pananampalataya at mga pagsuway ay ukol sa kanila ang ganti ng masagwang gawang ginawa nila katumbas sa tulad nito na kaparusahan ni Allāh sa Kabilang-buhay. Tatakpan ang mga mukha nila ng isang kaabahan at isang pagkahamak. Hindi sila magkakaroon ng isang tagapagtanggol na magtatanggol sa kanila laban sa pagdurusang dulot ni Allāh kapag ibinaba Niya sa kanila. Para bang binalot ang mga mukha nila ng kaitiman mula sa gabing madilim dahil sa dami ng pagtatakip nito ng usok ng Apoy at ng kaitiman nito. Ang mga nailalarawang iyon sa mga katangiang iyon ay ang mga maninirahan sa Apoy. Sila ay sa loob nito mga mamamalagi magpakailanman.
Banggitin mo, O Sugo, sa Araw ng Pagbangon kapag titipunin ni Allāh ang lahat ng mga nilikha, pagkatapos ay magsasabi Siya sa mga nagtambal sa Kanya sa Mundo: "Manitili kayo, O mga tagapagtambal, sa lugar ninyo, kayo at ang mga sinasamba ninyo, na sinasamba ninyo bukod pa kay Allāh," at magbubukud-bukod Siya sa pagitan ng mga sinasamba at mga sumasamba. Magpapawalang-kaugnayan ang mga sinasamba sa mga sumasamba habang mga nagsasabi: "Hindi kayo noon sumasamba sa amin sa Mundo."
Dito ay magpapawalang-kaugnayan sa kanila ang mga diyos nila na sinamba nila bukod pa kay Allāh habang mga nagsasabi: "Kaya si Allāh ay sasaksi - at nakasapat Siya rito - na kami ay hindi nalugod sa pagsamba ninyo sa amin at hindi nag-utos sa inyo niyon at na kami ay hindi nakadama sa pagsamba ninyo."
Sa kalagayang mabigat na iyon ay susubukin ng bawat tao ang nagdaan kabilang sa gawain sa buhay niyang pangmundo. Pababalikin ang mga tagapagtambal sa Panginoon nilang totoo na si Allāh na magsasagawa sa pagtutuos sa kanila. Maglalaho sa kanila ang anumang ginawa-gawa nila noon na pamamagitan ng mga anito nila.
Sabihin mo, O Sugo, sa mga tagapagtambal na ito kay Allāh: "Sino ang nagtutustos sa inyo mula sa dako ng langit sa pamamagitan ng pagpapababa ng ulan sa inyo? Sino ang nagtutustos sa inyo mula sa lupa sa pamamagitan ng tumutubo rito na mga halaman at sa pamamagitan ng nilalaman nito na mga mina? Sino ang nagpapalabas ng buhay mula sa patay gaya ng tao mula sa patak ng likido at ng ibon mula sa itlog. Sino ang nagpapalabas ng patay mula sa buhay gaya ng patak na likido mula sa hayop at ng itlog mula sa ibon? Sino ang nangangasiwa sa kapakanan ng mga langit at lupa at anumang nasa loob ng mga ito na mga nilikha?" Magsasabi sila na ang tagagawa niyon sa kalahatan niyon ay si Allāh, kaya sabihin mo sa kanila: "Kaya hindi ba ninyo nalalaman iyon at hindi kayo mangingilag magkasala kay Allāh sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ipinag-uutos Niya at pag-iwas sa mga sinasaway Niya?"
Kaya gayon, O mga tao, ang gumagawa niyon sa kalahatan niyon. Siya ay si Allāh, ang Totoo, ang Tagapaglikha ninyo, ang Tagapangasiwa ng kapakanan ninyo. Kaya ano pa matapos malaman ang katotohanan kundi ang pagkalayo rito at ang pagkawala? Kaya saan pupunta ang mga isip ninyo palayo sa katotohanang hayag na ito?"
Kung paanong napagtibay ang pagkapanginoong totoo kay Allāh, kinailangan, O Sugo, ang salitang pang-itinakda ng Panginoon mo laban sa mga lumabas sa totoo dala ng pagmamatigas na sila ay hindi sumasampalataya.
Sabihin mo, O Sugo, sa mga tagapagtambal na ito: "Kabilang ba sa gitna ng mga itinatambal ninyo na sinasamba ninyo bukod pa kay Allāh ang nagpapasimula ng nilikha nang walang pagkakatulad na nauna, pagkatapos ay magbubuhay siya nito matapos ng kamatayan nito?" Sabihin mo sa kanila: "Si Allāh ay nagpapasimula ng nilikha nang walang pagkakatulad na nauna, pagkatapos ay magbubuhay Siya nito matapos ng kamatayan nito. Kaya papaano kayong nalilihis, O mga tagapagtambal, palayo sa katotohanan patungo sa kabulaanan?"
Sabihin mo, O Sugo, sa mga tagapagtambal na ito: "Kabilang ba sa gitna ng mga itinatambal ninyo na sinasamba ninyo bukod pa kay Allāh ang gumagabay tungo sa katotohanan?" Sabihin mo sa kanila: "Si Allāh - tanging Siya - ay gumagabay tungo sa katotohanan." Kaya ang gumagabay ba sa mga tao tungo sa katotohanan at nag-aanyaya sa kanila tungo rito ay higit na marapat na sundin o ang mga sinasamba ninyong hindi napapatnubayan sa sarili ng mga ito malibang pinapatnubayan ang mga ito ng iba pa sa mga ito? Kaya ano ang mayroon kayo: papaano kayong humahatol ayon sa kabulaanan nang inaakala ninyong sila ay mga itinatambal kay Allāh? Pagkataas-taas ni Allāh kaysa sa sabi ninyo ayon sa kataasang malaki."
Walang sinusunod ang karamihan sa mga tagapagtambal kundi ang bagay na walang kaalaman ukol sa kanila hinggil doon, kundi isang akala at isang pagdududa. Tunay na ang duda ay hindi nakatatayo sa kinatatayuan ng katotohanan at hindi nakasasapat dito. Tunay na si Allāh ay Maalam sa anumang ginagawa nila: walang naikukubli sa Kanya na anuman mula sa mga gawa nila. Gaganti Siya sa kanila sa mga ito.
Hindi natutumpak ukol sa Qur’ān na ito na makakatha-katha ito at maiuugnay ito sa iba pa kay Allāh dahil sa kawalang-kakayahan ng mga tao sa paggawa ng tulad nito, bagkus ito ay isang nagpapatotoo sa bumabang mga kasulatan bago nito, na naglilinaw sa binuod sa mga iyon na mga patakaran. Kaya naman ito ay walang duda na ibinaba mula sa Panginoon ng mga nilikha - napakamaluwalhati Niya at pagkataas-taas Niya.
O nagsasabi ba ang mga tagapagtambal na ito na tunay na si Muḥammad - pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan - ay gumawa-gawa sa Qur'ān na ito mula sa sarili niya at iniugnay niya ito kay Allāh? Sabihin mo, O Sugo, bilang pagtugon sa kanila: "Kung nagdala ako nito mula sa ganang akin samantalang ako ay isang taong tulad ninyo, magdala kayo ng isang kabanatang kabilang sa tulad nito at tumawag kayo ng sinumang kaya ninyong tawagan para sa pag-alalay sa inyo, kung kayo ay mga tapat sa inaangkin ninyong ang Qur'ān daw ay kinatha-kathang kasinungalingan. Hindi ninyo kakayanin iyon. Ang kawalan ng kakayahan ninyo - kayong mga mahusay ang dila, mga panginoon ng katatasan - ay nagpapatunay na ang Qur'ān ay ibinaba mula sa ganang kay Allāh."
Kaya hindi sila tumugon, bagkus nagdali-dali sila sa pagpapasinungaling sa Qur'ān bago sila nagpakaunawa nito at nagbulay-bulay nito at bago nila natamo ang ibinabala sa kanila na pagdurusa, na nalapit na ang pagsasagawa niyon. Ang tulad sa pagpapasinungaling na ito ay ang pasinungaling ng mga kalipunang nauna. Kaya bumaba sa mga iyon ang bumabang pagdurusa. Kaya pagnilay-nilayan mo, O Sugo, kung naging papaano ang wakas ng mga kalipunang nagpasinungaling sapagkat nilipol sila ni Allāh.
Kabilang sa mga tagapagtambal ang sasampalataya rito at kabilang sa kanila ang hindi sumasampalataya rito dala ng pagmamatigas at pagmamalaki hanggang sa mamatay. Ang Panginoon mo, O Sugo, ay higit na nakaaalam sa mga nagpupumilit sa kawalang-pananampalataya nila. Gaganti Siya sa kanila dahil sa kawalang-pananampalataya nila.
Kaya kung nagpasinungaling sa iyo, O Sugo, ang mga kababayan mo ay sabihin mo sa kanila: "Ukol sa akin ang gantimpala ng gawain ko at ako ay magpapasan ng pananagutan ng gawain ko. Ukol sa inyo ang gantimpala ng gawain ninyo at sa inyo ang parusa rito. Kayo ay mga walang-kaugnayan sa parusa sa anumang ginagawa ko at ako ay walang-kaugnayan sa parusa sa anumang ginagawa ninyo."
Kabilang sa mga tagapagtambal ang nakikinig sa iyo, O Sugo, kapag bumigkas ka ng Qur'ān, ayon sa pakikinig na walang nakaugnay na pagtanggap at pagpapasakop. Ngunit ikaw ba ay nakakakayang magpakinig sa sinumang inalisan ng pandinig? Gayon din naman, hindi mo makakakaya ang pagpapatnubay sa mga nabinging ito sa pakikinig sa katotohanan kaya naman hindi sila nakauunawa.
Kabilang sa mga tagapagtambal ang tumitingin sa iyo, O Sugo, sa pamamagitan ng paningin niyang pisikal hindi ng pang-unawa niya. Ngunit ikaw ba ay nakakakayang magbigay ng paningin sa mga inalisan ng mga paningin nila? Tunay na ikaw ay hindi nakakakaya niyon. Gayun din, hindi mo makakaya ang pagpatnubay sa nawawala ang pang-unawa.
Tunay na si Allāh ay nagpawalang-kaugnayan sa paglabag sa katarungan sa mga lingkod Niya sapagkat Siya ay hindi lumalabag sa katarungan sa kanila ng kasimbigat man ng isang maliit na langgam subalit sila ang lumalabag sa katarungan sa mga sarili nila dahil sa paghahatid sa mga ito sa mga hatiran ng kapahamakan dahilan sa pagpapakapanatiko sa kabulaanan, pagmamalaki, at pagmamatigas.
Sa araw na titipunin ni Allāh ang mga tao para sa pagtutuos sa kanila para bang hindi sila namalagi sa buhay nilang pangmundo at sa barzakh nila malibang isang bahagi ng maghapon, hindi higit pa. Nakikilala nila ang isa't isa sa kanila roon. Pagkatapos ay mapuputol ang pagkakilala nila dahil sa tindi ng nasaksihan nilang mga hilakbot sa Araw ng Pagbangon. Nalugi nga ang mga nagpapasinungaling sa pakikipagtagpo sa Panginoon nila sa Araw ng Pagkabuhay. Hindi sila noon mga mananampalataya sa Mundo sa Araw ng Pagbubuhay upang maligtas sa kalugihan.
Kung magpapakita nga man Kami sa iyo, O Sugo, ng ilan sa ipinangako Namin sa kanila na pagdurusa bago ng kamatayan mo, o magpapayao nga man Kami sa iyo bago niyon, sa dalawang kalagayan ay tungo sa Amin ang pagbabalikan nila sa Araw ng Pagbangon. Pagkatapos si Allāh ay nakababatid sa anumang ginagawa nila noon: walang naikukubli sa Kanya mula roon na anuman. Gaganti Siya sa kanila sa mga gawa nila.
Bawat kalipunan kabilang sa mga kalipunang nauna ay may sugong isinugo sa kanila. Kapag umabot sa kanila ang pagpapaabot nito at pinasinungalingan nila ito, ay maghahatol sa pagitan nila at nito ayon sa katarungan. Ililigtas ito ni Allāh dahil sa kabutihang-loob Niya at ipahahamak Niya sila ayon sa katarungan Niya habang sila ay hindi nilalabag sa katarungan sa anuman sa ganti sa mga gawa nila.
Nagsasabi itong mga tagatangging sumampalataya habang mga nagmamatigas at mga naghahamon: "Kailan ang panahon ng ipinangako ninyo sa amin na pagdurusa kung kayo ay mga tapat sa anumang inaangkin ninyo."
Sabihin mo sa kanila, O Sugo: "Hindi ako nakapagdudulot para sa sarili ko ng isang pinsalang ipamiminsala ko rito o ipantatanggol ko rito ni isang pakinabang na ipakikinabang ko rito. Kaya papaano na sa pamamagitan ng pagpapakinabang ng iba sa akin o ng pamiminsala nito, maliban sa niloob ni Allāh mula roon? Kaya papaanong ukol sa akin na malaman ko ang Lingid Niya? Bawat kalipunan kabilang sa mga kalipunang nagbanta si Allāh ng isang kapahamakan ay may panahong itinakda sa kapahamakan nito, na walang nakaaalam kundi si Allāh. Kaya kapag dumating ang panahon ng kapahamakan nito ay hindi maihuhuli rito ang anumang oras at hindi maiuuna."
Sabihin mo, O Sugo, sa mga nagmamadaling ito sa pagdurusa: "Magpabatid kayo sa akin, kung dumating sa inyo ang parusa ni Allāh sa alinmang oras ng gabi o maghapon, ano ang minamadali ninyo sa pagdurusang ito?
Matapos na maganap sa inyo ang pagdurusang ipinangako sa inyo ay maniniwala ba kayo sa sandaling hindi na magpapakinabang ang pananampalataya sa isang kaluluwang hindi dating sumampalataya noong una pa? Naniniwala kayo ngayon, samantalang kayo nga noon ay nagmamadali sa pagdurusa noong una bilang paraan ng pagpapasinungaling dito."?
Pagkatapos matapos ng pagpapapasok sa kanila sa pagdurusa at paghiling nila ng paglabas mula rito ay sasabihin sa kanila: "Lasapin ninyo ang pagdurusang mamalagi sa Kabilang-buhay. Gagantimpalaan ba kayo bukod pa sa ginagawa ninyo noon na kawalang-pananampalataya at mga pagsuway?"
Nagpapaulat sa iyo, O Sugo, ang mga tagapagtambal: "Ang pagdurusang ito na ipinangako sa amin ay totoo ba?" Sabihin mo: "Oo; tunay na ito - sumpa man kay Allāh - ay talagang totoo, at kayo ay hindi mga makatatakas mula rito."
Kung sakaling taglay ng bawat tagapagtambal kay Allāh ang lahat ng anumang nasa lupa na mga yamang mamahalin ay talagang gagawin niya ito bilang panumbas sa pagkakalas niya sa pagdurusang mula kay Allāh. Ito ay kung sakaling bibigyan siya ng pagkakataong ipantubos ito. Ikukubli ng mga tagapagtambal ang pagsisisi sa kawalang-pananampalataya nila kapag nasaksihan nila ang pagdurusa sa Araw ng Pagbangon. Maghuhusga si Allāh sa pagitan nila ayon sa katarungan habang sila ay hindi lalabagin sa katarungan. Gagantihan lamang sila ayon sa mga gawa nila.
Pansinin, tunay na sa kay Allāh ang anumang nasa mga langit at lupa. Pansinin, tunay na ang pangako ni Allāh ng pagpaparusa sa mga tagatangging sumampalataya ay magaganap, walang pagtatalo rito, subalit ang higit na marami sa kanila ay hindi nakaaalam niyon kaya nagdududa sila.
Siya - napakamaluwalhati Niya - ay bumubuhay sa mga patay at nagbibigay-kamatayan sa mga buhay, at sa Kanya - tanging sa Kanya - kayo ibabalik sa Araw ng Pagbangon, at gagantihan Niya kayo sa inyong mga gawain.
O mga tao, dumating nga sa inyo ang Qur'ān na may pagpapaalaala, pagpapaibig, at pagpapangilabot. Ito ay lunas sa nasa loob ng mga puso na sakit ng pagdududa at pag-aalinlangan, at gabay sa daan ng katotohanan. Dito ay may awa para sa mga mananampalataya.
Sabihin mo, O Sugo, sa mga tao: "Ang inihatid ko sa inyo na Qur'ān ay isang kagandahang-loob mula kay Allāh sa inyo at isang awa mula sa Kanya sa inyo. Kaya sa kabutihang-loob ni Allāh sa inyo at awa Niya sa inyo dahil sa pagpababa ng Qur'ān na ito ay magalak kayo hindi sa iba pa sa mga ito sapagkat ang anumang inihatid ni Muḥammad - pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan - mula sa Panginoon niya ay higit na mabuti kaysa sa iniipon nila mula sa mga panandaliang basura ng Mundo."
Sabihin mo, O Sugo, sa mga tagapagtambal na ito: "Magpabatid kayo sa akin tungkol sa ipinagmagandang-loob ni Allāh sa inyo na pagpapababa ng panustos, at may ginawa kayo rito dahil sa mga pithaya ninyo sapagkat nagpahintulot kayo sa ilan dito at nagbawal kayo sa ilan dito." Sabihin mo sa kanila: "Si Allāh ay pumayag ba sa inyo sa pagpapahintulot ng ipinahintulot ninyo at pagbabawal sa ipinagbawal ninyo, o na kayo ay kumakatha-katha laban sa Kanya ng kasinungalingan?"
Aling bagay ang inaakala ng mga kumakatha-katha ng kasinungalingan laban sa Kanya na magaganap sa kanila sa Araw ng Pagbangon? Inaakala ba nilang magpapatawad Siya sa kanila? Malayong mangyari! Tunay na si Allāh ay talagang may pagmamagandang-loob sa mga tao dahil sa pagpalugit sa kanila at hindi pagpataw sa kanila ng kaparusahan, subalit ang higit na marami sa kanila ay mga nagkakaila sa mga biyaya ni Allāh sa kanila kaya hindi sila nagpapasalamat.
Wala ka, O Sugo, sa isang kalagayan kabilang sa mga kalagayan, wala kang binibigkas mula sa isang bahagi ng Qur’ān, at wala kayong ginagawa, O mga mananampalataya, na anumang gawain malibang Kami ay nakakikita sa inyo habang nakaaalam sa inyo at nakaririnig sa inyo kapag nagsisimula kayo sa paggawa habang mga nagmamadali rito. Walang naililingid sa kaalaman ng Panginoon mo na kasimbigat ng isang langgam sa langit o sa lupa, ni higit na maliit kaysa sa timbang niyon ni higit na malaki malibang iyon ay nakatala sa isang talaang maliwanag, na hindi nag-iiwan ng maliit ni malaki malibang binibilang nito.
Pansinin, tunay na ang mga katangkilik ni Allāh ay walang pangamba sa kanila sa kahaharapin nila na mga hilakbot sa Araw ng Pagbangon, ni sila ay malulungkot sa nakaalpas sa kanila na mga bahagi sa Mundo.
Ang mga katangkilik na ito ay ang mga nailalarawang nagtataglay ng pananampalataya kay Allāh at sa Sugo Niya - pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan - at sila ay nangingilag magkasala kay Allāh sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ipinag-uutos Niya at pag-iwas sa mga sinasaway Niya.
Taglay nila ang nakagagalak na balita mula sa Panginoon nila sa Mundo dahil sa nagpapatuwa sa kanila sa pamamagitan ng mabuting panaginip o pagbubunyi ng mga tao sa kanila. Sa kanila ang nakagagalak na balita mula sa mga anghel sa sandali ng pagkuha sa mga kaluluwa nila, matapos ng kamatayan, at sa pagtitipunan [sa Kabilang-buhay]. Walang pagpapaiba sa ipinangako sa kanila ni Allāh. Ang ganting iyon ay ang tagumpay na sukdulan dahil sa pagtamo ng hiniling doon at kaligtasan sa pinangingilabutan.
Huwag kang malungkot, O Sugo, dahil sa sinasabi ng mga ito na paninirang-puri at pang-aalipusta sa relihiyon mo. Ang paggapi at ang pagdaig ay lahat kay Allāh sapagkat walang anumang nakapagpapahina sa Kanya. Siya ay ang Madinigin sa mga sinasabi nila, ang Maalam sa mga gawain nila. Gaganti Siya sa kanila sa mga ito.
Pansinin, tunay na sa kay Allāh - tanging sa Kanya - ang paghahari sa sinumang nasa mga langit at ang paghahari sa sinumang nasa lupa. Aling bagay ang sinusunod ng mga tagapagtambal na sumasamba sa iba pa kay Allāh bilang mga katambal? Wala silang nasusunod na totohanan kundi pagdududa at wala silang [nagagawa] kundi nagsisinungaling sa pag-uugnay nila ng mga katambal kay Allāh. Pagkataas-taas ni Allāh sa sabi nila ayon sa kataasang malaki.
Siya - tanging Siya - ay ang gumawa para sa inyo, O mga tao, ng gabi upang mamahinga kayo rito sa pagkilos at pagod at gumawa ng maghapon bilang isang nagbibigay-tanglaw upang magpunyagi kayo rito sa nagdudulot sa inyo ng pakinabang sa kabuhayan ninyo. Tunay na sa gayon ay talagang may mga patunay na maliwanag para sa mga taong dumidinig na may pagtanggap
Nagsabi ang isang pangkat kabilang sa mga tagapagtambal: "Gumawa si Allāh sa mga anghel bilang mga anak na babae." Pagkabanal-banal ni Allāh para sa sinasabi nila sapagkat Siya - napakamaluwalhati Niya - ay ang Walang-pangangailangan sa lahat ng mga nilikha Niya. Sa Kanya ang paghahari sa anumang nasa mga langit at ang paghahari sa anumang nasa lupa. Wala kayong taglay, O mga tagapagtambal, na patotoo sa sabi ninyong ito. Nagsasabi ba kayo laban kay Allāh ng isang salitang mabigat - yayamang nag-uugnay kayo sa Kanya ng anak - na hindi ninyo nalalaman ang katotohanan niyon nang walang patotoo?
Sabihin mo sa kanila, O Sugo: "Tunay na ang mga kumakatha-katha laban kay Allāh ng kasinungalingan sa pamamagitan ng pag-uugnay ng anak sa Kanya ay hindi magtatamo ng hinihiling nila at hindi maliligtas mula sa pinangingilabutan nila."
Kaya huwag silang palilinlang sa tinatamasa nilang mga sarap sa Mundo at ginhawa nito sapagkat ito ay kaunting pagtatamasang maglalaho. Pagkatapos ay tungo kay Allāh ang pagbabalikan nila sa Araw ng Pagbangon. Pagkatapos ay ipalalasap ni Allāh sa kanila ang pagdurusang malakas dahilan sa kawalang-pananampalataya nila sa Kanya at pagpapasinungaling nila sa Sugo Niya.
Magsalaysay ka, O Sugo, sa mga tagapagtambal na nagpapasinungaling na ito hinggil sa ulat kay Noe - sumakanya ang pangangalaga - nang nagsabi siya sa mga tao niya: "O mga tao ko, kung bumigat sa inyo ang pananatili ko sa gitna ninyo, humirap sa inyo ang pagpapaalaala ko sa mga tanda ni Allāh at ang pangangaral ko, at nagpasya kayo sa pagpatay sa akin ay kay Allāh naman ako sumasandig sa pagbigo sa anumang ipinapakana ninyo laban sa akin. Kaya humatol kayo ng balak ninyo, magpasya kayo sa pagpahamak sa akin, at dumalangin kayo sa mga diyos ninyo upang magpatulong kayo sa mga ito. Pagkatapos ang pakana ninyo ay huwag maging lihim na malabo. Pagkatapos matapos ng pagpapanukala ninyo ng pagpatay sa akin ay ipatupad ninyo sa akin ang kinikimkim ninyo at huwag kayong magpaliban sa akin ng isang saglit.
Ngunit kung umayaw kayo sa paanyaya ko ay nalaman na ninyong ako ay hindi humiling mula sa inyo ng anumang ganti sa pagpapaabot sa inyo ng pasugo ng Panginoon ko. Walang gantimpala sa akin kundi nasa kay Allāh, sumampalataya man kayo sa akin o tumanggi kayong sumampalataya. Nag-utos sa akin si Allāh na ako ay maging kabilang sa mga nagpapaakay sa Kanya sa pagtalima at gawang maayos."
Ngunit nagpasinungaling sa kanya ang mga kababayan niya at hindi naniwala sa kanya kaya iniligtas Namin siya at ang sinumang kasama niya sa daong kabilang sa mga mananampalataya. Ginawa Namin sila bilang kahalili para sa nauna sa kanila at ipinahamak Namin ang mga nagpasinungaling sa inihatid Niya na mga tanda at mga katwiran sa pamamagitan ng gunaw. Kaya pagnilay-nilayan mo, O Sugo, kung naging papaano ang wakas ng lagay ng mga taong binalaan ni Noe - sumakanya ang pangangalaga - ngunit hindi sumampalataya.
Pagkatapos, matapos ng isang yugto ng panahon ay nagpadala Kami matapos ni Noe ng mga sugo sa mga tao nila. Naghatid ang mga sugo sa mga kalipunan nila ng mga tanda at mga patotoo. Ngunit ang mga ito ay walang pagnanais na sumampalataya dahilan sa naunang pagpupumilit ng mga ito sa pagpapasinungaling sa mga sugo kaya nagsara si Allāh sa mga puso ng mga ito. Tulad nitong pagsasara na isinara Niya sa mga puso ng mga tagasunod ng mga sugong nagdaan, magsasara Siya nito sa mga puso ng mga tagatangging sumampalataya, na mga lumalampas sa mga hangganan ni Allāh dahil sa kawalang-pananampalataya sa bawat panahon at pook.
Pagkatapos, matapos ng isang yugto ng panahon ay nagpadala Kami matapos ng mga sugong ito kay Moises at sa kapatid niyang si Aaron kina Paraon, ang hari ng Ehipto, at mga malaking tauhan kabilang sa mga tao nito. Ipinadala Namin and dalawa hatid ang mga tandang nagpapatunay sa katapatan nilang dalawa ngunit pinagmalakihan nila ang pagsampalataya sa inihatid ng dalawa. Sila ay naging mga taong salarin dahil sa kawalang-pananampalataya nila kay Allāh at pagpapasinungaling nila sa mga sugo Niya.
Kaya nang dumating kina Paraon at mga malaking tauhan kabilang sa mga tao nito ang inihatid nina Moises at Aaron - sumakanilang dalawa ang pangangalaga - ay nagsabi sila tungkol sa mga tanda Niyang nagpapatunay sa katapatan ng inihatid ni Moises: "Tunay na ito ay talagang isang panggagaway na maliwanag at walang katotohanan"
Nagsabi si Moises habang nagmamasama sa kanila: "Sinasabi ba ninyo sa katotohanan nang dumating ito sa inyo: Ito ay panggagaway gayong ito ay hindi panggagaway. Tunay na ako ay talagang nakaaalam na ang manggagaway ay hindi magtatagumpay magpakailanman kaya papaanong ukol sa akin ang pagsasagawa nito?"
Sumagot ang mga tao ni Paraon kay Moises - sumakanya ang pangangalaga - na mga nagsasabi: "Dumating ka ba sa amin dala ang panggagaway upang ilihis kami palayo sa relihiyong natagpuan namin sa mga ninuno namin at magkaroon ka at ang kapatid mo ng paghahari gayong kami sa inyong dalawa, O Moises at Aaron, ay mga hindi kumikilala na kayong dalawa ay mga sugong isinugo sa amin?"
Nagsabi si Paraon sa mga tao niya: "Magdala kayo sa akin ng bawat manggagaway na nakababatid sa panggagaway at dalubhasa rito."
Kaya noong dumating si Paraon dala ang mga manggagaway ay nagsabi sa kanila si Moises - sumakanya ang pangangalaga - habang nagtitiwala sa pagwawagi niya sa kanila: "Ibato ninyo, O mga manggagaway, ang anumang kayo ay magbabato."
Kaya noong bumato sila ng taglay nilang panggagaway ay nagsabi sa kanila si Moises - sumakanya ang pangangalaga: "Ang pinalitaw ninyo ay ang panggagaway. Tunay na si Allāh ay gagawa sa niyari ninyo bilang walang-saysay na walang bisa. Tunay na kayo, dahil sa panggagaway ninyo, ay mga tagapanggulo sa lupa. Si Allāh ay hindi nagsasaayos sa gawa ng bawat tagapanggulo."
Pinagtitibay ni Allāh ang katotohanan at nagpapatatag Siya rito sa pamamagitan ng mga salita Niyang pang-itinakda at sa pamamagitan ng mga katwiran at mga patotoong nasa mga salita Niyang pambatas, kahit pa man nasuklam doon ang mga salaring tagatangging sumampalataya kabilang sa mga kampon ni Paraon."
Nagpasya ang mga tao sa pag-ayaw kaya walang naniwala kay Moises - sumakanya ang pangangalaga - sa inihatid niya na mga tandang hayag at mga katwiran maliwanag maliban sa mga kabataang kabilang sa mga kalipi niya, ang mga anak ni Israel, kalakip ng pangamba kina Paraon at mga malaking tauhan kabilang sa mga tao nito na maglihis ang mga ito sa kanila palayo sa pananampalataya nila at magpalasap ang mga ito sa kanila ng pagdurusa kapag nabunyag ang kalagayan nila. Tunay na si Paraon ay talagang nagmamalaki na nagdodomina sa Ehipto at mga mamamayan nito. Tunay na siya ay talagang kabilang sa mga lumalampas sa hangganan sa kawalang-pananampalataya, pagpapapatay, at pagpapahirap sa mga angkan ni Israel.
Nagsabi si Moises - sumakanya ang pangangalaga - sa mga tao niya: "O mga tao ko, kung kayo ay sumampalataya kay Allāh nang pananampalatayang totoo, kay Allāh - tanging sa Kanya - kayo ay sumandig kung kayo ay magiging mga Muslim sapagkat ang pananalig kay Allāh ay nagtataboy buhat sa inyo ng kasagwaan at nagdudulot para sa inyo ng kagandahan."
Kaya sumagot sila kay Moises - sumakanya ang pangangalaga - at nagsabi: "Kay Allāh - tanging sa Kanya - ay nanalig kami. Panginoon namin, huwag Mong pangibabawin sa amin ang mga tagatangging sumampalataya para umusig sila sa amin dahil sa relihiyon namin sa pamamagitan ng pagpapahirap, pagpatay, at panghahalina.
Iligtas Mo kami sa pamamagitan ng awa Mo, Panginoon namin, mula sa mga kamay ng mga tao ni Paraon, na mga tagatangging sumampalataya, sapagkat inalipin nila kami at pininsala nila kami sa pamamagitan ng pagpapahirap at pagpatay."
Nagsiwalat Kami kay Moises at sa kapatid niyang si Aaron - sumakanilang dalawa ang pangangalaga: "Pumili kayong dalawa at gumawa kayong dalawa para sa mga tao ninyong dalawa ng ilang bahay para sa pagsamba kay Allāh - tanging sa Kanya. Gawin ninyo ang mga bahay ninyo na nakaharap sa dako ng qiblah (sa Jerusalem). Magsagawa kayo ng pagdarasal nang lubos. Magpabatid ka, O Moises, sa mga mananampalataya ng nagpapatuwa sa kanila na pag-aadya ni Allāh, pag-ayuda sa kanila, pagpahamak sa kaaway nila, at pagpapahalili sa kanila sa lupa."
Nagsabi si Moises - sumakanya ang pangangalaga: "Panginoon namin, tunay na Ikaw ay nagbigay kina Paraon at mga maharlika niya kabilang sa mga tao niya ng palamuti ng Mundo at mga burloloy nito bilang gayak, at nagbigay sa kanila ng mga yaman sa buhay na ito sa Mundo ngunit hindi sila nagpasalamat sa Iyo sa ibinigay Mo sa kanila, bagkus nagpatulong sila sa mga ito sa pagpapaligaw palayo sa landas Mo. Panginoon namin, burahin Mo ang mga yaman nila at puksain Mo ang mga ito. Gawin Mo ang mga puso nila na matigas kaya hindi sila sasampalataya malibang kapag nasasaksihan nila ang pagdurusang nakasasakit kapag hindi magpapakinabang sa kanila ang pananampalataya nila."
Nagsabi si Allāh: "Sumagot na Ako sa panalangin ninyong dalawa, O Moises at Aaron, laban kay Paraon at mga maharlika ng mga tao nito, kaya magpakatatag kayong dalawa sa relihiyon ninyo at huwag kayong dalawa lumiko palayo rito patungo sa pagsunod sa landas ng mga mangmang na hindi nakaaalam sa daan ng katotohanan."
At pinadali Namin para sa mga anak ni Israel ang pagtawid sa dagat matapos ng pagbiyak nito hanggang sa nakalampas sila roon na mga ligtas ngunit hinabol sila nina Paraon at ng hukbo niya dala ng paglabag sa katarungan at pang-aaway hanggang sa, nang sakluban siya ng dagat, dumanas ng pagkalunod, at nawalan ng pag-asa sa pagkakaligtas, ay nagsabi siya: "Sumampalataya ako na walang sinasamba ayon sa karapatan kundi ang sinampalatayanan ng mga anak ni Israel, at ako ay kabilang na sa mga nagpapaakay kay Allāh sa pagtalima."
Sasampalataya ka ba ngayon matapos ng pagkawala ng pag-asa sa buhay, samantalang sumuway ka na kay Allāh, O Paraon, bago ng pagbaba ng pagdurusa, sa pamamagitan ng kawalang-pananampalataya at pagbalakid sa landas Niya, at ikaw ay kabilang sa mga tagapanggulo dahilan sa pagkaligaw mo sa sarili mo at pagpapaligaw mo sa iba pa sa iyo?
Kaya sa araw na ito, ilalabas ka Namin, O Paraon, mula sa dagat at ilalagay ka Namin sa nakaangat sa lupa upang mapangaralan sa pamamagitan mo ang darating matapos mo. Tunay na marami sa mga tao sa mga katwiran Namin at mga patunay ng kapangyarihan Namin ay talagang mga nalilingat, na hindi nag-iisip-isip kaugnay sa mga ito.
Talaga ngang nagpatuloy si Allāh sa mga anak ni Israel sa isang tuluyang napupuri at isang lugar na kinalulugdan sa pinagpalang bayan ng Shām. Nagtustos Siya sa kanila mula sa ipinahihintulot na kaaya-ayang bagay kaya hindi sila nagkasalungatan sa usapin ng relihiyon hanggang sa dumating sa kanila ang Qur'ān na nagpapatotoo sa nabasa nila sa Torah na katangian ni Muḥammad - pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan. Ngunit noong tinutulan nila iyon ay inagaw ang mga bayan nila. Tunay na ang Panginoon mo, O Sugo, ay maghahatol sa pagitan nila sa Araw ng Pagbangon hinggil sa pinagkakasalungatan nila noon. kaya gagantihan Niya ang nagpapatotoo at ang nagpapabula kabilang sa kanila ng anumang karapat-dapat sa lahat sa kanila.
Kaya kung ikaw, O Sugo, ay nasa isang pag-aalinlangan at pagkalito sa katotohanan ng ibinaba Namin sa iyo mula sa Qur'ān ay tanungin mo ang sumampalataya kabilang sa mga Hudyo na bumabasa ng Torah at sa mga Kristiyano na bumabasa ng Ebanghelyo at ipababatid nila sa iyo na ang ibinaba sa iyo ay totoo dahil sa natatagpuan nilang paglalarawan nito sa mga kasulatan nila. Talaga ngang dumating sa iyo ang totoo na walang mapag-aatubilihan hinggil rito na mula sa Panginoon mo kaya huwag ka ngang maging kabilang sa mga nagdududa.
Huwag ka ngang maging kabilang sa mga nagpasinungaling sa mga katwiran ni Allāh at mga patotoo Niya sapagkat dahil doon ay magiging kabilang ka sa mga naluluging nagpalugi sa mga sarili nila sa pamamagitan ng paghahatid sa mga ito sa mga hatiran ng kapahamakan dahilan sa kawalang-pananampalataya nila. Ang lahat ng pagbibigay-babalang ito ay para sa paglilinaw sa panganib ng pagdududa at pagpapasinungaling. Gayon pa man ang Propeta ay napangalagaan laban sa pamumutawi mula sa kanya ng anuman kabilang dito.
Tunay na ang mga napagtibay sa kanila ang pagtatadhana ni Allāh na sila ay mamamatay sa kawalang-pananampalataya dahil sa pagpupumilit nila rito ay hindi sasampalataya magpakailanman,
kahit pa man dumating sa kanila ang bawat tandang pambatas at pansansinukob, hanggang sa masaksihan nila ang pagdurusang nakasasakit ay saka sila sasampalataya kapag hindi na magpapakinabang sa kanila ang pananampalataya.
Hindi nangyaring may sumampalatayang isang pamayanan kabilang sa mga pamayanang nagpadala Kami roon ng mga sugo Namin ayon sa isang maituturing na pananampalataya bago mapagmasdan ang pagdurusa para magpakinabang dito ang pananampalataya nitong dumating bago mapagmasdan iyon, maliban sa mga tao ni Jonas. Nang sumampalataya sila nang pananampalatayang tapat ay iniangat namin sa kanila ang pagdurusa ng kaabahan at pagkahamak sa buhay sa Mundo at pinagtamasa Namin sila hanggang sa oras ng pagwawakas ng mga taning nila.
Kung sakaling niloob ng Panginoon mo, O Sugo, ang pagsampalataya ng lahat ng nasa lupa ay talaga sanang sumampalataya sila subalit hindi Niya niloob iyon dahil sa isang kasanhian. Siya ay nagpapaligaw sa sinumang niloloob Niya ayon sa katarungan Niya at nagpapatnubay sa sinumang niloloob Niya ayon sa kagandahang-loob Niya. Kaya hindi sa pamamagitan ng kakayahan mo ang pagpipilit sa mga tao na sila ay maging mga mananampalataya sapagkat ang pagtutuon sa kanila sa pananampalataya ay nasa kamay ni Allāh - tanging sa Kanya.
Hindi nararapat para sa isang kaluluwa na manampalataya ito mula sa pagkukusa ng sarili nito malibang ayon sa kapahintulutan ni Allāh. Kaya walang nagaganap na pananampalataya malibang ayon sa kalooban Niya kaya huwag mong sayangin ang sarili mo sa mga panghihinayang sa kanila. Inilalagay ni Allāh ang pagdurusa at ang kadustaan sa sinumang hindi nakatatalos sa mga katwiran Niya, mga ipinag-uutos Niya, at mga sinasaway Niya.
Sabihin mo, O Sugo, sa mga tagapagtambal na humihiling sa iyo ng mga tanda: "Pagnilay-nilayan ninyo kung ano ang nasa mga langit at lupa na mga tanda na nagpapatunay sa kaisahan ni Allāh at kapangyarihan Niya, ngunit walang naipakikinabang ang pagpapababa ng mga tanda, mga katwiran, at mga sugo sa mga taong walang paghahandang sumampalataya dahil sa pagpupumilit nila sa kawalang-pananampalataya."
Walang hinihintay ang mga tagapagpasinungaling na ito kundi ang tulad ng mga pangyayaring pinangyari ni Allāh sa mga naunang kalipunang nagpasinungaling. Sabihin mo, O Sugo, sa kanila: "Hintayin ninyo ang pagdurusa; tunay na ako ay kasama ninyo kabilang sa mga tagapaghintay sa pangako ng Panginoon ko."
Pagkatapos ay ibaba ni Allāh sa kanila ang parusa, ililigtas Niya ang mga sugo Niya, at ililigtas Niya ang mga sumampalataya kasama nila kaya hindi dadapo sa kanila ang dumapo sa mga tao nila. Gaya ng pagliligtas ni Allāh sa mga sugong iyon at mga mananampalataya kasama nila, ililigtas Niya ang Sugo Niya at ang mga mananampalataya kasama nito ayon sa isang pagliligtas na totoong pinagtibay sa Kanya.
Sabihin mo, O Sugo: "O mga tao, kung kayo ay nasa isang pagdududa sa relihiyon ko na nag-aanyaya ako tungo rito, ang Relihiyon ng Tawḥīd, ako naman ay nasa katiyakan sa kabulukan ng relihiyon ninyo kaya hindi ako sumusunod diyan kaya hindi ako sumasamba sa mga sinasamba ninyo bukod pa kay Allāh, subalit ako ay sumasamba kay Allāh na nagbibigay-kamatayan sa inyo. Nag-utos Siya sa akin na ako ay maging una sa mga mananampalataya, na mga tagapag-ukol ng kawagasan sa Kanya sa relihiyon."
At inutusan Niya rin ako na manatili akong matatag sa Relihiyong Totoo at magpakatatag ako rito habang kumikiling dito palayo sa lahat ng mga relihiyon, at sinaway Niya ako na maging kabilang sa mga tagapagtambal sa Kanya.
Huwag kang dumalangin, O Sugo, sa iba pa kay Allāh kabilang sa mga anito, mga idolo, at iba pa sa mga ito na hindi nakapagdudulot ng pakinabang para magpakinabang sa iyo ni nakapagdudulot ng pinsala para maminsala sa iyo sapagkat kung sinamba mo ang mga ito, tunay na ikaw samakatuwid ay kabilang sa mga tagalabag sa katarungan na mga lumalabas sa karapatan ni Allāh at karapatan ng mga sarili nila.
Kung magpapadapo sa iyo si Allāh, O Sugo, ng isang pagsubok at hiniling mong ilihis ito palayo sa iyo ay walang makapagpapalihis nito kundi Siya - napakamaluwalhati Niya; at kung magnanais Siya sa iyo ng isang kariwasaan ay walang isang makapipigil sa kabutihang-loob Niya. Nagpapadapo Siya ng kabutihang-loob Niya sa sinumang niloloob Niya kabilang sa mga lingkod Niya sapagkat walang nakapipilit sa Kanya. Siya ay ang Mapagpatawad sa sinumang nagbalik-loob kabilang sa mga lingkod Niya, ang Maawain sa Kanila.
Sabihin mo, O Sugo: "O mga tao, dumating nga sa inyo ang Qur'ān bilang isang ibinaba mula sa Panginoon ninyo. Kaya ang sinumang napatnubayan at sumampalataya rito, kaya naman nakinabang, iyon ay babalik sa kanya dahil si Allāh ay walang-pangangailangan sa pagtalima ng mga lingkod Niya; at ang sinumang naligaw, tunay na ang epekto ng pagkaligaw niya ay laban sa kanya - tanging sa kanya - sapagkat si Allāh ay hindi napipinsala ng pagsuway ng mga lingkod Niya. Hindi ako sa inyo isang mapag-ingat na nag-iingat sa mga gawa ninyo at magtutuos sa inyo sa mga ito."
Sumunod ka, O Sugo, sa isiniwalat sa iyo ng Panginoon mo, gawin mo ito, magtiis ka sa pananakit ng sinumang sumalungat sa iyo kabilang sa mga kababayan mo at sa pagpapaabot sa ipinag-utos sa iyo ang pagpapaabot niyon, at magpatuloy ka sa gayon hanggang sa humatol si Allāh sa kanila ng hatol Niya sa pamamagitan ng pag-aadya sa iyo laban sa kanila sa Mundo at pagpaparusa sa kanila sa Kabilang-buhay kung namatay sila sa kawalang-pananampalataya nila.