ترجمة معاني سورة الشورى باللغة الفلبينية من كتاب الترجمة الفلبينية (تجالوج) .
من تأليف: مركز رواد الترجمة بالتعاون مع موقع دار الإسلام .

Ḥā. Mīm.
`Ayn. Sīn. Qāf.
Gayon nagkakasi sa iyo at sa mga kabilang sa nauna sa iyo si Allāh, ang Makapangyarihan, ang Marunong.
Sa Kanya ang anumang nasa mga langit at ang anumang nasa lupa. Siya ay ang Mataas, ang Sukdulan.
Halos ang mga langit ay nagkakabitak-bitak mula sa ibabaw ng mga ito, samantalang ang mga anghel ay nagluluwalhati kalakip ng pagpupuri sa Panginoon nila at humihingi ng tawad para sa mga nasa lupa. Pansinin, tunay na si Allāh ay ang Mapagpatawad, ang Maawain.
At ang mga gumawa bukod pa sa Kanya ng mga katangkilik, si Allāh ay Mapag-ingat sa kanila at ikaw sa kanila ay hindi isang katiwala.
Gayon Kami nagkasi sa iyo ng isang Qur’an na Arabe upang magbabala ka sa Ina ng mga Pamayanan at sinumang nasa paligid nito at magbabala ka ng Araw ng Pagkalap, na walang pag-aalinlangan hinggil doon. May pangkat sa Hardin at may pangkat sa Liyab.
At kung sakaling niloob ni Allāh ay talaga sanang gumawa Siya sa kanila bilang nag-iisang kalipunan subalit nagpapapasok Siya sa sinumang niloob Niya sa awa Niya. Ang mga tagalabag sa katarungan ay walang ukol sa kanila na anumang mapagtangkilik ni mapag-adya.
O gumawa sila bukod pa sa Kanya ng mga katangkilik gayong si Allāh ay ang Mapagtangkilik, at Siya ay ang nagbibigay-buhay sa mga patay at Siya sa bawat bagay ay May-kakayahan.
At ang anumang nagkaiba-iba kayo hinggil sa anumang bagay, ang kahatulan nito ay kay Allāh. Iyon ay si Allāh, ang Panginoon ko; sa Kanya ako nanalig at sa Kanya ako nagsisisi.
Ang Tagalalang ng mga langit at lupa, gumawa Siya para sa inyo mula sa mga sarili ninyo ng mga kabiyak at mula sa mga hayupan ng mga kabiyak. Nagpaparami Siya sa inyo dahil doon. Walang katulad sa Kanya na anuman, at Siya ay ang Madinigin, ang Nakakikita.
Sa Kanya ang mga susi ng mga langit at lupa. Nagpapaluwag Siya sa panustos para sa kaninumang niloloob Niya at naghihigpit Siya. Tunay na Siya sa bawat bagay ay Maalam.
Nagsabatas Siya para sa inyo mula sa relihiyon ng itinagubilin Niya kay Noe, ng ikinasi sa iyo, at itinagubilin kay Abraham, kay Moises, at kay Hesus, na [nag-uutos]: "Magpanatili kayo ng Relihiyon at huwag kayong magkahati-hati rito." Lumaki [sa bigat] sa mga tagatambal ang ipinaaanyaya mo sa kanila. Si Allāh ay humihirang para sa Kanya ng sinumang niloloob Niya at nagpapatnubay tungo sa Kanya ng sinumang nagsisisi.
Hindi sila nagkahati-hati kundi noong matapos na dumating sa kanila ang kaalaman dala ng paglabag sa pagitan nila. Kung hindi dahil sa isang salitang nauna mula sa Panginoon mo hanggang sa isang taning na tinukoy ay talaga sanang humusga sa pagitan nila. Tunay na ang mga pinagmana ng kasulatan noong wala na sila ay talagang nasa isang pagdududa roon, na nag-aalinlangan.
Kaya para roon ay mag-anyaya ka, magpakatuwid ka gaya ng ipinag-utos sa iyo, huwag kang sumunod sa mga pithaya nila, at magsabi ka: "Sumampalataya ako sa ibinaba ni Allāh na Aklat, at inutusan ako na magmakatarungan ako sa pagitan ninyo. Si Allāh ay Panginoon namin at Panginoon ninyo. Ukol sa amin ang mga gawa namin at ukol sa inyo ang mga gawa ninyo. Walang katwiran sa pagitan namin at pagitan ninyo. Si Allāh ay kakalap sa pagitan natin. Tungo sa Kanya ang kahahantungan."
Ang mga nangangatwiran hinggil kay Allāh noong matapos na tumugon sa Kanya, ang katwiran nila ay walang-saysay sa ganang Panginoon mo. Sasakanila ay galit at ukol sa kanila ay isang pagdurusang matindi.
Si Allāh ay ang nagpababa ng Aklat sa katotohanan at timbangan. Ano ang magpapabatid sa iyo na marahil ang Huling Sandali ay malapit na?
Nagmamadali nito ang mga hindi sumasampalataya rito. Ang mga sumampalataya ay mga nababagabag dito at nakaaalam na ito ay ang katotohanan. Pansinin, tunay na ang mga nag-aalangan hinggil sa Huling Sandali ay talagang nasa isang pagkaligaw na malayo.
Si Allāh ay Mabait sa mga lingkod Niya; nagtutustos Siya sa kaninumang niloob Niya. Siya ay ang Malakas, ang Makapangyarihan.
Ang sinumang nangyaring nagnanais ng pagtatanim sa Kabilang-buhay ay magdaragdag Kami para sa kanya sa pagtatanim niya. At ang sinumang nangyaring nagnanais ng pagtatanim sa Mundo ay magbibigay Kami sa kanya mula rito at walang ukol sa kanya sa Kabilang-buhay na anumang bahagi.
O nagkaroon ba sila ng mga katambal [kay Allāh] na nagsabatas para sa kanila sa relihiyon ng hindi pumayag dito si Allāh? Kung hindi dahil sa salita ng pagpasya ay talaga sanang humusga sa pagitan nila. Tunay na ang mga tagalabag sa katarungan, ukol sa kanila ay isang pagdurusang masakit.
Makikita mo ang mga tagalabag sa katarungan na mga nababagabag mula sa nakamit nila, at ito ay magaganap sa kanila. Ang mga sumampalataya at gumawa ng mga maayos ay nasa mga halamanan ng mga hardin, na ukol sa kanila ang niloloob nila sa piling ng Panginoon nila. Iyon ay ang kabutihang-loob na malaki.
Iyon ay ang ibinabalitang nakagagalak ni Allāh sa mga lingkod Niyang mga sumampalataya at gumawa ng mga maayos. Sabihin mo: "Hindi ako humihingi sa inyo para rito ng isang pabuya maliban sa pagmamahal alang-alang sa pagkakaanak." Ang sinumang nagtamo ng isang magandang gawa ay magdaragdag Kami para sa kanya rito ng kagandahan. Tunay na si Allāh ay Mapagpatawad, Mapagpasalamat.
O nagsasabi ba sila: "Gumawa-gawa siya laban kay Allāh ng isang kasinungalingan?" Ngunit kung niloob ni Allāh ay magpipinid Siya sa puso mo. Bumubura si Allāh ng kabulaanan at nagtototoo Siya sa katotohanan sa pamamagitan ng mga salita Niya. Tunay na Siya ay Maalam sa mga nilalaman ng mga dibdib.
At Siya ay ang tumatanggap ng pagbabalik-loob buhat sa mga lingkod Niya, nagpapaumanhin sa mga masagwang gawa, nakaaalam sa ginagawa ninyo,
tumutugon sa mga sumampalataya at gumawa ng mga maayos, at nagdaragdag sa kanila mula sa kabutihang-loob Niya. Ang mga tagatangging sumampalataya, ukol sa kanila ay isang pagdurusang matindi.
At kung sakaling nagpaluwag si Allāh ng panustos para sa mga lingkod Niya ay talaga sanang lumabag sila sa lupain subalit nagbababa Siya ayon sa sukat na niloloob Niya. Tunay na Siya sa mga lingkod Niya ay Nakababatid, Nakakikita.
At Siya ay ang nagbababa ng ulan, noong matapos na kinapos sila ng pag-asa, at nagpapalaganap ng awa Niya. Siya ang Mapagtangkilik, ang Kapuri-puri.
At kabilang sa mga tanda Niya ang pagkalikha ng mga langit at lupa at ang ikinalat Niya sa mga ito na hayop. Siya, sa pagkalap sa kanila kapag loloobin Niya, ay May-kakayahan.
Ang anumang tumama sa inyo na kasawiang-palad ay dahil sa nakamit ng mga kamay ninyo, at nagpapaumanhin Siya sa marami.
Hindi kayo mga makapagpapawalang-kakayahan sa lupa. Walang ukol sa inyo bukod pa sa kay Allāh na anumang mapagtangkilik ni mapag-adya.
Kabilang sa mga tanda Niya ang mga daong sa dagat, gaya ng mga bundok.
Kung loloobin Niya ay magpapatahan Siya sa mga hangin para manatili ang mga ito habang mga nakatigil sa ibabaw nito – tunay na sa gayon ay talagang may mga tanda para sa bawat palatiis na mapagpasalamat -
o makasisira Siya sa mga ito dahil sa nakamit nila at magpapaumanhin Siya sa marami
at [upang] makaalam ang mga nakikipagtalo hinggil sa mga tanda Namin na walang ukol sa kanilang anumang mapupuslitan.
Kaya ang ibinigay sa inyo na anuman ay pagtatamasa ng buhay na pangmundo. Ang anumang nasa kay Allāh ay higit na mabuti at higit na mamamalagi para sa mga sumampalataya at sa Panginoon nila ay nananalig;
at mga umiiwas sa malalaki sa kasalanan at mahahalay, at kapag nagalit sila, sila ay nagpapatawad;
at mga tumugon sa Panginoon nila, nagpanatili sa pagdarasal, at ang usapin nila ay sanggunian sa pagitan nila, at mula sa itinustos Namin sa kanila ay gumugugol sila;
at mga kapag tumama sa kanila ang paglabag, sila ay nag-aadya.
Ang ganti sa masagwang gawa ay isang masagwa gawang tulad niyon; ngunit ang sinumang nagpaumanhin at nakipag-ayos, ang pabuya sa kanya ay nasa kay Allāh. Tunay na Siya ay hindi umiibig sa mga tagalabag sa katarungan.
Talagang ang sinumang nag-adya [sa sarili] matapos ng kawalang-katarungan sa kanya, ang mga iyon ay wala sa kanilang anumang dahilan [sa paninisi].
Ang dahilan [sa paninisi] lamang ay nasa mga lumabag sa katarungan sa mga tao at naniniil sa lupain nang walang karapatan. Ang mga iyon, ukol sa kanila ay isang pagdurusang masakit.
Ang sinumang nagtiis at nagpatawad, tunay na iyon ay talagang kabilang sa pagtitika sa mga usapin.
Ang sinumang paliligawin ni Allāh ay walang ukol rito na anumang mapagtangkilik matapos Niya. Makikita mo na ang mga tagalabag sa katarungan, kapag nakita nila ang pagdurusa, ay magsasabi: "Tungo ba sa isang mababalikan [sa Mundo] ay may anumang landas?"
Makikita mo sila na idinadarang doon [sa Apoy] habang mga nagpapakumbaba dahil sa pagkaaba, na tumitingin mula sa isang sulyap na kubli. Magsasabi ang mga sumampalataya: "Tunay na ang mga lugi ay ang mga nagpalugi sa mga sarili nila at mga mag-anak nila sa Araw ng Pagbangon. Pansinin, tunay na ang mga tagalabag sa katarungan ay nasa isang pagdurusang mananatili."
At walang ukol sa kanila na anumang mga katangkilik na mag-aadya sa kanila bukod pa kay Allāh. Ang sinumang pinaligaw ni Allāh, walang ukol sa kanya na anumang landas.
Tumugon kayo sa Panginoon ninyo bago may sumapit na isang Araw na walang matutulakan para roon mula kay Allāh. Walang ukol sa inyo na anumang madudulugan sa Araw na iyon at walang ukol sa inyo na anumang pagkakaila.
Ngunit kung umayaw sila, hindi Kami nagsugo sa iyo sa kanila bilang isang mapag-ingat. Walang tungkulin sa iyo kundi ang pagpapaabot. Tunay na kapag nagpalasap Kami sa tao mula sa Amin ng isang awa ay natutuwa siya rito. Kung tatama sa kanila ang isang masagwang gawa dahil sa inihain ng mga kamay nila, tunay na ang tao ay mapagtangging magpasalamat.
Sa kay Allāh ang paghahari sa mga langit at lupa. Lumilikha Siya ng niloloob Niya. Nagkakaloob Siya sa kaninumang niloloob Niya ng mga [batang] babae. Ipinagkakaloob Niya sa kaninumang niloloob Niya ang mga lalaki.
O ipinagpapares Niya sila bilang mga lalaki at mga babae. Gumagawa Siya sa sinumang niloloob Niya bilang baog. Tunay na Siya ay Maalam, May-kakayahan.
At hindi ukol sa tao na kumausap dito si Allāh maliban sa isang pagkasi, o sa likuran ng isang tabing, o magsugo Siya ng isang sugo para magkasi iyon ayon sa pahintulot Niya ng anumang niloloob Niya. Tunay na Siya ay Mataas, Marunong.
Gayon Kami nagkasi sa iyo ng isang espiritu mula sa nauukol sa Amin. Hindi ka noon nakaaalam kung ano ang Aklat ni ang pananampalataya, subalit gumawa Kami rito bilang isang liwanag na nagpapatnubay Kami sa pamamagitan nito sa sinumang niloloob Namin kabilang sa mga lingkod Namin. Tunay na ikaw ay talagang nagpapatnubay tungo sa isang landasing tuwid:
ang landasin ni Allāh na sa Kanya ang anumang nasa mga langit at ang anumang nasa lupa. Pansinin, kay Allāh hahantong ang mga usapin.