ﮝ
surah.translation
.
من تأليف:
مركز تفسير للدراسات القرآنية
.
ﰡ
Nagpawalang-kapintasan si Allāh -napakamaluwalhati Niya - nagpakadakila Siya dahil sa kakayahan Niya sa hindi nakakaya ng isa mang bukod sa Kanya, sapagkat Siya ang nagpalakbay sa Lingkod Niyang si Muḥammad - ang pagpapala at ang pangangalaga ay sumakanya - sa kaluluwa at katawan habang gising sa isang bahagi ng gabi mula sa Masjid na Pinakababanal [sa Makkah] patungo sa Masjid ng Herusalem, na pinagpala ni Allāh ang palibot nito sa pamamagitan ng mga bunga at mga pananim at mga tahanan ng mga propeta - sumakanila ang pangangalaga - upang makita ang ilan sa mga tanda ni Allāh na nagpapatunay sa kakayahan Niya -napakamaluwalhati Niya. Tunay na Siya ay ang Madinigin kaya walang naikukubli sa Kanya na naririnig, ang Nakakikita kaya walang naikukubli sa Kanya na nakikita.
Nagbigay Kami kay Moises - sumakanya ang pangangalaga - ng Torah at ginawa Namin ito bilang isang tagapatnubay at isang tagagabay para sa mga anak ni Israel. Nagsabi Kami sa mga anak ni Israel: "Huwag kayong gumawa ng iba pa sa Akin bilang isang pinananaligang ipinagkakatiwala ninyo roon ang mga kapakanan ninyo, bagkus manalig kayo sa Akin - tanging sa Akin."
Kayo ay mga supling ng mga biniyayaan ni Allāh sa pamamagitan ng pagkaligtas kasama ni Noe - sumakanya ang pangangalaga - laban sa pagkalunod sa gunaw kaya pakaalalahanin ninyo ang biyayang ito. Magpasalamat kayo kay Allāh sa pamamagitan ng pagsamba sa Kanya - tanging sa Kanya - at pagtalima sa Kanya, at tumulad kayo roon kay Noe sapagkat tunay na siya noon ay puspos ng pagpapasalamat kay Allāh - pagkataas-taas Niya.
Nagpabatid Kami sa mga anak ni Israel at nagpaalam Kami sa kanila sa Torah na hindi maiiwasang may maganap mula sa kanila na kaguluhan sa lupa dahil sa paggawa ng mga pagsuway at kawalang-pakundangan nang dalawang ulit at talagang magpapakataas-taas nga sila sa mga tao sa pamamagitan ng kawalang-katarungan at pagsalansang habang mga lumalampas sa hangganan ng pagpapakataas-taas sa mga tao.
Kaya kapag naganap mula sa kanila ang unang panggugulo ay magpapangibabaw Kami sa kanila ng mga lingkod para sa Amin na mga nagtataglay ng lakas at dahas na sukdulan, na papatay sa kanila at magpapalayas sa kanila at gagalugad sa gitna ng mga tahanan nila habang nanggugulo sa anumang madaanan ng mga ito. Ang pangako ni Allāh roon ay magaganap nang walang pasubali.
Pagkatapos ay ibabalik Namin sa inyo, O mga anak ni Israel, ang estado at ang pananaig laban sa nangibabaw sa inyo kapag nagbalik-loob kayo kay Allāh. Mag-aayuda Kami sa inyo ng mga yaman matapos ng pagsamsam sa mga ito at ng mga anak matapos ng pagbihag sa mga ito. Gagawa Kami sa inyo na maging higit na marami sa pagkakatipon kaysa sa mga kaaway ninyo.
Kung pinaganda ninyo, O mga anak ni Israel, ang mga gawain ninyo at isinagawa ninyo ang mga ito sa paraang hinihiling, ang gantimpala niyon ay babalik sa inyo, sapagkat si Allāh ay walang-pangangailangan sa mga gawa ninyo. Kung pinasagwa ninyo ang mga gawain ninyo, ang kahihinatnan niyon ay laban sa inyo sapagkat si Allāh ay hindi nakikinabang ng pagpapahusay ng mga gawa ninyo at hindi napipinsala ng pagpapasagwa sa mga ito. Kaya kapag naganap ang ikalawang panggugulo ay pangingibabawin Namin sa inyo ang mga kaaway ninyo upang dustain nila kayo, gagawa sila ng masagwang gawa nang hayagan sa mga mukha ninyo dahil magpapadama sila sa inyo ng mga uri ng kaabahan, upang pumasok sila sa Herusalem at sirain nila ito kung paanong pumasok sila rito at sumira sila rito sa unang pagkakataon, at upang wasakin nila ang nagapi nilang bayan nang buong pagwasak.
Marahil ang Panginoon ninyo,O mga anak ni Israel, ay maawa sa inyo matapos ng matinding paghihiganting ito kung magbabalik-loob kayo sa Kanya kayo at magpapaganda kayo ng mga gawain ninyo. Kung manunumbalik kayo sa panggugulo sa ikatlong pagkakataon o higit pa ay manunumbalik Siya sa paghihiganti sa inyo. Ginawa Niya ang Impiyerno para sa mga tagatangging sumampalataya bilang isang higaan at isang himlayang hindi nila maiiwan-iwan.
Tunay na itong Qur’ān na ibinaba kay Muḥammad -pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan - ay gumagabay sa pinakamaganda sa mga landas, ang landas ng Islām, at nagpapabatid sa mga mananampalataya kay Allāh na mga gumagawa ng mga maayos ng magpapagalak sa kanila: na ukol sa kanila ay isang pabuyang sukdulan mula kay Allāh.
At nagpapabatid sa mga hindi sumasampalataya sa Araw ng Pagbangon ng magpapasama ng loob nila: na naghanda Kami para sa kanila sa Araw ng Pagbangon ng isang pagdurusang nakasasakit.
Dahil sa kamangmangan, sa sandali ng galit ay dumadalangin ang tao laban sa sarili niya, anak niya, at yaman ng mga masama, tulad ng pagdalangin niya para sa sarili niya ng mabuti. Kaya kung sakaling tumugon Kami sa panalangin niya ng masama ay talaga sanang napahamak siya at napahamak ang yaman niya at ang anak niya. Ang tao ay likas na mahilig sa pagmamadali. Dahil dito tunay na siya ay maaaring magmadali sa anumang nakapipinsala sa kanya.
Lumikha Kami sa gabi at maghapon bilang dalawang palatandaang nagpapatunay sa kaisahan ni Allāh at kakayahan Niya dahil sa taglay ng dalawang ito na pagkakaiba sa haba at ikli, at init at lamig. Gumawa Kami sa gabi bilang nagpapadilim para sa pamamahinga at pagtulog at gumawa Kami sa maghapon bilang nagtatanglaw na nakakikita dahil dito ang mga tao para magpunyagi sa kabuhayan nila, sa pag-asang makaalam kayo dahil sa pagsasalitan ng dalawang ito sa bilang ng mga taon at anumang kinakailangan ninyong pagtutuos ng mga yugto ng mga buwan, mga araw, at mga oras. Ang bawat bagay ay nilinaw Namin ayon sa isang paglilinaw upang makilala ang pagkakaiba ng mga bagay at lumiwanag ang tagapagtotoo sa tagapagbulaan.
Sa bawat tao ay ginawa Namin ang gawain niyang namumutawi sa kanya na nakadikit sa kanya gaya ng pagkakadikit ng kuwintas sa leeg, na hindi nahihiwalay sa Kanya hanggang sa tuusin siya rito. Magpapalabas Kami para sa kanya sa Araw ng Pagbangon ng isang aklat na naroon ang lahat ng ginawa niyang kabutihan at kasamaang matatagpuan niya sa harapan niyang nakabukas at nakalatag.
Magsasabi Kami sa araw na iyon: "Basahin mo, O tao, ang talaan mo at magsagawa ka ng pagtutuos sa sarili mo sa mga gawa mo; nakasapat ang sarili mo sa Araw ng Pagbangon bilang isang tagapagtuos para sa iyo."
Ang sinumang napatnubayan tungo sa pananampalataya, ang gantimpala ng kapatnubayan niya ay para sa sarili niya; at ang sinumang naligaw, ang parusa sa pagkaligaw niya ay laban sa kanya. Hindi dadalhin ng isang kaluluwa ang pagkakasala ng ibang kaluluwa. Hindi Kami magpaparusa sa mga tao hanggang sa maglahad Kami laban sa kanila ng katwiran sa pamamagitan ng pagsusugo ng mga sugo sa kanila.
Kapag nagnais Kami ng pagpapahamak ng isang pamayanan dahil sa kawalang-katarungan niyon ay mag-uutos Kami ng pagtalima sa mga pinalayaw ng biyaya ngunit hindi sila susunod, bagkus susuway sila at lalabas sa pagtalima kaya magiging karapat-dapat sa kanila ang hatol ng pagdurusang pumupuksa kaya magpapahamak Kami sa kanila ayon sa kapahamakan ng pagpupuksa.
Anong dami ang mga pamayanang nagpasinungaling na nilipol Namin mula ng matapos ni Noe, tulad ng Ād at Thamūd! Nakasapat ang Panginoon mo, O Sugo, sa mga pagkakasala ng mga lingkod Niya bilang isang Tagabatid na Nakakikita: walang naikukubli sa Kanya sa mga ito na anuman.
Ang sinumang naglalayon sa mga gawain ng pagpapakabuti ng buhay sa Mundo ngunit hindi sumasampalataya sa Kabilang-buhay at hindi nag-uukol doon ng pansin ay magpapadali Kami para sa kanya rito ng loloobin Namin hindi ng loloobin niya na kaginhawahan. Pagkatapos ay magtatalaga Kami para sa kanya ng Impiyerno na papasukin niya sa Araw ng Pagbangon upang pagdusahan ang init niyon bilang isang pinupulaan dahil sa pagpili niya sa Mundo at kawalang-pananampalataya niya sa Kabilang-buhay, at bilang isang ipinagtatabuyan mula sa awa ni Allāh.
Ang sinumang naglayon ng gantimpala ng Kabilang-buhay sa pamamagitan ng mga gawain ng pagpapakabuti at pagpupunyagi ukol doon ng pagpupunyagi niyang walang halong pagpapakitang-tao at pagpapahanga habang siya ay isang mananampalataya sa isinatungkulin ni Allāh na pananampalataya, ang pagpupunyagi ng mga nailalarawang iyon sa mga katangiang iyon ay tanggap sa ganang kay Allāh at gaganti Siya sa kanila roon.
Magdaragdag Kami sa bawat isa sa dalawang pangkat na ito; ang masamang-loob at ang mabuting-loob, mula sa bigay ng Panginoon mo, O Sugo, nang walang pagkaputol. Hindi nangyaring ang bigay ng Panginoon mo sa Mundo ay mahahadlangan ng isa man, mabuting-loob man o masamang-loob.
Pagnilay-nilayan mo, O Sugo, kung papaano Kaming nagtangi sa iba sa kanila higit sa iba pa sa Mundo sa panustos at mga antas. Talagang ang Kabilang-buhay ay higit na mabigat sa pagkakaibahan sa mga antas ng ginhawa kaysa sa buhay sa Mundo at higit na mabigat sa pagkakatangi kaya magsigasig ang mananampalataya roon.
Huwag kang gumawa, O tao, kasama kay Allāh ng iba pang sinasambang sasamabahin mo sapagkat magiging isa kang pinupulaan sa ganang kay Allāh at sa ganang mga maayos, na walang nagpupuri sa iyo, at isang itinatatwa Niya, na walang tagaadya sa iyo.
Nag-utos ang Panginoon mo, O tao, at nagsatungkulin Siya na huwag sambahin ang iba pa sa Kanya, at nag-utos Siya ng pagmamagandang-gawa sa mga magulang, lalo na sa sandali ng pag-abot sa katandaan. Kaya kung umabot sa isa sa mga magulang ang katandaan o umabot ito sa kapwa sa kanilang dalawa sa piling mo ay huwag kang manghinawa sa kanilang dalawa sa pamamagitan ng pagbubunganga ng nagpapahiwatig doon, huwag kang bumulyaw sa kanilang dalawa, at huwag kang magmagaspang sa kanilang dalawa sa pagsasalita. Mangusap ka sa kanilang dalawa ng salitang marangal na may kabanayaran at kabaitan.
Magpakumbaba ka sa kanila bilang pagpapakaaba at pagkaawa sa kanila, at magsabi ka: "Panginoon ko, kaawaan Mo silang dalawa alang-alang sa pag-aalaga nilang dalawa sa akin sa pagkabata ko."
Ang Panginoon ninyo, O mga tao, ay higit na nakaaalam sa anumang nasa mga budhi ninyong pagpapakawagas sa Kanya sa pagsamba, mga gawain ng kabutihan, at pagpapakabuti sa mga magulang. Kaya kung nangyaring ang mga layunin ninyo sa pagsamba ninyo at pakikitungo ninyo sa mga magulang ninyo at iba sa kanilang dalawa ay mga maayos, tunay na Siya -napakamaluwalhati Niya - sa mga bumabalik sa Kanya sa pagbabalik-loob ay laging Mapagpatawad sapagkat ang sinumang nagbalik-loob mula sa pagkukulang Niyang nauna sa pagtalima niya sa Panginoon niya o sa mga magulang niya ay magpapatawad si Allāh sa kanya.
Magbigay ka, O mananampalataya, sa kamag-anak ng karapatan nito sa kaugnayan sa pagkakamag-anak nito, magbigay ka sa maralitang nangangailangan, at magbigay ka sa kinapos sa paglalakbay niya. Huwag kang gumugol ng yaman mo sa pagsuway o sa paraan ng pag-aaksaya.
Tunay na ang mga tagapaggugol ng mga yaman nila sa mga pagsuway at ang mga tagapag-aksaya sa paggugol ay laging mga kapatid ng demonyo. Tumatalima sila sa mga iyon sa ipinag-uutos ng mga iyon sa kanila na pagwawaldas at pag-aaksaya. Ang demonyo sa Panginoon niya ay laging mapagtangging magpasalamat sapagkat walang ginagawa iyon kundi ang anumang may pagsuway at walang ipinag-uutos iyon kundi ang anumang ikinaiinis ng Panginoon niyon.
Kung tumanggi ka nga sa pagbibigay sa mga ito dahil sa kawalan ng pagkakaroon ng maibibigay sa kanila habang naghihintay ng anumang bubuksan ni Allāh sa iyo na panustos ay magsabi ka sa kanila ng isang pananalitang malumanay at magaan, tulad ng manalangin ka para sa kanila ng kasaganahan sa panustos o mangako ka sa kanila na magbigay kung tutustusan ka ni Allāh ng yaman.
Huwag kang magpigil sa kamay mo sa paggugol at huwag kang mag-aksaya sa paggugol sapagkat ikaw ay magiging isang sinisising sinisisi ng mga tao dahil sa karamutan mo kung pinigil mo ang kamay mo sa paggugol, at isang kinapos sa paggugol dahil sa pag-aaksaya mo sapagkat hindi ka nakatagpo ng gugugulin mo.
Tunay na ang Panginoon mo ay nagpapaluwang ng panustos sa kaninumang niloloob Niya at nagpapasikip nito sa kaninumang niloloob niya dahil sa isang kasanhiang malalim. Tunay na Siya sa mga lingkod Niya ay laging Tagabatid, Nakakikita: walang naikukubli sa Kanya mula sa kanila na anuman at itinutuon Niya ang utos Niya sa kanila ayon sa niloloob Niya.
Huwag ninyong patayin ang mga anak ninyo dala ng pangamba sa karalitaan sa hinaharap kapag gumugol kayo sa kanila. Kami ay naggagarantiya sa pagtutustos sa kanila at naggagarantiya sa pagtutustos sa inyo mismo. Tunay na ang pagpatay sa kanila ay laging isang kasalanang malaki yayamang walang pagkakasala sa kanila at walang dahilang nag-oobliga sa pagpatay sa kanila.
Mangilag kayo sa pangangalunya at umiwas kayo sa anumang humihimok dito. Tunay na ito ay laging isang labis-labis sa kapangitan at kay sagwa bilang daan dahil sa inihahantong nitong pagkakalito sa mga kaangkanan at pagdurusang dulot ni Allāh.
Huwag kayong pumatay ng taong pinangalagaan ni Allāh ang buhay nito sa pamamagitan ng pananampalataya o katiwasayan malibang naging karapat-dapat ito sa pagpatay dahil sa panunumbalik sa kawalang-pananampalataya o dahil sa pangangalunya matapos na makapag-asawa o dahil sa ganting-pinsala. Ang sinumang napatay nang nalalabag sa katarungan nang walang kadahilanang pumapayag sa pagpatay rito ay nagtalaga nga kami para sa sinumang tumatangkilik sa kapakanan nito at sinumang nagmamana rito ng pangingibabaw laban sa pumatay rito. Kaya karapatan niya na humiling ng pagpatay sa pumatay bilang ganting-pinsala, o karapatan niya ang magpaumanhin nang walang kapalit, o karapatan niya ang magpaumanhin at kumuha ng bayad-pinsala ngunit huwag siyang lumampas sa hangganan na ipinahintulot ni Allāh para sa kanya. Ipinagbabawal ang pagluray-luray sa pumatay o ang pagpatay sa pumatay dahil sa hindi nito pinatay o ang pagpatay ng iba pa sa pumatay. Tunay na ang katangkilik ng napatay ay laging aalalayan at tutulungan
Huwag kayong gumawa ng anuman sa yaman ng sinumang namatayan ng ama kabilang sa mga bata malibang ayon sa pinakamaayos para rito gaya ng pagpapalago nito at pangangalaga rito hanggang sa umabot ito sa kalubusan ng isip nito at katinuan nito. Tumupad kayo sa tipan sa pagitan ninyo at ni Allāh at sa pagitan ninyo at ng mga lingkod Niya nang walang pagkalas o pagkukulang. Tunay na si Allāh ay magtatanong sa binigyan ng tipan sa Araw ng Pagbangon kung tumupad ba siya rito o kung hindi tumupad dito sapagkat magpaparusa Siya rito.
Lumubos kayo sa pagtatakal kapag magtatakal kayo para sa iba sa inyo at huwag ninyo siyang lugiin. Tumimbang kayo sa pamamagitan ng timbangang makatarungan, na hindi nagkukulang ng anuman o bumabawas. Ang pagpapakalubus-lubos na iyon sa pagtatakal at pagtitimbang ay higit na mabuti para sa inyo sa Mundo at Kabilang-buhay at higit na maganda sa kahihinatnan kaysa sa pag-uumit sa pamamagitan ng pagkukulang sa mga takalan at mga timbangan.
Huwag kang sumunod, O anak ni Adan, sa anumang walang kaalaman sa iyo hinggil doon kaya huwag kang sumusunod sa mga akala at haka-haka. Tunay na ang tao ay matatanong tungkol sa kung sa ano niya ginamit ang pandinig niya, ang paningin niya, at ang puso niya, na kabutihan o kasamaan para gantimpalaan siya dahil sa kabutihan at parusahan siya dahil sa kasamaan.
Huwag kang maglakad sa lupa nang may pagmamalaki at kapalaluan. Tunay na ikaw, kung maglalakad ka rito habang nagmamataas, ay hindi ka makabibiyak sa lupa sa paglalakad mo at hindi makaaabot ang tindig mo sa naabot ng mga bundok sa kataasan at kaangatan kaya ano ang ipinagmamalaki mo samakatuwid?
Lahat ng naunang nabanggit, ang masagwa mula roon sa ganang Panginoon mo, O tao, ay laging bawal. Hindi kinalulugdan ni Allāh ang tagagawa niyon, bagkus kinamumuhian Niya iyon
Yaong ipinaliwanag na mga pag-uutos, mga pagsaway, at mga patakaran ay kabilang sa ikinasi sa iyo ng Panginoon mo. Huwag kang gumawa, O Sugo, kasama kay Allāh ng isang sinasambang iba pa sapagkat matatapon ka sa Impiyerno sa Araw ng Pagbangon bilang isang sinisising sinisisi ng sarili mo at sinisisi ka ng mga tao at itinaboy palayo sa bawat kabutihan.
O kayong nagsasabing ang mga anghel daw ay mga babaing anak ni Allāh, nagtangi ba sa inyo ang Panginoon ninyo, O mga tagapagtambal, sa pagkakaroon ng mga lalaking mga anak at gumawa naman Siya para sa sarili Niya sa mga anghel bilang mga babaing anak? Pagkataas-taas ni Allāh sa mga sinasabi ninyo! Tunay na kayo ay talagang nagsasabi laban kay Allāh -napakamaluwalhati Niya - ng isang pananalitang labis-labis sa kapangitan yayamang nag-uugnay kayo sa Kanya ng anak, at nag-aakala kayo na ukol sa Kanya ay ang mga babaing anak bilang pagpapakalabis sa kawalang-pananampalataya sa Kanya.
Talaga ngang nagpaliwanag Kami sa Qur’ān na ito ng mga patakaran, mga pangaral, at mga paghahalimbawa upang mapangaralan sa pamamagitan ng mga ito ang mga tao para tahakin nila ang nagpapakinabang sa kanila at iwan nila ang nakapipinsala sa kanila, samantalang ang iba sa kanilang kabilang sa tumaliwas ang kalikasan ng pagkalalang sa kanila ay walang naidagdag ito sa kanila kundi pagkalayo sa katotohanan at pagkasuklam dito.
Sabihin mo, O Sugo, sa mga tagapagtambal na ito: "Kung sakaling nangyaring kasama kay Allāh ay may mga iba pang sinasamba gaya ng sinasabi nila bilang isang paggawa-gawa at isang pagsisinungaling, samakatuwid, talaga sanang hinilingan ang mga inaakalang sinasambang iyon ng isang daan tungo kay Allāh, ang May trono, upang makipanaig sa Kanya sa kaharian Niya at makipagtunggali sa Kanya roon."
Pagkasakdal-sakdal ni Allāh -napakamaluwalhati Niya - at pagkabanal-banal Niya para sa inilalarawan sa Kanya ng mga tagapagtambal, at pagkataas-taas Niya para sa sinasabi nila ayon sa kataasang malaki!
Nagluluwalhati kay Allāh ang pitong langit, nagluluwalhati kay Allāh ang lupa, at nagluluwalhati kay Allāh ang mga nilikhang nasa mga langit at lupa. Walang anumang bagay malibang nagpapawalang-kapintasan ito sa Kanya na nalalakipan ang pagpapawalang-kapintasan nito sa Kanya ng pagbubunyi ngunit hindi ninyo naiintidihan ang pamamaraan ng pagluluwalhati nila sapagkat kayo ay hindi nakaiintindi maliban ng pagluluwalhati ng nagluluwalhati ayon sa dila ninyo. Tunay na Siya - pagkataas-taas Niya - ay laging Matimpiin: hindi Siya nagmamadali sa kaparusahan, Mapagpatawad sa sinumang nagbalik-loob sa Kanya.
Kapag bumigkas ka, O Sugo, ng Qur’ān at narinig naman nila ang nasaad dito na mga pagbabawal at mga pangangaral, naglalagay Kami sa pagitan mo at ng mga hindi sumampalataya sa Araw ng Pagbangon ng isang tabing na nagtatakip, na naghahadlang sa kanila sa pag-intindi sa Qur'ān bilang parusa sa kanila sa pag-ayaw nila.
Naglagay Kami sa mga puso nila ng mga takip upang hindi sila makaintindi ng Qur'ān at naglagay Kami sa mga tainga nila ng kabigatan upang hindi sila makarinig nito ayon sa pagkadinig ng pakikinabang. Kapag bumanggit ka sa Panginoon mo - tanging sa Kanya - sa Qur'ān at hindi ka bumanggit sa mga diyos nila, bumabalik sila sa mga dinaanan nila habang mga naglalayuan sa pagpapakawagas sa paniniwala sa kaisahan ni Allāh.
Kami ay higit na nakaaalam sa paraan ng pakikinig ng mga pangulo nila sa Qur'ān. Sila ay hindi nagnanais ng pagkapatnubay dahil dito, bagkus nagnanais sila ng pagmamaliit at pagtuturing ng kawalang katuturan sa sandali ng pagbigkas mo. Kami ay higit na nakaaalam sa pinag-uusapan nila nang palihim gaya ng pagpapasinungaling at pagbalakid, nang nagsasabi itong mga tagalabag sa katarungan sa mga sarili nila ng kawalang-pananampalataya: "Wala kayong sinusunod, O mga tao, maliban sa isang lalaking nagaway na natuliro ang isip niya."
Magnilay-nilay ka, O Sugo, talagang mamamangha ka sa anumang inilarawan nila sa iyo na mga magkakaibang katangiang napupulaan kaya nalihis sila sa katotohanan at nalito sila kaya hindi sila napatnubayan sa daan ng katotohanan.
Nagsabi ang mga tagapagtambal bilang pagkakaila sa pagkabuhay na muli: "Kapag ba namatay kami, naging mga buto kami, at nabulok ang mga katawan namin, bubuhayin ba kami sa isang bagong pagkabuhay? Tunay na ito ay talagang imposible!"
Sabihin mo sa kanila, O Sugo: "Maging bato kayo, O mga tagapagtambal, kung makakaya ninyo, sa katigasan nito, o maging bakal kayo sa lakas nito, at hindi ninyo makakaya iyon.
O kayo ay maging nilikhang iba pa, na higit na dakila sa dalawang nabanggit kabilang sa dinadakila sa mga dibdib ninyo. Tunay na si Allāh ay magpapanumbalik sa inyo gaya ng pagpasimula Niya sa inyo at magbubuhay sa inyo gaya ng paglikha Niya sa inyo sa unang pagkakataon." Kaya magsasabi ang mga tagapagmatigas na ito: "Sino ang magpapanumbalik sa amin bilang mga buhay matapos ng kamatayan namin?" Sabihin mo sa kanila: "Magpapanumbalik sa inyo ang lumikha sa inyo sa unang pagkakataon ayon sa walang naunang pagkakatulad." Kaya igagalaw-galaw nila ang mga ulo nila bilang mga nanunuya sa pagtugon mo sa kanila at magsasabi sila habang mga nagtuturing na imposible: "Kailan ang pagpapanumbalik na ito?" Sabihin mo: "Harinawang ito ay malapit na sapagkat ang bawat dumarating ay malapit na.
Panunumbalikin kayo ni Allāh sa araw na mananawagan Siya sa inyo tungo sa Pagtitipunan kaya tutugon naman kayo habang mga nagpapaakay sa utos Niya habang mga nagpupuri sa Kanya at mag-aakala kayong hindi kayo namalagi sa lupa malibang sa kaunting panahon."
Sabihin mo, O Sugo, sa mga lingkod Kong mga nananampalataya sa Akin na sabihin nila ang kaaya-ayang pangungusap kapag nakikipagtalakayan sila at iwasan nila ang masagwang pangungusap na nagpapalayo ng damdamin dahil ang demonyo ay nagsasamantala nito sapagkat nagpupunyagi ito sa pagitan nila sa pamamagitan ng anumang nanggugulo sa kanila sa buhay nila sa Mundo at Kabilang-buhay. Tunay na ang demonyo, para sa tao, ay laging isang kaaway na maliwanag ang pangangaway kaya kailangan sa kanya na mangilag dito.
Ang Panginoon ninyo, O mga tao, ay higit na nakaaalam sa inyo sapagkat walang naikukubli sa Kanya mula sa inyo na anuman. Kung loloobin Niyang kaawaan kayo ay kaaawaan Niya kayo sa pamamagitan ng pagtutuon sa inyo sa pananampalataya at gawang maayos. Kung loloobin Niyang pagdusahin kayo ay pagdurusahin Niya kayo sa pamamagitan ng pagbigo sa inyo sa pananampalataya at pagbibigay-kamatayan sa inyo sa kawalang-pananampalataya. Hindi nagsugo si Allāh sa iyo, O Sugo, sa kanila bilang isang katiwalang pipilit sa kanila sa pananampalataya, pipigil sa kanila sa kawalang-pananampalataya, at mag-iisa-isa sa kanila ng mga gawa nila. Ikaw ay isang tagapagpaabot lamang buhat kay Allāh ng ipinag-utos Niyang ipaabot.
Ang Panginoon mo, O Sugo, ay higit na nakaaalam sa bawat sinumang nasa mga langit at mga lupa at higit na nakaaalam sa mga kalagayan nila at anumang nagiging karapat-dapat sa kanila. Talaga ngang nagtangi Kami sa iba sa mga propeta higit sa iba pa sa dami ng mga tagasunod at sa pagpapababa ng mga kasulatan, at nagbigay Kami kay David ng isang kasulatan, ang Salmo.
Sabihin mo, O Sugo sa mga tagapagtambal na ito: "Dumalangin kayo, O mga tagapagtambal sa mga inaakala ninyong sila ay mga diyos bukod pa kay Allāh kapag may bumabang isang pinsala sa inyo sapagkat sila ay hindi nakakakaya sa pagtulak ng pinsala palayo sa inyo at hindi nakakakaya sa pagsalin nito sa iba pa sa inyo dahil sa kawalang-kakayahan nila. Ang sinumang walang-kakayahan ay hindi mangyayaring isang diyos.
Yaong mga dinadalanginan kabilang sa mga anghel at tulad nila, sila mismo ay naghahangad ng magpapalapit sa kanila tungo kay Allāh gaya ng mabuting gawa at nagtatagisan kung alin sa kanila ang pinakamalapit sa Kanya sa pamamagitan ng pagtalima, umaasang maaawa Siya sa kanila, at nangangambang pagdurusahin Niya sila. Tunay na ang parusa ng Panginoon mo, O Sugo, ay kabilang sa nararapat panghilakbutan.
Walang anumang pamayanan o lungsod malibang Kami ay magpapababa dito ng pagdurusa at kapahamakan sa buhay sa Mundo dahilan sa kawalang-pananampalataya nito o susubok dito sa pamamagitan ng isang parusang malakas sa pamamagitan ng pagkapatay o iba pa dahilan sa kawalang-pananampalataya nito. Ang pagpapahamak at ang pagdurusang iyon ay isang pagtatadhanang pandiyos na nakatala sa Tablerong Pinag-iingatan.
Hindi Kami huminto sa pagpapababa ng mga palatandaang pisikal na nagpapatunay sa katapatan ng Sugo na hiniling ng mga tagapagtambal gaya ng pagbubuhay sa mga patay at mga tulad nito, malibang dahil Kami ay nagpababa ng mga ito sa mga kalipunang nauna ngunit nagpasinungaling sila sa mga ito. Nagbigay nga Kami sa [lipi ng] Thamūd ng isang dakilang tandang malinaw ngunit tumanggi silang sumampalataya roon kaya minadali Namin sila sa pagdurusa. Hindi Kami nagpapadala ng mga tanda sa mga kamay ng mga sugo kundi bilang isang pagpapangamba sa mga kalipunan nila nang sa gayon sila ay magpasakop.
Banggitin mo, O Sugo, noong nagsabi Kami sa iyo: "Tunay na ang Panginoon mo ay sumaklaw sa mga tao sa kapangyarihan sapagkat sila ay nasa isang dakot Niya. si Allāh ay magsasanggalang sa iyo laban sa kanila kaya ipaabot mo ang ipinag-utos sa iyong ipaabot." Hindi Kami nagpakita sa iyo sa mata sa gabi ng pag-akyat sa langit malibang bilang isang pagsusulit sa mga tao kung magpapatotoo ba sila o magpapasinungaling doon. Hindi Kami gumawa sa punong-kahoy na zaqqūm na nabanggit sa Qur’ān, na ito ay tumutubo sa ugat ng impiyerno kundi bilang isang pagsubok sa kanila. Kaya kapag hindi sila sumampalataya sa dalawang tandang ito ay hindi sila sasampalataya sa iba pa sa dalawang ito. Nagpapangamba Kami sa kanila sa pamamagitan ng pagpapababa sa mga tanda ngunit hindi sila nadagdagan dahil sa pagpapangamba sa pamamagitan ng pagpapababa ng mga ito kundi ng isang karagdagan sa kawalang-pananampalataya at isang pagpapatuloy sa pagkaligaw.
Banggitin mo, O Sugo, noong nagsabi Kami sa mga Anghel: "Magpatirapa kayo kay Adan ng pagpapatirapa ng pagbati na hindi pagpapatirapa ng pagsamba," at sumunod naman sila at nagpatirapa naman sila, sa kalahatan nila, sa kanya subalit si Satanas ay umayaw dahil sa pagmamalaki na magpatirapa kay Adan, na nagsasabi: "Magpapatirapa ba ako sa isang nilikha Mo mula sa putik samantalang ako ay nilikha Mo mula sa apoy kaya naman ako ay higit na marangal kaysa sa kanya?"
Nagsabi si Satanas sa Panginoon niya: "Nakita Mo naman ba itong nilikhang pinarangalan Mo higit sa akin dahil sa pag-utos Mo sa akin ng pagpapatirapa sa kanya? Talagang kung pananatilihin Mo akong buhay hanggang sa wakas ng buhay sa Mundo ay talagang manghahalina ako sa mga anak niya at talagang magpapalisya ako sa kanila palayo sa landasin Mong tuwid maliban sa kakaunti kabilang sa pinangalagaan Mo sa kanila, ang mga lingkod mong mga nagpapakawagas."
Nagsabi sa kanya ang Panginoon niya: "Umalis ka at ang sinumang tumalima sa iyo kabilang sa kanila sapagkat tunay na ang Impiyerno ay ang gantimpala sa iyo at ang gantimpala sa kanila bilang isang gantimpalang lubos na pinananagana dahil sa mga gawa ninyo.
Tangayin mo ang sinumang makakaya mong tangayin kabilang sa kanila sa pamamagitan ng tinig mo patungo sa pagsuway. Humiyaw ka sa kanila sa pamamagitan ng mga hukbong-kabayuhan mo at mga hukbong-lakad mo na mga nag-aanyaya sa pagtalima sa iyo. Makilahok ka sa kanila sa mga yaman nila sa pamamagitan ng pag-akit sa bawat gawaing sumasalungat sa Batas at makilahok ka sa kanila sa mga anak nila sa pamamagitan ng pag-aangkin nila ng kasinungalingan, pagpapatamo sa kanila ng mga anak sa pamamagitan ng pangangalunya, at pagpapaalipin sa mga ito sa iba pa kay Allāh sa pagpapangalan. Mang-akit ka sa kanila ng mga pangakong sinungaling at mga mithiing bulaan." Walang ipinangangako sa kanila ang demonyo kundi mga pangakong sinungaling na lumilinlang sa kanila.
Tunay na ang mga lingkod Kong mga mananampalatayang mga gumagawa ng pagtalima sa Akin ay hindi ka, O Satanas, magkakaroon sa kanila ng pangingibabaw dahil Ako ay nagtatanggol sa kanila sa kasamaan mo. Nakasapat na si Allāh bilang Katiwala sa sinumang sumandig sa kanya sa mga kapakanan nila.
Ang Panginoon ninyo, O mga tao, ay ang nagpapausad para sa inyo ng mga sasakyang-dagat sa dagat upang maghanap kayo ng panustos Niya sa pamamagitan ng mga kita ng pangangalakal at iba pa rito. Tunay na Siya sa inyo ay laging Maaawain yayamang nagpadali Siya para sa inyo ng mga kaparaanang ito.
Kapag may sumaling sa inyo, O mga tagapagtambal, na isang pagsubok na kinasusuklaman sa dagat hangang sa natakot kayo sa kapahamakan ay nalilingid sa hinagap ninyo ang dating dinadalanginan ninyo bukod pa kay Allāh. Wala kayong naaalaala kundi si Allāh at nagpapasaklolo kayo sa Kanya ngunit nang sumaklolo Siya sa inyo, nagligtas Siya sa inyo mula sa pinangangambahan ninyo, at napunta kayo sa kalupaan ay umaayaw kayo sa paniniwala sa kaisahan Niya at sa pananalangin sa Kanya - tanging sa Kanya - at bumabalik kayo sa mga diyus-diyusan ninyo. Laging ang tao ay mapagkaila sa mga biyaya ni Allāh.
Kaya natiwasay ba kayo, O mga tagapagtambal, nang iniligtas kayo ni Allāh papunta sa katihan na baka gawin Niya itong gumuho sa inyo? O natitiwasay ba kayo na baka magpababa Siya sa inyo ng mga bato mula sa langit, na magpapaulan sa inyo ng tulad ng ginawa Niya sa mga kababayan ni Lot, pagkatapos ay hindi kayo nakatatagpo ng isang tagapangalagang mangangalaga sa inyo ni ng isang tagapag-adyang magtatanggol sa inyo laban sa kapahamakan?
O natiwasay ba kayo na baka magpanumbalik sa inyo si Allāh doon sa dagat sa ibang pagkakataon, pagkatapos ay magpapadala Siya sa inyo ng isang hanging matindi at lulunod Siya sa inyo dahilan sa kawalang-pagkilala ninyo sa biyaya Niya yayamang nagligtas Siya sa inyo noong una? Pagkatapos ay hindi kayo makatatagpo para sa inyo ng isang tagapagpanagot na magpapanagot sa Kanya dahil sa ginawa Niya sa inyo, bilang pag-aadya para sa inyo.
Talaga ngang nagparangal Kami sa mga supling ni Adan dahil sa pamamagitan ng isip, pagpapatirapa sa mga Anghel sa ama nila, at iba pa. Pinaglingkod Namin para sa kanila ang nagdadala sa kanila sa katihan gaya ng mga hayop mga sasakyan at ang nagdadala sa kanila sa karagatan gaya ng mga daong. Tumustos Kami sa kanila mula sa mga kaaya-aya sa mga pagkain, mga inumin, mga mapangangasawa, at iba pa. Nagtangi Kami sa kanila higit sa marami sa mga nilikha Namin ayon sa pagtatanging dakila. Kaya kailangan sa kanila na magpasalamat sa mga biyaya ni Allāh sa kanila.
Banggitin mo, O Sugo, ang araw na mananawagan Kami sa bawat pangkat sa pamamagitan ng pinuno nito, na tinutularan nito noon sa Mundo. Kaya ang mga bibigyan ng talaan nila sa kanang kamay nila, ang mga iyon ay magbabasa ng mga talaan nila habang mga pinagagalak at hindi sila kukulangan ng anuman mula sa mga pabuya sa kanila, kahit pa man umabot ito sa kaliitan nito sa sukat ng hiblang nasa bitak ng buto ng datiles.
Ang sinumang sa buhay sa Mundo ay bulag ang puso sa pagtanggap sa katotohanan at pagpapasakop dito, siya sa Araw ng Pagbangon ay higit sa pagkabulag kaya hindi siya mapapatnubayan tungo sa daan ng Paraiso, at higit na ligaw sa landas sa kapatnubayan. Ang ganti ay kabilang sa uri ng gawain.
Talaga ngang kamuntik na ang mga tagapagtambal na magpalihis sa iyo, O Sugo, palayo sa ikinasi Namin sa iyo na Qur'ān upang lumikha-likha ka laban sa Amin ng iba pa rito na umaalinsunod sa mga pithaya nila. Kung sakaling ginawa mo ang ninais nila mula roon, talaga sanang hinirang ka nila bilang isang minamahal.
Kung hindi dahil na nagpaunlak Kami sa iyo ng pagpapatatag sa katotohanan, talaga ngang kamuntik na ikaw ay kumiling sa kanila ng bahagyang pagkiling kaya sasang-ayon ka sa kanila sa iminungkahi nila sa iyo dahil sa lakas ng panlilinlang nila at tindi ng panggugulang nila kasabay ng pagkalabis-labis ng sigasig mo sa pagsampalataya nila subalit nangalaga Kami sa iyo laban sa pagkiling sa kanila.
Kung sakaling kumiling ka sa kanila sa iminumungkahi nila sa iyo, talaga sanang nagpadapo Kami sa iyo ng pagdurusang pinag-ibayo sa buhay sa Mundo at sa Kabilang-buhay. Pagkatapos ay hindi ka makatatagpo ng isang mapag-adyang mag-aadya sa iyo laban sa Amin at magtutulak palayo sa iyo ng pagdurusa.
Talaga ngang kamuntik na ang mga tagatangging sumampalataya na makabalahaw sa iyo dahil sa pagkamuhi nila sa iyo upang magpalabas sila sa iyo mula sa Makkah ngunit pumigil sa kanila si Allāh sa pagpapalabas sa iyo hanggang sa lumikas ka dahil sa utos ng Panginoon mo. Kung sakaling napalabas ka nila ay hindi sana sila nanatili matapos ng pagpapalabas sa iyo maliban sa isang maikling panahon.
Ang kahatulang iyon, ng hindi nila pananatili pagkatapos mo maliban sa isang maikling panahon ay ang kalakaran ni Allāh na nagpapatuloy sa mga sugong nauna sa iyo. Ito ay, na ang alinmang sugong pinalabas ng mga kababayan niya mula sa gitna nila ay nagpapadala si Allāh sa kanila ng pagdurusa. Hindi ka makatatagpo, O Sugo, para sa kalakaran Namin ng isang pagpapalit, bagkus matatagpuan mo itong matatag na nagpapatuloy.
Panatilihin mo ang pagdarasal sa pamamagitan ng pagsasagawa nito ayon sa pinakalubos na paraan sa mga oras nito mula sa paglilis ng araw palayo sa rurok ng langit, na sumasaklaw sa pagdarasal ng dhuhr at `aṣr hanggang sa pagdilim ng gabi na sumasaklaw naman sa pagdarasal ng maghrib at `ishā'. Panatilihin mo ang pagdarasal ng fajr at pahabain mo ang pagbigkas dito sapagkat ang pagdarasal ng fajr ay dinadaluhan ng mga anghel ng gabi at mga anghel ng maghapon.
Mula sa gabi ay bumangon ka, O Sugo, at magdasal ka sa isang bahagi mula rito upang ang dasal mo ay maging isang karagdagan para sa iyo sa pag-aangat sa mga antas mo habang naghahangad na buhayin ka ng Panginoon mo sa Araw ng Pagbangon bilang tagapamagitan para sa mga tao mula sa dinaranas nilang mga hilakbot ng Araw ng Pagbangon at na magkaroon ka ng katayuan ng pamamagitang pinakadakila, na magpapapuri rito ang mga nauna at ang mga nahuli.
Sabihin mo, O Sugo: "Panginoon ko, gawin Mo ang mga pasukan ko at ang mga labasan ko sa kalahatan ng mga ito sa pagtalima sa Iyo at ayon sa kaluguran Mo, at gumawa Ka para sa akin mula sa ganang Iyo ng isang katwirang nakahayag na mag-aadya Ka sa akin sa pamamagitan nito laban sa kaaway ko."
Sabihin mo, O Sugo, sa mga tagapagtambal na ito: "Dumating ang Islām at nagkatotoo ang pangako ni Allāh dito na pag-aadya rito, at umalis ang Shirk at ang Kawalang-pananampalataya. Tunay na ang kabulaanan ay umaalis, napapawi, hindi tumatatag sa harapan ng katotohanan."
Nagpapababa Kami mula sa Qur’ān ng isang pagpapagaling sa mga puso mula sa kamangmangan, kawalang-pananampalataya, at pagdududa; isang pagpapagaling sa mga katawan kapag ginamit ito sa ruqyah; at isang awa para sa mga mananampalatayang nagsasagawa nito. Walang naidadagdag ang Qur'ān na ito sa mga tagatangging sumampalataya kundi isang kapahamakan dahil ang pagkarinig dito ay nagpapangitngit sa kanila at nakadaragdag sa kanila ng pagpapasinungaling at pag-ayaw rito.
Kapag nagbiyaya si Allāh sa tao ng biyayang tulad ng kalusugan at pagkayaman ay umaayaw siya sa pagpapasalamat at pagtalima kay Allāh at nagpapakalayu-layo siya bilang pagmamalaki. Kapag may dumapo sa kanya na karamdaman o karalitaan at tulad nito, siya ay matindi ang kahinaan ng loob at ang kawalang-pag-asa sa awa ni Allāh.
Sabihin mo, O Sugo: "Bawat tao ay gumagawa ayon sa paraan niya na nakawawangis ng kalagayan niya sa kapatnubayan at pagkaligaw, ngunit ang Panginoon ninyo ay higit na nakaaalam sa sinumang siya ay higit na napapatnubayan sa daan tungo sa katotohanan."
Nagtatanong sa iyo, O Sugo, ang mga tagatangging sumampalataya kabilang sa mga May Kasulatan tungkol sa reyalidad ng kaluluwa kaya sabihin mo sa kanila: "Walang nakaaalam sa reyalidad ng kaluluwa kundi si Allāh at hindi nagbigay sa inyo at sa lahat ng mga nilikha ng kaalaman kundi kakaunti kung ihahambing sa kaalaman ni Allāh -napakamaluwalhati Niya."
Sumusumpa si Allāh na kung sakaling niloob Niya ang pag-alis ng ibinaba Niya sa iyo, O Sugo, na pagsisiwalat sa pamamagitan ng pagpawi nito sa mga isip at mga kasulatan ay talaga sanang nag-alis Siya nito, pagkatapos ay hindi ka makatatagpo ng sinumang mag-aadya sa iyo at magsasagawa ng pagpapanumbalik nito.
Ngunit hindi nag-aalis nito bilang awa mula sa Panginoon mo at iniiwan ito na napangangalagaan. Tunay na ang kagandahang-loob ng Panginoon mo laging sa iyo ay dakila yayamang gumawa Siya sa iyo bilang isang sugo, nagpawakas Siya sa pamamagitan mo bilang propeta, at nagbaba Siya sa iyo ng Qur'ān.
Sabihin mo, O Sugo: "Talagang kung nagkaisa ang tao at ang jinn sa kalahatan nila na gumawa ng tulad ng Qur’ān na ito, na ibinababa sa iyo, sa retorika nito, kagandahan ng pagkakaayos nito, at kasaganahan nito ay hindi sila makagagawa nito magpakailanman, at kahit pa man ang iba sa kanila ay tagatulong at mapag-adya sa iba pa."
Talaga ngang naglinaw Kami para sa mga tao sa Qur’ān na ito at nag-uri-uri Kami rito ng bawat naisasaalang-alang na mga pangaral, mga aral, mga pag-uutos, mga pagsaway, at mga kasaysayan sa pag-asang sumampalataya sila, ngunit tumanggi [sa anuman] ang karamihan sa mga tao maliban sa pagtanggi at pagkakaila sa Qur'ān na ito.
Nagsabi ang mga tagapagtambal: "Hindi kami sasampalataya sa iyo hanggang sa magpalabas ka para sa amin mula sa lupain ng Makkah ng isang bukal na dumadaloy na hindi natutuyot;
O mangyaring mayroon kang isang pataniman ng maraming puno, at saka dumaloy rito ang mga ilog nang masagana.
O magpabagsak ka sa amin ng langit - gaya ng binanggit mo - bilang mga pira-piraso ng pagdurusa o magdala ka kay Allāh at sa mga anghel nang nakikita upang sumasaksi sila sa iyo sa katumpakan ng inaangkin mo.
O mangyaring mayroon kang isang bahay na napapalamutihan ng ginto at iba pa, o pumanik ka sa langit at hindi kami maniniwalang ikaw ay isinugo kahit pumanik ka pa roon malibang magpababa ka ng isang aklat mula sa ganang kay Allāh na nakatitik na mababasa namin dito na ikaw ay Sugo ni Allāh." Sabihin mo sa kanila, O Sugo: "Napakamaluwalhati ng Panginoon ko; walang iba ako kundi isang mortal na sugo gaya ng lahat ng mga sugo. Hindi ako nakakakaya ng pagpapalitaw ng isang bagay kaya papaanong ukol sa akin na maghatid ng iminungkahi ninyo?"
Walang pumigil sa mga tagatangging sumampalataya sa pagsampalataya kay Allāh at sa Sugo Niya at sa paggawa sa inihatid ng Sugo kundi ang pagkakaila nila na nangyaring ang Sugo ay kabilang sa uri ng mga mortal yayamang nagsabi sila bilang pagtutol: "Nagpadala ba si Allāh sa amin ng isang sugo kabilang sa mga mortal?"
Sabihin mo, O Sugo, bilang pagtugon sa kanila: "Kung sakaling nangyaring sa lupa ay may mga anghel na nakatira rito at naglalakad na mga napapanatag gaya ng kalagayan ninyo ay talaga sanang nagpababa Kami sa kanila ng isang sugong Anghel kabilang sa uri nila dahil siya ay ang nakakakayang magpaintindi sa kanila ng ipinasugo sa kanya sapagkat hindi bahagi ng karunungan na magsugo Kami sa kanila ng isang sugong kabilang sa uri ng mga tao. Gayon ang kalagayan ninyo mismo."
Sabihin mo, O Sugo: "Nakasapat si Allāh bilang tagasaksi sa pagitan ko at ninyo na ako ay Sugo sa inyo at na ako ay nagpaabot sa inyo ng ipinasugo sa akin sa inyo. Tunay na Siya, laging sa mga kalagayan ng mga lingkod Niya, ay Tagasaklaw: walang naikukubli sa kanya sa mga iyon na anuman, Nakakikita sa lahat ng mga ikinukubli ng mga kaluluwa."
Ang sinumang itinutuon ni Allāh sa kapatnubayan, siya ay ang napapatnubayan nang totohanan; ngunit ang sinumang itinatatwa Niya palayo sa kapatnubayan at pinaliligaw Niya ay hindi ka, O Sugo, makatatagpo para sa kanila ng mga katangkilik na papatnubay sa kanila sa katotohanan, magtutulak palayo sa kanila ng kapinsalaan, at magdudulot sa kanila ng pakinabang. Magtitipon Kami sa kanila sa Araw ng Pagbangon habang kinakaladkad sila sa mga mukha nila nang hindi nakakikita ni nakabibigkas ni nakaririnig. Ang tuluyan nila na kakanlungan nila ay Impiyerno, na sa tuwing humihina ang lagablab nito ay nagdaragdag sa kanila ng pagliliyab.
Ang pagdurusang iyon na makakatagpo nila ay ang ganti sa kanila dahilan sa kawalang-pananampalataya nila sa mga tanda Naming ibinaba sa Sugo Namin at dahil sa pagsasabi nila bilang pagtuturing ng pagka-imposible ng pagbubuhay na muli: "Kapag ba namatay kami at naging mga butong bulok at mga pira-pirasong nalansag, bubuhayin ba kaming muli matapos niyon bilang nilikhang bago?"
Hindi ba nalaman nitong mga tagapagkaila ng pagkabuhay na muli na si Allāh na lumikha sa mga langit at lupa sa kabila ng kalakihan ng mga ito ay nakakakaya sa paglikha ng tulad nila sapagkat ang sinumang nakakaya sa paglikha ng isang malaki ay nakakakaya sa paglikha ng maliit pa rito. Gumawa nga si Allāh para sa kanila sa Mundo ng isang oras na tinakdaan na magwawakas doon ang buhay nila at gumawa Siya para sa kanila ng isang taning para sa pagbubuhay muli sa kanila, na walang pagdududa hinggil doon. Sa kabila ng paglitaw ng mga patunay ng pagkabuhay muli, tumanggi [sa anuman] ang mga tagapagtambal maliban sa pagkakaila sa pagkabuhay muli sa kabila ng kaliwanagan ng mga patunay rito.
Sabihin mo, O Sugo, sa mga tagapagtambal na ito: "Kung sakaling nangyaring kayo ay nagmamay-ari ng mga imbakan ng awa ng Panginoon ko na hindi nauubos ni nagwawakas, samakatuwid talaga sanang nagpigil kayo sa paggugol nito dala ng pangamba sa pagkaubos nito upang hindi kayo maging mga maralita." Bahagi ng kalikasan ng tao ay na siya ay maramot maliban kung nangyaring siya ay isang mananampalataya sapagkat siya ay gumugugol dala ng pag-asa sa gantimpala ni Allāh.
Talaga ngang nagbigay Kami kay Moises ng siyam na patunay na maliwanag na sumasaksi para sa kanya. Ang mga ito ay ang tungkod, ang puting kamay, ang mga taon [ng tagtuyot], ang kakulangan ng mga bunga, ang baha, ang mga balang, ang mga kuto, ang mga palaka, at ang dugo. Kaya magtanong ka, O Sugo, sa mga Hudyo nang naghatid si Moises sa mga ninuno nila ng mga tandang iyon at nagsabi naman sa kanya si Paraon: "Tunay na ako ay nagpapalagay sa iyo, O Moises, na isang lalaking nagaway dahil sa dinala mong mga kataka-taka."
Nagsabi si Moises bilang pagtugon kay Paraon: "Talaga ngang natiyak mo, O Paraon, na walang nagpababa sa mga tandang ito kundi si Allāh, ang Panginoon ng mga langit at lupa. Nagpababa Siya sa mga ito bilang mga pagpapatunay sa kakayahan Niya at sa katapatan ng Sugo Niya subalit ikaw ay tumanggi. Tunay na ako ay talagang nakaaalam na ikaw, O Paraon, ay mapahahamak na malulugi."
Kaya nagnais si Paraon na magparusa kay Moises - sumakanya ang pangangalaga - at sa mga tao niya sa pamamagitan ng pagpapalabas sa kanila mula sa Ehipto kaya ipinahamak Namin si Paraon at ang sinumang kasama niyang mga hukbo Niya sa kalahatan sa pamamagitan ng pagkalunod.
Nagsabi Kami, matapos ng pagpahamak kay Paraon at sa mga hukbo niya, sa mga anak ni Israel: "Tumahan kayo sa lupain ng Sirya at kapag nangyari ang Araw ng Pagbangon, maghahatid Kami sa inyo nang magkasama patungo sa Tipunan para sa pagtutuos."
Kalakip ng katotohanan nagbaba Kami ng Qur'ān na ito kay Muḥammad -sumakanya ang pagpapala at ang pangangalaga - at kalakip ng katotohanan bumaba ito sa kanya nang walang pagpapalit at walang paglilihis. Hindi Kami nagsugo sa iyo, O Sugo, kundi bilang isang tagapagbalita ng nakalulugod hinggil sa Paraiso sa mga alagad ng pangingilag sa pagkakasala at bilang isang tagapagpangamba sa Impiyerno sa mga alagad ng kawalang-pananampalataya at pagsuway.
Nagbaba Kami nito bilang isang Qur’ān na dinetalye Namin ito at nilinaw Namin ito sa pag-asang bigkasin mo ito sa mga tao sa mga pagitan at paghihinay-hinay sa pagbigkas dahil ito ay higit na nagbubunsod sa pag-intindi at pagbubulay-bulay. Nagpababa Kami nito nang paunti-unti at baha-bahagi ayon sa mga pangyayari at mga kalagayan.
Sabihin mo, O Sugo: "Sumampalataya kayo sa [Qur’ān na] ito ngunit hindi nakadaragdag dito ang pananampalataya ninyo ng anuman o huwag kayong sumampalataya rito ngunit hindi nakababawas dito ang kawalang-pananampalataya ninyo ng anuman." Tunay na ang mga bumasa ng mga naunang kasulatang makalangit at nakakilala sa pagsiwalat at pagkapropeta, kapag binibigkas sa kanila ang Qur'ān, ay nagsusubsob ng mga mukha nila habang mga nakapatirapa kay Allāh bilang pasasalamat.
Nagsasabi sila sa pagkapatirapa nila: "Nagpakawalang-kaugnayan ang Panginoon namin sa pagsira sa pangako sapagkat ang ipinangako Niyang pagpapadala kay Muḥammad - ang pagpapala at ang pangangalaga ay sumakanya - ay mangyayari. Tunay na ang pagpangako ng Panginoon namin niyon at ng iba pa roon ay talagang magaganap nang walang pasubali."
Naglalapag sila ng mga mukha nila habang mga nakapatirapa samantalang umiiyak dahil sa takot sa Kanya at nakadaragdag ang pagkarinig sa Qur'ān at ang pagbubulay-bulay sa mga kahulugan nito ng pagpapasailalim kay Allāh at pagkatakot sa Kanya.
Sabihin mo, O Sugo, sa sinumang nagmasama sa iyo ng pagdalangin sa pamamagitan ng pagsabi mo ng O Allāh, O Raḥmān (Napakamaawain): "Ang mga katagang Allāh at Raḥmān (Napakamaawain) ay dalawang pangalang ukol sa Kanya -napakamaluwalhati Niya - kaya dumalangin kayo sa Kanya sa pamamagitan ng alinman sa dalawang ito o sa pamamagitan ng pangalang iba pa sa dalawang ito kabilang sa mga pangalan Niya sapagkat taglay Niya -napakamaluwalhati Niya - ang mga pangalang pinakamagaganda. Ang dalawang ito ay kabilang sa mga pangalang ito kaya dumalangin kayo sa pamamagitan ng dalawang ito o iba pa sa mga ito na kabilang sa mga pangalan Niyang pinakamaganda. Huwag kang magpaingay sa pagbigkas sa dasal mo para marinig ka ng mga tagapagtambal at huwag kang maglihim nito para hindi ka marinig ng mga mananampalataya. Maghanap ka ng isang paraang katamtaman sa pagitan ng dalawang magkasalungatan."
Sabihin mo, O Sugo: "Ang papuri ay ukol kay Allāh, ang karapat-dapat sa mga uri ng mga papuri, na nagpawalang-kaugnayan sa pagkakaroon ng anak at nagpawalang-kaugnayan sa Shirk sapagkat walang katambal sa Kanya sa paghahari Niya at walang dumadapo sa Kanya na kaabahan at pagkahamak, kaya hindi Siya nangangailangan ng mag-aadya sa Kanya at kakatig sa Kanya. At dumakila ka sa Kanya nang maraming pagdakila. at huwag mong iugnay sa kanya ang anak at katambal sa paghahari, at tagatulong na tumutulong sa Kanya."