ﰏ
ترجمة معاني سورة البينة
باللغة الفلبينية من كتاب الترجمة الفلبينية (تجالوج) للمختصر في تفسير القرآن الكريم
.
من تأليف:
مركز تفسير للدراسات القرآنية
.
ﰡ
Ang mga tumangging sumampalataya kabilang sa mga Hudyo at mga Kristiyano at mga tagatambal ay hindi naging mga humihiwalay sa pagkakasundo nila at pagkakaisa nila sa kawalang-pananampalataya hanggang sa may makarating sa kanila na patotoong maliwanag at katwirang hayag:
Ang patotoong maliwanag at ang katwirang hayag na ito ay isang Sugo mula sa ganang kay Allāh, na ipinadala Niya na bumibigkas ng mga pahinang dinalisay, na walang sumasaling sa mga ito kundi ang mga [anghel na] dinalisay.
Sa mga pahinang iyon ay mga ulat ng katapatan at mga hatol ng katarungan, na gumagabay sa mga tao tungo sa may kaayusan nila at kagabayan nila.
At hindi nagkaiba-iba ang mga Hudyo na binigyan ng Torah at ang mga Kristiyano na binigyan ng Ebanghelyo malibang noong matapos na nagpadala si Allāh ng propeta Niya sa kanila sapagkat mayroon sa kanila na nagpasakop at mayroon sa kanila na nagpumilit sa kawalang-pananampalataya nila sa kabila ng pagkakaalam nila sa katapatan ng propeta Niya.
Nalalantad ang krimen at ang pagmamatigas ng mga Hudyo at mga Kristiyano dahil sila ay hindi inutusan sa Qur'ān na ito maliban ng iniutos sa kanila sa mga Kasulatan nila gaya ng pagsamba kay Allāh - tanging sa Kanya - pagwaksi sa pagtatambal, pagpapanatili sa pagdarasal, at pagbibigay ng zakāh sapagkat ang ipinag-utos sa kanila ay ang relihiyong matuwid na walang kabaluktutan doon.
Tunay na ang mga tumangging sumampalataya - kabilang sa mga Hudyo at mga Kristiyano at kabilang sa mga tagatambal - ay papasok sa Araw ng Pagbangon sa Apoy bilang mga mamamalagi roon magpakailanman. Ang mga iyon ay ang pinakamasama sa mga nilikha dahil sa kawalang-pananampalataya nila kay Allāh at pagpapasinungaling nila sa Sugo Niya.
Tunay na ang mga sumampalataya kay Allāh at gumawa ng mga gawang maayos, ang mga iyon ay ang pinakamabuti sa mga nilikha.
Ang gantimpala sa kanila sa ganang Panginoon nila - kaluwalhatian sa Kanya - ay mga Hardin na dumadaloy ang mga ilog mula sa ilalim ng mga palasyo ng mga ito at mga punung-kahoy ng mga ito bilang mga mamamalagi sa mga ito magpakailanman. Nalugod si Allāh sa kanila dahil sumampalataya sila sa Kanya at tumalima sila sa Kanya, at nalugod sila sa Kanya dahil sa nakamit nila na awa Niya. Ang awang ito ay natatamo ng sinumang nangamba sa Panginoon niya at sumunod sa ipinag-uutos Niya at umiwas sa sinasaway Niya.