ﮒ
ترجمة معاني سورة الأنعام
باللغة الفلبينية من كتاب الترجمة الفلبينية (تجالوج)
.
من تأليف:
مركز رواد الترجمة بالتعاون مع موقع دار الإسلام
.
ﰡ
Ang papuri ay ukol kay Allāh na lumikha ng mga langit at lupa, at gumawa sa mga kadiliman at liwanag. Pagkatapos ang mga tumangging sumampalataya sa Panginoon nila ay nagpapantay [sa Kanya sa iba].
Siya ang lumikha sa inyo mula sa putik, pagkatapos ay nagpasya Siya ng isang taning at isang taning na itinakda sa ganang Kanya. Pagkatapos kayo ay nag-aagam-agam.
Siya ay si Allāh [ang Diyos] sa mga langit at sa lupa. Nalalaman Niya ang lihim ninyo at ang kahayagan ninyo, at nalalaman Niya ang nakakamit ninyo.
Walang dumarating sa kanila na isang tanda mula sa mga tanda ng Panginoon nila malibang sila sa mga ito ay mga umaayaw
sapagkat nagpasinungaling na sila sa katotohanan noong dumating sa kanila ,kaya darating sa kanila ang mga balita ng kinukutya nila noon.
Hindi ba nila napag-alaman kung ilan ang nilipol Namin mula sa bago sa kanila na salinlahing pinatatag Namin sa lupa ng hindi pagkapatatag Namin sa inyo? Pinadalhan Namin ang langit sa ibabaw nila ng masaganang ulan at ginawa Namin ang mga ilog na dumadaloy mula sa ilalim nila, ngunit nilipol Namin sila dahil sa mga pagkakasala nila, at nagpasimula Kami mula sa matapos sa kanila ng salinlahing iba.
Kung sakaling nagpababa Kami sa iyo ng isang aklat na nasa kalatas at nahipo nila ito ng mga kamay nila ay talaga sanang nagsabi ang mga tumangging sumampalataya: "Walang iba ito kundi isang panggagaway na malinaw."
Nagsabi sila: "Bakit kasi hindi nagbaba sa kanya ng isang anghel?" Kung sakaling nagbaba Kami sa kanya ng isang anghel ay talaga sanang napagpasyahan ang usapin, pagkatapos ay hindi sila aantalain.
Kung sakaling ginawa Namin siya na isang anghel ay talaga sanang ginawa Namin siya na isang lalaki at talaga sanang nagpalito Kami sa kanila ng ikinalilito nila.
Talaga ngang nakutya ang mga sugong nauna sa iyo kaya pumaligid sa mga nanuya sa kanila ang kinukutya nila noon.
Sabihin mo: "Humayo kayo sa lupa, pagkatapos ay tingnan ninyo kung naging papaano ang kinahinatnan ng mga nagpapasinungaling."
Sabihin mo: "Kanino ang anumang nasa mga langit at mga lupa?" Sabihin mo: "Kay Allāh." Itinakda Niya sa sarili Niya ang awa. Talagang titipunin nga Niya kayo tungo sa Araw ng Pagbangon, walang pag-aalinlangan hinggil dito. Ang mga nagpalugi sa mga sarili nila, sila ay hindi sumasampalataya.
Sa Kanya ang anumang nanahan sa gabi at maghapon. Siya ay ang Madinigin, ang Maalam.
Sabihin mo: "Ang iba pa ba kay Allāh ay gagawin kong isang tagatangkilik, ang Tagapaglalang ng mga langit at lupa, samantalang Siya ay nagpapakain at hindi pinakakain?" Sabihin mo: "Tunay na ako ay inutusang maging una sa yumakap sa Islām." Huwag ka ngang magiging kabilang sa mga nagtatambal [kay Allāh].
Sabihin mo: "Tunay na ako ay nangangamba, kung sinuway ko ang Panginoon ko, sa pagdurusa sa isang araw na sukdulan."
Ang sinumang ibinaling palayo roon sa araw na iyon ay kinaawaan nga Niya siya. Iyon ang pagkatamong malinaw.
Kung sinaling ka ni Allāh ng isang kapinsalaan ay walang makapapawi nito kundi Siya. Kung sinaling ka Niya ng isang kabutihan, Siya sa bawat bagay ay may-kakayahan.
Siya ay ang Tagalupig sa ibabaw ng mga lingkod Niya at Siya ay ang Marunong, ang Nakababatid.
Sabihin mo: "Aling bagay ang pinakamalaki sa pagsasaksi?" Sabihin mo: "Si Allāh ay saksi sa pagitan ko at ninyo. Isiniwalat sa akin ang Qur’ān na ito upang magbabala ako sa inyo nito at sa sinumang naabot nito. Tunay na kayo ba ay talagang sumasaksi na may kasama kay Allāh na mga ibang diyos?" Sabihin mo: "Hindi ako sumasaksi." Sabihin mo: "Siya ay nag-iisang Diyos lamang at tunay na ako ay walang-kinalaman sa anumang itinatambal ninyo."
Ang mga binigyan Namin ng Kasulatan ay nakakikilala sa kanya gaya ng pagkakilala nila sa mga anak nila. Ang mga nagpalugi sa mga sarili nila, sila ay hindi sumasampalataya.
Sino ang higit na lumalabag sa katarungan kaysa sa sinumang gumawa-gawa laban kay Allāh ng isang kasinungalingan o nagpasinungaling sa mga tanda Niya. Tunay na hindi nagtatagumpay ang mga lumalabag sa katarungan.
Sa araw na titipunin Namin sila sa kalahatan, pagkatapos ay magsasabi Kami sa mga nagtambal: "Nasaan ang mga itinambal ninyo na inaakala ninyo noon?"
Pagkatapos ay walang [tugon sa] pagsusulit sa kanila kundi na magsabi sila: "Sumpa man kay Allāh, ang Panginoon Namin, kami noon ay hindi mga nagtatambal."
Tingnan mo kung papaanong nagsinungaling sila laban sa mga sarili nila at nawala sa kanila ang ginagawa-gawa nila noon.
Kabilang sa kanila ang nakikinig sa iyo ngunit naglagay Kami sa mga puso nila ng mga panakip sa pag-unawa nila nito at sa mga tainga nila naman ng pagkabingi. Kung makikita nila ang bawat tanda ay hindi sila sasampalataya rito. Kahit kapag dumating sila sa iyo, makikipagtalo sila sa iyo. Magsasabi ang mga tumangging sumampalataya: "Walang iba ito kundi mga alamat ng mga sinauna."
Sila ay sumasaway laban sa kanya at lumalayo sa kanya. Wala silang pinasasawi kundi ang mga sarili nila ngunit hindi nila nararamdaman.
Kung sakaling nakikita mo kapag patitigilin sila sa ibabaw ng Apoy at magsasabi sila: "O kung sana tayo ay pababalikin at hindi tayo magpasinungaling sa mga tanda ng Panginoon Natin at maging kabilang sa mga mananampalataya!"
Bagkus lumitaw sa kanila ang ikinukubli nila noong una. Kung sakaling pinanumbalik sila ay talaga sanang babalik sila sa isinaway sa kanila. Tunay na sila ay talagang mga nagsisinungaling.
Nagsabi sila: "Walang iba ito kundi ang makamundong buhay natin, at tayo ay hindi mga bubuhayin."
Kung sakaling nakikita mo kapag pinatayo sila sa Panginoon mo ay magsasabi Siya: "Ito ba ay hindi ang totoo?" Magsasabi sila: "Opo, sumpa man sa Panginoon namin." Magsasabi Siya: "Kaya lasapin ninyo ang pagdurusa dahil kayo noon ay tumatangging sumampalataya.
Nalugi nga ang mga nagpasinungaling sa pakikipagtagpo kay Allāh, hanggang sa nang dumating sa kanila ang Huling Sandali nang biglaan ay magsasabi sila: "O kasawian sa amin, dahil sa nagpabaya kami kaugnay rito," habang sila ay nagdadala ng mga pasanin nila sa mga likod nila. Kaingat, anong sagwa ang pinapasan nila!
Walang iba ang makamundong buhay kundi isang paglalaro at isang paglilibang at talagang ang pangkabilang-buhay na tahanan ay higit na mabuti para sa mga nangingilag magkasala. Kaya hindi ba ninyo nauunawaan?
Nalalaman nga Namin na talagang nagpalungkot sa iyo ang sinasabi nila sapagkat tunay na sila ay hindi nagpapasinungaling sa iyo subalit ang mga lumalabag sa katarungan ay sa mga Tanda ni Allāh tumatanggi.
Talaga ngang pinagsinungaling ang mga sugong nauna pa sa iyo ngunit nagtiis sila sa anumang pagpapasinungaling sa kanila at pamiminsala sa kanila hanggang sa dumating sa kanila ang pag-aadya Namin. Walang magpapalit sa mga salita ni Allāh. Talaga ngang may dumating sa iyo na balita ng mga isinugo.
Kung nangyaring bumigat sa iyo ang pag-ayaw nila at kung nakaya mo na maghanap ng isang lagusan sa lupa o isang hagdan sa langit at dalhan mo sila ng isang tanda [ay gawin mo]. Kung sakaling niloob ni Allāh ay talaga sanang ipinagbuklod Niya sila sa patnubay, kaya huwag ka ngang magiging kabilang sa mga mangmang.
Tumutugon lamang ang mga nakaririnig. At ang mga patay ay bubuhayin ni Allāh, pagkatapos ay sa Kanya sila ibabalik.
Nagsabi sila: "Bakit hindi nagpababa sa kanya ng isang tanda mula sa Panginoon niya?" Sabihin mo: "Tunay na si Allāh ay nakakakaya na magpababa ng isang tanda subalit ang higit na marami sa kanila ay hindi nakaaalam."
Walang anumang [hayop na] umuusad sa lupa ni ibong lumilipad sa pamamagitan ng mga pakpak nito malibang mga kapisanang mga tulad ninyo. Wala Kaming pinabayaan sa Aklat na anumang bagay. Pagkatapos ay tungo sa Panginoon nila titipunin sila.
Ang mga nagpasinungaling sa mga tanda Namin ay mga bingi at mga pipi na nasa mga kadiliman. Ang sinumang loloobin ni Allāh ay paliligawin Niya ito at ang sinumang loloobin Niya ay ilalagay Niya ito sa isang landasing tuwid.
Sabihin mo: "Ipabatid nga ninyo sa akin, kung dumating sa inyo ang parusa ni Allāh o dumating sa inyo ang Huling Sandali, sa iba pa kay Allāh ba kayo dadalangin, kung kayo ay mga tapat?"
Bagkus sa Kanya kayo dadalangin at papawiin Niya ang idinadalangin ninyo sa Kanya kung niloob Niya at kakalimutan ninyo ang itinatambal ninyo.
Talaga ngang nagsugo Kami sa mga kalipunang nauna sa iyo at nagpataw Kami sa kanila ng karalitaan at karamdaman nang sa gayon sila ay magpapakumbaba.
Ngunit bakit hindi - noong dumating sa kanila ang parusa Namin - sila nagpakumbaba bagkus tumigas ang mga puso nila at ipinang-akit sa kanila ng demonyo ang ginagawa nila noon.
Kaya noong kinalimutan nila ang ipinaalaala sa kanila, binuksan Namin para sa kanila ang mga pinto ng bawat bagay, hanggang sa nang natuwa sila sa ibinigay sa kanila ay pinarusahan Namin sila nang biglaan kaya biglang sila ay mga nalulumbay.
Kaya pinutol ang huling ugat ng mga taong lumalabag sa katarungan. Ang papuri ay ukol kay Allāh, ang Panginoon ng mga nilalang.
Sabihin mo: "Isinaalang-alang ba ninyo kung kinuha ni Allāh ang pandinig ninyo at ang mga paningin ninyo at nagpinid Siya sa mga puso ninyo, sinong diyos na iba pa kay Allāh ang magdudulot sa inyo nito?" Tingnan mo kung papaanong sinasari-sari Namin ang mga tanda, pagkatapos sila ay bumabaling pa.
Sabihin mo: "Ipabatid ninyo sa akin kung pinuntahan kayo ng parusa ni Allāh nang biglaan o hayagan, may malilipol ba maliban sa mga taong lumalabag sa katarungan?"
Hindi Namin isinugo ang mga sinugo kundi bilang mga tagapagbalita ng nakagagalak at mga tagababala. Kaya ang sinumang sumampalataya at nagpakatuwid ay walang pangamba sa kanila ni sila ay malulungkot.
Ang mga nagpasinungaling sa mga tanda Namin ay sasalingin sila ng pagdurusa dahil sila noon ay nagpapakasuwail.
Sabihin mo: "Hindi ako nagsasabi sa inyo na taglay ko ang mga imbakan ni Allāh ni nakaaalam ako sa Lingid. Hindi ako nagsasabi sa inyo na tunay na ako ay isang anghel. Wala akong sinusunod kundi ang isiniwalat sa akin." Sabihin mo: "Nagkakapantay ba ang bulag at ang nakakakita? Hindi ba kayo nag-iisip-isip?"
Magbabala ka nito sa mga nangangambang tipunin sila tungo sa Panginoon nila - walang ukol sa kanila bukod pa sa Kanya na isang katangkilik ni isang tagapamagitan – nang sa gayon sila ay mangingilag magkasala.
Huwag mong itaboy ang mga dumadalangin sa Panginoon nila sa umaga at dapit-hapon, na nagnanais ng kaluguran Niya. Walang tungkulin sa iyo sa pagtutuos sa kanila na anuman ni tungkulin nila sa pagtutuos sa iyo na anuman, upang itaboy mo sila, para ikaw ay maging kabilang sa mga lumalabag sa katarungan
Gayon Namin tinukso ang ilan sa kanila sa pamamagitan ng iba upang magsabi sila: "Ang mga ito ba ay pinagpala ni Allāh sa gitna namin?" Hindi ba si Allāh ay higit na nakaaalam sa mga nagpapasalamat?
Kapag pumunta sa iyo ang mga sumasampalataya sa mga tanda Namin ay sabihin mo: "Kapayapaan ay sumainyo." Itinakda ng Panginoon ninyo sa sarili Niya ang pagkaawa: na ang sinumang gumawa kabilang sa inyo ng kasagwaan dahil sa kamangmangan, pagkatapos ay nagbalik-loob matapos niyon at nagpakatuwid, Siya ay mapagpatawad, maawain.
Gayon Namin puspusang isinasaysay ang mga tanda at upang mapaglinawan ang landas ng mga salarin.
Sabihin mo: "Tunay na ako ay sinaway na sumamba ako sa mga dinadalanginan ninyo bukod pa kay Allāh." Sabihin mo: "Hindi ako sumusunod sa mga nasa ninyo; naligaw na sana ako kung gayon at hindi sana ako kabilang sa mga napapatnubayan."
Sabihin mo: "Tunay na ako ay nasa isang malinaw na patunay mula sa Panginoon ko at nagpasinungaling kayo rito. Wala sa akin ang minamadali ninyo. Ang paghahatol ay ukol kay Allāh lamang. Isinasalaysay Niya ang katotohanan at Siya ay ang pinakamainam sa mga nagbubukod."
Sabihin mo: "Kung nasa akin ang minamadali ninyo ay talaga sanang napagpasyahan ang usapin sa pagitan ko at ninyo. Si Allāh ay higit na nakaaalam sa mga lumalabag sa katarungan."
Taglay Niya ang mga susi ng Lingid; walang nakaaalam sa mga iyon kundi Siya. Nalalaman Niya ang anumang nasa katihan at karagatan. Walang nalalaglag na anumang dahon malibang nalalaman Niya ito. Walang butil sa mga kadiliman ng lupa at walang mahalumigmig ni tuyot malibang nasa isang aklat na maglilinaw.
Siya ang bumabawi sa inyo sa gabi at nalalaman Niya ang nagawa ninyo sa maghapon. Pagkatapos ay binubuhay Niya kayo roon upang makalubos ng isang takdang taning. Pagkatapos ay tungo sa Kanya ang balikan ninyo. Pagkatapos ay ibabalita Niya sa inyo ang ginagawa ninyo noon.
Siya ay ang Tagalupig sa ibabaw ng mga lingkod Niya. Nagsusugo Siya sa inyo ng mga tagapag-ingat hanggang sa kapag dumating sa isa sa inyo ang kamatayan ay babawiin ito ng mga sugo Namin at sila ay hindi nagpapabaya.
Pagkatapos ay ibabalik sila kay Allāh, ang Tagatangkilik nilang totoo. Pakatandaan, ukol sa Kanya ang paghahatol at Siya ay ang pinakamabilis sa mga tagapagtuos.
Sabihin mo: "Sino ang nagliligtas sa inyo mula sa mga kadiliman ng katihan at karagatan, na dumadalangin kayo sa Kanya dala ng pagpapakumbaba at palihim, [na nagsasabi]: "Talagang kung iniligtas Niya kami mula rito ay talaga sanang kami nga ay magiging kabilang sa mga nagpapasalamat."
Sabihin mo: "Si Allāh ay magliligtas sa inyo mula roon at mula sa bawat kapighatian, pagkatapos kayo ay nagtatambal."
Sabihin mo: "Siya ay ang Nakakakaya na magpadala sa inyo ng isang pagdurusa mula sa ibabaw ninyo o mula sa ilalim ng mga paa ninyo, o na magpalito sa inyo [para maging] mga pangkatin at magpalasap sa ilan sa inyo ng kabangisan ng iba." Tingnan mo kung papaanong sinasari-sari Namin ang mga tanda nang sa gayon sila ay makauunawa.
Nagpasinungaling dito ang mga tao mo gayong ito ay ang katotohanan. Sabihin mo: "Ako sa inyo ay hindi pinananaligan."
Ukol sa bawat balita ay isang tinitigilan, at malalaman ninyo.
Kapag nakita mo ang mga sumusuong [sa pagtuligsa] sa mga talata Namin ay umayaw ka sa kanila hanggang sa sumuong sila sa isang pag-uusap na iba roon. Kung palilimutin ka nga ng demonyo ay huwag kang manatili, matapos ang pagkaalaala, kasama ng mga taong lumalabag sa katarungan.
Walang tungkulin sa mga nangingilag magkasala sa pagtutuos sa kanila sa anuman kundi isang paalaala nang sa gayon sila ay mangingilag magkasala.
Hayaan mo ang mga gumagawa sa relihiyon nila bilang isang laro at isang paglilibang at nalinlang sila ng makamundong buhay. Magpaalaala ka nito na baka may mapariwarang isang kaluluwa dahil sa nagawa niya, na walang ukol sa kanya bukod pa kay Allāh na isang katangkilik ni isang tagapamagitan, at kahit tubusin niya ng bawat pantubos ay hindi iyon kukunin mula sa kanya. Ang mga iyon ang mga napariwara dahil sa nakamit nila. Ukol sa kanila ay isang inumin mula sa kumukulong tubig at isang pagdurusang masakit dahil sila noon ay tumatangging sumampalataya.
Sabihin mo: "Dadalangin ba kami sa bukod pa kay Allāh, na hindi nakapagpapakinabang sa amin at hindi nakapipinsala sa amin? Panunumbalikin kami sa [dinaanan ng] mga sakong namin matapos nang napatnubayan kami ni Allāh, gaya ng hinalina ng mga demonyo sa lupa na litung-lito, gayong mayroon siyang mga kasamahang nag-aanyaya sa kanya tungo sa patnubay, [na nagsasabi]: Pumunta ka sa amin." Sabihin mo: "Tunay na ang patnubay ni Allāh ay ang patnubay. Napag-utusan kami upang sumuko kami sa Panginoon ng mga nilalang,
na panatiliin ang pagdarasal at pangilagang magkasala sa Kanya yayamang Siya ay sa Kanya kayo titipunin."
Siya ay ang lumikha sa mga langit at lupa ayon sa katotohanan, at sa araw [ng pagkabuhay] ay magsasabi Siya: "Mangyari" kaya mangyayari. Ang sabi Niya ay ang katotohanan. Kanya ang paghahari sa araw na iihip sa tambuli, ang Nakaaalam sa Lingid at Hayag. Siya ay ang Marunong, ang Nakababatid.
[Banggitin] noong nagsabi si Abraham sa ama niyang si Āzar: "Gumagawa ka ba sa mga anito bilang mga diyos? Tunay na ako ay nakakikita sa iyo at mga kalipi mo sa isang pagkaligaw na malinaw."
Gayon ipinakita Namin kay Abraham ang kaharian sa mga langit at lupa at upang siya ay maging kabilang sa mga nakatitiyak.
Kaya noong tumakip sa kanya ang gabi ay nakakita siya ng isang tala. Nagsabi siya: "Ito ay Panginoon ko;" ngunit nang naglaho ito ay nagsabi siya: "Hindi ko naiibigan ang mga naglalaho."
Kaya noong nakita niya ang buwan na lumilitaw ay nagsabi siya: "Ito ay Panginoon ko;" ngunit noong naglaho ito ay nagsabi siya: "Talagang kung hindi magpapatnubay sa akin ang Panginoon ko, talagang ako nga ay magiging kabilang sa mga taong naliligaw."
Kaya noong nakita niya ang araw na lumilitaw ay nagsabi siya: "Ito ay Panginoon ko; ito ay higit na malaki;" ngunit noong lumubog ito ay nagsabi siya: "O mga kalipi ko, tunay na ako ay walang-kinalaman sa anumang itinatambal ninyo;
tunay na ako ay nagbaling ng mukha ko sa naglalang ng mga langit at lupa bilang isang makakatotohanan, at ako ay hindi kabilang sa mga tagapagtambal."
Nangatwiran sa kanya ang mga kalipi niya. Nagsabi siya: "Nangangatwiran ba kayo sa akin hinggil kay Allāh samantalang pinatnubayan na Niya ako? Hindi ako nangangamba sa anumang itinatambal ninyo sa Kanya malibang may niloob ang Panginoon ko na isang bagay. Sumasaklaw ang Panginoon ko sa bawat bagay sa kaalaman. Kaya hindi ba kayo napaaalalahanan?"
Papaanong mangangamba ako sa anumang itinambal ninyo samantalang hindi kayo nangangamba na kayo ay nagtambal kay Allāh ng anumang hindi Siya nagbaba sa inyo ng isang patunay? Kaya alin sa dalawang pangkat ang higit na karapat-dapat sa katiwasayan, kung kayo ay nakaaalam?
Ang mga sumampalataya at hindi naghalo sa pananampalataya nila ng isang kawalang-katarungan, ukol sa mga iyon ang katiwasayan at sila ay mga napapatnubayan.
Iyon ay ang katwiran Namin; ibinigay Namin ito kay Abraham laban sa mga kalipi niya. Nag-aangat Kami ng mga antas ng sinumang niloloob Namin. Tunay na ang Panginoon mo ay marunong, maalam.
Ipinagkaloob Namin sa kanya sina Isaac at Jacob, na sa bawat isa ay nagpatnubay Kami. Kay Noe ay nagpatnubay Kami noon at sa kabilang sa mga supling niyang sina David, Solomon, Job, Yusuf, Moises, at Aaron. Ganoon Namin ginagantihan ang mga tagagawa ng maganda.
Sina Zacarias, Juan, Hesus, at Elias ay lahat kabilang sa mga matuwid.
[Nagpatnubay Kami] kina Ismael, Eliseo, Jonas, at Lot - lahat ay itinangi Namin sa mga nilalang -
at sa kabilang sa mga ama nila, mga supling nila, at mga kapatid nila. Hinirang Namin sila at pinatnubayan Namin sila sa landasing tuwid.
Iyon ay patnubay ni Allāh; pinapatnubayan Niya sa pamamagitan niyon ang sinumang niloloob Niya kabilang sa mga lingkod Niya. Kung sakaling nagtambal sila ay talaga sanang nawalang-kabuluhan para sa kanila ang anumang ginagawa nila noon.
Ang mga iyon ay ang mga binigyan Namin ng kasulatan, dunong, at pagkapropeta, ngunit kung tatangging sumampalataya sa mga iyan ang mga [taong] ito ,ay ipagkakatiwala nga Namin ang mga iyan sa mga taong hindi mga tumatangging sumampalataya.
Ang mga iyon ay ang mga pinatnubayan ni Allāh kaya sa patnubay nila ay tumulad ka. Sabihin mo: "Hindi ako nanghihingi sa inyo dahil dito ng isang kabayaran; walang iba ito kundi isang paalaala para sa mga nilalang."
Hindi nila iginalang si Allāh nang totoong paggalang sa Kanya noong nagsabi sila: "Hindi nagbaba si Allāh sa isang tao ng anuman." Sabihin mo: "Sino ang nagbaba sa kasulatang ihinatid ni Moises bilang isang liwanag at isang patnubay para sa mga tao, na ginagawa ninyo ito na mga hiwa-hiwalay na pahina,naglalantad kayo ng ilan at nagkukubli kayo ng marami, samantalang tinuruan kayo ng hindi ninyo nalaman mismo ni ng mga magulang ninyo?" Sabihin mo: "Si Allāh [ay nagbaba]." Pagkatapos ay hayaan mo sila sa bulaang pagtatalakay nila habang naglalaro sila.
Ito ay Aklat na ibinaba Namin, na pinagpala, na nagpapatotoo sa nauna rito at upang pagbalaan mo ang Ina ng mga nayon at ang sinumang nasa paligid nito. Ang mga sumasampalataya sa Kabilang-buhay ay sumasampalataya rito, at sila, sa pagdarasal nila, ay nangangalaga.
Sino ang higit na lumalabag sa katarungan kaysa sa sinumang gumawa-gawa laban kay Allāh ng isang kasinungalingan o nagsabi: "Nagsiwalat sa akin," samantalang hindi nagsiwalat sa kanya ng anuman, at sa sinumang nagsabi: "Magbababa ako ng tulad sa ibinaba ni Allāh." Kung sakaling nakikita mo kapag ang mga lumalabag sa katarungan ay nasa mga hapdi ng kamatayan samantalang ang mga anghel ay nag-aabot ng mga kamay nila, [na nagsasabi]: "Ilabas ninyo ang mga espiritu ninyo! Ngayong araw ay gagantihan kayo ng pagdurusa ng pagkahamak dahil sa kayo noon ay nagsasabi laban kay Allāh ng hindi totoo at kayo noon sa mga tanda Niya ay nagmamalaki."
Talaga ngang pumunta kayo sa Amin bilang mga bukod-tangi gaya ng paglikha Namin sa inyo sa unang pagkakataon at iniwan ninyo ang mga iginawad Namin sa inyo sa likuran ng mga likod ninyo. Hindi Kami nakakikita kasama ninyo ng mga tagapamagitan ninyo na inaakala ninyo na sila sa inyo ay mga katambal [kay Allāh]. Talaga ngang nagkaputul-putol [ang ugnayan] sa pagitan ninyo at nawala sa inyo ang inaakala ninyo noon.
Tunay na si Allāh ay tagapagpabuka ng mga butil at mga buto, na nagpapalalabas ng buhay mula sa patay at tagapagpalabas ng patay mula sa buhay. Iyon si Allāh, kaya paano kayo nababaling palayo?
[Siya ay] ang tagapagbuka ng madaling-araw at gumawa sa gabi bilang isang pamamahinga at sa araw at buwan bilang isang pagtataya. Iyon ay ang pagtatakda ng Makapangyarihan, Maalam.
Siya ay ang gumawa para sa inyo ng mga bituin upang mapatnubayan kayo sa pamamagitan ng mga ito sa mga kadiliman ng katihan at karagatan. Ipinaliwanag nga Namin ang mga tanda para sa mga taong umaalam.
Siya ay ang lumalang sa inyo mula sa iisang espiritu at [binigyan] ng isang pinagtitigilan at isang pinaglalagakan. Ipinaliwanag nga ang mga tanda para sa mga taong umuunawa.
Siya ay ang nagbaba mula sa langit ng tubig. Nagpalabas sa pamamagitan nito ng halaman ng bawat uri. Nagpalabas mula rito ng mga luntian, na nagpapalabas mula sa mga ito ng mga butil na nagkakapatung-patong at mula sa mga punong datiles mula sa mga bulaklak ng mga ito ng mga buwig ng datiles na naaabot, at ng mga hardin ng mga ubas. [Nagpalabas ng] mga oliba at mga granada, na nagkakahawig at hindi nagkakahawigan. Tumingin kayo sa mga bunga ng mga ito kapag namunga ang mga ito at sa paghinog ng mga ito. Tunay na sa gayon ay talagang may mga tanda para sa mga taong sumasampalataya.
Ginawa nila para kay Allāh bilang mga katambal ang mga jinn samantalang nilikha Niya ang mga ito. Gumawa-gawa sila para sa Kanya ng mga anak na lalaki at mga anak na babae nang walang kaalaman. Napakamaluwalhati Niya at pagkataas-taas Niya kaysa sa anumang inilalarawan nila.
Tagapagpasimula ng mga langit at lupa, paano nangyayaring mayroon siyang anak samantalang hindi naman nangyaring mayroon siyang asawa? Nilikha Niya ang bawat bagay. Siya sa bawat bagay ay maalam.
Iyon ay si Allāh, ang Panginoon ninyo; walang Diyos kundi Siya, ang Tagapaglikha ng bawat bagay kaya sambahin ninyo Siya. Siya sa bawat bagay ay pinananaligan.
Hindi Siya naaabot ng mga paningin samantalang Siya ay nakaaabot sa mga paningin. Siya ay ang Nakatatalos, ang Nakababatid.
May dumating nga sa inyo na mga hayag na patunay mula sa Panginoon ninyo; kaya ang sinumang nakakita ay ukol sa [ikabubuti ng] sarili niya at ang sinumang nabulag ay ayon sa [ikasasama] nito.
Gayon sinasari-sari Namin ang mga tanda upang magsabi sila na nag-aral ka at upang linawin Namin ito sa mga taong umaalam.
Sundin mo ang isiniwalat sa iyo mula sa Panginoon mo - walang Diyos kundi Siya - at umayaw ka sa mga tagapagtambal.
Kung sakaling niloob ni Allāh ay hindi sana sila nagtambal sa Kanya. Hindi ka Namin ginawa sa kanila na isang mapag-ingat. Ikaw sa kanila ay hindi isang pinananaligan.
Huwag ninyong alipustain ang mga dinadalanginan nila bukod pa kay Allāh para alipustain nila si Allāh dala ng pang-aaway nang walang kaalaman. Gayon ipinaakit Namin para sa bawat kalipunan ang gawa nila. Pagkatapos ay sa Panginoon nila ang balikan nila at ibabalita Niya sa kanila ang ginagawa nila noon.
Nanumpa sila kay Allāh ng mariin sa mga panunumpa nila na talagang kung may isang tanda na dumating sa kanila ay talagang sasampalataya nga sila rito. Sabihin mo: "Ang mga tanda ay nasa kay Allāh lamang. Ano ang magpapadama sa inyo na kapag dumating ito ay hindi sila sasampalataya?"
Pipihitin Namin ang mga puso nila at ang mga paningin nila gaya ng hindi nila pagsampalataya rito sa unang pagkakataon at hahayaan Namin sila sa pagmamalabis nila habang nag-aalanganin sila.
Kung sakaling Kami ay nagpababa sa kanila ng mga anghel, at kinausap sila ng mga patay, at nagtipon sa kanila ng bawat bagay nang harapan ay hindi nga sila sasampalataya malibang loobin ni Allāh, subalit ang higit na marami sa kanila ay nagpapakamangmang.
Gayon Kami gumawa para sa bawat propeta ng kaaway na mga demonyo ng tao at jinn, na nagpapahiwatig ang ilan sa kanila sa iba ng pinalamutiang pananalita bilang isang panlilinlang. Kung sakaling niloob ng Panginoon mo ay hindi sana nila ginawa iyon. Kaya hayaan mo sila at ang anumang ginagawa-gawa nila,
at upang mahilig doon ang mga puso ng mga tumatangging sumampalataya sa Kabilang-buhay, upang kalugdan nila iyon, at upang makamtan nila ang anumang sila ay mga magkakamit.
Kaya sa iba pa ba kay Allāh maghahangad ako ng isang hukom samantalang Siya ay ang nagbaba sa inyo ng Aklat habang masusing ipinaliliwanag? Ang mga binigyan Namin ng Kasulatan ay nakaaalam na ito ay pinababa mula sa Panginoon mo taglay ang katotohanan kaya huwag ka ngang maging kabilang sa mga nag-aatubili.
Nabuo ang Salita ng Panginoon mo sa katapatan at katarungan. Walang makapagpapalit sa mga Salita Niya. Siya ay ang Madinigin, ang Maalam.
Kung tatalima ka sa higit na marami sa mga nasa lupa ay ililigaw ka nila palayo sa landas ni Allāh. Wala silang sinusunod kundi ang akala habang sila ay naghahaka-haka lamang.
Tunay na ang Panginoon mo ay higit na nakaaalam sa sinumang naliligaw palayo sa landas Niya, at Siya ay higit na nakaaalam sa mga napatnubayan.
Kaya kumain kayo mula sa binanggit ang pangalan ni Allāh roon, kung kayo sa mga tanda Niya ay mga mananampalataya.
Bakit kayo hindi kakain sa binanggit ang pangalan ni Allāh rito samantalang puspusang ipinaliwanag na Niya sa inyo ang ipinagbawal Niya sa inyo maliban doon sa napilitan kayo? Tunay na may marami talagang nagpapaligaw sa pamamagitan ng mga pithaya nila nang walang kaalaman. Tunay na ang Panginoon mo ay higit na nakaaalam sa mga lumalabag.
Hayaan ninyo ang nakalantad sa kasalanan at ang nakakubli rito. Tunay na ang mga nagkakamit ng kasalanan ay gagantihan sa nagagawa nila noon.
Huwag kayong kumain mula sa anumang hindi binanggit ang pangalan ni Allāh roon, at tunay na ito ay talagang kasuwailan. Tunay na ang mga demonyo ay talagang nagpapahiwatig sa mga katangkilik nila upang makipagtalo sila sa inyo. Kung tumalima kayo sa kanila, tunay na kayo ay talagang mga tagapagtambal.
Ang sinumang noon ay patay, at saka binuhay Namin siya, at nilagyan Namin siya ng isang liwanag na naglalakad siya sa pamamagitan nito sa mga tao ay gaya ba ng sinumang ang paghahalintulad sa kanya ay nasa mga kadiliman na hindi nakalalabas mula sa mga ito? Gayon ipinang-aakit sa mga tumatangging sumampalataya ang ginagawa nila noon.
Gayon Kami nagtalaga para sa bawat pamayanan ng mga napakalaki sa mga salarin nito upang magbalak sila rito ngunit hindi sila nagbabalak kundi laban sa mga sarili nila ngunit hindi nila nararamdaman.
Kapag may dumating sa kanila na isang tanda ay nagsasabi sila: "Hindi kami sasampalataya hanggang sa bigyan kami ng tulad sa ibinigay sa mga sugo ni Allāh." Si Allāh ay higit na nakaaalam kung saan Niya ilalagay ang pasugo Niya. May dadapo sa mga nagpakasalarin na isang pagmamaliit sa ganang kay Allāh at isang matinding pagdurusa dahil sa nagbabalak sila noon.
Kaya ang sinumang nanaisin ni Allāh na patnubayan ay paluluwagin Niya ang dibdib nito sa Islām. Ang sinumang nanaisin Niya na paligawin ay gagawin Niya ang dibdib nito na makitid na naninikip na para bang umaakyat siya sa langit. Gayon naglalagay si Allāh ng kasalaulaan sa mga hindi sumasampalataya.
Ito ay landasin ng Panginoon mo: tuwid. Masusing ipinaliliwanag nga Namin ang mga tanda para sa mga taong nakapag-aalaala.
Ukol sa kanila ang tahanan ng kaligtasan sa piling ng Panginoon nila. Siya ay Katangkilik nila dahil sa ginagawa nila noon.
[Banggitin] sa Araw na titipunin Niya sila sa kalahatan: "O umpukan ng mga jinn, nagparami nga kayo [sa pagliligaw] ng tao at jinn." Magsasabi ang mga katangkilik nila kabilang sa tao: "Panginoon namin, nagtamasa ang ilan sa amin sa iba pa at umabot sa amin ang taning na itinaning Mo para sa amin." Magsasabi Siya: "Ang Apoy ay tirahan ninyo bilang mga mananatili roon maliban sa niloob ni Allāh. Tunay na ang Panginoon mo ay marunong, maalam.
Gayon isinakatangkilik Namin ang ilan sa mga lumalabag sa katarungan sa iba pa dahil sa ginagawa nila noon.
O umpukan ng jinn at tao, wala bang dumating sa inyo na mga sugo kabilang sa inyo, na sumasaysay sa inyo ng mga tanda Ko at nagbababala sa inyo ng pagtatagpo sa Araw ninyong ito? Magsasabi sila: "Sumaksi kami laban sa mga sarili namin." Luminlang sa kanila ang makamundong buhay, at sumaksi sila laban sa mga sarili nila na sila noon ay mga tumatangging sumampalataya.
Iyon ay dahil hindi nangyaring ang Panginoon mo ay magpapahamak sa mga pamayanan dahil sa kawalang-katarungan habang ang mga naninirahan sa mga ito ay mga nalilingat.
Lahat ay may mga antas ayon sa ginawa nila. Ang Panginoon mo ay hindi nalilingat sa mga ginagawa nila.
Ang Panginoon mo ay ang Walang-pangangailangan, ang May Awa. Kung loloobin Niya ay lilipulin Niya kayo at ipapalit Niya matapos ninyo ang ninanais Niya gaya ng nilalang Niya kayo mula sa mga supling ng mga ibang tao.
Tunay na ang ipinangangako sa inyo ay talagang darating, at kayo ay hindi mga makapagpapahina.
Sabihin mo: "O mga tao ko, gumawa kayo ayon sa paraan ninyo; tunay na ako ay gumagawa at malalaman ninyo kung sino ang magkakaroon ng kahihinatnan sa Tahanan. Tunay na hindi magtatagumpay ang mga lumalabag sa katarungan."
Nagtalaga sila ukol kay Allāh ng isang bahagi mula sa nilalang Niya na pananim at mga hayupan at nagsabi sila: "Ito ay ukol kay Allāh," ayon sa pag-aangkin nila: "at ito naman ay ukol sa mga itinambal natin [kay Allāh]." Ang ukol sa mga itinambal nila ay hindi nakararating kay Allāh; at ang ukol naman kay Allāh, ito ay nakararating sa mga itinatambal nila. Kay sagwa ang hinahatol nila!
Ganoon ipinang-akit sa marami sa mga tagapagtambal ng mga pantambal nila [kay Allāh] ang pagpatay sa mga anak nila upang ipahamak sila ng mga ito at lituhin sila ng mga ito sa relihiyon nila. Kung sakaling niloob ni Allāh ay hindi sana nila ginawa iyon. Kaya hayaan mo sila at ang ginagawa-gawa nila.
Nagsabi sila: "Ang mga ito ay mga hayupan at pananim, bilang mga bawal ay walang kakain ng mga ito kundi ang sinumang niloloob natin," ayon sa pag-aangkin nila. May mga hayupang ipinagbawal ang mga likod ng mga ito at may mga hayupang hindi nila binabanggit ang pangalan ni Allāh sa [pagkakatay ng] mga ito, dala ng isang paggawa-gawa [ng kasinungalingan] sa Kanya. Gagantihan Niya sila sa anumang ginagawa-gawa nila noon.
Nagsabi sila: "Ang nasa mga tiyan ng mga hayupan na ito ay nakalaan para sa mga lalaki namin at ipinagbabawal sa mga maybahay namin. Kung ito ay patay, sila rito ay mga magkatambal." Gagantihan Niya ang paglalarawan nila; tunay na Siya ay Marunong, Maalam.
Nalugi nga ang mga pumatay sa mga anak nila dala ng isang kahunghangang walang kaalaman at mga nagbawal sa itinustos sa kanila ni Allāh bilang isang paggawa-gawa [ng kasinungalingan] laban kay Allāh. Naligaw nga sila at sila noon ay hindi mga napatnubayan.
Siya ay ang nagpairal ng mga hardin na mga binalagan at hindi mga binalagan, ng mga datiles at mga pananim na nagkakaiba ang lasa ng mga ito, at ng mga oliba at mga granada na nagkakahawigan at hindi nagkakahawigan. Kumain kayo mula sa bunga ng mga ito kapag namunga at ibigay ninyo ang tungkulin ng mga ito sa araw ng pag-aani ng mga ito. Huwag kayong magpalabis; tunay na Siya ay hindi umiibig sa mga tagapagpalabis.
May mga hayupang [nilikhang] tagapasan at maliit. Kumain kayo mula sa itinustos sa inyo ni Allāh at huwag kayong sumunod sa mga hakbang ng demonyo. Tunay na siya para sa inyo ay isang kaaway na malinaw.
Walong uri: mula sa mga tupa, ay dalawa; at mula sa mga kambing, ay dalawa. Sabihin mo: "Ang dalawang lalaki ba ay ipinagbawal Niya o ang dalawang babae o ang nilaman ng mga sinapupunan ng dalawang babae? Magbalita kayo sa akin ng isang kaalaman kung kayo ay mga tapat."
Mula sa mga kamelyo ay may dalawa at mula sa mga baka ay may dalawa. Sabihin mo: "Ang dalawang lalaki ba o ang dalawang babae o ang nilaman ng mga sinapupunan ng dalawang babae? O kayo ba noon ay mga saksi noong nagtagubilin si Allāh ng ganito? Kaya sino ang higit na lumalabag sa katarungan kaysa sa gumawa-gawa laban kay Allāh ng isang kasinungalingan upang ipaligaw ang mga tao nang walang kaalaman. Tunay na si Allāh ay hindi nagpapatnubay sa mga taong lumalabag sa katarungan.
Sabihin mo: "Hindi ako nakatatagpo sa anumang isiniwalat sa akin ng isang ipinagbabawal sa isang tagakaing kakain niyon malibang ito ay patay, o dugong ibinubo, o laman ng baboy sapagkat tunay na ito ay isang kasalaulaan o bilang isang kasuwailang inaalay sa iba pa kay Allāh. Ngunit ang sinumang napilitan nang hindi naghahangad ni lumalampas, tunay na ang Panginoon mo ay Mapagpatawad, Maawain."
Sa mga nagpakahudyo ay ipinagbawal Namin ang bawat may mga buong kuko, at mula sa mga baka at mga tupa ay ipinagbawal Namin sa kanila ang mga taba ng dalawang [uring] ito maliban sa kinapitan ng mga ibabaw ng dalawang [uring] ito o ng mga bituka nito o ng nahalo sa buto. Iyon ay iginanti Namin sa kanila dahil sa paglabag nila. Tunay na Kami ay talagang tapat.
Kaya kung pinasinungalingan ka nila ay sabihin mo: "Ang Panginoon ninyo ay may awang malawak, at hindi binabawi ang parusa Niya buhat sa mga taong salarin."
Magsasabi ang mga nagtambal: "Kung sakaling niloob ni Allāh ay hindi sana kami nagtambal ni ang mga ninuno namin, at hindi sana kami nagbawal ng anuman." Ganoon din nagpasinungaling ang mga nauna sa kanila hanggang sa malasap nila ang kaparusahan Namin. Sabihin mo: "Mayroon ba kayong kaalaman para ilabas ninyo sa Amin? Wala kayong sinusunod kundi ang akala at wala kayong [ginagawa] kundi nagpapabula.
Sabihin mo: "Ngunit kay Allāh ang masidhing katwiran kaya kung sakaling niloob Niya ay talaga sanang nagpatnubay Siya sa inyong lahat."
Sabihin mo: "Magdala kayo ng mga saksi ninyo na sasaksing si Allāh ay nagbawal nito at kung sumaksi sila ay huwag kang sumaksi kasama nila. Huwag kang sumunod sa mga pithaya ng mga nagpasinungaling sa mga tanda Namin at mga hindi sumasampalataya sa Kabilang-buhay samantalang sila sa Panginoon nila ay nagpapantay [sa iba]."
Sabihin mo: "Halikayo, bibigkasin ko ang ipinagbawal ng Panginoon ninyo sa inyo: na huwag kayong magtambal sa Kanya ng anuman; sa mga magulang ay [mag-ukol ng] pagmamagandang-loob; huwag kayong pumatay ng mga anak ninyo dahil sa kahirapan, Kami ay nagtutustos sa inyo at sa kanila; huwag kayong lumapit sa mga malaswa: ang anumang nalantad mula sa mga ito at ang anumang nakubli; at huwag kayong pumatay ng buhay na ipinagbawal ni Allāh malibang ayon sa karapatan." Iyon ay itinagubilin Niya sa inyo nang sa gayon kayo ay uunawa.
Huwag kayong lumapit sa ari-arian ng ulila malibang ito ay sa pinakamagaling, hanggang sa umabot ito sa kahustuhang gulang nito. Lumubos kayo sa pagtatakal at [pagtitimbang sa] timbangan ayon sa pagkamakatarungan. Hindi Kami nag-aatang sa isang kaluluwa malibang ayon sa kakayahan nito. Kapag nagsabi kayo ay magpakamakatarungan kayo kahit pa sa isang may pagkakamag-anak. Sa tipan kay Allāh ay tumupad kayo. Iyon ay itinagubilin Niya sa inyo, nang sa gayon kayo ay makapag-aalaala.
Na ito ay ang landasin Ko – tuwid, kaya sundin ninyo ito. Huwag kayong sumunod sa mga [ibang] landas yayamang magpapahiwa-hiwalay ang mga ito sa inyo palayo sa landas Niya. Iyon ay itinagubilin Niya sa inyo, nang sa gayon kayo ay mangingilag magkasala.
Karagdagan, nagbigay Kami kay Moises ng kasulatan bilang isang pagbubuo para sa nagpakahusay, bilang isang masusing pagpapaliwanag para sa bawat bagay, bilang isang patnubay, at bilang isang awa nang sa gayon sila, sa pakikipagtagpo sa Panginoon nila, ay sasampalataya.
Ito ay isang Aklat na ibinaba Namin, na pinagpala, kaya sumunod kayo rito at mangilag kayong magkasala nang sa gayon kayo ay kaaawaan,
upang hindi kayo magsabi: "Ibinaba lamang ang kasulatan sa dalawang pangkat na nauna sa amin at kami noon, sa pag-aaral nila, ay talagang mga nalilingat."
O [upang hindi] kayo magsabi: "Kung sakaling kami ay pinababaan ng kasulatan ay talaga sanang kami ay naging higit na napatnubayan kaysa sa kanila," sapagkat may dumating nga sa inyo na isang malinaw na patunay mula sa Panginoon ninyo, isang patnubay, at isang awa. Kaya sino ang higit na lumalabag sa katarungan kaysa sa nagpasinungaling sa mga tanda ni Allāh at umiwas palayo sa mga ito? Gaganti Kami sa mga umiiwas palayo sa mga tanda Namin ng kasagwaan ng pagdurusa dahil sila noon ay umiiwas.
Wala silang hinihintay malibang dumating sa kanila ang mga anghel o dumating ang Panginoon mo o darating ang ilan sa mga tanda ng Panginoon mo. Sa araw na darating ang ilan sa mga tanda ng Panginoon mo, hindi magpapakinabang sa isang kaluluwa ang pananampalataya nito [kung] hindi ito dating sumampalataya noong una pa o nagkamit ito sa pananampalataya nito ng isang kabutihan. Sabihin mo: "Maghintay kayo; tunay na Kami ay mga naghihintay."
Tunay na ang mga naghati-hati sa relihiyon nila at sila ay naging mga sekta, hindi ka kabilang sa kanila sa anuman. Ang kapasyahan sa kanila ay nasa kay Allāh lamang. Pagkatapos ay magbabalita Siya sa kanila ng ginagawa nila noon.
Ang sinumang nagdala ng gawang maganda ay ukol sa kanya ang sampung tulad nito at ang sinumang nagdala ng gawang masagwa ay hindi siya gagantihan maliban ng [ganti sa] tulad nito; at sila ay hindi gagawan ng kawalang-katarungan.
Sabihin mo: "Tunay na ako ay pinatnubayan ng Panginoon ko tungo sa landasing tuwid – isang relihiyong tama, na kapaniwalaan ni Abraham bilang isang makakatotohanan. Hindi siya naging kabilang sa mga tagapagtambal."
Sabihin mo: "Tunay na ang dasal ko, ang pag-aalay ko, ang buhay ko, at ang kamatayan ko ay ukol kay Allāh, ang Panginoon ng mga nilalang:
walang katambal sa Kanya. Iyon ay ipinag-utos sa akin, at ako ay una sa mga Muslim."
Sabihin mo: "Ang iba pa ba kay Allāh ay hahangarin ko bilang isang Panginoon samantalang Siya ay Panginoon ng bawat bagay? Walang [kasalanang] nakakamit ang bawat kaluluwa malibang laban dito. Hindi papasanin ng isang tagapasan ang pasanin ng iba. Pagkatapos ay sa Panginoon ninyo ang balikan ninyo at magbabalita Siya sa inyo hinggil sa anumang kayo noon ay nagkakaiba-iba."
Siya ay ang gumawa sa inyo bilang mga kahalili sa lupa. Inangat Niya ang ilan sa inyo higit sa iba [sa inyo] sa mga antas upang subukin Niya kayo sa ibinigay Niya sa inyo. Tunay na ang Panginoon mo ay mabilis ang pagpaparusa at tunay na Siya ay talagang Mapagpatawad, Maawain.