ﰡ
Tinatanong ka ng mga Kasamahan, O Sugo, tungkol sa mga samsam sa digmaan kung papaano mong binahagi ito at kung sa kanino ang bahagi? Sabihin mo, O Sugo, bilang tumutugon sa tanong nila: "Ang mga samsam sa digmaan ay ukol kay Allāh at sa Sugo. Ang patakaran sa mga ito ay kay Allāh at sa Sugo Niya kaugnay sa pamamalakad at pamamahagi kaya walang kailangan sa inyo kundi ang pagpapaakay at ang pagpapasakop." Kaya mangilag kayong magkasala kay Allāh, O mga mananampalataya, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ipinag-uutos Niya at pag-iwas sa mga ipinagbabawal Niya. Ayusin ninyo ang nasa pagitan ninyo na pagpuputulan ng ugnayan at pagtatalikuran sa pamamagitan ng pagmamahalan, pag-uugnayan, kagandahan ng kaasalan, at pagpapaumanhin. Manatili kayo sa pagtalima kay Allāh at sa Sugo Niya kung kayo ay mga mananampalataya sa totoo dahil ang pananampalataya ay nagbubuyo sa pagtalima at paglayo sa pagsuway. Naganap ang tanong na ito matapos ang labanan sa Badr.
Ang mga mananampalataya sa totoo lamang ay ang mga kapag nabanggit si Allāh -Napakamaluwalhati Niya at pagkataas-taas - ay nangangamba ang mga puso nila kaya naaakay ang mga puso nila at ang mga katawan nila sa pagtalima, at kapag binigkas sa kanila ang mga talata ni Allāh ay nadaragdagan ng karagdagang pananampalataya ang dating pananampalataya nila at sa Panginoon nila - tanging sa Kanya - sila umaasa sa pagtamo ng mga nakabubuti sa kanila at pagtulak sa mga nakasasama sa kanila.
[Sila] ang mga nagpapamalagi sa pagsasagawa ng pagdarasal ayon sa lubos na katangian nito sa mga oras nito at mula sa ipinagkaloob Namin sa kanila ay nagpapaluwal sila ng mga guguling isinasatungkulin at itinuturing na kaibig-ibig.
Ang mga nagtataglay na iyon ng mga katangiang iyon ay ang mga mananampalataya sa totoo dahil sa pagsasama sa kanila ng mga katangiang hayagan ng Pananampalataya at Islām. Ang ganti sa kanila ay mga kalagayang mataas sa ganang Panginoon nila, kapatawaran sa mga pagkakasala nila, at isang panustos na masagana. Ito ang inihanda ni Allāh para sa kanila na lugod.
Kung papaanong si Allāh -Napakamaluwalhati Niya at pagkataas-taas- ay nag-alis mula sa inyo ng bahagi ng mga nasamsam sa digmaan matapos ng pagkakaiba-iba ninyo sa paghahati ng mga ito at paghihidwaan ninyo sa mga ito, at nagtalaga sa mga ito sa Kanya at sa Sugo Niya - pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan - gayon din naman, ipinag-utos Niya sa iyo, O Sugo, ang paglabas sa Madīnah para harapin ang mga tagapagtambal sa pamamagitan ng isang pagsisiwalat na ibinaba sa iyo sa kabila ng pagkasuklam doon ng isang pangkat kabilang sa mga mananampalataya.
Nakikipagtalo sa iyo, O Sugo, ang pangkat na ito kabilang sa mga mananampalataya hinggil sa pakikipaglaban sa mga tagapagtambal matatapos na lumiwanag sa kanila na ito ay magaganap. Para bang inaakay sila sa kamatayan habang sila ay nakatingin doon nang mata sa mata. Iyon ay dahil sa tindi ng pagkasuklam nila sa paglabas para makipaglaban dahil hindi sila gumawa para rito ng paghahanda at hindi sila naglaan dito ng kasangkapan nito.
Banggitin ninyo, O mga mananampalatayang nakikipagtalo noong nangangako sa inyo si Allāh na mapasasainyo ang pananagumpay sa isa sa dalawang pangkatin ng mga tagapagtambal. Ito ay alin sa dalawa: ang karaban at ang dinadala nito na mga yaman kaya makukuha ninyo ito bilang samsam sa digmaan, O ang pagpunta sa labanan kaya naman makikipaglaban kayo sa kanila at magwawagi kayo sa kanila. Iibigin ninyo ang pagtamo sa karaban dahil sa kadalian ng pagkuha rito at kagaanan nito nang walang pakikipaglaban, ngunit nagnanais si Allāh na patotohanan ang katotohanan sa pamamagitan ng pag-uutos sa inyo ng pakikipaglaban upang mapatay ninyo ang mga magiting na tao ng mga tagapagtambal at makabihag kayo ng marami sa kanila hanggang sa lumitaw ang lakas ng Islām.
[Ito ay] upang patotohanan ni Allāh ang katotohanan sa pamamagitan ng pagpapanaig sa Islām at mga alagad nito, sa pamamagitan ng ipinalilitaw Niya na mga patunay sa katapatan nito, at upang pabulaanan Niya - napakamaluwalhati Niya - ang kabulaanan sa pamamagitan ng ipinalilitaw Niya na mga patotoo sa kabulaanan nito, kahit pa man masuklam doon ang mga tagatambal, sapagkat si Allāh ay magpapalitaw niyon.
Banggitin ninyo ang Araw ng Badr nang humingi kayo ng saklolo kay Allāh sa pag-aadya laban sa kalaban ninyo kaya tumugon si Allāh sa inyo na Siya ay aayuda sa inyo, O mga mananampalataya, at tutulong sa inyo sa pamamagitan ng isang libong anghel na magkakasunud-sunod, na sumusunod ang isa't isa."
Hindi ginawa ni Allāh ang pag-ayuda sa mga anghel malibang bilang pagbabalita ng nakalulugod sa inyo, O mga mananampalataya, dahil Siya ay nagpawagi sa inyo laban sa kaaway ninyo at upang mapanatag ang mga puso ninyo habang mga nakatitiyak sa pagwawagi. Ang pagwawagi ay hindi sa pamamagitan ng dami ng bilang at ng pagkakaroon ng mga kasangkapan. Ang pagwawagi ay mula sa ganang kay Allāh - napakamaluwalhati Niya - lamang. Tunay na si Allāh ay Makapangyarihan sa paghahari Niya: hindi napananaigan ng isa man, Marunong sa batas Niya at pagtatakda Niya.
Banggitin ninyo, O mga mananampalataya, noong naglalagay si Allāh ng pagkaantok sa inyo bilang isang pagkatiwasay mula sa nangyari sa inyo na pangamba sa kaaway ninyo, at nagpapababa Siya sa inyo ng ulan mula sa langit upang magdalisay sa inyo mula sa mga karumihan, upang mag-alis sa inyo ng mga bulong ng demonyo, upang patatagin Niya ang mga puso upang tumatag ang mga katawan ninyo sa sandali ng pakikipagtagpo [sa kalaban], at upang patatagin sa pamamagitan nito ang mga paa sa pamamagitan ng pagpapakapit ng lupang mabuhangin upang hindi lumubog rito ang mga paa.
Banggitin noong nagsisiwalat ang Panginoon mo - O Propeta - sa mga anghel na inayudahan Niya sa pamamagitan nila ang mga mananampalataya sa Badr, [na nagsasabi]: "Tunay na Ako ay kasama ninyo, O mga anghel, sa pamamagitan ng pag-aadya at pagsuporta kaya patatagin ninyo ang mga determinasyon ng mga mananampalataya sa pakikipaglaban sa kaaway nila. Magpupukol Ako sa mga puso ng mga tumangging sumampalataya ng matinding pangamba. Kaya hagupitin ninyo, O mga mananampalataya, ang mga leeg ng mga tagatangging sumampalataya upang mamatay sila at hagupitin ninyo ang mga kasukasuan nila at ang mga paa't kamay nila upang mabaldado sila sa pakikipaglaban sa inyo."
Ang nangyaring iyon sa mga tumatangging sumampalataya na pagkapatay at pagkataga ng mga paa't kamay ay dahilan sa sila ay sumalungat kay Allāh at sa Sugo Niya sapagkat hindi sila sumunod sa ipinag-utos sa kanila at hindi sila huminto sa isinaway sa kanila. Ang sinumang sumasalungat kay Allāh at sa Sugo Niya kaugnay roon, tunay na si Allāh ay matindi ang pagpaparusa roon sa Mundo sa pamamagitan ng pagpatay at pagbihag at sa Kabilang-buhay sa pamamagitan ng apoy.
Ang pagdurusang nabanggit na iyon ay ukol sa inyo, O mga sumasalungat kay Allāh at sa Sugo Niya, kaya lasapin ninyo nang madalian sa makamundong buhay. Sa Kabilang-buhay naman ay ukol sa inyo ang pagdurusa sa Apoy kung namatay kayo sa kawalang-pananampalataya ninyo at pagmamatigas ninyo.
O mga sumampalataya kay Allāh at sumunod sa Sugo Niya, kapag nakaharap ninyo ang mga tagapagtambal sa labanan nang malapitan ay huwag kayong patatalo sa kanila at huwag kayong magbaling sa kanila ng mga likod ninyo habang mga tumatakas, subalit magpakatatag kayo sa harap nila at magtiis kayo sa pakikipagharap sa kanila sapagkat si Allāh ay kasama ninyo sa pamamagitan ng pag-aadya Niya at pagsuporta Niya.
Ang sinumang magbaling sa kanila ng likod niya habang tumatakas mula sa kanila – malibang lumilihis sa pakikipagliban sa kanila sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanila ng pagtakas bilang pakana mula sa kanya, gayong siya ay nagnanais namang magbalik sa kanila, o malibang sumasama sa isang nakilahok na pangkat ng mga Muslim upang magpasaklolo rito - ay babalik na may dalang galit mula kay Allāh at magiging karapat-dapat dito. Ang tutuluyan niya sa Kabilang-buhay ay Impiyerno. Kaaba-abang kahahantungan ang kahahantungan niya at kaaba-abang kauuwian ang kauuwian niya!
Hindi kayo pumatay, O mga mananampalataya, sa Araw ng Badr sa mga tagapagtambal sa pamamagitan ng kapangyarihan ninyo at lakas ninyo subalit si Allāh ay tumulong sa inyo roon. Hindi ka bumato, O Propeta, sa mga tagapagtambal nang bumato ka sa kanila, subalit si Allāh ay ang bumato sa kanila nang ipinarating Niya ang pagbato mo sa kanila at upang subukin Niya ang mga mananampalataya sa pamamagitan ng ibiniyaya Niya sa kanila na pangingibabaw nila sa kaaway nila sa kabila ng taglay nilang kakauntian ng bilang at kasangkapan upang magpasalamat sila sa Kanya. Tunay na si Allāh ay Madinigin sa panalangin ninyo at mga sinasabi ninyo, Maalam sa mga ginagawa ninyo at anumang nagdudulot ng kapakanan ninyo.
Ang nabanggit na iyon na pagpatay sa mga tagapagtambal, pagbato sa kanila hanggang sa natalo sila at tumalikod na mga tumatakas, at pagbiyaya sa mga mananampalataya sa pamamagitan ng pangingibabaw nila sa kalaban nila ay mula kay Allāh. Si Allāh ay nagpapahina sa pakana ng mga tumatangging sumampalataya na nagpapakana laban sa Islām.
Kung humihiling kayo, O mga tagapagtambal, na magpataw si Allāh ng parusa Niya at pinsala Niya sa mga lumalabag sa katarungan na mga nangangaway ay pinangyari nga ni Allāh sa inyo ang hiniling ninyo sapagkat ibinaba Niya sa inyo ang isang parusang aral para sa inyo at isang pangaral sa mga nangingilag magkasala. Kung magpipigil kayo sa paghiling niyon, iyon ay mabuti para sa inyo sapagkat marahil nagpalugit Siya sa inyo at hindi nagmadali sa paghihiganti sa inyo. Kung manunumbalik kayo sa paghiling sa Kanya at sa pakikipaglaban sa mga mananampalataya ay manunumbalik Siya sa pagpapataw ng parusa sa inyo at sa pag-aadya sa mga mananampalataya. Hindi makapagdudulot [ng tulong] sa inyo ang pangkat ninyo ni ang mga tagapag-adya ninyo kahit pa man sila ay marami ang bilang at ang kasangkapan sa kabila ng kakauntian ng mga mananampalataya. Tunay na si Allāh ay kasama ng mga mananampalataya sa pamamagitan ng pag-aadya at pagsuporta. Ang sinumang si Allāh ay kasama niya, walang mananaig sa kanya.
O mga sumampalataya kay Allāh at sumunod sa Sugo Niya, tumalima kayo kay Allāh at tumalima kayo sa Sugo Niya sa pamamagitan ng pagsunod sa ipinag-uutos Niya at pag-iwas sa sinasaway Niya, at huwag kayong umayaw roon sa pamamagitan ng pagsalungat sa ipinag-uutos Niya at paggawa ng sinasaway Niya habang kayo ay nakaririnig sa mga tanda ni Allāh na binibigkas sa inyo.
Huwag kayo, O mga mananampalataya, maging tulad ng mga mapagpaimbabaw at mga tagapagtambal na kapag binigkas sa kanila ang mga tanda ni Allāh ay nagsasabi: "Narinig namin sa mga tainga namin ang binibigkas sa amin mula sa Qur'ān," samantalang sila ay hindi nakaririnig ng pagdinig ng pagbubulay-bulay at pagpapangaral para mapakinabangan nila ang narinig nila.
Tunay na ang pinakamasama sa mga umuusad sa balat ng lupa na nilikha sa ganang kay Allāh ay ang mga binging hindi nakaririnig ng katotohanan ayon sa pagdinig ng pagtanggap at ang mga piping hindi nakapagsasalita sapagkat sila ang hindi nakatatalos ng tungkol kay Allāh sa mga ipinag-utos Niya ni mga sinasaway Niya.
Kung sakaling nakaalam si Allāh na sa mga tagapagtambal na tagapagpasinungaling na ito ay may mabuti, talaga sanang pinakinig Niya sila ayon sa pakikinig na makikinabang sila at makapag-uunawa sila sa sandaling iyon ng mga katwiran at mga patunay subalit Siya ay nakaalam na walang mabuti sa kanila. Kung sakaling Siya - napakamaluwalhati Niya - ay nagpakinig sa kanila - bilang pagpapalagay at pagsasaalang-alang - talaga sanang tatalikod sila sa pananampalataya bilang pagmamatigas habang sila ay mga umaayaw.
O mga sumampalataya kay Allāh at sumunod sa Sugo Niya, tumugon kayo kay Allāh at sa Sugo Niya - sa pamamagitan ng pagpapaakay sa ipinag-utos Nilang dalawa at pag-iwas sa sinaway Nilang dalawa - kapag inanyayahan niya kayo sa may dulot ng buhay ninyo na katotohanan. Maniwala kayo nang tiyakan na si Allāh ay nakakakaya sa bawat bagay sapagkat Siya ay nakakakayang humaharang sa pagitan ninyo at ng pagpapaakay sa katotohanan kapag ninais ninyo matapos ng pagtanggi ninyo rito, kaya magdadali-dali kayo tungo rito. Maniwala kayo nang tiyakan na kayo ay tungo kay Allāh - tanging sa Kanya - titipunin sa Araw ng Pagbangon para gantihan kayo sa mga gawa ninyong ginawa ninyo sa Mundo.
Mag-ingat kayo, O mga mananampalataya, sa pagdurusang hindi natatamo ng sumusuway kabilang sa inyo lamang bagkus natatamo nito at natatamo ng iba pa rito. Iyon ay kapag lumilitaw ang kawalang-katarungan ngunit hindi binabago. Maniwala kayo nang tiyakan na si Allāh ay malakas ang pagpaparusa sa sinumang sumuway sa Kanya kaya mag-ingat kayo sa pagsuway sa Kanya.
Banggitin ninyo, O mga mananampalataya, nang kayo sa Makkah ay kaunti ang bilang, habang sinisiil kayo ng mga naninirahan doon at nilulupig kayo. Nangangamba kayo na kunin kayo ng mga kaaway nang mabilis, ngunit pinagbuklod kayo ni Allāh sa isang kanlungang pinagkakanlungan ninyo; ang Madīnah, pinalakas Niya kayo sa pamamagitan ng pag-aadya laban sa mga kaaway ninyo sa mga pook ng digmaan, na kabilang sa mga ito ang Badr, at tinustusan Niya kayo mula sa mga kaaya-ayang bagay, na kabilang sa kabuuan ng mga ito ay ang mga samsam sa digmaan na nakuha ninyo sa mga kaaway ninyo, nang sa gayon kayo ay magpapasalamat kay Allāh sa mga biyaya Niya para magdagdag Siya sa inyo sa mga ito. Huwag kayong tumangging pasalamatan ang mga ito para hindi kunin ang mga ito sa inyo at parusahan kayo.
O mga sumampalataya kay Allāh at sa sumunod sa Sugo Niya, huwag kayong magtaksil kay Allāh at sa Sugo sa pamamgitan ng pagtanggi sa pagsunod sa mga ipinag-uutos at hindi pag-iwas sa mga sinasaway, at huwag kayong magtaksil sa anumang ipinagkatiwala sa inyo na pagkakautang at iba pa habang kayo ay nakaaalam na ang isinasagawa ninyo ay isang pagtataksil kaya naman kayo ay maging kabilang sa mga taksil.
Alamin ninyo, O mga mananampalataya, na ang mga ari-arian ninyo at ang mga anak ninyo ay isang pagsubok mula kay Allāh para sa inyo at isang pagsusulit sapagkat maaring humadlang ang mga ito sa inyo sa paggawa para sa Kabilang-buhay at mag-udyok sa inyo ang mga ito sa pagtataksil. Alamin ninyo na si Allāh ay may isang gantimpalang sukdulan kaya naman huwag ninyong paalpasin sa inyo ang gantimpalang ito sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa mga yaman ninyo, mga anak ninyo, at pagtataksil alang-alang sa kanila.
O mga sumampalataya kay Allāh at sumunod sa Sugo Niya, alamin ninyo na kung mangingilag kayong magkasala kay Allāh sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ipinag-uutos Niya at pag-iwas sa mga sinasaway Niya, ay gagawa Siya para sa inyo ng isang ipantatalos ninyo sa kaibahan sa pagitan ng katotohanan at kabulaanan, kaya hindi makalilito ang dalawang ito sa inyo, magpapawi Siya sa inyo ng nagawa ninyong mga masagwang gawa, at magpapatawad Siya sa inyo sa mga pagkakasala ninyo. Si Allāh ay ang may kabutihang-loob na sukdulan. Bahagi ng kabutihang-loob Niyang sukdulan ay ang Paraiso na inihanda Niya para sa mga nangingilag magkasala kabilang sa mga lingkod Niya.
Banggitin mo, O Sugo, nang nagsabwatan laban sa iyo ang mga tagapagtambal upang magpakana laban sa iyo sa pamamagitan ng pagkulong sa iyo o pagpatay sa iyo o pagpapalayas sa iyo mula sa bayan mo patungo sa ibang bayan. Nagpapakana sila sa iyo at ibinabalik ni Allāh ang pakana nila laban sa kanila. Nanlalansi sila ngunit si Allāh ay pinakamabuti sa mga nanlalansi.
Kapag binibigkas sa kanila ang mga tanda ni Allāh ay nagsasabi sila bilang pagmamatigas sa katotohanan at pagmamataas dito: "Narinig na namin ang tulad nito noon pa man; kung sakaling loloobin namin ang pagsabi ng tulad ng Qur'ān na ito ay talaga sanang nagsabi kami nito; walang iba ang Qur'ān na ito na narinig Namin kundi mga kasinungalingan ng mga sinauna kaya hindi kami sasampalataya rito."
Banggitin mo, O Sugo, noong nagsabi ang mga tagapagtambal: "O Allāh, kung ang inihatid ni Muḥammad ay katotohanan, magpabagsak Ka sa amin ng mga bato mula sa langit o magdala Ka sa amin ng isang pagdurusang matindi." Nagsabi sila niyon bilang pagpapalabis sa pagtanggi at pagkakaila.
Hindi mangyayaring si Allāh ay nauukol magparusa sa kalipunan mo - maging mga kabilang man sila sa kabilang sa kalipunan ng pagtugon o kabilang sa kalipunan ng pag-aanyaya - sa pamamagitan ng isang parusang pupuksa sa kanila habang ikaw, O Muḥammad, ay buhay na natatagpuan sa gitna nila sapagkat ang kairalan mo sa gitna nila ay isang kaligtasan para sa kanila mula sa parusa. Hindi mangyayaring si Allāh ay magpaparusa sa kanila habang sila ay humihingi ng kapatawaran kay Allāh mula sa mga pagkakasala nila.
Aling bagay ang pumipigil sa parusa sa kanila samantalang nakagawa sila ng nag-oobliga sa parusa sa kanila dahil sa pagpigil nila sa mga tao sa Masjid na Pinakababanal na magsagawa ng ṭawāf doon o magdasal doon? Ang mga tagapagtambal ay hindi mga katangkilik nito sapagkat walang ibang katangkilik si Allāh kundi ang mga nangingilag magkasala, na nangingilag magkasala sa Kanya sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ipinag-utos Niya at pag-iwas sa mga sinasaway Niya, subalit ang higit na marami sa mga tagapagtambal ay hindi nakaaalam nang nag-angkin sila na mga katangkilik Niya gayon sila naman ay hindi mga katangkilik Niya.
Walang iba ang pagdarasal ng mga tagapagtambal sa tabi ng Bahay ni Allāh kundi sipol at palakpak. Kaya lasapin ninyo, O mga tagapagtambal, ang pagdurusa sa pamamagitan ng pagkapatay at pagkabihag sa Araw ng Badr dahilan sa kawalang-pananampalataya ninyo kay Allāh at pagpapasinungaling ninyo sa Sugo Niya.
Tunay na ang mga tumangging sumampalataya kay Allāh ay gumugugol ng mga yaman nila upang pumigil sa mga tao sa Relihiyon ni Allāh. Kaya gugugol sila ng mga ito at hindi maisasakatuparan para sa kanila ang ninais nila. Pagkatapos ang kahihinatnan ng paggugol nila sa mga yaman nila ay magiging isang pagsisisi dahil sa pagkawala ng mga ito at pagkaalpas ng nilayon ng paggugol sa mga ito. Pagkatapos ay madadaig sila sa pamamagitan ng pagwawagi ng mga mananampalataya laban sa kanila. Ang mga tumangging sumampalataya kay Allāh ay aakayin sa Impiyerno sa Araw ng Pagbangon at papasok sila roon bilang mga mananatili.
Aakayin ang mga tumatangging sumampalatayang ito na gumugugol ng mga yaman nila para sa paghadlang sa landas ni Allāh tungo sa Apoy ng Impiyerno upang ihiwalay ni Allāh ang mga tumatangging sumampalatayang karima-rimarim sa mga mananampalatayang kaaya-aya at upang ilagay Niya ang karima-rimarim na mga tao, mga gawain, at mga yaman - ang ilan sa mga iyon ay nasa ibabaw ng iba na nagkapatungan at nagkatambakan – para ilagay ang mga iyon sa Apoy ng Impiyerno. Ang mga iyon ay ang mga lugi dahil sila ay nagpalugi sa mga sarili nila at mga mag-anak nila sa Araw ng Pagbangon.
Sabihin mo, O Sugo, sa mga tumangging sumampalataya kay Allāh at sa Sugo Niya kabilang sa mga kababayan mo; na kung titigil sila sa kawalang-pananampalataya nila kay Allāh at sa Sugo Niya at sa paghadlang nila sa landas ni Allāh sa sinumang sumampalataya sa Kanya., ay magpapatawad si Allāh sa kanila sa anumang nauna sa mga pagkakasala nila sapagkat ang Islām ay nagwawasak sa nauna roon; ngunit kung manunumbalik sila sa kawalang-pananampalataya nila ay nauna na ang kalakaran ni Allāh sa mga nauna: kapag nagpasinungaling sila at nagpatuloy sila sa kawalang-pananampalataya ay mamadaliin sila sa kaparusahan.
Makipaglaban kayo, O mga mananampalataya, sa mga kaaway ninyo hanggang sa wala nang nangyayaring shirk at pagbalakid para sa mga Muslim sa relihiyon ni Allāh at ang relihiyon at ang pagtalima ay ukol kay Allāh - tanging sa Kanya: walang katambal sa Kanya roon. Ngunit kung tumigil ang mga tumatangging sumampalataya sa dating ginagawa nilang shirk at pagbalakid sa landas ni Allāh ay hayaan ninyo sila sapagkat tunay na si Allāh ay nakababatid sa mga gawa nila: walang nakakukubli sa Kanya na isang nagkukubli.
Kung babaling sila palayo sa ipinag-utos sa kanila na pagtigil sa kawalang-pananampalataya at pagbalakid sa landas ni Allāh ay maniwala kayo nang tiyakan na si Allāh ay Tagapag-adya ninyo laban sa kanila. Kay inam na Tagatangkilik Niya sa sinumang tinangkilik Niya at kay inam na Tagaadya Niya sa sinumang inadya Niya. Ang sinumang tangkilikin Niya ay magtatagumpay at ang sinumang pagwagiin Niya ay magwawagi.
Alamin ninyo, O mga mananampalataya, na ang nakuha ninyong anuman mula sa mga tumatangging sumampalataya dala ng panggagapi sa pakikibaka sa landas ni Allāh, tunay na ito ay hahatiin sa limang bahagi. Ang apat na ikalimang bahagi mula sa mga ito ay hahatiin para sa mga nakikibaka at ang natitirang ikalimang bahagi ay hahatiin sa limang bahagi: isang bahagi para kay Allāh at sa Sugo Niya na gugulin sa mga guguling pampubliko para sa mga Muslim, isang bahagi para sa kaanak ng Propeta - pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan - kabilang sa angkan ni Hāshim at angkan ni Al-Muṭṭalib, isang bahagi para sa mga ulila, isang bahagi para sa mga maralita at mga dukha, at isang bahagi para sa mga naglalakbay na kinapos sa mga daan. Ito ay kung nangyaring kayo ay sumampalataya kay Allāh at sa ibinaba sa Lingkod Niya na si Muḥammad - pagpalain ito ni Allāh at pangalagaan - sa Araw ng Badr na nagtangi si Allāh sa pagitan ng katotohanan at kabulaanan nang iniadya Niya kayo laban sa mga kaaway ninyo. Si Allāh na nag-adya sa inyo ay May-kakayahan sa bawat bagay.
Banggitin ninyo nang kayo ay nasa gilid na pinakamalapit ng lambak sa bandang Madīnah samantalang ang mga tagapagtambal naman ay nasa gilid na pinakamalayo mula roon sa bandang Makkah samantalang ang karaban ay nasa pook na higit na mababa kaysa sa inyo sa bandang Pulang Dagat. Kung sakaling nagkasunduan kayo at ang mga tagapagtambal na magtagpo kayo sa Badr ay talaga sanang sumalungat ang isa't isa sa inyo subalit si Allāh - napakamaluwalhati Niya - ay nagbuklod sa pagitan ninyo sa Badr nang walang kasunduan upang magpalubos Siya ng isang bagay na mangyayaring gagawin: ang pagpapawagi sa mga mananampalataya at ang paggapi sa mga tumatangging sumampalataya, at ang pagpaparangal sa relihiyon Niya at ang paghamak sa shirk, upang mamatay ang sinumang mamamatay kabilang sa kanila matapos ng paglalahad ng katwiran sa pamamagitan ng pagwawagi ng mga mananampalataya, sa kabila ng kakauntian ng bilang nila at kasangkapan nila at upang mabuhay ang sinumang mabubuhay ayon sa patunay at katwirang pinalitaw ni Allāh para sa kanya. Kaya walang natitira para sa isa man na isang katwirang ipangangatwiran kay Allāh. Si Allāh ay Madinigin sa mga sinasabi ng lahat, Maalam sa mga ginagawa nila: walang naikukubli sa Kanya na anuman mula sa mga ito. Gaganti Siya sa kanila dahil sa mga ito.
Banggitin mo, O Sugo, ang ilan sa mga biyaya ni Allāh sa iyo at sa mga mananampalataya noong ipinakita sa iyo ni Allāh sa pananaginip mo ang mga tagapagtambal na kaunti ang bilang at ipinabatid mo naman sa mga mananampalataya iyon kaya ikinagalak nila iyon bilang mabuti. Lumakas ang mga pagpapasya nila sa pakikipagtagpo sa kaaway nila at pakikipaglaban doon. Kung sakaling ipinakita sa iyo ni Allāh sa panaginip mo ang mga tagapagtambal bilang marami ay talaga sanang humina ang mga pagpapasya ng mga Kasamahan mo at nangamba sa pakikipaglaban, subalit Siya ay nagligtas laban doon kaya napangalagaan Niya sila laban sa pagkabigo. Pinangaunti Niya ang mga iyon sa mata ng Sugo Niya - pagpalain Niya ito at pangalagaan. Tunay na Siya ay Maalam sa nilalaman ng mga puso at sa ikinukubli ng mga kaluluwa.
Banggitin ninyo, O mga mananampalataya, noong ipinakikita ni Allāh na kakaunti ang mga tagapagtambal nang nakatagpo ninyo sila. Pinalakas Niya ang loob ninyo na mangahas sa pakikipaglaban sa kanila at pinangaunti Niya kayo sa mga mata nila kaya naman sumulong sila sa pakikipaglaban sa inyo at hindi nila pinag-iisipan ang pag-urong upang magpatupad si Allāh ng isang bagay na mangyayaring gagawin: ang paghihiganti sa mga tagapagtambal sa pamamagitan ng pagkapatay at pagkabihag at ang pagbiyaya sa mga mananampalataya sa pamamagitan ng pagwawagi at pananagumpay sa mga kaaway. Tungo kay Allāh - tanging sa Kanya - ibinabalik ang mga usapin at gagantihan Niya ang gumagawa ng masagwa dahil sa paggawa nito ng masagwa at ang gumagawa ng maganda dahil sa paggawa nito ng maganda.
O mga sumampalataya kay Allāh at sumunod sa Sugo Niya, kapag humarap kayo sa isang pangkat ng mga tumatangging sumampalataya ay magpakatatag kayo sa pakikipaglaban sa kanila at huwag kayong maduwag. Alalahanin ninyo si Allāh nang madalas at dumalangin kayo sa Kanya sapagkat Siya ay ang Nakakakaya sa pagpapawagi sa inyo laban sa kanila, sa pag-asang ipatatamo Niya sa inyo ang hinihiling at ipaiwas Niya sa inyo ang pinangingilagan ninyo.
Manatili kayo sa pagtalima kay Allāh at pagtalima sa Sugo Niya sa mga sinasabi ninyo, mga ginagawa ninyo, at lahat ng mga kalagayan ninyo. Huwag kayong sumalungat sa pananaw sapagkat ang pagsalungat ay isang kadahilanan ng paghina ninyo, karuwagan ninyo, at pagkawala ng lakas ninyo. Magtiis kayo sa sandali ng pakikipagtagpo sa kaaway ninyo. Tunay na si Allāh ay kasama ng mga nagtitiis sa pamamagitan ng pag-aadya, pag-alalay, at tulong. Ang sinumang si Allāh ay kasama niya, siya ay ang nananaig at ang nagwawagi - walang pasubali.
Huwag kayong maging tulad ng mga tagapagtambal na lumabas mula sa Makkah dala ng pagmamalaki at pagpapakitang-gilas sa mga tao. Sumasagabal sila sa mga tao sa Relihiyon ni Allāh at humadlang sila sa pagpasok doon. Si Allāh sa anumang ginagawa nila ay nakasasaklaw: walang naikukubli sa Kanya anuman sa mga gawa nila, at gaganti sa kanila sa mga ito.
Banggitin ninyo, O mga mananampalataya, ang ilan sa mga biyaya ni Allāh sa inyo: pinaganda ng demonyo sa mga tagapagtambal ang mga gawa nila kaya nahimok niya sila sa pakikipagtagpo sa mga Muslim at pakikipaglaban sa kanila at nagsabi siya sa kanila: "Walang makagagapi sa inyo sa araw na ito at tunay na ako ay tagapagpawagi ninyo at tagapagkanlong ninyo laban sa kaaway ninyo." Ngunit noong nagkatagpo ang dalawang pulutong: ang pulutong ng mga mananampalataya kasama ng mga anghel na magpapawagi sa kanila at ang pulutong ng mga tagapagtambal kasama ng demonyo na magpapatalo sa kanila, ay tumalikod ang demonyo habang tumatakas at nagsabi sa mga tagapagtambal: "Tunay na ako ay walang-kaugnayan sa inyo. Tunay na ako ay nakakikita sa mga anghel na dumating para pagwagiin ang mga mananampalataya. Tunay na ako ay nangangamba na puksain ako ni Allāh. Si Allāh ay matindi ang pagpaparusa kaya walang isang nakakakaya na tiisin ang kaparusahan Niya."
Banggitin ninyo noong nagsasabi ang mga mapagkunwari sa pananampalataya at ang mga mahina ang pananampalataya: "Luminlang sa mga Muslim ang relihiyon nilang nangako sa kanila ng pagwawagi sa mga kaaway nila sa kabila ng kakauntian ng bilang at kahinaan ng kasangkapan, at dami naman ng bilang ng mga kaaway nila at lakas ng kagamitan ng mga ito." Hindi natalos ng mga ito na ang sinumang umasa kay Allāh - tanging sa Kanya - at nagtiwala sa ipinangakong pagwawagi, tunay na si Allāh ay tagapagpawagi niya at hindi magpapatalo sa kanya maging gaano man ang kahinaan niya. Si Allāh ay Makapangyarihan: walang nananaig sa kanya na isa man, Marunong sa pagtatakda Niya at batas Niya.
Kung sakaling nasasaksihan mo, O Sugo, ang mga tumangging sumampalataya kay Allāh at sa Sugo Niya nang kinukuha ng mga anghel ang mga kaluluwa nila at inaalis ang mga ito habang ang mga anghel ay pumapalo sa mga mukha nila kapag humarap sila at pumapalo sa mga likod nila kapag tumalikod sila habang mga tumatakas. Nagsasabi ang mga anghel sa kanila: "Lasapin ninyo, O mga tumatangging sumampalataya, ang pagdurusang nanununog." Kung sakaling nasasaksihan mo iyon ay talaga sanang nakasaksi ka ng isang bagay na mabigat."
Ang pagdurusang nakasasakit na iyon sa sandali ng pagkuha sa mga kaluluwa ninyo, O mga tumatangging sumampalataya, at ang pagdurusang nanununog sa mga libingan ninyo at sa Kabilang-buhay, ang kadahilanan nito ay ang nakamit ng mga kamay ninyo sa Mundo sapagkat si Allāh ay hindi lumalabag sa katarungan sa mga tao at humatol lamang sa pagitan nila ayon sa katarungan sapagkat Siya ay ang Hukom na makatarungan.
Ang pagdurusang bumababa na ito sa mga tumatangging sumampalatayang ito ay hindi nakalaan sa kanila, bagkus ito ay kalakaran ni Allāh na ipinatutupad Niya sa mga tumatangging sumampalataya sa bawat panahon at lugar, at dinapuan nga nito ang mga kampon ni Paraon at ang mga kalipunang nauna sa kanila, tumanggi silang sumampalataya kay Allāh - napakamaluwalhati Niya. Nagparusa si Allāh sa kanila dahilan sa mga pagkakasala nila ayon sa pagpaparusa ng makapangyarihang nakakakaya. Pinababa Niya sa kanila ang kaparusahan Niya. Tunay na si Allāh ay malakas: walang nakagagapi ni nakadadaig, matindi ang pagpaparusa sa sinumang sumuway sa Kanya.
Ang parusang matinding iyon ay dahilan sa si Allāh, kapag nagbiyaya sa mga tao ng isang biyayang mula sa ganang Kanya, ay hindi nag-aalis nito sa kanila hanggang sa baguhin nila ang mga sarili nila mula sa kalagayang kaaya-aya - gaya ng pananampalataya, pagpapakatuwid, at pagpapasalamat - patungo sa kalagayang masagwa gaya ng kawalang-pananampalataya kay Allāh, pagsuway sa Kanya, at pagtangging magpasalamat sa mga biyaya Niya. Si Allāh ay Madinigin sa mga sinasabi ng mga lingkod Niya, Maaalam sa mga ginagawa nila: walang naikukubli sa Kanya mula sa mga ito na anuman.
Ang lagay ng mga tumatangging sumampalatayang ito ay gaya ng lagay ng iba pa sa kanila kabilang sa tumangging sumampalataya kay Allāh tulad ng mga kampon ni Paraon at mga kalipunang nagpasinungaling nauna sa kanila. Nagpasinungaling sila sa mga tanda ng Panginoon nila kaya pinasawi Niya sila dahilan sa nagawa nilang mga pagsuway. Pinasawi ni Allāh ang mga kampon ni Paraon sa pamamagitan ng pagkalunod sa dagat. Bawat isa sa mga kampon ni Paraon at mga kalipunan bago nila ay mga lumalabag sa katarungan dahilan sa kawalang-pananampalataya nila kay Allāh at pagtatambal nila sa Kanya kaya kinailangan sa kanila dahil doon ang kaparusahan Niya - napakamaluwalhati Niya - kaya naman pinangyari Niya iyon sa kanila.
Tunay na pinakamasama sa sinumang umuusad sa lupa ay ang mga tumangging sumampalataya kay Allāh at sa mga sugo Niya. Sila ay hindi sasampalataya kahit pa man dumating sa kanila ang bawat tanda, dahil sa pagpupumilit nila sa kawalang-pananampalataya sapagkat nasira na sa kanila ang mga kaparaanan ng pagkapatnubay gaya ng isip, pagdinig, at pagtingin.
[Sila] ang mga pinagsagawaan ng mga Hudyo ng mga tipan at mga kasunduan, gaya ng angkan ng Quraydhah, pagkatapos ay sumisira sila sa napagkasunduan sa bawat pagkakataon habang sila ay hindi nangangamba kay Allāh kaya naman hindi sila tumutupad sa mga tipan nila at hindi sumusunod sa mga kasunduang isinagawa sa kanila.
Kaya kung nakaharap mo, O Sugo, itong mga sumisira sa mga tipan sa kanila sa digmaan, magparusa ka ng magsisilbing aral sa kanila ayon sa pinakamatindi sa pagpaparusang nagsisilbing aral hanggang sa makarinig ng hinggil doon ang iba pa sa kanila nang sa gayon sila ay magsasaalang-alang sa kalagayan nila kaya maririndi sila sa pakikipaglaban sa iyo at pag-alalay sa mga kaaway mo laban sa iyo.
Kung nangamba ka, O Sugo, sa mga taong nakipagkasunduan kayo ng isang pandaraya at pagsira sa tipan dahil sa isang palatandaang lumilitaw sa iyo, ipabatid mo sa kanila ang pagtapon sa tipan nila upang makapantay sila sa iyo sa kaalaman doon. Huwag mo silang biglain bago ang pagpapabatid sa kanila sapagkat ang pagbigla sa kanila bago ang pagpapabatid sa kanila ay kabilang sa pagtataksil. Si Allāh ay hindi umiibig sa mga nagtataksil, bagkus kinamumuhian Niya sila, kaya mag-ingat ka sa pagtataksil.
Huwag magpalagay ang mga tumangging sumampalataya na sila ay nakaalpas sa parusa ni Allāh at nakatalilis doon. Tunay na sila ay hindi makaaalpas sa Kanya at hindi makatatalilis sa parusa Niya, bagkus ito ay makahahabol sa kanila at makaaabot sa kanila.
Maghanda kayo, O mga mananampalataya, ng anumang nakaya ninyong ihanda gaya ng tauhan at kasangkapan gaya ng panudla. Maghanda kayo para sa kanila ng ikinural ninyo na mga kabayo ayon sa landas ni Allāh, na ipakakaba ninyo sa mga kaaway ni Allāh at mga kaaway ninyo kabilang sa mga tumatangging sumampalataya na nag-aabang sa inyo ng mga kasawian, at ipakakaba ninyo sa ibang mga tao. Hindi ninyo nalaman sila at hindi ninyo nalalaman ang ikinukubli nila para sa inyo na pagkamuhi, bagkus si Allāh - tanging Siya - ay ang nakaaalam sa kanila at nakaaalam sa ikinukubli nila sa mga sarili nila. Ang anumang ginugugol ninyo na yaman, kaunti man o marami, ay iiwan ito ni Allāh sa inyo sa Mundo at ibibigay Niya sa inyo ang gantimpala nito nang buo nang walang ibinawas sa Kabilang-buhay kaya magdali-dali kayo sa paggugol sa landas Niya.
Kung kumiling sila sa pakikipagpayapaan at pag-iwan sa pakikipaglaban sa iyo ay kumiling ka, O Sugo, roon, makipagkasunduan ka sa kanila, umasa ka kay Allāh, at magtiwala ka sa Kanya sapagkat hindi ka Niya bibiguin. Tunay na Siya ay ang Madinigin sa mga sinasabi nila, ang Maalam sa mga layunin nila at mga ginagawa nila.
Kung nagbalak sila - sa pagkiling nila sa pakikipagpayapaan at pag-iwan sa pakikipaglaban - na dayain ka, O Sugo, sa pamamagitan niyon upang makapaghanda sila sa pakikipaglaban sa iyo, tunay na si Allāh ay nakasasapat sa iyo sa pakana nila at panlilinlang nila. Siya ang nagpalakas sa iyo sa pamamagitan ng pag-aadya Niya at nagpalakas sa iyo sa pamamagitan ng pag-aadya ng mga mananampalataya sa iyo kabilang sa mga nagsilikas at mga tagapag-adya.
Nagbuklod Siya sa pagitan ng mga puso ng mga mananampalatayang nagpawagi Siya sa iyo sa pamamagitan nila matapos na ang mga ito ay nagkahati-hati. Kung sakaling ginugol mo ang yamang nasa lupa upang magpabuklod ka sa pagitan ng mga puso nilang nagkahati-hati ay hindi ka makapagbubuklod sa pagitan ng mga ito, subalit si Allāh - tanging Siya - ay nagbuklod sa pagitan ng mga ito. Tunay na Siya ay Makapangyarihan sa kaharian Niya: walang nakadadaig sa Kanya na isa man, marunong sa pagtatakda Niya, pangangasiwa Niya, at batas Niya.
O Propeta, tunay na si Allāh ay nakasasapat sa iyo sa kasamaan ng mga kaaway mo at nakasasapat sa mga mananampalataya kasama mo kaya magtiwala ka sa Kanya at sumandig ka sa Kanya.
O Propeta, himukin mo ang mga mananampalataya sa pakikipaglaban at hikayatin mo sila roon sa pamamagitan ng nakapagpapalakas sa mga pagpapasya nila at nakapagpapasigla sa mga sigasig nila. Kung kabilang sa inyo, O mga mananampalataya, ang dalawampung magtitiis sa pakikipaglaban sa mga tumatangging sumampalataya, gagapi sila ng dalawang daang tumatangging sumampalataya; kung kabilang sa inyo ang isang daang magtitiis, gagapi sila ng isang libo kabilang sa mga tumangging sumampalataya. Iyon ay dahil sa ang mga tumatangging sumampalataya ay mga taong hindi nakaiintindi sa kalakaran ni Allāh ng pagpapawagi sa mga katangkilik Niya at paggapi sa mga kaaway Niya at hindi nakatatalos sa layon ng pakikipaglaban sapagkat sila ay nakikipaglaban alang-alang sa kataasan sa Mundo.
Ngayon, nagpagaan si Allāh sa inyo, O mga mananampalataya, dahil sa nalalaman Niya na kahinaan ninyo. Nagpagaan Siya sa inyo bilang kabaitan sa inyo mula sa Kanya kaya inobliga Niya sa isa sa inyo na magpakatatag sa harap ng dalawang tumatangging sumampalataya sa halip na sa sampu sa kanila. Kaya kung kabilang sa inyo ang isang daang magtitiis sa pakikipaglaban, gagapi sila ng dalawang daan; kung kabilang sa inyo ang isang libong magtitiis, gagapi sila ng dalawang libong tumatangging sumampalataya ayon sa kapahintulutan ni Allāh. Si Allāh ay kasama ng mga nagtitiis kabilang sa mga mananampalataya sa pamamagitan ng pag-alalay at pag-aadya.
Hindi nararapat para sa isang propeta na mayroon siyang mga bihag kabilang sa mga tumatangging sumampalatayang nakikipaglaban sa kanya hanggang sa naparami niya ang pagkapatay sa gitna nila upang pumasok ang pangingilabot sa mga puso nila upang hindi sila manumbalik sa pakikipaglaban sa kanya. Ninanais ninyo, O mga mananampalataya, ang pagkuha ng mga bihag sa Badr na kukunin para ipatubos samantalang si Allāh ay nagnanais ng Kabilang-buhay na natatamo sa pagwawagi ng Relihiyon at pagpapalakas nito. Si Allāh ay Makapangyarihan sa sarili Niya, mga katangian Niya, at paggapi Niya: walang nakadadaig sa Kanya na isa man; Marunong sa pagtatakda Niya at batas Niya.
Kung hindi sa isang atas mula kay Allāh na nauna rito ang pagtatadhana Niya at ang pagtatakda Niya na Siya ay nagpahintulot sa inyo ng mga samsam sa digmaan at pumayag para sa inyo ng pagtutubos sa mga bihag ay talaga sanang dinapuan kayo mula kay Allāh dahilan sa kinuha ninyo na samsam sa digmaan at tubos mula sa mga bihag bago ng pagbaba ng pagsisiwalat mula kay Allāh sa pagpayag doon.
Kaya kumain kayo, O mga mananampalataya, mula sa nakuha ninyo mula sa mga tumatangging sumampalataya kabilang sa mga samsam [sa digmaan] sapagkat ito ay pinahihintulot para sa inyo. Mangilag kayong magkasala kay Allāh sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ipinag-uutos Niya at pag-iwas sa mga ipinagbabawal Niya. Tunay na si Allāh ay Mapagpatawad sa mga lingkod Niyang mga mananampalataya, Maawain sa kanila.
O Propeta, sabihin mo sa sinumang bumagsak sa mga kamay ninyo na mga bihag mula sa mga tagapagtambal na nabihag ninyo sa Araw ng Badr: "Kung nakaaalam si Allāh sa mga puso ninyo ng paglalayon ng mabuti at ng pagkamatuwid ng layunin ay magbibigay Siya sa inyo ng higit na mabuti kaysa sa kinuha mula sa inyo na pantubos kaya huwag kayong malungkot sa kinuha sa inyo mula roon, at magpapatawad Siya sa inyo sa mga pagkakasala ninyo. Si Allāh ay Mapagpatawad sa sinumang nagbalik-loob kabilang sa mga lingkod Niya, Maawain sa kanila." Nagkatotoo nga ang pangako ni Allāh para kay Al-`Abbās, ang tiyuhin ng Propeta - pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan - at para sa iba pa sa kanya kabilang sa mga yumakap sa Islām.
Kung naglalayon sila, O Muḥammad, ng pagtataksil sa iyo dahil sa inilalantad nila sa iyo mula sa sinasabi [nila] ay nagtaksil na sila kay Allāh noon pa. Iniadya ka ni Allāh laban sa kanila kaya napatay mula sa kanila ang sinumang napatay at nabihag ang sinumang nabihag kaya maghintay sila ng tulad niyon kung uulit sila. Si Allāh ay Maalam kaugnay sa nilikha Niya at kaugnay sa naaangkop sa kanila, Marunong sa pangangasiwa Niya.
Tunay na ang mga sumampalataya kay Allāh, naniwala sa Sugo Niya, gumawa ayon sa batas niya, lumikas mula sa bayan ng kawalang-pananampalataya tungo sa bayan ng Islām o tungo sa isang lugar na sinasamba si Allāh roon nang matiwasay, at nakibaka sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga ari-arian nila at pagkakaloob ng mga sarili nila para itaas ang salita ni Allāh; at ang mga nagpatira sa kanila sa mga tirahan ng mga ito at nag-adya sa kanila, yaong mga lumikas at yaong mga nag-adya sa kanila kabilang sa mga mamamayan ng Madīnah ay mga katangkilik ng isa’t isa sa kanila sa pag-aadya at pagtulong. Ang mga sumampalataya kay Allāh ngunit hindi lumikas mula sa bayan ng kawalang-pananampalataya tungo sa bayan ng Islām ay walang tungkulin sa inyo, O mga mananampalataya, na mag-adya sa kanila at magsanggalang sa kanila hanggang sa lumikas sila ayon sa landas ni Allāh. Kung nilabag sila sa katarungan ng mga tumatangging sumampalataya at humingi sila sa inyo ng pag-aadya ay iadya ninyo sila laban sa kaaway nila malibang kapag nangyaring sa pagitan ninyo at ng kaaway nila ay may kasunduang hindi sinisira ng mga iyon. Si Allāh sa anumang ginagawa ninyo ay Nakakikita: walang naikukubli sa Kanya na anuman sa mga gawain ninyo, at gaganti sa inyo sa mga ito.
Ang mga tumangging sumampalataya kay Allāh ay pinagbubuklod sila ng kawalang-pananampalataya kaya nag-aadya ang isa't isa sa kanila. Kaya naman huwag silang tangkilikin ng isang mananampalataya. Kung hindi ninyo tatangkilikin ang mga mananampalataya at kakalabanin ang mga tumatangging sumampalataya ay may mangyayaring isang sigalot para sa mga mananampalataya yayamang hindi sila nakatagpo ng mag-aadya sa kanila mula sa mga kapatid nila sa relihiyon at may mangyayaring malaking gulo sa lupa dahil sa pagbalakid sa landas ni Allāh.
Ang mga sumampalataya kay Allāh at lumikas ayon sa landas Niya, at ang mga nagpatira sa mga lumikas ayon sa landas ni Allāh at nag-adya sa kanila, ang mga iyon ay ang mga nagtataglay ng katangian ng pananampalataya nang totohanan. Ang ganti sa kanila mula kay Allāh ay isang kapatawaran sa mga pagkakasala nila at isang panustos na maalwan mula sa Kanya: ang Paraiso.
Ang mga sumampalataya matapos ng pananampalataya ng mga nauuna sa Islām na mga lumikas at mga tagapag-adya, lumikas mula sa bayan ng kawalang-pananampalataya tungo sa bayang Islām, at nakibaka ayon sa landas ni Allāh upang ang salita ni Allāh ay maging ang pinakamataas at ang salita ng mga tumangging sumampalataya ay maging ang pinakamababa, ang mga iyon ay kabilang sa inyo, O mga mananampalataya. Ukol sa kanila ang ukol sa inyo na mga karapatan at para sa kanila ang para sa inyo na mga tungkulin. Ang mga may kaugnayang pangkamag-anak, ayon sa patakaran ni Allāh, ay higit na karapat-dapat sa isa't isa sa pamana kaugnay sa pagmamanahan kaysa sa mga kasamahan sa pananampalataya at paglikas na naunang umiiral. Tunay na si Allāh sa bawat bagay ay Maalam: walang naikukubli sa Kanya na anuman sapagkat Siya ay nakaaalam sa naaangkop para sa mga lingkod Niya kaya nagsasabatas Siya para sa kanila.