ترجمة معاني سورة الجاثية
باللغة الفلبينية من كتاب الترجمة الفلبينية (تجالوج) للمختصر في تفسير القرآن الكريم
.
من تأليف:
مركز تفسير للدراسات القرآنية
.
ﰡ
Ḥā. Mīm. Nauna na ang pagtatalakay sa mga kahawig ng mga ito sa simula ng Kabanatang Al-Baqarah.
Ang pagbababa ng Aklat ay mula kay Allāh, ang Makapangyarihan na hindi nagagapi ng isa man, ang Marunong sa paglikha Niya, pagtatakda Niya, at pangangasiwa Niya.
Tunay na sa mga langit at lupa ay talagang may mga katunayan sa kakayahan ni Allāh at kaisahan Niya para sa mga mananampalataya dahil sila ay ang mga nagsasaalang-alang sa mga tanda.
Sa pagkalikha sa inyo, O mga tao, mula sa isang patak, pagkatapos ay mula sa isang malalinta, pagkatapos ay mula sa isang kimpal na laman, at sa pagkalikha sa anumang ikinakalat ni Allāh na kumikilos na nilalang sa balat ng lupa ay may mga katunayan sa kaisahan Niya para sa mga taong nakatitiyak na si Allāh ay Tagalikha,
sa pagsusunuran ng gabi at maghapon, sa anumang ibinaba ni Allāh mula sa langit na ulan kaya nagbigay-buhay Siya sa pamamagitan niyon sa lupa sa pamamagitan ng pagpapatubo rito matapos na ito ay naging patay na walang halaman dito, sa pagpihit sa mga hangin sa pamamagitan ng pagpapapunta sa mga ito minsan sa isang dako at minsan sa ibang dako para sa mga kapakinabangan ninyo ay may mga katunayan para sa mga taong nakapag-uunawa kaya nakapagpapatunay sila sa pamamagitan ng mga ito sa kaisahan ni Allāh at kakayahan Niya sa pagbubuhay na muli, at sa kakayahan Niya sa bawat bagay.
Ang mga tanda at ang mga patotoo na ito ay binibigkas Namin sa iyo, O Sugo, sa katotohanan. Kaya kung hindi sila sumampalataya sa pakikipag-usap ni Allāh na ibinaba sa Lingkod Niya at sa mga katwiran Niya, sa aling pakikipag-usap matapos Niya sasampalataya sila at sa aling mga katwiran matapos Niya magpapatotoo sila?
Pagdurusa mula kay Allāh at kasawian ay ukol sa bawat palasinungaling na marami ang mga kasalanan.
Nakaririnig ang tagatangging sumampalataya na ito sa mga tanda ni Allāh sa Qur'ān na binibigkas sa kanya, pagkatapos ay nagpapatuloy siya sa anumang dating nasa kanya na kawalang-pananampalataya at mga pagsuway habang nagpapakataas-taas sa sarili niya laban sa pagsunod sa katotohanan. Para bang siya ay hindi nakaririnig ng mga talatang iyon na binibigkas sa kanya. Kaya magpabatid ka sa kanya, O Sugo, hinggil sa ikapapahamak niya sa Kabilang-buhay niya. Iyon ay isang pagdurusang mahapdi na naghihintay sa kanya roon.
Kapag may umabot sa kanya na anuman mula sa Qur'ān ay gumagawa siya rito ng isang panunuya na itinutuya niya rito. Ang mga nailarawang iyon sa paglalarawan ng panunuya sa Qur'ān, ukol sa kanila ay isang pagdurusang mang-aaba sa Araw ng Pagbangon.
Sa harapan nila ay may Apoy ng Impiyerno na naghihintay sa kanila sa Kabilang-buhay. Hindi makasasapat sa kanila ang nakamit nila na mga yaman laban kay Allāh sa anuman ni magtatanggol sa kanila sa anuman ang ginawa nila bukod pa sa Kanya na mga diyus-diyusan na sinasamba nila bukod pa sa Kanya. Ukol sa kanila sa Araw ng Pagbangon ay isang pagdurusang mabigat.
Ang Aklat na ito na ibinaba Namin sa Sugo naming si Muḥammad ay isang tagapatnubay tungo sa katotohanan. Ang mga tumangging sumampalataya sa mga tanda ng Panginoon nila na ibinaba sa Sugo Niya, ukol sa kanila ay isang pagdurusang masagwa na mahapdi.
Si Allāh - tanging Siya - ay ang nagpalingkod para sa inyo, O mga tao, ng dagat upang maglayag ang mga daong dito ayon sa utos Niya at upang humanap kayo ng kabutihang-loob Niya sa pamamagitan ng mga uri ng mga paghahanap-buhay na pinapayagan, at nang sa gayon kayo ay magpapasalamat sa biyaya ni Allāh sa inyo.
Nagpalingkod Siya - kaluwalhatian sa Kanya - para sa inyo ng anumang nasa mga langit gaya ng araw, buwan, at mga bituin, at anumang nasa lupa gaya ng mga ilog, mga punong-kahoy, bundok, at iba pa. Tunay na sa pagpapalingkod na iyon para sa inyo ay talagang may mga katunayan sa kakayahan ni Allāh at kaisahan Niya para sa mga taong nag-iisip-isip sa mga tanda Niya kaya naman nagsasaalang-alang sila sa mga ito.
Sabihin mo, O Sugo, sa mga sumampalataya kay Allāh at nagpatotoo sa Sugo Niya: "Magpalampas kayo sa sinumang gumawa ng masagwa sa inyo kabilang sa mga tagatangging sumampalataya na hindi pumapansin sa mga biyaya ni Allāh o mga salot Niya sapagkat tunay na si Allāh ay gaganti sa bawat isa sa mga mananampalatayang nagtitiis at mga tagatangging sumampalatayang lumalabag dahil sa dati nilang nakakamit na mga gawa sa Mundo."
Ang sinumang gumawa ng gawang maayos, ang resulta ng gawa niyang maayos ay para sa kanya. Si Allāh ay Walang-pangangailangan sa gawa niya. Ang sinumang nagpasagwa sa gawa niya, ang resulta ng gawa niyang masagwa ay sa kanya ang parusa nito. Si Allāh ay hindi napipinsala ng paggawa niya ng masama. Pagkatapos ay tungo sa Kanya - tanging sa Kanya - panunumbalikin kayo sa Kabilang-buhay upang gumanti Siya sa bawat isa ayon naging karapat-dapat dito.
Talaga ngang nagbigay Kami sa mga anak ni Israel ng Torah at pagpapasya sa pagitan ng mga tao sa pamamagitan ng hatol nito, at gumawa Kami sa karamihan ng mga propeta mula sa kanila mula sa mga supling ni Abraham - sumakanya ang pangangalaga. Tumustos Kami sa kanila mula sa mga uri ng mga kaaya-ayang bagay, at nagtangi Kami sa kanila higit sa mga nilalang ng panahon nila.
Nagbigay Kami sa kanila ng mga katunayang nagpapaliwanag sa katotohanan mula sa kabulaanan ngunit hindi sila nagkaiba-iba malibang noong matapos na lumitaw ang mga katwiran sa pamamagitan ng pagpapadala sa Propeta Naming si Muḥammad - pagpalain siya ni Allah at pangalagaan. Walang humila sa kanila sa pagkakaiba-ibang ito kundi matapos na lumabag ang iba sa kanila sa iba pa dala ng sigasig sa pamumuno at impluwensiya. Tunay na ang Panginoon mo, O Sugo, ay magpapasya sa pagitan nila sa Araw ng Pagbangon hinggil sa sila noon ay nagkakaiba-iba sa Mundo kaya maglilinaw Siya sa kung sino noon ang nagtototoo at kung sino noon ang nagbubulaan.
Pagkatapos ay naglagay Kami sa iyo sa isang daan, kalakaran, at pamamaraan mula sa kautusan Namin na ipinag-utos Namin sa mga nauna sa iyo na mga sugo Namin. Na nag-aanyaya ito sa pananampalataya at gawang maayos, kaya sumunod ka sa batas na ito at huwag kang sumunod sa mga pithaya ng mga hindi nakaaalam sa katotohanan sapagkat ang mga pithaya nila ay nagpapaligaw palayo sa katotohanan.
Tunay na ang mga hindi nakaaalam sa katotohanan ay hindi makapipigil palayo sa iyo ng anuman mula sa pagdurusang dulot, kung sinunod mo ang mga pithaya nila. Tunay na ang mga tagalabag sa katarungan kabilang sa lahat ng mga kapaniwalaan at mga sekta, ang iba sa kanila ay tagaadya ng iba at tagaalalay nito laban sa mga mananampalataya. Si Allāh ay Tagaadya ng mga tagapangilag magkasala sa Kanya sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ipinag-uutos Niya at pag-iwas sa mga sinasaway Niya.
Ang Qur’an na ito na ibinaba sa Sugo Namin ay mga pagpapatalos na nakatatalos sa pamamagitan ng mga ito ang mga tao sa katotohanan mula sa kabulaanan, isang kapatnubayan tungo sa katotohanan, at isang awa para sa mga taong nakatitiyak dahil sila ay ang mga napapatnubayan sa pamamagitan nito tungo sa landasing tuwid upang malugod sa kanila ang Panginoon nila para magpapasok Siya sa kanila sa Paraiso at mag-alis sa kanila sa Apoy.
O nagpapalagay ba ang mga nagkamit sa pamamagitan ng mga bahagi ng katawan nila ng kawalang-pananampalataya at mga pagsuway na magtuturing Kami sa kanila sa pagganti tulad ng mga sumampalataya kay Allāh at gumawa ng mga gawang maayos sa paraang magpapantay sila sa Mundo at Kabilang-buhay? Sumagwa ang ihinahatol nila!
Lumikha si Allāh ng mga langit at lupa dahil sa kasanhiang malalim at hindi Siya lumikha sa mga ito sa kawalang-kabuluhan at upang gantihan ang bawat kaluluwa ayon sa nakamit nito na kabutihan o kasamaan habang si Allāh ay hindi lumalabag sa katarungan sa kanila sa pamamagitan ng pagbawas sa mga magandang gawa nila ni ng pagdagdag sa mga masagwang gawa nila.
Tumingin ka, O Sugo, sa sumunod sa pithaya niya at naglagay rito sa antas ng sinasamba para sa kanya na hindi siya sumasalungat dito. Nagpaligaw nga sa kanya si Allāh ayon sa kaalaman mula sa Kanya sapagkat siya ay naging karapat-dapat sa pagpapaligaw. Nagpinid si Allāh sa puso niya kaya hindi siya nakaririnig ayon sa pagdinig na pakikinabangan niya. Naglagay si Allāh sa paningin niya ng isang balot na humahadlang sa kanya sa pagkita sa katotohanan, kaya sino pa ang magtutuon sa kanya sa katotohanan matapos na pinaligaw siya ni Allāh? Kaya hindi ba kayo magsasaalaala sa pinsala ng pagsunod sa pithaya at pakinabang ng pagsunod sa Batas ni Allāh?
Nagsabi ang mga tagatangging sumampalataya na nagkakaila sa pagbubuhay na muli: "Walang iba ang buhay kundi ang buhay naming pangmundong ito lamang sapagkat walang buhay matapos nito. May namamatay na mga salinlahi ngunit hindi nagbabalik at may nabubuhay na mga salinlahi. Walang nagbibigay-kamatayan sa amin kundi ang pagpapalitan ng gabi at maghapon." Walang ukol sa kanila sa pagkakaila nila sa pagbubuhay na muli na anumang kaalaman. Walang iba sila kundi nagpapalagay. Tunay na ang palagay ay hindi nakasasapat sa katotohanan sa anuman.
Kapag binibigkas sa mga tagatambal na nagkakaila sa pagbubuhay na muli ang mga tanda Namin bilang mga maliwanag na patunay, hindi sila nagkaroon ng anumang katwirang ikinakatwiran nila kundi ang sabi nila sa Sugo - basbasan siya ni Allāh at pangalagaan - at sa mga Kasamahan niya: "Buhayin ninyo para sa amin ang mga ninuno naming namatay, kung kayo ay naging mga tapat sa pag-aangkin na kami ay bubuhaying muli matapos ng kamatayan namin."
Sabihin mo, O Sugo: "Si Allāh ay nagbibigay-buhay sa inyo sa pamamagitan ng paglikha sa inyo, pagkatapos ay nagbibigay-kamatayan sa inyo, pagkatapos ay kakalap sa inyo matapos ng kamatayan ninyo tungo sa Araw ng Pagbangon para sa pagtutuos at pagganti. Ang Araw na iyon na walang pagdududa hinggil doon ay sasapit, subalit ang karamihan sa mga tao ay hindi nakaaalam. Dahil doon, hindi sila naghahanda para roon sa pamamagitan ng gawang maayos."
Ukol kay Allāh - tanging sa Kanya - ang paghahari sa mga langit at ang paghahari sa lupa kaya walang sinasamba sa mga iyon ayon sa karapatan na iba pa sa Kanya. Sa Araw na sasapit ang Huling Sandali na bubuhaying muli ni Allāh doon ang mga patay para sa pagtutuos at pagganti, malulugi ang mga alagad ng kabulaanan na mga dating sumasamba sa iba pa kay Allāh at nagsisikap para sa pagpapabula sa katotohanan at pagpapatagumpay sa kabulaanan.
Makakikita ka, O Sugo, sa Araw na iyon sa bawat kalipunan na nakaluhod sa mga tuhod nito, na naghihintay ng gagawin dito. Bawat kalipunan ay tatawagin sa talaan ng mga gawa nito na isinulat ng mga tagaingat na mga anghel: "Ngayong Araw ay gagantihan kayo, O mga tao, sa anumang dati ninyong ginagawa sa Mundo na kabutihan at kasamaan.
Itong talaan Namin - na ang mga anghel noon ay nagsusulat dito ng mga gawa ninyo - ay sasaksi sa inyo ayon sa katotohanan, kaya basahin ninyo. Tunay na Kami noon ay nag-uutos sa mga tagaingat na magtala ng dati ninyong ginagawa sa Mundo."
Kaya tungkol sa mga sumampalataya at gumawa ng mga gawang maayos, magpapapasok sa kanila ang Panginoon mo - kaluwalhatian sa Kanya - sa Paraiso Niya dahil sa awa Niya. Ang pagganting iyon na ibinigay sa kanila ni Allāh ay ang pagkatamong maliwanag na hindi natutumbasan ng isang pagkatamo.
Tungkol naman sa mga tumangging sumampalataya kay Allāh, sasabihin sa kanila bilang panunumbat sa kanila: "Hindi ba nangyaring ang mga tanda Ko ay binibigkas sa inyo ngunit nagpakataas-taas kayo laban sa pananampalataya sa mga ito at kayo noon ay mga taong salarin, na nagkakamit ng kawalang-pananampalataya at mga kasalanan?
Kapag sinabi sa inyo: 'Tunay na ang pangako ni Allāh - na ipinangako Niya sa mga lingkod Niya na Siya ay bubuhay muli sa kanila at gaganti sa kanila - ay katotohanang walang mapag-aalinlanganan hinggil dito, at ang Huling Sandali ay katotohanang walang duda hinggil dito kaya gumawa kayo para rito,' ay nagsasabi naman kayo: "Hindi kami nakababatid kung ano ang Huling Sandaling ito. Hindi kami nagpapalagay kundi ng isang pagpapalagay na mahina na ito ay sasapit, at hindi kami mga nakatitiyak na ito ay sasapit.'"
Lilitaw sa kanila ang mga masagwa sa ginawa nila sa Mundo na kawalang-pananampalataya at mga pagsuway, at bababa sa kanila ang pagdurusang dati nilang kinukutya kapag pinagbalaan sila niyon.
Magsasabi sa kanila si Allāh: "Ngayong Araw, mag-iiwan Kami sa inyo sa Apoy kung paanong kayo ay nakalimot sa pakikipagkita sa Araw ninyong ito sapagkat hindi kayo naghanda para rito sa pamamagitan ng pananampalataya at gawang maayos. Ang pamamalagian ninyo na kakanlungan ninyo ay ang Apoy. Walang ukol sa inyo na mga tagaadya na magtatanggol sa inyo sa pagdurusang dulot ni Allāh.
Ang pagdurusang iyon na pagdurusahin kayo roon ay dahilan sa kayo ay gumawa sa mga tanda ni Allāh ng isang pangungutyang ipinantutuya ninyo. Dumaya sa inyo ang buhay dahil sa mga sarap nito at mga ninanasa rito." Kaya sa Araw na iyon, hindi ilalabas ang mga tagatangging sumampalataya na mga nangungutya sa mga tanda ni Allāh mula sa Apoy, bagkus mananatili sila roon magpakailanman. Hindi sila pababalikin sa buhay pangmundo upang gumawa ng gawang maayos at hindi malulugod sa kanila ang Panginoon nila.
Kaya ukol kay Allāh - tanging sa Kanya - ang papuri, ang Panginoon ng mga langit, ang Panginoon ng lupa, at ang Panginoon ng lahat ng mga nilikha.
Sa Kanya ang kapitaganan at ang kadakilaan sa mga langit at sa lupa. Siya ay ang Makapangyarihan na hindi nagagapi ng isa man, ang Marunong sa paglikha Niya, pagtatakda niya, pangangasiwa Niya, at batas Niya.