ترجمة سورة طه

الترجمة الفلبينية (تجالوج) للمختصر في تفسير القرآن الكريم
ترجمة معاني سورة طه باللغة الفلبينية من كتاب الترجمة الفلبينية (تجالوج) للمختصر في تفسير القرآن الكريم .
من تأليف: مركز تفسير للدراسات القرآنية .

Ṭā. Hā. Nauna ang pag-uusap sa ang mga katapat nito sa simula ng Kabanata Al-Baqarah.
Hindi Kami nagpababa sa iyo, O Sugo, ng Qur’ān upang ito ay maging isang kadahilanan ng pagpapagal sa sarili mo sa panlulumo sa pag-ayaw ng mga kababayan mo sa pananampalataya sa iyo.
Hindi Kami nagbaba nito malibang upang ito ay maging isang pagpapaalaala para sa sinumang itinuon ni Allāh sa pagkatakot sa Kanya.
Ibinaba ito ni Allah na lumikha ng lupa, at lumikha ng langit na matataas; ito ay dakilang Qur’ān sapagkat ibinaba ito mula sa Dakila.
Ang Napakamaawain ay pumaitaas at umangat sa trono ayon sa kataasang naaangkop sa kapitaganan Niya - kaluwalhatian sa Kanya at pagkataas-taas Siya.
Sa Kanya lamang - kaluwalhatian sa Kanya - ang anumang nasa mga langit, ang anumang nasa lupa, at ang anumang nasa ilalim ng alabok na mga nilikha, sa paglikha, sa paghahari, at sa pangangasiwa.
Kung maghahayag ka, O Sugo, ng sasabihin o magkukubli nito, tunay na Siya - kaluwalhatian sa Kanya - ay nakaaalam niyon sa kabuuan niyon sapagkat Siya ay nakaaalam sa lihim at sa anumang higit na kubli kaysa sa lihim, tulad ng mga sumasagi sa kaluluwa. Walang naikukubli sa Kanya na anuman mula roon.
Si Allāh ay walang sinasamba ayon sa karapatan na iba pa sa Kanya. Ukol sa Kanya - tanging sa Kanya - ang mga pangalang masidhi sa kalubusan sa kagandahan.
Talaga ngang nakarating sa iyo, O Sugo, ang ulat kay Moises na anak ni Imran - sumakanya ang pangangalaga.
Nang nakakita siya sa paglalakbay niya ng isang apoy ay nagsabi siya sa mag-anak niya: "Mamalagi kayo sa lugar ninyong ito; tunay na ako ay nakakita ng isang apoy. Harinawa ako ay magdadala sa inyo mula sa apoy na ito ng isang lagablab o makatagpo ng papatnubay sa akin sa daan.
Noong nakarating siya sa apoy ay nanawagan sa kanya si Allāh - kaluwalhatian sa Kanya - sa pagsabi Niya: "O Moises,
tunay na Ako ay ang Panginoon mo. Kaya mag-alis ka ng mga panyapak mo bilang paghahanda sa pakikipagniig sa akin. Tunay na ikaw ay nasa dinalisay na lambak ng Ṭuwā.
Ako ay humirang sa iyo, O Moises, para sa pagpaparating sa pasugo Ko kaya makinig ka sa ikakasi ko sa iyo:
Tunay na Ako ay si Allāh. Walang sinasamba ayon sa karapatan na iba pa sa Akin, kaya sumamba ka sa Akin - tanging sa Akin - at magsagawa ka ng pagdarasal ayon sa pinakaganap na paraan para makaalaala ka sa Akin dito."
Tunay na ang Huling Sandali ay darating nang walang pasubali at magaganap. Halos ako ay magkubli nito para hindi malaman ang oras nito ng isang nilikha subalit makikilala nila ang mga tanda nito sa pamamagitan ng pagpapabatid ng Propeta sa kanila, upang gantihan ang bawat kaluluwa sa anumang ginawa nito na kabutihan man o kasamaan.
Kaya huwag ngang maglilihis sa iyo sa pagpapatotoo roon at paghahanda para roon sa pamamagitan ng gawang maayos, ang sinumang hindi sumasampalataya roon kabilang sa mga tagatangging sumampalataya at sumunod sa pinipithaya ng sarili niya kabilang sa mga ipinagbabawal sapagkat mapahahamak ka dahilan doon.
Ano yaong nasa kamay mong kanan, O Moises?
Nagsabi si Moises - sumakanya ang pangangalaga: "Ito ay tungkod ko. Umaasa ako rito sa paglalakad. Humahampas ako gamit nito sa mga puno upang bumagsak ang mga dahon ng mga iyon para sa mga tupa ko. Mayroon ako ritong mga pakinabang na iba pa sa nabanggit ko."
Nagsabi si Allāh: "Ihagis mo iyan, O Moises."
Kaya inihagis iyon ni Moises at biglang iyon ay nag-anyong isang ahas na umuusad nang may bilis at gaan.
Nagsabi si Allāh kay Moises - sumakanya ang pangangalaga: "Kunin mo ang tungkod at huwag kang mangamba sa pag-aanyong ahas niya. Magpapanumbalik Kami riyan, kapag kinuha mo iyan, sa unang kalagayan niyan.
Idikit mo ang kamay mo sa gilid mo, lalabas itong maputi na walang ketong bilang ikalawang palatandaan para sa iyo.
Nagpakita Kami sa iyo nitong dalawang palatandaan upang magpakita Kami sa iyo, O Moises, ng ilan sa mga tanda Naming pinakadakilang nagpapatunay sa kakayahan Namin at na ikaw ay isang sugo mula sa ganang Amin.
Magtungo ka, O Moises, kay Paraon sapagkat tunay na siya ay lumampas sa hangganan ng kawalang-pananampalataya at paghihimagsik kay Allāh."
Nagsabi si Moises - sumakanya ang pangangalaga: "Panginoon ko, magpaluwang Ka para sa akin ng dibdib ko upang mabata ko ang pananakit,
magpagaan Ka para sa akin ng nauukol sa akin,
at magpakaya Ka sa akin sa pagbigkas ng matatas na pananalita.
upang maintindihan nila ang pananalita ko kapag nagpaabot ako sa kanila ng pasugo mo.
Gumawa Ka para sa akin ng isang tagatulong mula sa mag-anak ko, na tutulong sa akin sa mga gawain ko.
si Aaron na anak `Imran, na kapatid ko.
Magpalakas Ka sa pamamagitan niya ng likod ko.
Gumawa Ka sa kanya na isang katambal para sa akin sa pasugo
upang magluwalhati kami sa Iyo nang pagluluwalhating madalas
at mag-alaala kami sa Iyo nang pag-aalaalang madalas.
Tunay na Ikaw, laging sa amin, ay Nakakikita: walang naikukubli sa Iyo na anuman kabilang sa nauukol sa amin."
Nagsabi si Allāh: "Nagbigay nga Kami sa iyo ng hiningi mo, O Moises.
Talaga ngang nagbiyaya Kami sa iyo sa isa pang pagkakataon,
noong nagsiwalat Kami sa ina mo ng isiniwalat kabilang sa ipinangalaga sa iyo ni Allāh laban sa pakana ni Paraon,
Nag-utos nga Kami nang nagsiwalat Kami sa ina niya na: Itapon mo siya, matapos ng panganganak sa kanya, sa kahon, ihagis mo ang kahon sa ilog at ihahagis siya ng ilog sa dalampasigan ayon sa utos Namin, kukunin siya ng isang kaaway para sa Akin at para sa kanya, si Paraon. Naglagay Ako sa iyo ng isang pag-ibig mula sa Akin kaya iibigin ka ng mga tao, at upang maaruga ka sa ilalim ng mata Ko, pag-iingat Ko, at pag-aalaga Ko."
[Nagmagandang-loob sa iyo] noong lumabas ang babaing kapatid mo, na umuusad sa tuwing umuusad ang baul, habang sumusunod doon. Nagsabi ito sa nakakuha sa kanya: Gagabay po ba ako sa inyo sa mangangalaga sa kanya, magpapasuso sa kanya, at mag-aalaga sa kanya? Kaya nagmagandang-loob Kami sa iyo sa pagpapabalik sa iyo sa ina mo upang sumaya siya sa pagbabalik mo sa kanya at hindi siya malungkot dahil sa iyo. Napatay mo ang koptiko na sinuntok mo ngunit nagmagandang-loob Kami sa iyo sa pagliligtas sa iyo mula sa kaparusahan. Nagpaligtas Kami sa iyo nang paulit-ulit sa bawat pagsubok na humarap sa iyo. Nakalabas ka at namalagi ka ng mga taon sa mga mamayan ng Madyan. Pagkatapos ay pumunta ka [rito] sa oras na itinakda para sa iyo na pumunta ka rito para sa pakikipag-usap sa iyo, O Moises.
Pumili Ako sa iyo upang ikaw ay maging isang sugo para sa Akin, na magpapaabot ka sa mga tao ng ikinasi Ko sa iyo.
Pumunta ka, O Moises, at ang kapatid mong si Aaron dala ang mga tanda Kong tagapagpatunay sa kakayahan Ko at kaisahan Ko. Huwag kayong dalawang manghina sa pag-aanyaya tungo sa Akin at sa pag-alaala sa Akin.
Pumunta kayo kay Paraon sapagkat tunay na siya ay lumampas sa hangganan ng kawalang-pananampalataya at paghihimagsik kay Allāh.
Magsabi kayong dalawa sa kanya ng isang pagsasabing mabait na walang karahasan, sa pag-asang mapaalalahanan siya at mangangamba siya kay Allāh para magbalik-loob siya.
Nagsabi sina Moises at Aaron - sumakanilang dalawa ang pangangalaga: "Tunay na kami ay nangangamba na magmadali siya sa pagpaparusa bago malubos ang paanyaya sa kanya o lumampas siya sa hangganan sa paglabag sa amin sa katarungan sa pamamagitan ng pagpatay o iba pa."
Nagsabi si Allāh sa kanilang dalawa: "Huwag kayong dalawang mangamba; tunay na Ako ay kasama sa inyong dalawa sa pag-aadya at pag-alalay. Nakaririnig Ako at nakakikita Ako sa nangyayari sa pagitan ninyong dalawa at niya.
Kaya pumunta kayong dalawa sa kanya at magsabi kayong dalawa sa kanya: Tunay na kami ay dalawang sugo ng Panginoon mo, O Paraon, kaya ipadala mo kasama sa amin ang mga angkan ni Israel at huwag mo silang pagdusahin sa pamamagitan ng pagpatay sa mga anak nila at pagpapanatiling buhay sa mga kababaihan nila. Dumating nga kami sa iyo na may dalang isang patotoo mula sa Panginoon mo sa katapatan namin. Ang katiwasayan laban sa parusa ni Allāh ay ukol sa sinumang sumampalataya at sumunod sa patnubay ni Allāh.
Tunay na kami ay kinasihan nga ni Allāh na ang pagdurusa sa Mundo at Kabilang-buhay ay para sa sinumang nagpasinungaling sa mga tanda ni Allāh at umayaw sa inihatid ng mga sugo.
Nagsabi si Paraon habang nagmamasama sa inihatid nilang dalawa: "Kaya sino ang Panginoon ninyong dalawa na inakala ninyong dalawa na nagsugo sa inyong dalawa, O Moises?"
Nagsabi si Moises: "Ang Panginoon namin ay ang nagbigay sa bawat bagay ng larawan nito at anyo nitong naaangkop para rito, pagkatapos ay nagpatnubay sa mga nilikha para sa dahilan ng paglikha Niya sa mga ito."
Nagsabi si Paraon: "Paano naman ang nauukol sa mga kalipunang nauna na noon ay nasa kawalang-pananampalataya?"
Nagsabi si Moises - sumakanya ang pangangalaga - kay Paraon: "Ang kaalaman sa lagay noon ng mga kalipunang iyon ay nasa ganang Panginoon ko, na napagtibay sa Tablerong Pinag-iingatan. Hindi nagkakamali ang Panginoon ko sa kaalaman doon at hindi Siya nakalilimot sa nalaman Niya mula roon.
Sa ganang Panginoon ko na gumawa para sa inyo ng lupa bilang inilatag para sa pamumuhay sa ibabaw nito, naglagay para sa inyo rito ng mga daang naaangkop sa paglalakbay sa mga ito, at nagbaba mula sa langit ng tubig ng ulan, kaya nagpaluwal sa pamamagitan ng tubig na iyon ng mga uri ng mga halamang nagkakaiba-iba.
Kumain kayo, O mga tao, mula sa pinalabas ni Allāh para sa inyo kabilang sa mga kaaya-ayang bagay, at magpastol kayo ng mga hayupan ninyo. Tunay na sa nabanggit na iyon na mga biyaya ay talagang may mga patunay sa kakayahan ni Allāh at kaisahan Niya para sa mga may isip.
Mula sa alabok ng Lupa lumikha Kami sa ama ninyong si Adan - sumakanya ang pangangalaga. Dito magpapabalik Kami sa inyo sa paglibing sa inyo kapag namatay kayo. Mula rito magpapalabas Kami sa inyo sa muli para sa pagbubuhay sa Araw ng Pagbangon.
Talaga ngang naglantad Kami para kay Paraon ng siyam na tanda Namin sa kabuuan ng mga ito ngunit tumanggi siyang tumugon sa pananampalataya kay Allāh.
Nagsabi si Paraon: "Dumating ka ba sa amin upang magpalabas ka sa amin mula sa Ehipto sa pamamagitan ng dinala mong panggagaway, O Moises, upang maiwan sa iyo ang paghahari rito?
Talagang magdadala nga kami sa iyo, O Moises, ng isang panggagaway tulad ng panggagaway mo. Kaya gumawa ka sa pagitan namin at ninyo ng isang tipanan sa isang panahong nalalaman at isang lugar na itinakda, na hindi kami sisira mismo at hindi ka sisira mismo roon. Ang lugar ay maging isang kalagitnaan sa pagitan ng dalawang pangkat, na kasukat.
Nagsabi si Moises - sumakanya ang pangangalaga - kay Paraon: "Ang tipanan sa pagitan namin at ninyo ay ang araw ng pagdiriwang kung saan magtitipon ang mga tao habang mga nagdiriwang ng pagdiriwang nila sa gitnang-umaga."
Kaya tumalikod si Paraon habang lumilisan at bumuo siya ng panlalansi niya at panggugulang niya, pagkatapos ay dumating siya sa panahon at pook na mga itinakda para sa tagisan.
Nagsabi si Moises habang nangangaral sa mga manggagaway ni Paraon: "Mag-ingat kayo! Huwag kayong lumikha-likha laban kay Allāh ng isang kasinungalingang bahagi ng panggagaway na nanlilinlang kayo sa pamamagitan nito sa mga tao sapagkat lilipulin Niya kayo sa pamamagitan ng isang pagdurusa mula sa ganang Kanya. Nabigo nga ang sinumang lumikha-likha laban kay Allāh ng kasinungalingan."
Kaya nagtalu-talo ang mga manggagaway noong narinig nila ang pananalita ni Moises - sumakanya ang pangangalaga - at nagtapatan sila sa pagitan nila nang palihim.
Nagsabi ang iba sa mga manggagaway sa iba pa sa kanila nang palihim: "Tunay na sina Moises at Aaron ay talagang dalawang manggagaway na nagnanais na magpalabas sa inyo mula sa Ehipto sa pamamagitan ng panggagaway nilang dalawang inihatid nila at mag-alis sa kalakaran ninyong pinakamataas sa buhay at katuruan ninyong pinakamagaling."
Kaya pagtibayin ninyo ang nauukol sa inyo at huwag kayong magkaiba-iba. Pagkatapos ay sumulong kayo na mga nakahanay at ibato ninyo ang taglay ninyo nang isang batuhan. Nagtamo nga ng hinihiling sa araw na ito ang sinumang nanaig sa kaalitan niya.
Nagsabi ang mga manggagaway kay Moises - sumakanya ang pangangalaga: "O Moises, mamili ka sa dalawang bagay: na ikaw ang magsisimula sa pagpukol ng taglay mong panggagaway o kami ang mga magsisimula niyon."
Nagsabi si Moises - sumakanya ang pangangalaga: "Bagkus magtapon kayo muna ng taglay ninyo." Kaya nagtapon sila ng nasa kanila kaya biglang ang mga lubid nila at ang mga tungkod nila na itinapon nila ay ginuniguni kay Moises dala ng panggagaway nila na ang mga ito ay mga ahas na kumikilos nang may kabilisan.
Kaya kinimkim ni Moises sa sarili niya ang pangamba sa niyari nila.
Nagsabi si Allāh kay Moises - sumakanya ang pangangalaga - habang nagpapanatag sa kanya: "Huwag kang mangamba sa ginuniguni nila sa iyo, O Moises; ikaw ang mangingibabaw sa kanila sa pananaig at pagwawagi."
Magtapon ka ng tungkod mong nasa kamay mong kanan, mag-aanyong ahas ito na lululon sa niyari nila mula sa panggagaway sapagkat wala silang niyari kundi isang pakanang pampanggagaway. Hindi nagtatamo ang manggagaway ng isang hinihiling saanman siya naroon.
Kaya nagtapon si Moises ng tungkod niya at nag-anyong ahas ito at nilulon ang niyari ng mga manggagaway. Kaya nagpatirapa ang mga manggagaway noong nalaman nilang ang taglay ni Moises ay hindi panggagaway. Ito ay mula sa ganang kay Allāh. Nagsabi sila: "Sumampalataya kami sa Panginoon nina Moises at Aaron, ang Panginoon ng lahat ng mga nilikha."
Nagsabi si Paraon habang nagmamasama sa mga manggagaway sa pagsampalataya nila at nagbabanta: "Sumampalataya ba kayo kay Moises bago ako magpahintulot sa inyo? Tunay na si Moises ay talagang ang pangulo ninyo, O mga manggagaway, na nagturo sa inyo ng panggagaway. Kaya talagang magpuputul-putol nga ako mula sa bawat isa sa inyo ng paa at kamay nang magkabilaan sa pagitan ng dalawang dako ng dalawang ito. Talagang magbibitin nga ako sa mga katawan ninyo sa mga puno ng mga punong datiles hanggang sa mamatay kayo at kayo ay magsilbing aral sa iba pa sa inyo. Talagang makaaalam nga kayo sa sandaling iyon kung alin sa amin ang higit na malakas sa [pagdudulot ng] pagdurusa at higit na namamalagi: ako o ang Panginoon ni Moises?"
Nagsabi ang mga manggagaway kay Paraon: "Hindi kami magmamagaling sa pagsunod sa iyo, O Paraon, higit sa pagsunod sa dumating sa amin na mga tandang maliwanag at hindi kami magmamagaling sa iyo higit kay Allāh na lumikha sa amin. Kaya gawin mo ang anumang gagawin mo sa amin. Wala kang kapamahalaan sa amin maliban sa buhay na nagmamaliw na ito. Maglalaho ang kapamahalaan mo."
Tunay na kami ay sumampalataya sa Panginoon namin sa pag-asang magpawi Siya sa amin ng mga pagsuway naming nagdaan gaya ng kawalang-pananampalataya at iba pa rito at magpawi Siya sa amin ng pagkakasala ng panggagaway na nagpumilit ka sa amin sa pagkatuto nito, pagsasagawa nito, at pakikipanaig kay Moises dito. Si Allāh ay higit na mabuti sa pagganti kaysa sa ipinangako mo sa amin at higit na namamalagi sa pagdudulot ng pagdurusa kaysa sa ibinanta mo sa amin na pagdurusa."
Tunay na ang lagay at ang resulta ay na ang sinumang pumunta sa Panginoon niya sa Araw ng Pagbangon bilang isang tagatangging sumampalataya sa Kanya, ukol dito ay ang Apoy ng Impiyerno, na papasukin nito bilang mamamalagi roon magpakailanman. Hindi ito mamamatay roon para makapagpahinga at hindi ito mabubuhay sa isang buhay na kaaya-aya.
Ang sinumang pumunta sa Kanya bilang isang mananampalataya ay gumawa nga ng mga gawang maayos. Kaya ang mga nailalarawang iyon sa mga dakilang katangiang iyon ay ukol sa kanila ang mga tahanang angat at ang antas na mataas:
Ang mga antas na iyon ay ang mga hardin ng pagpapanatili na dumadaloy ang mga ilog mula sa ilalim ng mga palasyo ng mga ito habang mga mamamalagi sa mga ito magpakailanman. Ang nabanggit na ganting iyon ay ang ganti sa sinumang nagpakalinis sa kawalang-pananampalataya at mga pagsuway.
Talaga ngang nagkasi Kami kay Moises: "Maglakbay ka sa gabi kasama ng mga lingkod ko mula sa Ehipto upang hindi makaramdam sa kanila ang isa man. Gumawa ka para sa kanila ng isang daang tuyo sa dagat matapos ng pagpalo sa dagat ng tungkod. Napapanatag, huwag kang mangamba na makaabot sa iyo si Paraon at ang pamunuan nito at huwag kang matakot sa pagkalunod sa dagat."
Kaya sumunod sa kanila si Paraon na sinasamahan ng mga kawal niya. Pagkatapos ay nagpalubog sa kanya - at lumubog ang mga kawal niya - mula sa dagat ang nagpalubog sa kanila, na walang nakaaalam sa katotohanan nito kundi si Allāh. Kaya nalunod sila, napahamak sila, at naligtas naman si Moises at ang sinumang kasama sa kanya.
Nagpaligaw si Paraon sa mga tao niya sa pamamagitan ng pinaganda niya para sa kanila na kawalang-pananampalataya, luminlang siya sa kanila sa pamamagitan nito dahil sa kabulaanan, at hindi siya gumabay sa kanila tungo sa daan ng kapatnubayan.
Nagsabi Kami sa mga anak ni Israel matapos na sumagip Kami sa kanila mula kay Paraon at sa mga kawal niya: "O mga anak ni Israel, sumagip nga Kami sa inyo mula sa kaaway ninyo, nakipagtipan Kami sa inyo na magsasalita Kami kay Moises sa dakong kanan ng lambak na naroroon sa gilid ng bundok, at nagpababa Kami sa inyo sa ilang ng mga biyaya Namin na inuming matamis tulad ng pulut-pukyutan at maliit na ibong kaaya-aya ang laman.
Kumain kayo mula sa mga minamasarap kabilang sa itinustos Namin sa inyo kabilang sa mga pagkaing ipinahihintulot. Huwag kayong lumampas sa pinayagan Namin para sa inyo patungo sa ipinagbawal Namin sa inyo, sapagkat bababa sa inyo ang galit Ko, at ang sinumang dumapo sa kanya ang galit Ko ay napahamak at nalumbay nga sa Mundo at Kabilang-buhay.
Tunay na Ako ay talagang madalas ang pagpapatawad at ang pagpapaumanhin para sa sinumang nagbalik-loob, sumampalataya, at gumawa ng gawang maayos, pagkatapos ay nagpakatuwid sa katotohanan.
Ano ang gumawa sa iyo na magmadali ka palayo sa mga tao mo, O Moises, sapagkat umuna ka sa kanila habang nag-iiwan sa kanila sa likuran mo?
Nagsabi si Moises - sumakanya ang pangangalaga: "Heto silang nasa likuran ko at makaabot sila sa akin. Inunahan ko ang mga tao ko patungo sa Iyo upang malugod Ka sa akin sa pagdadali-dali ko sa Iyo."
Nagsabi si Allāh: "Ngunit tunay na Kami ay sumubok nga sa mga tao mo, na iniwan mo sa pinag-iwanan mo, sa pamamagitan ng pagsamba sa guya sapagkat nag-anyaya sa kanila sa pagsamba sa guya ang Sāmirīy kaya nagpaligaw siya sa kanila sa pamamagitan niyon."
Kaya nanumbalik si Moises sa mga tao niya na galit dahil sa pagsamba nila sa guya, na malungkot para sa kanila. Nagsabi si Moises - sumakanya ang pangangalaga: "O mga tao ko, hindi ba nangako sa inyo ang Panginoon ninyo ng isang pangakong maganda, na magpapababa Siya sa inyo ng Torah at magpapasok sa inyo sa Paraiso? Kaya tumagal ba sa inyo ang panahon kaya nakalimot kayo? O nagnais kayo sa gawain ninyong ito na may dumapo sa inyo na isang galit mula sa Panginoon ninyo at bumagsak sa inyo ang parusa Niya, kaya naman dahil doon ay sumira kayo sa naipangako sa akin na katatagan sa pagtalima hanggang sa bumalik ako sa inyo?"
Nagsabi ang mga tao ni Moises: "Hindi kami sumira sa ipinangako sa iyo, O Moises, dahil sa isang pagpili mula sa amin bagkus dahil sa pagkanapilitan, sapagkat pinagdala nga kami ng mga dalahing mabigat mula sa mga alahas ng mga tao ni Paraon sa isang hukay para magwaksi sa mga ito. Kung paano naming itinapon ang mga ito sa hukay, itinapon din ng Sāmirīy ang nasa kanya na lupa ng kuko ng paa ng kabayo ni Anghel Gabriel - sumakanya ang pangangalaga."
Nagpalabas ang Sāmirīy mula sa mga hiyas na iyon para sa mga anak ni Israel ng isang rebulto ng guyang walang kaluluwa rito, na mayroon itong pag-ungal gaya ng pag-ungal ng baka. Nagsabi ang mga sinusulit kabilang sa kanila sa pamamagitan ng gawain ng Sāmirīy: "Ito ay ang sinasamba ninyo at ang sinasamba ni Moises, na nakalimutan niya at iniwan niya rito."
Kaya hindi ba nakakikita nitong mga sinulit sa pamamagitan ng guya na sinamba naman nila, na ang guya ay hindi nagsasalita sa kanila, hindi sumasagot sa kanila, at hindi nakakakaya sa pagtulak sa pinsala palayo sa kanila ni palayo sa iba pa sa kanila, ni sa pagdulot ng pakinabang para sa kanila o para sa iba pa sa kanila?
Talaga ngang nagsabi sa kanila si Aaron bago ng pagbabalik ni Moises sa kanila: "Walang [layon] sa pagbuo ng guya mula sa ginto at pag-unga nito kundi isang pagsubok para sa inyo upang malantad ang mananampalataya sa tagatangging sumampalataya. Tunay na ang Panginoon ninyo, O mga tao, ay ang nakapagdudulot ng awa, hindi ang sinumang hindi nakapagdudulot sa inyo ng pinsala ni pakinabang, huwag nang sabihin naaawa sa inyo. Kaya sumunod kayo sa akin sa pagsamba sa Kanya - tanging sa Kanya - at tumalima kayo sa utos ko sa pamamagitan ng pag-iwan sa pagsamba sa iba pa sa Kanya."
Nagsabi ang mga sinusulit sa pamamagitan ng pagsamba sa guya: "Hindi kami titigil dito bilang mga nananatili sa pagsamba rito hanggang sa manumbalik sa amin si Moises."
Nagsabi si Moises sa kapatid niyang si Aaron: "Ano ang pumigil sa iyo nang nakakita ka sa kanila na naligaw dahil sa pagsamba sa guya bukod pa kay Allāh?"
na hinayaan mo sila at sumunod ka sa akin? Kaya sumuway ka ba sa utos ko sa iyo nang nag-iwan ako sa iyo sa kanila?"
Noong sumunggab si Moises sa balbas ng kapatid niya at ulo nito, na kinakaladkad ito papunta sa kanya habang nagmamasama rito sa ginawa nito, nagsabi sa kanya ito habang nagsusumamo sa kanya: "Huwag kang humawak sa balbas ko ni sa buhok ng ulo ko sapagkat tunay na mayroon akong isang dahilan sa pananatili ko kasama nila. Nangamba akong kung mag-iiwan ka sa kanila nang sila-sila lamang ay magkakahati-hati sila at magsasabi kang tunay na ako ay naghati-hati sa pagitan nila at tunay na ako ay hindi nag-ingat sa tagubilin mo sa kanila."
Nagsabi si Moises - sumakanya ang pangangalaga - sa Sāmirīy: "Kaya ano ang lagay mo, O Sāmirīy? Ano ang nagtulak sa iyo sa ginawa mo?"
Nagsabi ang Sāmirīy kay Moises - sumakanya ang pangangalaga: "Nakakita ako ng hindi nila nakita sapagkat nakita ko si Anghel Gabriel sakay ng kabayo. Kumuha ako ng isang dakot mula sa alabok mula sa bakas ng kabayo niyon at itinapon ko iyon sa mga tinunaw na hiyas na hinulma sa anyo ng isang guya kaya nakabuo buhat doon ng isang guyang estatwa na mayroon itong pag-unga, at gayon pinaganda para sa akin ng sarili ko ang niyari ko."
Nagsabi si Moises - sumakanya ang pangangalaga - sa Sāmirīy: "Kaya umalis ka sapagkat tunay na ukol sa iyo na magsabi hanggat nanatili kang buhay: 'Hindi ako sumasaling at hindi ako sinasaling,' kaya mabubuhay kang itinataboy." Tunay na ukol sa iyo ay isang tipanan sa Araw ng Pagbangon na tutuusin ka roon at parurusahan. Hindi sisira sa iyo si Allāh sa tipanang ito. Tumingin ka sa guya mo na ginawa mong sinasamba mo at nanatili ka sa pagsamba roon bukod pa kay Allāh, talagang magpapaningas nga Kami rito ng apoy hanggang sa malusaw, pagkatapos ay talagang magpapasabog nga Kami nito sa dagat hanggang sa walang matira ritong bakas.
Tanging ang sasambahin ninyo ayon sa karapatan, O mga tao, ay si Allāh na walang sinasamba ayon sa karapatan kundi Siya. Nakapaligid Siya sa bawat bagay sa kaalaman kaya walang nakalulusot sa Kanya - kaluwalhatian sa Kanya - sa kaalaman sa anuman.
Tulad ng isinalaysay Namin sa iyo, O Muḥammad, na ulat kina Moises at Paraon at ulat ng mga tao nilang dalawa, nagsasalaysay Kami sa iyo ng mga ulat ng mga nauna sa iyo na mga propeta at mga kalipunan upang maging pampalubag-loob para sa iyo. Nagbigay nga Kami mula sa ganang Amin ng Qur'ān na napaalalahanan sa pamamagitan nito ang sinumang nag-aalaala.
Ang sinumang umayaw dito sa Qur'ān na ibinaba sa iyo kaya hindi sumampalataya rito at hindi nagsagawa ng ayon sa narito, tunay na siya ay pupunta sa Araw ng Pagbangon na nagpapasan ng isang kasalanang mabigat at karapat-dapat sa isang parusang masakit.
bilang mga mamamalagi sa pagdurusang iyon palagi. Kay saklap ang pasaning papasanin nila sa Araw ng Pagbangon.
Sa Araw na iihip ang anghel sa tambuli sa ikalawang pag-ihip para sa pagbubuhay at magtitipon Kami sa mga tagatangging sumampalataya sa Araw na iyon bilang [may matang] bughaw dahil sa pagbabago ng mga kulay nila at mga mata nila dahil sa tindi ng dinanas nilang mga hilakbot sa Kabilang-buhay.
Magbubulungan sila sa pagsabi nila: "Hindi kayo nanatili sa Barzakh matapos ng kamatayan malibang sampung gabi."
Kami ay higit na nakaaalam sa paglilihiman nila habang walang nakalulusot sa Amin mula rito na anuman noong nagsasabi ang pinakasagana sa kanila sa pag-iisip: "Hindi kayo nanatili sa Barzakh maliban sa iisang araw, hindi higit pa."
Nagtatanong sila sa iyo, O Sugo, tungkol sa kalagayan ng mga bundok sa Araw ng Pagbangon kaya sabihin mo sa kanila: "Ang mga bundok ay bubunutin ng Panginoon ko mula sa mga ugat nito at magsasabog Siya sa mga ito kaya ang mga ito ay magiging alabok.
at pababayaan Niya ang lupa na nagpapasan sa mga ito na maging patag na walang gusali sa ibabaw nito ni tanim.
Hindi ka makakikita, O tagatingin doon, sa lupa, dahil sa kalubusan ng kapatagan nito, ng isang pagtabingi ni isang pag-angat ni isang pagbaba."
Sa Araw na iyon susunod ang mga tao sa tinig ng tagaanyaya patungo sa Tipunan, nang walang lumilihis sa kanila sa pagsunod sa kanya. Tatahimik ang mga tinig para sa Napakamaawain dala ng pangingilabot kaya wala kang maririnig sa Araw na iyon kundi pakubling tinig.
Sa dakilang Araw na iyon ay hindi magpapakinabang ang pamamagitan sa alinmang tagapamagitan maliban sa tagapamagitang nagpahintulot doon si Allāh na mamagitan iyon at nalugod Siya sa sabi niyon sa pamamagitan.
Nakaaalam si Allāh - kaluwalhatian sa Kanya - sa kahaharapin ng mga tao na nauukol sa Huling Sandali at nakaaalam Siya sa tatalikuran nila sa Mundo nila. Hindi makasasaklaw ang lahat ng mga tao sa kaalaman sa sarili ni Allāh at mga katangian Niya.
Nagpakaaba ang mga mukha ng mga tao at nagpasakop sa Buhay na hindi namamatay, na Tagapagpanatili sa mga kapakanan ng mga tao sa pamamagitan ng pangangasiwa sa mga ito at pagpapatakbo sa mga ito. Malulugi nga ang sinumang nagdala ng kasalanan sa pamamagitan ng paghahatid niya sa sarili niya sa mga hatiran ng kapahamakan.
Ang sinumang gagawa ng ilan sa mga gawang maayos samantalang siya ay mananampalataya kay Allāh at sa mga sugo Niya, magtatamo siya ng ganti sa kanya nang lubos at hindi siya mangangamba sa isang kawalang-katarungan sa pamamagitan ng pagdurusa sa isang pagkakasalang hindi niya ginawa ni isang kabawasan sa gantimpala sa gawa niyang maayos.
Tulad ng ibinaba Namin na mga kasaysayan ng mga nauna, nagbaba Kami nitong Qur’an sa wikang Arabeng malinaw at naglinaw Kami rito ng mga uri ng banta gaya ng pagbabala at pagpapangamba, sa pag-asang mangamba sila kay Allāh o pagmulan para sa kanila ang Qur'ān ng pangaral at pagsasaalang-alang.
Kaya pagkataas-taas si Allāh, kabanal-banalan Siya, at kabanal-banalan Siya ang Haring sa Kanya ang paghahari sa bawat bagay, na siya ang Totoo at ang sabi Niya ay totoo. Pagkataas-taas Siya kaysa sa inilalarawan sa kanya ng mga tagapagtambal. Huwag kang magmabilis sa pagbigkas ng Qur’ān kasama kay Anghel Gabriel bago magwakas sa iyo ang pagpapaabot nito at sabihin mo: "Panginoon ko magdagdag Ka sa akin ng kaalaman sa naituro mo sa akin."
Talaga ngang nagtagubilin Kami kay Adan noon pa man ng hindi pagkain mula sa punong-kahoy, sumaway Kami sa kanya niyon, naglinaw Kami sa kanya ng kahihinatnan niyon ngunit nakalimutan niya ang tagubilin. Kumain siya mula sa punong-kahoy at hindi nakatiis doon. Hindi Kami nakakita sa kanya ng lakas ng pagtitika sa pag-iingat sa itinagubilin Namin sa kanya.
Banggitin mo, O Sugo, nang nagsabi Kami sa mga anghel: "Magpatirapa kayo kay Adan ng pagpapatirapa ng pagbati," kaya nagpatirapa naman sila sa kabuuan nila maliban si Satanas, na dati ay kasama sa kanila at hindi kabilang sa kanila; tumanggi siya sa pagpapatirapa dala ng pagmamalaki.
Nagsabi Kami: "O Adan, tunay na si Satanas ay isang kaaway para sa iyo at sa asawa mo; kaya huwag siyang magpapalabas nga sa iyo at sa asawa mo mula sa Hardin dahil sa pagtalima sa kanya sa ibinubulong niya sapagkat magpapasan ka ng mga pahirap at mga pasakit."
Tunay na ukol sa iyo para kay Allāh na magpakain Siya sa iyo sa Paraiso para hindi ka magutom at magpadamit Siya sa iyo para hindi ka maghubad,
at na magpainom Siya sa iyo para hindi ka mauuhaw, at maglilim Siya sa iyo para hindi ka tamaan ng init ng araw.
Ngunit bumulong ang demonyo kay Adan at nagsabi ito sa kanya: "O Adan, gagabay ba ako sa iyo sa isang punong-kahoy na ang sinumang kumain mula roon ay hindi mamamatay, bagkus ay mananatiling buhay nang walang-hanggan at maghahari sa paghaharing nagpapatuloy na hindi napuputol ni nagwawakas?
Kaya kumain sina Adan at Eva mula sa punong-kahoy na sinaway silang kumain mula roon. Kaya lumitaw sa kanilang dalawa ang kahubaran nilang dalawa matapos na ito dati ay natatakpan. Nag-umpisa silang dalawa na pumitas ng mga dahon ng punong-kahoy ng Hardin at ipinantatakip nilang dalawa ang mga ito sa kahubaran nila. Sumalungat si Adan sa utos ng Panginoon nito yayamang hindi ito sumunod sa ipinag-uutos Niya na pag-iwas sa pagkain mula sa punong-kahoy sapagkat lumampas ito patungo sa hindi pinapayagan.
Pagkatapos ay pumili sa kanya si Allāh at tumanggap sa pagbabalik-loob niya at nagtuon sa kanya sa kagabayan.
Nagsabi si Allāh kina Adan at Eva: "Bumaba kayo mula sa Paraiso, kayong dalawa at si Satanas, sapagkat siya ay isang kaaway para sa inyong dalawa at kayong dalawa ay mga kaaway para sa kanya. Kaya kung may dumating sa inyo mula sa Akin na paglilinaw sa landas Ko, ang sinumang sumunod kabilang sa inyo sa paglilinaw sa landas Ko at nagsagawa nito at hindi lumihis palayo rito ay hindi siya maliligaw palayo sa katotohanan at hindi siya malulumbay sa Kabilang-buhay dahil sa pagdurusa, bagkus magpapapasok sa kanya si Allāh sa Paraiso."
Ang sinumang tumalikod palayo sa pag-alaala sa Akin at hindi tumanggap nito ni tumugon dito, tunay na ukol sa kanya ay isang pamumuhay na masikip sa Mundo at sa Barzakh. Maghahatid Kami sa kanya sa Tipunan sa Araw ng Pagbangon na nawawalan ng paningin at katwiran.
Magsasabi ang tagaayaw na ito sa pag-alaala: "O Panginoon ko, bakit Ka nagtipon sa akin na isang bulag gayong ako nga dati sa Mundo ay isang nakakikita?"
Magsasabi si Allāh - pagkataas-taas Siya - bilang pagtugon dito: "Tulad niyon ang ginawa mo sa Mundo sapagkat dumating sa iyo ang mga tanda Namin at umayaw ka sa mga iyon at umiwan ka sa mga iyon, gayon din tunay na ikaw ay iiwan sa ngayong araw sa pagdurusa."
Tulad ng ganting ito gaganti Kami sa sinumang nagumon sa mga pagnanasang ipinagbabawal at umayaw sa pananampalataya nang may mga patunay na maliwanag mula sa Panginoon niya. Talagang ang pagdurusang dulot ni Allāh sa Kabilang-buhay ay higit na nakaririmarim at higit na malakas kaysa sa pamumuhay na hikahos sa Mundo at Barzakh at higit na nagtatagal.
Kaya hindi ba luminaw para sa mga tagapagtambal ang dami ng mga kalipunang ipinahamak Namin noong bago sila habang naglalakad sila sa mga tirahan ng mga kalipunang napahamak na iyon at napagmamasdan nila ang dumapo sa mga iyon. Tunay na sa dumapo sa maraming kalipunang iyon na pagkapahamak at pagkawasak ay talagang may mga maisasaalang-alang para sa mga may mga isip.
Kung hindi dahil sa isang salitang nauna mula sa Panginoon mo, O Sugo, na hindi Siya magpaparusa sa isa man bago naglahad ng katwiran dito at kung hindi dahil sa isang taning na itinakda sa ganang Kanya, talaga sanang minadali Niya sa kanila ang pagdurusa dahil sa pagiging karapat-dapat nila roon.
Kaya magtiis ka, O Sugo, sa anumang sinasabi ng mga tagapagpasinungaling sa iyo na mga paglalarawang bulaan. Magluwalhati ka kalakip ng papuri sa Panginoon mo sa dasal sa madaling-araw bago ng pagsikat ng araw, sa dasal sa hapon bago ng paglubog nito, sa dasal sa takip-silim at gabi mula sa mga oras ng gabi, sa dasal sa tanghali sa sandali ng paglihis [ng araw sa katanghaliang-tapat] matapos ng wakas ng unang dulo ng maghapon, at sa dasal sa takipsilim matapos ng wakas ng ikalawang dulo ng maghapon, sa pag-asang magtamo ka sa ganang kay Allāh ng gantimpalang kalulugdan mo.
Huwag ka ngang tumingin sa anumang ginawa Namin para sa mga uri ng mga tagapagpasinungaling na ito bilang isang pagtatamasang tinatamasa nila mula sa karangyaan ng buhay sa Mundo upang sumubok Kami sa kanila. Tunay na ang anumang ginawa para sa kanila mula roon ay naglalaho samantalang ang gantimpala ng Panginoon mo na ipinangako Niya sa iyo upang malugod ka ay higit na mabuti kaysa sa ipinatamasa Niya sa kanila sa Mundo na mga pagtatamasang naglalaho at higit na nagtatagal dahil ito ay hindi napuputol.
Mag-utos ka, O Sugo, sa mag-anak mo ng pagsasagawa ng pagdarasal at magpakamatiisin ka sa pagsasagawa nito. Hindi Kami humihiling mula sa iyo ng panustos para sa sarili mo ni para sa iba pa sa iyo. Kami ay naggagarantiya ng pagtutustos sa iyo. Ang napapupurihang kahihinatnan sa Mundo at Kabilang-buhay ay ukol sa mga may pangingilag sa pagkakasala na silang natatakot kay Allah, kaya isinasagawa nila ang mga ipinag-uutos Niya at iniiwasan nila ang mga isinaway Niya.
Nagsabi itong mga tagatangging sumampalataya na mga tagapagpasinungaling sa Propeta - pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan: "Bakit kaya hindi nagdala sa atin si Muḥammad ng isang palatandaan mula sa Panginoon niya na nagpapatunay sa katapatan niya na siya ay Sugo? Hindi ba dumating sa mga tagapagpasinungaling na ito, ang Qur'ān na siyang pagpapatotoo sa mga kasulatang makalangit noong bago pa nito?"
Kung sakaling Kami ay nagpahamak sa mga tagapagpasinungaling na ito sa Propeta - pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan - sa pamamagitan ng pagpababa ng isang pagdurusa sa kanila dahil sa kawalang-pananampalataya nila at pagmamatigas nila bago Kami nagsugo sa kanila ng isang sugo at nagpababa sa kanila ng isang kasulatan ay talaga sanang nagsabi sila sa Araw ng Pagbangon habang mga nagdadahilan sa kawalang-pananampalataya nila: "Bakit kaya hindi Ka nagsugo, Panginoon namin, sa amin ng isang sugo sa Mundo para sumampalataya kami sa kanya at sumunod kami sa inihatid niyang mga tanda Mo noong bago pa man dumapo sa amin ang pagkahamak at ang pagkapahiya dahilan sa pagdurusang dulot Mo."
Sabihin mo, O Sugo, sa mga tagapagpasinungaling na ito: "Bawat isa sa amin at sa inyo ay naghihintay ng pangyayarihin ni Allāh; kaya maghintay kayo at malalaman ninyo - nang walang pasubali - kung sino ang mga nagmamay-ari [tumahak] sa daang tuwid at kung sino ang mga napatnubayan: kami o kayo?"
Icon