ﰡ
Ang papuri ay ukol kay Allāh na nagbaba sa lingkod Niya ng Aklat at hindi Siya naglagay rito ng kabaluktutan.
[Ginawa Niya itong] matuwid upang magbabala ng isang parusang matindi mula sa Kanya, magbalita ng nakagagalak sa mga mananampalatayang gumagawa ng mga maayos, na ukol sa kanila ay isang pabuyang maganda
bilang mga mamamalagi roon magpakailanman,
at magbabala sa mga nagsabing gumawa si Allāh ng anak.
Walang ukol sa kanila hinggil dito na kaalaman at walang ukol sa mga magulang nila. Bumigat ito bilang salitang lumalabas sa mga bibig nila; wala silang sinasabi kundi kasinungalingan!
Kaya baka ikaw ay kikitil sa sarili mo sa panghihinayang sa mga bakas nila, kung hindi sila sumampalataya sa salaysay na ito.
Tunay na Kami ay gumawa sa anumang nasa lupa bilang gayak para rito ,upang sumubok Kami sa kanila kung alin sa kanila ang pinakamaganda sa gawa.
Tunay na Kami ay talagang gagawa sa nasa ibabaw nito na isang lupang tigang.
O inakala mo na ang mga magkasama sa yungib at pinag-ukitan ay noon kabilang sa mga tanda Namin bilang kataka-taka?
[Banggitin noong] nagpakanlong ang mga binata sa yungib at nagsabi sila: "Panginoon namin, magbigay Ka sa amin ng awa mula sa Iyo at maglaan Ka para sa amin, kaugnay sa nauukol sa amin, ng isang kagabayan."
Kaya nagpasak Kami sa mga tainga nila sa yungib sa [loob ng] mga taon ayon sa bilang.
Pagkatapos ay pumukaw Kami sa kanila upang malaman Namin kung alin sa dalawang panig ang higit na magaling sa pagtataya sa itinigil nila ayon sa yugto.
Kami ay nagsasalaysay sa iyo ng balita sa kanila ayon sa katotohanan. Tunay na sila ay mga binatang sumampalataya sa Panginoon nila. Nagdagdag Kami sa kanila ng patnubay.
Nagpatibay Kami sa mga puso nila noong tumindig sila at nagsabi: "Ang Panginoon Namin ay ang Panginoon ng mga langit at lupa. Hindi kami mananalangin sa anumang iba pa sa Kanya bilang diyos [dahil] talaga ngang makapagsasabi Kami, samakatuwid, ng pagkalabis-labis."
Ang mga iyon, ang mga tao namin, ay gumawa, bukod pa sa Kanya, ng mga diyos. Bakit kaya hindi sila nagdadala para sa mga ito ng isang katunayang malinaw? Kaya sino ba ang higit na tagalabag sa katarungan kaysa sa sinumang gumawa-gawa laban kay Allāh ng isang kasinungalingan?
[Nagsabi ang mga magkasama]: "Kung nagpakalayu-layo kayo sa kanila at sa anumang sinasamba nila maliban kay Allāh ay kumanlong kayo sa yungib. Magpapalaganap para sa inyo ang Panginoon ninyo ng awa Niya at maglalaan Siya para sa inyo kaugnay sa nauukol sa inyo ng isang magagamit."
[Kung naroon ka,] makikita mo ang araw, kapag lumitaw iyon, na humihilig palayo sa yungib nila sa gawing kanan, at kapag lumubog iyon, na lumalampas palayo sa kanila sa gawing kaliwa habang sila ay nasa isang puwang mula roon. Iyon ay kabilang sa mga tanda ni Allāh. Ang sinumang pinapatnubayan ni Allāh ay siya ang napapatnubayan. Ang sinumang pinaliligaw Niya ay hindi ka makatatagpo para sa kanya ng isang katangkilik na tagagabay.
Aakalain mong sila ay mga gising samantalang sila ay mga tulog. Nagpapabaling Kami sa kanila sa gawing kanan at sa gawing kaliwa habang ang aso nila ay nakaunat ang dalawang unahang biyas nito sa bungad. Kung sakaling tumingin ka sa kanila ay talaga sanang tumalikod ka sa kanila sa pagtakas at talaga sanang napuno ka dahil sa kanila ng hilakbot.
Gayon din, pumukaw Kami sa kanila upang magtanungan sila sa pagitan nila. May nagsabing isang tagapagsabi kabilang sa kanila: "Gaano katagal kayo namalagi?" Nagsabi naman sila: "Namalagi kami nang isang araw o isang bahagi ng araw." Nagsabi pa sila: "Ang Panginoon ninyo ay higit na nakaaalam sa tagal na namalagi kayo. Kaya magpadala kayo sa isa sa inyo ng salaping pilak ninyong ito sa lungsod. Tumingin siya kung alin doon ang pinakadalisay na pagkain, magdala siya sa inyo ng isang panustos mula rito, at magpakaingat-ingat siya. Huwag nga niyang iparamdam kayo sa isa man.
Tunay na sila, kung makababatid sa inyo, ay mambabato sa inyo o magpapanumbalik sa inyo sa kapaniwalaan nila at hindi kayo magtatagumpay, samakatuwid, magpakailanman."
Gayon din, nagpatuklas Kami sa kanila upang malaman ng mga [nakatuklas na] iyon na ang pangako ni Allāh ay totoo at na ang Huling Sandali ay walang pag-aalinlangan hinggil dito. [Ito ay] noong naghihidwaan sila sa pagitan nila sa nauukol sa kanila kaya nagsabi sila: "Magpatayo kayo sa ibabaw nila ng gusali. Ang Panginoon nila ay higit na nakaaalam sa kanila." Nagsabi ang mga nanaig sa usapin nila: "Talagang gagawa nga kami sa ibabaw nila ng isang patirapaan."
Magsasabi ang mga iyon na [sila ay] tatlo, na ang ikaapat sa kanila ay ang aso nila; at magsasabi pa ang mga iyon na [sila ay] lima na, ang ikaanim sa kanila ay ang aso nila – bilang isang panghuhula sa lingid. Magsasabi ang mga iyon na [sila ay] pito, na ang ikawalo sa kanila ay ang aso nila. Sabihin mo: "Ang Panginoon ko ay higit na nakaaalam sa bilang nila; walang nakaaalam sa kanila kundi kakaunti. Kaya huwag kayong makipangatwiran hinggil sa kanila malibang ayon sa pakikipangatwirang hayag at huwag kayong mag-usisa hinggil sa kanila mula sa mga iyon sa isa man."
Huwag ka ngang magsasabi sa anuman: "Tunay na ako ay gagawa niyon bukas,"
malibang [nagsabing] loobin ni Allāh. Alalahanin mo ang Panginoon mo kapag nakalimot ka at sabihin mo: "Marahil magpapatnubay sa akin ang Panginoon ko ukol sa higit na malapit kaysa rito sa kagabayan."
Namalagi sila sa yungib nila nang tatlong daang taon at nadagdagan sila ng siyam.
Sabihin mo: "Si Allāh ay higit na nakaaalam sa tagal ng ipinamalagi nila. Taglay Niya ang [kaalaman sa] Lingid sa mga langit at lupa. Kay husay ng pagkakita Niya at kay husay ng pagkarinig Niya. Walang ukol sa kanila bukod pa sa Kanya na anumang katangkilik at hindi Siya nagpapatambal sa paghahatol Niya sa isa man."
Bigkasin mo ang ikinasi sa iyo na Aklat ng Panginoon mo. Walang tagapagpapalit sa mga salita Niya at hindi ka makatatagpo bukod pa sa Kanya ng isang madadaupan.
Pagtiisin mo ang sarili mo sa mga dumadalangin sa Panginoon nila sa umaga at gabi, na nagnanais ng ikalulugod Niya. Huwag lumampas ang dalawang mata mo palayo sa kanila, na nagnanais ng gayak ng buhay sa Mundo. Huwag kang tumalima sa sinumang pinalingat Namin ang puso niya palayo sa pag-aalaala sa Amin, sumunod sa pithaya niya, at nangyaring ang lagay niya ay kapabayaan.
Sabihin mo: "Ang katotohanan ay mula sa Panginoon ninyo. Kaya ang sinumang magnais ay sumampalataya siya, at ang sinumang magnais ay tumanggi siyang sumampalataya." Tunay na Kami ay naglaan para sa mga tagalabag sa katarungan ng Apoy na nakapalibot sa kanila ang mga pader nito. Kung magpapasaklolo sila ay sasaklolohan sila ng tubig na gaya ng kumukulong langis na iihaw sa mga mukha nila. Kaaba-aba ang inumin at kay sagwa bilang pahingahan!
Tunay na ang mga sumampalataya at gumawa ng mga maayos, tunay na Kami ay hindi magsasayang sa pabuya sa sinumang nagpaganda ng gawa.
Ang mga iyon, ukol sa kanila ay mga hardin ng Eden na dumadaloy mula sa ilalim nila ang mga ilog. Gagayakan sila roon ng mga pulseras na ginto at magsusuot sila ng mga kasuutang luntian yari sa manipis na sutla at makapal na sutla, habang mga nakasandig doon sa mga sopa. Kay inam ang pabuya at kay ganda bilang pahingahan!
Maglahad ka para sa kanila ng isang paghahalimbawa sa dalawang lalaki: gumawa Kami para sa isa sa kanilang dalawa ng dalawang hardin ng mga ubas, nagpalibot Kami sa dalawang ito ng mga punong-datiles, at naglagay Kami sa pagitan ng dalawang ito ng mga pananim.
Ang kapwa hardin ay nagbibigay ng bunga nito at hindi nagkukulang ito roon ng anuman. Nagpabulwak Kami sa gitna ng dalawang ito ng isang ilog.
Mayroon siyang bunga kaya nagsabi siya sa kasamahan niya habang siya ay nakikipagtalakayan dito: "Ako ay higit na marami kaysa sa iyo sa yaman at higit na makapangyarihan sa mga tauhan."
Pumasok siya sa hardin niya habang siya ay lumalabag sa katarungan sa sarili niya. Nagsabi siya: "Hindi ako nag-aakala na mapupuksa ito magpakailanman.
Hindi ako nag-aakala na ang Huling Sandali ay magaganap. Talagang kung isasauli ako sa Panginoon ko ay talagang makatatagpo nga ako ng higit na mabuti kaysa rito bilang balikan."
Nagsabi sa kanya ang kasamahan niya habang ito ay nakikipagtalakayan sa kanya: "Tumanggi ka bang sumampalataya sa lumikha sa iyo mula sa alabok, pagkatapos ay mula sa punlay, pagkatapos ay bumuo sa iyo bilang isang lalaki?
Subalit Siyang si Allāh ay Panginoon ko, at hindi ako nagtatambal sa Panginoon ko ng isa man."
Bakit hindi ka, noong pumasok ka sa hardin mo, nagsabi: "Ang niloob ni Allāh [ay naganap]; walang lakas maliban sa kay Allāh. Kung nakikita mo man ako mismo na higit na kaunti kaysa sa iyo sa yaman at anak,
marahil ang Panginoon ko ay magbigay sa akin ng higit na mabuti kaysa sa hardin mo at magpadala riyan ng isang sakuna mula sa langit para ito ay maging isang lupaing madulas,
o ang tubig nito ay maging lubog [sa lupa] kaya hindi mo kakayaning makahiling nito."
Pumaligid sa mga bunga niya [ang kapahamakan] kaya nagsimula siyang nagbaling-baling ng mga kamay niya [sa panghihinayang] sa ginugol niya roon, samantalang iyon ay gumuho sa mga balag niyon, at nagsasabi: "O kung sana ako ay hindi nagtambal sa Panginoon ko ng isa man!"
Hindi nangyaring mayroon siyang isang pangkatin na mag-aadya sa kanya bukod pa kay Allāh at hindi nangyaring siya ay maiaadya.
Doon, ang pagtangkilik ay ukol kay Allāh, ang Totoo. Siya ay pinakamabuti sa paggantimpala at pinakamabuti sa kahihinatnan.
Gumawa ka para sa kanila ng paghahalimbawa ng buhay sa Mundo gaya ng tubig na ibinaba Namin mula sa langit at nahalo rito ang halaman ng lupa at ito ay naging durog na tuyot na ikinakalat ng mga hangin. Laging si Allāh sa bawat bagay ay Nakakakaya.
Ang yaman at ang mga anak ay gayak ng buhay sa Mundo samantalang ang mga gawang nanatiling maayos ay higit na mabuti sa ganang Panginoon mo sa gantimpala at higit na mabuti sa pag-asa.
[Banggitin] ang Araw na pagagalawin Namin ang mga bundok at makikita mo ang lupa na nakalitaw at titipunin Namin sila at hindi Kami mang-iiwan mula sa kanila ng isa man.
Itatanghal sila sa Panginoon mo na nakahanay [at sasabihin:] "Pumunta kayo sa Amin gaya ng nilikha Namin kayo sa unang pagkakataon. Bagkus nagpalagay kayo na hindi Kami gagawa para sa inyo ng isang tipanan."
Ilalagay ang talaan kaya makikita mo ang mga salarin habang mga nababagabag dahil sa nasa loob nito at magsasabi sila: "O kapighatian sa amin; anong mayroon sa talaang ito na hindi nang-iiwan ng isang maliit ni isang malaki malibang inisa-isa nito iyon." Matatagpuan nila ang anumang ginawa nila na naroroon. Hindi lumalabag sa katarungan ang Panginoon mo sa isa man.
[Banggitin] noong nagsabi Kami sa mga anghel: "Magpatirapa kayo kay Adan," at nagpatirapa naman sila maliban kay Iblis. Siya ay kabilang sa mga jinn at nagpakasuwail siya sa utos ng Panginoon niya. Kaya ba gagawa kayo sa kanya at sa mga supling niya bilang mga katangkilik bukod pa sa Akin, samantalang sila para sa inyo ay kaaway? Kaaba-aba ito para sa mga tagalabag sa katarungan bilang pamalit!
Hindi Ko sila pinasaksi sa paglikha sa mga langit at lupa ni sa paglikha sa mga sarili nila, at hindi Ako noon gagawa sa mga tagapagpaligaw bilang mga tagakatig.
[Banggitin] ang Araw na magsasabi Siya: "Manawagan kayo sa mga katambal sa Akin na inangkin ninyo," kaya tatawag sila sa mga iyon ngunit hindi tutugon ang mga iyon sa kanila. Maglalagay Kami sa pagitan nila ng isang [lambak ng] kasawian.
Makikita ng mga salarin ang Apoy at matitiyak nilang sila ay babagsak doon at hindi sila makatatagpo palayo roon ng isang malilihisan.
Talaga ngang nagsari-sari Kami sa Qur’ān na ito para sa mga tao ng bawat [uri ng] paghahalimbawa, ngunit ang tao ay laging pinakamadalas sa anuman sa pakikipagtalo.
Walang pumigil sa mga tao na sumampalataya sila noong dumating sa kanila ang patnubay at humingi ng kapatawaran sa Panginoon nila malibang dumating sa kanila ang kalakaran ng mga sinauna o dumating sa kanila ang pagdurusa nang harapan.
Hindi Kami nagsusugo sa mga isinugo kundi bilang mga tagapagbalita ng nakagagalak at bilang mga tagapagbabala. Nakikipagtalo ang mga tumangging sumampalataya gamit ang kabulaanan upang pabulaanan sa pamamagitan nito ang katotohanan. Ginawa nila ang mga tanda Ko at ang ibinabala sa kanila bilang isang pangungutya.
Sino pa ang higit na lumalabag sa katarungan kaysa sa sinumang napaalalahanan ng mga tanda ng Panginoon niya, umayaw rito, at nakalimutan ang nahita ng mga kamay niya. Tunay na Kami ay naglagay sa mga puso nila ng mga panakip sa pag-unawa nila nito at sa mga tainga nila naman ng pagkabingi. Kung mag-aanyaya ka sa kanila sa patnubay ay hindi sila mapapatnubayan, samakatuwid, magpakailanman.
Ang Panginoon mo ay ang Mapagpatawad, ang may awa. Kung sakaling maninisi Siya sa kanila dahil sa nakamit nila ay talaga sanang minadali Niya para sa kanila ang pagdurusa. Bagkus ukol sa kanila ay isang tipanang hindi sila makatatagpo bukod pa rito ng isang malulusutan.
Ang mga pamayanang iyon, nagpahamak Kami sa kanila noong lumabag sila sa katarungan at gumawa Kami para sa pagpapahamak sa kanila ng isang tipanan.
[Banggitin] noong nagsabi si Moises sa alila niya: "Hindi ako lulubay hanggang sa umabot ako sa pinagtitipunan ng dalawang dagat o magpatuloy ako sa mahabang panahon."
Kaya noong umabot silang dalawa sa pinagtitipunan sa pagitan ng dalawang [dagat] ay nakalimutan nilang dalawa ang isda nilang dalawa kaya gumawa ito ng landas nito sa dagat nang pailalim.
Kaya noong lumampas silang dalawa ay nagsabi siya sa alila niya: "Dalhin mo sa atin ang agahan natin. Talaga ngang dumanas tayo mula sa paglalakbay nating ito ng kapagalan."
Nagsabi ito: "Nakita mo ba noong kumanlong tayo sa bato? Tunay na ako ay nakalimot sa isda [doon]. Walang nagpalimot sa akin – kundi ang demonyo – na bumanggit ako nito. Gumawa iyon ng landas niyon sa dagat nang kahanga-hanga."
Nagsabi siya: "Iyon ay ang hinahanap natin." Kaya bumalik silang dalawa sa mga bakas nilang dalawa sa pagtunton.
Kaya nakatagpo silang dalawa ng isang lingkod kabilang sa mga lingkod Namin, na nagbigay Kami rito ng awa mula sa ganang Amin at nagturo Kami rito mula sa nasa Amin ng kaalaman.
Nagsabi rito si Moises: "Susunod ba ako sa iyo para magturo ka sa akin mula sa itinuro sa iyo na pagpapakatino?"
Nagsabi ito: "Tunay na ikaw ay hindi makakakaya sa pagtitiis sa akin.
Papaano kang magtitiis sa hindi mo nasaklawan sa kabatiran?"
Nagsabi siya: "Matatagpuan mo ako, kung niloob ni Allāh, na isang magtitiis at hindi ako susuway sa iyo ng isang utos."
Nagsabi ito: "Kaya kung susunod ka sa akin ay huwag kang magtanong sa akin tungkol sa isang bagay hanggang sa magpasimula ako para sa iyo mula rito ng isang pagbanggit."
Kaya humayo silang dalawa hanggang sa nang nakasakay silang dalawa sa daong ay binutas niyon ito. Nagsabi siya: "Binutas mo ba ito upang lunurin mo ang may-ari nito? Talaga ngang gumawa ka ng isang bagay na kasuklam-suklam."
Nagsabi ito: "Hindi ba nagsabi ako tunay na ikaw ay hindi makakakaya sa pagtitiis sa akin?"
Nagsabi siya: "Huwag kang manisi sa akin sa nakalimutan ko at huwag kang umatang sa akin sa nauukol sa akin ng hirap."
Kaya humayo silang dalawa hanggang sa nang nakasalubong silang dalawa ng isang bata ay pinatay nito iyon. Nagsabi siya: "Pumatay ka ba ng isang kaluluwang dalisay nang hindi dahil [sa pagpatay nito] sa isang kaluluwa? Talaga ngang gumawa ka ng isang bagay na kapuot-puot."
Nagsabi ito: "Hindi ba nagsabi ako tunay na ikaw ay hindi makakakaya sa pagtitiis sa akin?"
Nagsabi siya: "Kung magtatanong ako sa iyo tungkol sa isang bagay matapos nito ay huwag mo akong isama. Nagtamo ka nga mula sa akin ng isang dahilan."
Kaya humayo silang dalawa hanggang sa nang dumating silang dalawa sa mga naninirahan sa isang pamayanan ay humingi silang dalawa ng makakain sa mga naninirahan doon ngunit tumanggi ang mga iyon na tumanggap sa kanilang dalawa bilang panauhin. Nakatagpo silang dalawa roon ng isang pader na napipintong gumuho kaya itinayo nito iyon. Nagsabi siya: "Kung sakaling niloob mo ay talagang nakakuha ka para roon ng isang upa."
Nagsabi ito: "Ito ay ang paghihiwalay sa pagitan natin. Magbabalita ako sa iyo ng pagpapakahulugan ng hindi mo nakayang matiis.
Tungkol sa daong, iyon ay pag-aari ng mga dukhang gumagawa sa dagat at nagnais akong puminsala niyon. Sa likuran nila ay may haring nangunguha ng bawat daong bilang pangangagaw.
Tungkol sa batang lalaki, ang mga magulang niya ay mga mananampalataya at natakot kaming magpabigat siya sa kanilang dalawa ng paglabag at kawalang-pananampalataya.
Kaya nagnais kami na magpalit sa kanilang dalawa ang Panginoon nilang dalawa ng isang higit na mabuti kaysa sa kanya sa kadalisayan at higit na malapit sa pagka-awa.
Tungkol sa pader, iyon ay pag-aari ng dalawang batang lalaking ulila sa lungsod. Sa ilalim nito ay may kayamanan ukol sa kanilang dalawa. Ang ama nilang dalawa ay matuwid. Kaya nagnais ang Panginoon mo na tumuntong silang dalawa sa kahustuhang gulang nilang dalawa at ilabas nilang dalawa ang kayamanan nila bilang awa mula sa Panginoon mo. Hindi ko ginawa iyon dala ng pagkukusa ko. Iyon ay ang pagpapakahulugan sa hindi mo nakayang matiis.
Nagtatanong sila sa iyo tungkol kay Dhulqarnayn. Sabihin mo: "Bibigkas ako sa inyo mula sa kanya ng isang pagbanggit.
Tunay na Kami ay nagpatatag ng kapangyarihan para sa kanya sa lupa at nagbigay sa kanya ng alinman sa bawat bagay bilang isang daanan.
Kaya nagpatuloy siya sa daanan
hanggang sa nang umabot siya sa lubugan ng araw at nakatagpo siya rito na [parang] lumulubog sa isang bukal ng itim na putik at nakatagpo siya sa tabi niyon ng mga tao. Nagsabi Kami: O Dhulqarnayn, magparusa ka man o gumawa ka man sa kanila ng kagandahan."
Nagsabi Siya: "Tungkol sa sinumang lumabag sa katarungan, pagdurusahin namin ito. Pagkatapos ay ibabalik ito sa Panginoon nito at pagdurusahin Niya ito ng isang pagdurusang pagkasama-sama.
Tungkol sa sinumang sumampalataya at gumawa ng gawang maayos, ukol sa kanya bilang isang ganti ang Pinakamaganda. Magsasabi kami sa kanya mula sa utos namin nang magaan."
Pagkatapos ay nagpatuloy siya sa daanan
hanggang sa nang umabot siya sa sikatan ng araw at nakatagpo siya rito na [parang] sumisikat sa mga taong hindi Kami gumawa para sa kanila laban dito ng isang panakip.
Gayon nga at nakasaklaw Kami sa anumang taglay niyang kabatiran.
Pagkatapos ay nagpatuloy siya sa daanan
hanggang sa nang umabot siya sa pagitan ng dalawang bundok, nakatagpo siya sa paanan ng dalawang ito ng mga taong hindi halos nakauunawa ng sinasabi.
Nagsabi sila: "O Dhulqarnayn, tunay na ang Gog at ang Magog ay mga tagapanggulo sa lupain. Kaya magtatalaga ba kami para sa iyo ng isang gugulin para gumawa ka sa pagitan namin at nila ng isang harang?"
Nasabi siya: "Ang anumang nagpapatatag sa akin kaugnay roon ang Panginoon ko ay higit na mabuti; ngunit tulungan ninyo ako ng isang lakas, gagawa ako sa pagitan ninyo at nila ng isang saplad.
Magdala kayo sa akin ng mga kimpal ng bakal." Hanggang sa nang nagpapatag siya sa pagitan ng dalawang bangin ay nagsabi siya: "Umihip kayo." Hanggang sa nang nakagawa siya rito ng apoy ay nagsabi siya: "Magdala kayo sa akin, magbubuhos ako rito ng lusaw ng tanso."
Kaya hindi nakakaya sila [Gog at Magog] na umakyat roon at hindi sila nakakaya roon ng paglagos.
Nagsabi siya: "Ito ay isang awa mula sa Panginoon ko; ngunit kapag dumating ang pangako ng Panginoon ko, gagawin Niya itong durog. Laging ang pangako ng Panginoon ko ay totoo."
Mag-iiwan Kami sa iba sa kanila sa araw na iyon na dumadaluyong sa iba. Iihip sa tambuli at magtitipon Kami sa kanila sa isang pagtitipon.
Maglalahad Kami sa Impiyerno sa araw na iyon para sa mga tagatangging sumampalataya sa isang paglalahad.
Ang mga [taong] ang mga mata nila dati ay nasa takip palayo sa pag-aalaala sa akin at sila dati ay hindi nakakakayang makarinig.
Kaya nag-akala ba ang mga tagatangging sumampalataya na makagagawa sila sa mga alipin Ko bukod pa sa Akin bilang mga katangkilik? Tunay na Kami ay naglaan sa Impiyerno para sa mga tagatangging sumampalataya bilang isang tuluyan.
Sabihin mo: "Magbabalita ba kami sa inyo ng mga pinakalugi sa mga gawa,
na mga nawala ang pinagsumikapan nila sa buhay sa Mundo habang sila ay nag-aakalang sila ay nagpapaganda sa paggawa?
Ang mga iyon ay ang mga tumangging sumampalataya sa mga tanda ng Panginoon nila at pakikipagkita sa Kanya kaya nawalang-kabuluhan ang mga gawa nila. Kaya hindi Kami mag-uukol para sa kanila Araw ng Pagbangon ng isang timbang.
Iyon ay ang ganti sa kanila - Impiyerno - dahil tumanggi silang sumampalataya at gumawa sila sa mga tanda Ko at mga sugo Ko bilang pangungutya.
Tunay na ang mga sumampalataya at gumawa ng mga maayos ay magiging ukol sa kanila ang mga Hardin ng Firdaws bilang isang tuluyan,
bilang mga mananatili roon, na hindi sila maghahangad palayo roon ng paglipat.
Sabihin mo: "Kung sakaling ang dagat ay tinta [sa pagsulat] ng mga salita ng Panginoon ko, talaga sanang naubos ang dagat bago maubos [isulat] ang mga salita ng Panginoon ko; at kung sakali mang nagdala pa ng tulad nito na tinta."
Sabihin mo: "Ako ay tao lamang tulad ninyo, na ikinasi sa akin na ang Diyos ninyo ay Diyos na nag-iisa lamang. Kaya ang sinumang umaasa ng pakikipagkita sa Panginoon niya ay gumawa siya ng gawang maayos at huwag siyang magtambal sa pagsamba sa Panginoon Niya ng isa man."