ﰡ
Alif. Lām. Mīm. Nauna na ang pagtatalakay sa mga kahawig ng mga ito sa simula ng Kabanatang Al-Baqarah.
Nanaig ang Persiya sa Bizancio
sa pinakamalapit na lupain ng Sirya sa Bayan ng Persiya. Ang Bizancio, noong matapos ng pagkadaig ng Persiya sa kanila, ay mananaig sa mga iyon
sa panahong hindi kukulang sa tatlong taon at hindi hihigit sa sampung taon. Ukol kay Allāh ang utos sa kabuuan nito bago ng pagwawagi ng Bizancio at matapos nito. Sa araw na mananaig ang Bizancio sa Persiya ay matutuwa ang mga mananampalataya
Matutuwa sila dahil sa pag-adya ni Allāh sa Bizancio dahil ang mga iyon ay mga may kasulatan. Nag-aadya Siya sa sinumang niloloob Niya laban sa sinumang niloloob Niya. Siya ay ang Makapangyarihang hindi nadadaig, ang Maawain sa mga lingkod Niyang mga mananampalataya.
Ang pag-aadyang ito noon ay isang pangako mula kay Allāh - pagkataas-taas Siya. Sa pamamagitan ng pagkakatupad nito, nadaragdagan ang mga mananampalataya ng katiyakan sa pangako ni Allāh ng pag-aadya. Tungkol naman sa higit na marami sa mga tao, sila ay hindi nakauunawa nito dahil sa kawalang-pananampalataya nila.
Hindi sila nakaalam ng pananampalataya at mga patakaran ng Batas ng Islām. Nakaaalam lamang sila ng isang panlabas [na bahagi] mula sa buhay na pangmundo na nauugnay sa pagkita ng ikabubuhay at pagpapatayo ng kabihasnang materyal samantalang sila, sa Kabilang-buhay na siyang tahanan ng tunay na buhay, ay mga umaayaw: hindi sila pumapansin doon.
Hindi ba nag-isip-isip itong mga tagapagtambal na tagapagpasinungaling hinggil sa mga sarili nila kung papaanong lumikha sa mga ito si Allāh at humubog sa mga ito? Hindi lumikha si Allāh ng mga langit at hindi Siya lumikha ng lupa malibang ayon sa katotohanan sapagkat hindi Siya lumikha sa mga ito nang walang kabuluhan. Nagtalaga Siya para sa mga ito ng isang taning na itinakda para sa pananatili ng mga ito sa Mundo. Tunay na marami sa mga tao, sa pakikipagkita sa Panginoon nila sa Araw ng Pagbangon, ay talagang mga tagatangging sumampalataya. Dahil doon, sila ay hindi naghahanda para sa pagkabuhay na muli ng gawang maayos na kinalulugdan sa ganang Panginoon nila.
Hindi ba humayo ang mga ito sa lupain para magnilay-nilay kung papaano naging ang wakas ng mga kalipunang nagpapasinungaling noong wala pa sila. Ang mga kalipunang iyan dati ay higit na matindi kaysa sa kanila sa lakas. Binago ng mga iyon ang lupa para sa pagsasaka at paglilinang. Nilinang ito ng mga iyon nang higit kaysa sa paglinang nila nito. Nagdala sa mga iyon ang mga sugo ng mga iyon ng mga patotoo at mga katwirang maliwanag sa paniniwala sa kaisahan ni Allāh ngunit nagpasinungaling ang mga iyon kaya hindi lumabag si Allāh sa katarungan sa mga iyon nang nagpasawi Siya sa mga iyon subalit ang mga iyon dati sa mga sarili ng mga iyon ay lumalabag sa katarungan sa pamamagitan ng paghahatid sa mga ito sa mga hatiran ng kasawian dahilan sa kawalang-pananampalataya ng mga iyon.
Pagkatapos ang wakas ng mga sumagwa ang mga gawain nila dahil sa pagtatambal kay Allāh at paggawa ng mga masagwa ay ang wakas na sukdulan sa kasagwaan dahil sila ay nagpasinungaling sa mga tanda ni Allāh. Dati sila ay nangungutya sa mga ito at nanunuya sa mga ito.
Si Allāh ay nagsisimula sa paglikha ayon sa walang pagkakatulad na nauna, pagkatapos ay lilipol Siya nito, pagkatapos ay mag-uulit Siya nito, pagkatapos ay sa Kanya - tanging sa Kanya - kayo panunumbalikin para sa pagtutuos at pagganti sa Araw ng Pagbangon.
Sa Araw na sasapit ang Huling Sandali, malulumbay ang mga salarin sa awa ni Allāh at malalagot ang pag-asa nila roon dahil sa pagkalagot ng katwiran nila sa kawalang-pananampalataya kay Allāh.
Hindi magkakaroon sa kanila mula sa mga katambal nila, na dati silang sumasamba sa mga ito sa Mundo, ng mga mamamagitan para sa pagsagip sa kanila mula sa pagdurusa. Sila sa mga katambal nila ay magiging mga tagatangging sumampalataya sapagkat nagtatwa sa kanila ang mga ito nang sila dati ay may kailangan sa mga ito dahil ang mga ito sa kabuuan ng mga ito ay magkatulad sa kasawian.
Sa Araw na sasapit ang Huling Sandali, sa Araw na iyon ay magkakaiba-iba ang mga tao sa ganti alinsunod sa mga gawa nila sa Mundo sa pagitan ng inangat sa `Illīyūn at pinababa sa pinakamababa sa mga mababa.
Tungkol naman sa mga sumampalataya kay Allāh at gumawa ng mga gawang maayos na nakalulugod sa ganang Kanya, sila ay sa Paraiso pagagalakin dahil sa matatamo nila roon na ginhawang palagiang hindi na mapuputol magpakailanman.
Tungkol naman sa mga tumangging sumampalataya kay Allāh, nagpasinungaling sa mga talatang ibinaba sa Sugo, at nagpasinungaling sa pagkabuhay na muli at pagtutuos, ang mga iyon ay dadalhin sa pagdurusa at sila ay mga didikit doon.
Kaya magluwalhati kayo kay Allāh kapag sumasapit kayo sa oras ng gabi, ang oras ng mga dasal sa paglubog ng araw at gabi; at magluwalhati kayo sa Kanya kapag sumasapit kayo sa oras ng umaga, ang oras ng dasal sa madaling-araw.
Ukol sa Kanya - tanging sa Kanya, pagkataas-taas Siya - ang pagbubunyi. Sa mga langit ay nagpupuri sa Kanya ang mga anghel at sa lupa ay nagpupuri sa Kanya ang mga nilikha. Magluwalhati kayo sa Kanya sa hapon, ang oras ng dasal sa hapon; at magluwalhati kayo sa Kanya kapag sumasapit kayo sa oras ng tanghali.
Nagpapalabas Siya ng buhay mula sa patay, tulad ng pagpapalabas Niya sa tao mula sa punlay at sa sisiw mula sa itlog; at nagpapalabas Siya ng patay mula sa buhay, tulad ng pagpapalabas Niya sa punlay mula sa tao at itlog mula sa manok. Nagbibigay-buhay Siya sa lupa matapos ng katuyuan nito sa pamamagitan ng pagpapababa ng ulan at pagpapatubo rito. Gaya ng pagbibigay-buhay sa lupa sa pamamagitan ng pagpapatubo rito, palalabasin kayo mula sa mga libingan ninyo para sa pagtutuos at pagganti.
Kabilang sa mga dakilang tanda ni Allāh na nagpapatunay sa kakayahan Niya at kaisahan Niya ay na lumikha Siya sa inyo, O mga tao, mula sa alabok nang nilikha Niya ang ama ninyo mula sa putik, pagkatapos biglang kayo ay mga taong nagdadamihan sa pamamagitan ng pag-aanak at lumalaganap sa mga silangan ng lupa at mga kanluran nito.
Kabilang sa mga dakilang tanda Niya rin na nagpapatunay sa kakayahan Niya at kaisahan Niya ay na lumikha Siya alang-alang sa inyo, O mga lalaki, mula sa kauri ninyo ng mga kabiyak upang mapanatag ang mga sarili ninyo sa kanila dahil sa pagkakauri ninyo, at gumawa Siya sa pagitan ninyo ng pag-ibig at simpatiya. Tunay na sa nabanggit na iyon ay talagang may mga patotoo at mga katunayang maliwanag para sa mga taong nag-iisip-isip dahil sila ang makikinabang sa pagpapagana ng mga pang-unawa nila.
Kabilang sa mga dakilang tanda Niya na nagpapatunay sa kakayahan Niya at kaisahan Niya ang pagkalikha sa mga langit at ang pagkakalikha sa lupa. Kabilang dito ang pagkakaiba-iba ng mga wika ninyo at ang pagkakaiba-iba ng mga kulay ninyo. Tunay na sa nabanggit na iyon ay talagang may mga patotoo at mga katunayan para sa mga kaalaman at pagkatalos.
Kabilang sa mga dakilang tanda Niya na nagpapatunay sa kakayahan Niya at kaisahan Niya ang tulog ninyo sa gabi at ang pagtulog ninyo sa maghapon upang magpahinga mula sa hirap ng mga gawain ninyo. Kabilang sa mga tanda Niya ay na ginawa Niya para sa inyo ang maghapon upang magsikalat kayo roon habang mga naghahanap ng panustos mula sa Panginoon ninyo. Tunay na sa nabanggit na iyon ay talagang may mga patotoo at mga katunayan para sa mga taong dumidinig ayon sa pagdinig ng pagbubulay-bulay at pagdinig ng pagtanggap.
Kabilang sa mga dakilang tanda Niya na nagpapatunay sa kakayahan Niya at kaisahan Niya ay nagpapakita Siya sa inyo ng kidlat sa langit, at nag-uugnay Siya para sa inyo rito sa pagitan ng pangamba sa mga kulog at paghahangad ng ulan. Nagbababa Siya para sa inyo mula sa langit ng tubig ng ulan kaya nagbigay-buhay Siya sa lupa matapos ng katuyuan nito sa pamamagitan ng pinatutubo Niya rito na halaman. Tunay na sa nabanggit na iyon ay talagang may mga patotoo at mga katunayang maliwanag para sa mga taong nakapag-uunawa kaya ipinapatunay nila iyon sa pagkabuhay na muli matapos ng kamatayan para sa pagtutuos at pagganti.
Kabilang sa mga dakilang tanda Niya na nagpapatunay sa kakayahan Niya at kaisahan Niya ang pagpapanatili sa langit nang walang pagbagsak at sa lupa nang walang pagkaguho ayon sa utos Niya - kaluwalhatian sa Kanya. Pagkatapos kapag tumawag Siya sa inyo - kaluwalhatian sa Kanya - sa isang pagtawag mula sa lupa sa pamamagitan ng pag-ihip ng anghel sa tambuli, biglang kayo ay lalabas mula sa mga libingan ninyo para sa pagtutuos at pagganti.
Sa Kanya - tanging sa Kanya - ang sinumang nasa mga langit at ang sinumang nasa lupa sa paghahari, paglikha, at pagtatakda. Lahat ng nasa mga langit at lahat ng nasa lupa na mga nilikha ay mga inaakay sa Kanya na mga sumusuko sa utos Niya.
Siya - kaluwalhatian sa Kanya - ang nagsimula sa paglikha ayon sa walang pagkakatulad na nauna, pagkatapos ay mag-uulit Siya nito matapos ng paglipol dito. Ang pag-uulit ay higit na madali kaysa sa pagsisimula. Kapwa ito madali sa Kanya dahil Siya, kapag nagnais ng anuman, ay nagsasabi rito ng: "Mangyari" at nangyayari naman ito. Taglay Niya -kamahal-mahalan Siya at kapita-pitagan - ang paglalarawang pinakamataas sa bawat ipinanlalarawan sa Kanya na mga katangian ng kapitaganan at kalubusan.Siya ay ang Makapangyarihang hindi nadadaig, ang Marunong sa paglikha Niya at pangangasiwa Niya.
Gumawa si Allāh para sa inyo, O mga tagapagtambal, ng isang paghahalintulad na kinuha mula sa mga sarili ninyo. Mayroon ba kayo mula sa mga alipin ninyo at mga minamay-ari ninyo na isang katambal na nakikitambal sa inyo sa mga ari-arian ninyo nang magkapantay, na nangangamba kayo na makihati sila sa mga ari-arian ninyo kasama sa inyo gaya ng pangangamba ng isa sa inyo sa katambal niyang malaya na makihati sa kanya sa ari-arian? Nalulugod ba kayo sa ganito para sa mga sarili ninyo mula sa mga alipin ninyo? Walang duda na kayo ay hindi nalulugod sa ganoon. Kaya si Allāh ay higit na karapat-dapat na hindi Siya magkaroon ng katambal sa paghahari Niya sa mga nilikha Niya at mga alipin Niya. Sa pamamagitan ng gaya niyon na paggawa ng mga paghahalimbawa at iba pa roon naglilinaw Kami ng mga katwiran at mga patotoo sa pamamagitan ng pagsasari-sari sa mga ito para sa mga taong nakapag-uunawa dahil sila ay ang mga makikinabang doon.
Ang kadahilanan ng pagkaligaw nila ay hindi kakulangan sa mga patunay ni kawalan ng paglilinaw sa mga ito; ito lamang ay ang pagsunod sa pithaya at paggaya-gaya sa mga magulang nila. Kaya sino ang magtutuon sa patnubay sa sinumang pinaligaw ni Allāh? Walang isang makapagtutuon sa kanya. Walang ukol sa kanila na anumang mga tagaadya na magtutulak palayo sa kanila sa pagdurusang dulot ni Allāh.
Kaya humarap ka, O Sugo, ikaw at ang sinumang kasama sa iyo sa Relihiyon na nagpaharap sa iyo si Allāh doon, bilang isang kumikiling palayo sa lahat ng mga relihiyon patungo sa Relihiyong Islām na nilalang Niya ang mga tao ayon dito. Walang pagpapalit sa pagkakalikha ni Allāh. Iyon ay ang Relihiyong tuwid na walang kabaluktutan doon, subalit ang karamihan sa mga tao ay hindi nakaaalam na ang Relihiyong totoo ay ang Relihiyong ito.
Manumbalik kayo sa Kanya - kaluwalhatian sa Kanya - sa pamamagitan ng pagbabalik-loob mula sa mga pagkakasala ninyo, mangilag kayong magkasala sa Kanya sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ipinag-uutos Niya at pag-iwas sa mga sinasaway Niya, magpalubos kayo sa pagdarasal sa pinakalubos na paraan, at huwag kayong maging kabilang sa mga tagapagtambal na sumasalungat sa kalikasan ng pagkalalang at nagtatambal kasama kay Allāh ng iba pa sa Kanya sa pagsamba nila.
Huwag kayong maging kabilang sa mga tagapagtambal na nagpalit ng relihiyon nila. Sumampalataya sila sa ilang bahagi nito at tumanggi silang sumampalataya sa ibang bahagi nito. Sila ay naging mga pangkatin at mga lapian. Bawat lapian mula sa kanila, sa taglay nilang kabulaanan ay mga nagagalak. Nagtuturing sila na sila - tanging sila - ay nasa katotohanan at na ang iba pa sa kanila ay nasa kabulaanan.
Kapag dinapuan ang mga tagapagtambal ng isang kasawiang gaya ng karamdaman o karalitaan o tagtuyot ay dumadalangin sila sa Panginoon nila lamang - kaluwalhatian sa Kanya -, habang mga nanunumbalik sa Kanya sa pamamagitan ng pagsusumamo at pagdulog na ibaling palayo sa kanila ang dumapo sa kanila. Pagkatapos kapag naawa Siya sa kanila sa pamamagitan ng pag-aalis sa dumapo sa kanila, biglang may isang pangkat kabilang sa kanila na nanunumbalik sa pagtatambal nila kay Allāh ng iba pa sa Kanya sa pagdalangin.
Kapag nagkaila sila sa mga biyaya ni Allāh - at kabilang sa mga ito ang biyaya ng pag-aalis ng kapinsalaan - at nagtamasa sila ng anumang nasa harapan nila sa buhay na ito ay makikita nila sa Araw ng Pagbangon sa pamamagitan ng mga mata nila na sila dati ay nasa isang pagkaligaw na maliwanag.
Ano ang nag-udyok sa kanila sa pagtatambal kay Allāh samantalang walang katwiran para sa kanila sapagkat hindi nagbaba sa kanila ng isang katwiran mula sa isang kasulatang maipangangatwiran nila sa pagtatambal nila kay Allāh? Wala sa kanilang isang kasulatang nagsasalita ng pagtatambal nila at nagpapatibay sa katumpakan ng taglay nilang kawalang-pananampalataya.
Kapag nagpalasap sa mga tao ng isang biyaya mula sa mga biyaya Namin gaya ng kalusugan at pagyaman ay nagagalak sila rito ayon sa pagkagalak ng kawalang-pakundangan at nagmamalaki sila. Kapag nagtamo sila ng ikinasasama ng loob nila gaya ng karamdaman at karukhaan dahil sa nakamit ng mga kamay nila na mga pagsuway, biglang sila ay nalalagutan ng pag-asa mula sa awa ni Allāh at nawawalan ng pag-asa sa paglaho ng ikinasasama ng loob nila.
Hindi ba sila nakakita na si Allāh ay nagpapaluwang sa panustos para sa kaninumang niloloob Niya kabilang sa mga lingkod Niya bilang pagsusulit para rito kung magpapasalamat ba ito o tatangging magpasalamat? Nagpapasikip Siya sa kaninumang niloloob Niya kabilang sa kanila bilang pagsubok para rito kung magtitiis ba ito o maiinis ito? Tunay na sa pagpapaluwag sa panustos para sa iba at pagpapasikip nito para sa ilan ay talagang may mga katunayan, para sa mga mananampalataya, sa kabaitan ni Allāh at awa Niya.
Kaya magbigay ka, o Muslim, sa may kaugnayang pangkaanak ng nagigindapat niya na pagpapakabuti at ugnayang pangkaanak. Magbigay ka sa nangangailangan ng tutugon sa pangangailangan niya. Magbigay ka sa estranghero na kinapos sa landas malayo sa bayan niya. Ang pagbibigay na iyon ayon sa mga uring iyon ay higit na mabuti para sa mga nagnanais [ng kasiyahan] ng mukha ni Allāh. Ang mga nagkakaloob ng tulong at mga karapatang ito ay ang mga magwawagi dahil sa pagtamo nila ng hinihiling nila mula sa paraiso at dahil sa pagkaligtas nila laban sa anumang pinangingilabutan nila na pagdurusa.
Ang anumang iniaabot ninyo na mga salapi sa isa sa mga tao sa paghahangad na isauli sa inyo nang may karagdagan ay hindi lalago ang pabuya nito sa ganang kay Allāh. Ang anumang ibinigay ninyo mula sa mga salapi ninyo dahil sa pangangailangan ng sinumang magbabayad nito habang nagnanais naman kayo dahil doon [ng kaluguran] ng Mukha ni Allāh: hindi kayo nagnanais ng [magandang] kalagayan ni gantimpala mula sa mga tao, [kayo] yaong mga pag-iibayuhin para sa kanila ang pabuya sa ganang kay Allāh.
Si Allāh - tanging Siya - ay ang namukod-tangi sa paglikha sa inyo, pagkatapos ay sa pagtustos sa inyo, pagkatapos ay sa pagbibigay-kamatayan sa inyo, pagkatapos ay sa pagbibigay-buhay sa inyo para sa pagkabuhay na muli. Mayroon ba sa mga diyus-diyusan ninyo na sinasamba ninyo bukod pa sa Kanya na gumagawa ng anuman kabilang doon? Nagpawalang-kaugnayan Siya - Kaluwalhatian sa Kanya - at pagkabanal-banal Siya kaysa sa anumang sinasabi at pinaniniwalaan ng mga tagapagtambal.
Lumitaw ang kaguluhan sa kalupaan at karagatan sa mga kabuhayan ng mga tao dahil sa pagkakulang nito at sa mga sarili nila dahil sa paglitaw ng mga sakit at mga epidemya dahilan sa ginawa nilang mga pagsuway. Lumitaw iyon upang magpalasap sa kanila si Allāh ng ganti sa ilan sa mga gawain nilang masagwa sa buhay na pangmundo, sa pag-asang manumbalik sila sa Kanya sa pagbabalik-loob.
Sabihin mo, O Muḥammad, sa mga tagapagtambal na ito: "Humayo kayo sa lupain at magnilay-nilay kayo kung papaano naging ang wakas ng mga kalipunang nagpasinungaling noong wala pa kayo sapagkat iyon noon ay isang kinahinatnang masagwa. Ang karamihan sa kanila noon ay mga tagapagtambal kay Allāh, na sumasamba kasama sa Kanya sa iba pa sa Kanya kaya pinasawi sila dahilan sa pagtatambal nila kay Allāh."
Magpanatili ka, O Sugo, ng mukha mo para sa relihiyong Islām na tuwid, na walang kabaluktutan dito, bago dumating ang Araw ng Pagbangon, na kapag dumating iyon ay wala nang makapagtutulak doon. Sa Araw na iyon, magkakahati-hati ang mga tao: may isang pangkat sa Paraiso, na mga pinagtatamasa; at may isang pangkat sa Apoy, na mga pinagdurusa.
Ang sinumang tumangging sumampalataya kay Allāh, ang kapinsalaan ng kawalang-pananampalataya niya - ang pamamalagi sa Apoy - ay babalik laban sa kanya. Ang sinumang gumawa ng gawang maayos na naghahangad siya ng [kaluguran ng] mukha ni Allāh ay para sa [kapakanan ng] sarili niya. Ihahanda siya sa pagpasok sa Paraiso at pagtatamasa sa anumang naroon bilang mamamalagi roon magpakailanman.
upang gumanti si Allāh sa mga sumampalataya sa Kanya at gumawa ng mga gawang maayos na nagpapalugod sa Kanya. Tunay na Siya - kaluwalhatian sa Kanya - ay hindi umiibig sa mga tagatangging sumampalataya sa Kanya at sa Sugo Niya, bagkus nasusuklam Siya sa kanila nang pinakamatinding pagkasuklam at magpaparusa Siya sa kanila sa Araw ng Pagbangon.
Kabilang sa mga tanda Niyang dakila na nagpapatunay sa kakayahan Niya at kaisahan Niya ay na nagpapadala Siya ng mga hangin upang magbalita ng nakagagalak sa mga tao hinggil sa paglapit ng pagbaba ng ulan, upang magpalasap Siya sa inyo, O mga tao, mula sa awa Niya sa magaganap matapos ng ulan na pagtaba ng lupa at kaginhawahan, upang maglayag ang mga daong sa dagat ayon sa kalooban Niya, at upang maghanap kayo ng kagandahang-loob Niya sa pamamagitan ng pangangalakal sa dagat, at nang sa gayon kayo ay magpapasalamat sa mga biyaya ni Allāh sa inyo para magdagdag Siya sa inyo sa mga ito.
Talaga ngang nagpadala Kami noong wala ka pa, o Sugo, ng mga sugo sa mga kalipunan nila, at nagdala sila sa mga iyon ng mga katwiran at mga patotoong nagpapatunay sa katapatan nila ngunit nagpasinungaling ang mga iyon sa dinala sa mga iyon ng mga sugo ng mga iyon kaya naghiganti Kami sa mga gumawa ng mga gawang masagwa. Pinasawi Namin sila sa pamamagitan ng pagdurusang dulot Namin at iniligtas Namin ang mga sugo at ang mga mananampalataya sa kanila mula sa pagkasawi. Ang pagliligtas sa mga mananampalataya at ang pag-aadya sa kanila ay isang tungkuling inobliga Namin sa Amin.
Si Allāh - kaluwalhatian sa Kanya - ay ang umaakay sa mga hangin at nagpapadala sa mga ito. Nagpapagalaw ang mga hanging iyon sa mga ulap at nagpapakilos sa mga ito. Binabanat Niya ang mga iyon sa langit kung papaanong niloloob Niya sa dami o kakauntian. Gumagawa Siya sa mga iyon bilang mga piraso kaya nakikita mo, O tagapagmasid, ang ulan na lumalabas mula sa gitna ng mga iyon. Kaya kapag nagpatama Siya ng ulan sa sinumang niloloob Niya kabilang sa mga lingkod Niya, biglang sila rito ay natutuwa dahil sa awa ni Allāh sa kanila dahil sa pagpapababa ng ulan na sinusundan ng pagpapatubo sa lupa ng kinakailangan nila para sa mga sarili nila at para sa mga hayop nila.
Sila nga dati noong bago nagbaba sa kanila si Allāh ng ulan ay talagang mga nawawalan ng pag-asa sa pagbaba nito sa kanila.
Kaya magmasid ka, O Sugo, sa mga bakas ng ulan na ibinababa ni Allāh bilang awa sa mga lingkod Niya kung papaano nagbibigay-buhay si Allāh sa lupa sa pamamagitan ng pinatutubo Niya rito na mga uri ng mga halaman matapos ng katuyuan nito at katuyutan nito. Tunay na ang nagbigay-buhay sa tuyong lupang iyon ay talagang Siya ang tagabuhay sa mga patay para maging mga buhay. Siya sa bawat bagay ay May-kakayahan: walang nagpapawalang-kakayahan sa Kanya na anuman.
Talagang kung nagpadala Kami sa mga pananim nila at mga halaman nila ng isang hanging maninira sa kanila at nakita nila ang mga pananim nila na naninilaw ang mga kulay matapos na ang mga ito dati ay luntian ay talaga sanang nanatili sila, matapos ng pagkasaksi nila sa mga ito, na tumatangging sumampalataya sa mga naunang biyaya ni Allāh sa kabila ng dami ng mga iyon.
Kaya kung paanong tunay na ikaw ay hindi nakakakaya sa pagpaparinig sa mga patay at hindi nakakakaya sa pagpaparinig sa mga bingi habang lumayo na sila sa iyo upang matiyak ang kawalan ng pagkarinig nila, gayon din hindi ka nakakakayang magpatnubay sa sinumang nakawangis ng mga ito sa pag-ayaw.
Ikaw ay hindi isang tagapagtuon sa sinumang naligaw palayo sa daang tuwid tungo sa pagtahak sa landas ng kagabayan. Hindi ka nakapagpaparinig ayon sa pagdinig na napakikinabangan, maliban sa sinumang sumasampalataya sa mga tanda Namin dahil siya ay ang nakikinabang sa sinasabi mo kaya naman sila ay mga nagpapaakay sa utos Namin, mga tagapagpasailalim doon.
Si Allāh ay ang lumikha sa inyo, O mga tao, mula sa isang tubig na hamak; pagkatapos ay gumawa Siya, noong matapos ng kahinaan ng pagkabata ninyo, ng kalakasan ng kahustuhang-gulang; pagkatapos ay gumawa Siya, noong matapos ng kalakasan ng kahustuhang-gulang, ng kahinaan ng katandaan at pagkaulyanin. Lumilikha Siya ng anumang niloloob Niya na kahinaan at kalakasan. Siya ay ang Maalam sa bawat bagay: walang naikukubli sa Kanya na anuman, ang May-kakayahan: walang nakapagpapawalang-kakayahan sa Kanya na anuman.
Sa Araw na sasapit ang Pagbangon [ng mga patay], susumpa ang mga salarin na hindi sila nanatili sa mga libingan nila malibang sa isang sandali. Kung paanong naibaling sila palayo sa pagkakaalam sa tagal ng pamamalagi nila sa mga libingan nila, dati silang naibabaling din sa Mundo palayo sa katotohanan.
Nagsabi ang mga binigyan ni Allāh ng kaalaman kabilang sa mga propeta at mga anghel: "Talaga ngang nanatili kayo ayon sa itinakda ni Allāh sa nauna sa kaalaman Niya mula sa araw ng paglikha sa inyo hanggang sa Araw ng pagbuhay sa inyo na ikinaila ninyo, subalit kayo dati ay hindi nakaaalam na ang pagkabuhay na muli ay magaganap kaya naman tumanggi kayong sumampalataya rito."
Kaya sa Araw na bubuhaying muli ni Allāh ang mga nilikha para sa pagtutuos at pagganti, hindi magpapakinabang sa mga tagalabag sa katarungan ang nilikha-likha nilang mga pagdadahilan at hindi hihilingin mula sa kanila ang pagpapalugod kay Allāh sa pamamagitan ng pagbabalik-loob at pagsisisi sa Kanya dahil sa pagkahuli ng oras niyon.
Talaga ngang gumawa Kami para sa mga tao sa Qur’an na ito - bilang pagmamalasakit sa kanila - mula sa bawat paghahalimbawa upang lumiwanag para sa kanila ang katotohanan mula sa kabulaanan. Talagang kung nagdala ka, O Sugo, sa kanila ng isang katwiran sa katapatan mo ay talagang magsasabi nga ang mga tumangging sumampalataya kay Allāh: "Walang iba kayo kundi mga tagagawa ng kabulaanan kaugnay sa inihatid ninyo."
Ang paghahalintulad sa pagpinid na ito sa puso nitong mga kapag dinalhan mo ng isang tanda ay hindi sumasampalataya ay nagpipinid si Allāh sa mga puso ng mga hindi umaalam na ang inihatid mo sa kanila ay katotohanan.
Kaya magtiis ka, O Sugo, sa pagpapasinungaling ng mga kalipi mo sa iyo. Tunay na ang pangako ni Allāh sa iyo ng pag-aadya at pagpapatatag ay matibay na walang pag-aalinlangan doon. Huwag magtulak sa iyo ang mga hindi nakatitiyak na sila ay mga bubuhaying mula sa pagmamadali at pag-iwan sa pagtitiis.