ﰡ
Alif. Lām. Rā'. Nauna ang pagtalakay sa mga katapat ng mga ito sa simula ng Kabanatang Baqarah. Ang mga talatang ibinaba na ito sa kabanatang ito ay bahagi ng mga talata ng Qur'ān na maliwanag sa anumang nilaman nito.
Tunay na Kami ay nagbaba ng Qur’an sa wika ng mga Arabe nang sa gayon kayo, O mga Arabe, ay makaintindi sa mga kahulugan nito.
Kami ay nagsasalaysay sa iyo, O Sugo, ng pinakamagandang salaysay dahil sa katapatan nito at kawastuhan ng mga pananalita nito at retorika nito sa pamamagitan ng pagpababa Namin sa iyo ng Qur’ān na ito. Tunay na ikaw dati bago ng pagpapababa nito ay kabilang sa mga nalilingat sa salaysay na ito: walang kaalaman sa iyo rito.
Ipinababatid sa iyo, O Sugo, nang nagsabi si Yūsuf sa ama niyang si Jacob: "O ama ko, tunay na ako ay nakakita sa panaginip ng labing-isang tala at nakita ko ang araw at ang buwan; nakita ko ang lahat ng iyon na sa akin ay mga nakapatirapa." Ang panaginip na ito ay isang maagang balitang nakagagalak para kay Yūsuf - sumakanya ang pangangalaga.
Nagsabi si Jacob sa anak nitong si Yūsuf: "O anak ko, huwag mong banggitin ang panaginip mo sa mga kapatid mo sapagkat maiintindihan nila ito at maiinggit sila sa iyo kaya magpapakana sila sa iyo ng isang pakana dala ng isang pagkainggit mula sa kanila. Tunay na ang demonyo para sa tao ay isang kaaway na maliwanag ang pangangaway."
Gaya ng pagkakita mo sa panaginip na iyon, pipiliin ka, O Yūsuf, ng Panginoon mo, ituturo Niya sa iyo ang pagbibigay-kahulugan sa mga panaginip, at lulubusin Niya ang biyaya Niya sa iyo sa pamamagitan ng pagkapropeta gaya ng paglubos Niya sa biyaya Niya sa dalawang ninuno mo bago mo: sina Abraham at Isaac. Tunay na ang Panginoon mo ay Maalam sa paglikha Niya, Marunong sa pangangasiwa Niya.
Talaga ngang hinggil sa ulat kay Yūsuf at sa ulat sa mga kapatid niya ay may mga maisasaalang-alang at mga pangaral para sa mga nagtatanong tungkol sa mga ulat sa kanila.
Nang nagsabi ang mga kapatid nila nang sarilinan: "Talagang si Yūsuf at ang kapatid niyang buo ay higit na kaibig-ibig sa ama natin kaysa sa atin samantalang tayo ay isang pangkat na may bilang kaya papaanong itinangi niya ang dalawa higit sa atin? Tunay na tayo ay talagang nagtuturing sa kanya na nasa isang pagkakamaling malinaw nang itinangi niya ang dalawa higit sa atin nang walang kadahilanang lumilitaw sa atin.
Patayin ninyo si Yūsuf o paglahuin ninyo siya sa isang malayong lupain, matatangi para sa inyo ang mukha ng ama ninyo kaya iibigin niya kayo nang buong pag-ibig. Matapos na maglakas-loob kayo laban sa kanya sa pagpatay sa kanya o pagpapalaho sa kanya, kayo ay magiging mga taong maayos kapag magbabalik-loob kayo mula sa pagkakasala ninyo.
Nagsabi ang isa sa magkakapatid: "Huwag ninyong patayin si Yūsuf; bagkus itapon ninyo siya sa kailaliman ng balon, kukunin siya ng ilan sa mga manlalakbay na daraan sa kanya. Ito ay higit na magaan na pinsala kaysa sa pagpatay sa kanya kung kayo ay mga desidido sa sinabi ninyo kaugnay sa kanya."
Noong nagkaisa sila sa pagpapalayo sa kanya ay nagsabi sila sa ama nilang si Jacob: "O ama namin, ano ang mayroon sa iyo? Hindi mo kami ginagawa bilang mga katiwala kay Yūsuf? Tunay na kami ay talagang mga nagmamalasakit para sa kanya. Aalagaan namin siya laban sa pipinsala sa kanya. Kami ay talagang mga tagapayo sa kanya sa pamamagitan ng pag-iingat sa kanya at pag-aalaga sa kanya hanggang sa bumalik siya sa iyo nang ligtas. Kaya ano ang pumipigil sa iyo sa pagpapadala sa kanya kasama namin?
Magpahintulot ka sa amin, dadalhin namin siya kasama namin bukas. Magtatamasa siya ng pagkain at magsasaya. Tunay na kami sa kanya ay talagang mga tagapag-ingat laban sa bawat nakasasakit na dadapo sa kanya."
Nagsabi si Jacob sa mga anak niya: "Tunay na ako ay talagang nalulungkot sa pag-alis ninyo dala siya dahil ako ay hindi makatiis na mahiwalay sa kanya, at nangangamba para sa kanya na kainin siya ng lobo habang kayo ay mga nalilibang malayo sa kanya sa pagpapasasa at paglalaro."
Nagsabi sila sa ama nila: "Talagang kung kinain ng lobo si Yūsuf samantalang kami ay isang pangkat, tunay na kami sa kalagayang ito ay walang kabutihan sa amin sapagkat kami ay mga talunan yayamang hindi namin siya naipagtanggol laban sa lobo."
Kaya ipinadala siya ni Jacob kasama nila. Noong nakaalis sila dala siya at napagpasyahan nila na itapon siya sa ilalim ng balon, nagsiwalat Kami kay Yūsuf sa kalagayang ito: "Talagang magpapabatid ka nga sa kanila hinggil sa pinaggagawa nilang ito samantalang sila ay hindi nakararamdam sa iyo sa sandali ng pagpapabatid mo sa kanila."
Dumating ang mga kapatid ni Yūsuf sa ama nila sa oras ng gabi na nag-iiyak-iyakan bilang pagsusulong sa panlalansi nila.
Nagsabi sila: "O ama namin, tunay na kami ay umalis, na nag-uunahan sa pagtakbo at nagbabatuhan ng mga sibat. Iniwan namin si Yūsuf sa tabi ng mga kasuutan namin at mga baon namin upang bantayan niya, at kinain naman siya ng lobo. Ikaw ay hindi maniniwala sa amin kahit kami sa tunay na pangyayari ay mga tapat sa ipinabatid namin sa iyo."
Binigyang-diin nila ang ulat nila sa pamamagitan ng panggugulang sapagkat dumating sila dala ang damit ni Yūsuf na nabahiran ng dugo na hindi dugo niya, na mga nagpapaakalang ito ay bakas ng pagkakain ng lobo sa kanya. Ngunit nakatalos si Jacob - sa pamamagitan ng isang pahiwatig na ang damit ay hindi nagkapunit-punit - sa kasinungalingan nila, kaya nagsabi siya sa kanila: "Ang nangyari ay hindi gaya ng ipinabatid ninyo, bagkus nang-akit sa inyo ang mga sarili ninyo sa isang masagwang kagagawang ginawa ninyo, kaya ang pagtitiis ko ay isang magandang pagtitiis na walang panghihinawa rito. Si Allāh ay ang hinihilingan ng tulong laban sa binabanggit ninyo na nangyari kay Yūsuf."
May dumating na isang karaban; pagkatapos ay nagpadala sila ng magpapainom sa kanila ng tubig, at ibinaba nito ang timba nito sa balon. Naglambitin si Yūsuf sa lubid. Noong nakita siya ng naglugay ng lubid ay nagsabi ito habang natutuwa: "O nakagagalak na balita sa akin! Ito ay isang batang lalaki." Ikinubli siya ng tagaigib nila at ng ilan sa mga kasamahan nito sa nalalabing mga tao ng karaban, habang mga nag-aakalang siya ay isang paninda na mailalako nila. Si Allāh ay Maalam sa ginagawa nila kay Yūsuf na pagwawalang-dangal at pagtitinda: walang naikukubli sa Kanya mula sa gawa nila na anuman.
Ibinenta siya ng tagaigib at mga kasamahan nito sa Ehipto sa halagang katiting sapagkat ito ay mga dirham na madaling bilangin dahil sa kakauntian ng mga ito. Sila ay kabilang sa mga nagwawalang-halaga sa kanya dahil sa sigasig nila sa paghahangad nila sa pagwawaksi sa kanya nang mabilis sapagkat nalaman nila sa kalagayan niya na siya ay hindi isang alipin. Nangamba sila para sa mga sarili nila mula sa mag-anak niya. Ito ay bahagi ng kalubusan ng awa ni Allāh sa kanya upang hindi siya manatili kasama nila nang matagal.
Nagsabi ang lalaking bumili sa kanya mula sa Ehipto sa maybahay nito: "Pagandahin mo at parangalan mo ang pananatili niya kasama natin. Baka magpakinabang siya sa atin sa pamamagitan ng pagsasagawa sa ilan sa kinakailangan natin, o gawin natin siyang isang anak sa pamamagitan ng pag-ampon." Kung paanong nagligtas si Allāh kay Yūsuf mula sa pagkakapatay, nagpalabas sa kanya mula sa balon, at nagpairog sa kanya sa puso ng Makapangyarihan ay nagpatatag si Allāh sa kanya sa Ehipto at upang magturo sa kanya ng pagpapakahulugan ng mga panaginip. Si Allāh ay nananaig sa pinangyayari Niya sapagkat ang pinangyari Niya ay matutupad. Walang nakapipilit sa Kanya - pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan - subalit ang karamihan sa mga tao - ang mga tagatangging sumampalataya - ay hindi nakaaalam niyon.
Noong umabot si Yūsuf sa edad ng kalakasan ng katawan ay nagbigay Kami sa kanya ng pang-unawa at kaalaman. Tulad ng ganting ito na iginanti Namin sa kanya, gaganti Kami sa mga tagagawa ng maganda sa pagsamba nila kay Allāh.
Hiniling ng maybahay ng Makapangyarihan nang may lumanay at paggamit ng panggugulang kay Yūsuf - sumakanya ang pangangalaga -ang paggawa ng mahalay. Nagsara ito ng mga pinto bilang pagpapasidhi sa pagsasarilinan at nagsabi ito sa kanya: "Halika ka sa akin!" Kaya nagsabi naman si Yūsuf: "Nagpapasanggalang ako kay Allāh laban sa pag-anyaya mo sa akin! Tunay na ang amo ko ay nagmagandang-loob sa akin sa pagpapanatili sa akin sa piling niya kaya hindi ako magtataksil sa kanya sapagkat kung nagtaksil ako sa kanya, ako ay magiging isang tagalabag sa katarungan. Tunay na hindi magtatamo ang mga tagalabag sa katarungan."
Talaga ngang naibigan ng sarili nito ang paggawa ng mahalay, at sumagi sa sarili ni Yūsuf mismo iyon kung sakaling hindi siya nakakita ng ilan sa mga tanda ni Allāh na pumigil sa kanya roon at naglayo sa kanya. Ipinakita nga ni Allāh iyon upang alisin sa kanya ang kasagwaan at ilayo siya sa pangangalunya at pagtataksil. Tunay na si Jose ay kabilang sa mga lingkod ni Allāh na mga itinangi.
Nag-unahan silang dalawa: si Yūsuf upang maligtas ang sarili niya at ang babae upang pumigil sa kanya sa paglabas. Humawak ito sa kamisa niya upang mapigilan siya sa paglabas kaya napunit nito iyon mula sa likuran niyon, at natagpuan nilang dalawa ang asawa nito sa tabi ng pinto. Nagsabi ang maybahay ng Makapangyarihan sa Makapangyarihan habang nanggugulang: "Walang iba ang parusa sa sinumang naglayon sa maybahay mo, O Makapangyarihan, ng paggawa ng mahalay kundi ang pagbilanggo o ang pagdusahin ng isang pagdurusang nakasasakit."
Nagsabi si Yūsuf - sumakanya ang pangangalaga: "Siya ay ang humiling mula sa akin ng mahalay at hindi ko ninais ito mula sa kanya." Ginawa ni Allāh ang isang batang kabilang sa kasambahay nito na nagsasalita sa duyan at sumaksi sa pamamagitan ng sabi niyon: "Kung nangyaring ang kamisa ni Yūsuf ay nawarat sa harapan niya, iyon ay pahiwatig sa katapatan nito dahil ito noon ay nagtatanggol ng sarili nito kaya siya naman ay sinungaling;
At kung nangyaring ang kamisa niya ay nawarat mula sa likuran niya, iyon ay pahiwatig sa katapatan niya dahil ito noon ay nagtatangkang mang-akit at siya naman ay tumatakas palayo rito kaya siya naman ay sinungaling."
Kaya noong nasaksihan ng Makapangyarihan na ang kamisa ni Yūsuf - sumakanya ang pangangalaga - ay nawarat mula sa likuran niya, nakapagpatotoo ito sa katapatan ni Yūsuf at nagsabi iyon: "Tunay na ang paninirang-puring ito ay bahagi ng kabuuan ng pakana ninyo, O katipunan ng mga babae; tunay na ang pakana ninyong [mga babae] ay pakanang malakas.
Nagsabi siya kay Yūsuf: "O Yūsuf, pagtakpan mo ang usaping ito at huwag mong banggitin sa isa man. At ikaw [Maybahay,] humingi ka ng kapatawaran sa kasalanan mo! Tunay na ikaw ay kabilang sa mga nagkakasala dahilan sa pagtatangkang pang-akit kay Yūsuf sa sarili niya."
Lumaganap ang ulat hinggil sa kanya sa lungsod at may nagsabing isang pangkatin ng mga babae bilang pagmamasama: "Ang maybahay ng Makapangyarihan ay nang-akit ng alipin niya sa sarili niya. Umabot ang pag-ibig sa pagkahumaling ng puso niya. Tunay na kami ay nagtuturing sa kanya - dahilan sa pagtatangka niyang mang-akit doon at pag-ibig niya roon gayong iyon ay alipin niya - na nasa isang pagkaligaw na maliwanag."
Kaya noong nakarinig ang maybahay ng Makapangyarihan sa pagmamasama nila rito at panlilibak nila rito, nagpadala ito sa kanila ng paanyaya. Nag-anyaya ito sa kanila upang makita nila si Yūsuf para humingi sila ng paumanhin dito. Naghanda ito para sa kanila ng isang lugar na may mga supa at mga unan. Nagbigay ito sa bawat isa mula sa mga babaing inanyayahan ng isang kutsilyong ipanghihiwa sa pagkain. Nagsabi ito kay Jose - sumakanya ang pangangalaga: "Lumabas ka sa kinaroroonan nila." Kaya noong natingnan nila siya ay dinakila nila siya. Nagulat sila sa kakisigan niya at namangha sila sa ganda niya. Dahil sa tindi ng pagkamangha sa kanya, nasugatan nila ang mga kamay nila ng mga kutsilyong inihanda para sa paghiwa sa pagkain. Nagsabi sila: "Walang kapintasan si Allāh! Ang binatang ito ay hindi isang mortal sapagkat ang taglay niyang kagandahan ay hindi nalaman sa mortal. Walang iba siya kundi isang anghel na marangal kabilang sa mga anghel na mararangal!"
Nagsabi ang maybahay ng Makapangyarihan sa mga babae noong nakita nito ang dumapo sa kanila: "Ito ay ang binatang ipinintas ninyo sa akin dahilan sa pagkaibig sa kanya. Talaga ngang pinagtangkaan ko siya at nanggulang ako sa pagtukso sa kanya ngunit tumanggi siya. Talagang kung hindi niya gagawin ang hinihiling ko mula sa kanya sa hinaharap ay talagang papasok nga siya sa bilangguan at talagang siya nga ay magiging kabilang sa mga kaaba-aba."
Nagsabi si Yūsuf - sumakanya ang pangangalaga: "O Panginoon ko, ang bilangguang ibinabanta niya sa akin ay higit na kaibig-ibig sa akin kaysa sa inaanyaya nila sa akin na paggawa ng mahalay. Kung hindi ka mag-aalis palayo sa akin ng pakana nila, kikiling ako sa kanila at ako ay magiging kabilang sa mga mangmang kung kumiling ako sa kanila at pumayag ako sa kanila sa ninanais nila mula sa akin."
Kaya tumugon si Allāh sa dalangin niya, at nag-alis sa kanya ng panlalansi ng maybahay ng Makapangyarihan at panlalansi ng mga babae ng lungsod. Tunay na Siya - napakamaluwalhati Niya at pagkataas-taas Niya - ay ang Madinigin sa panalangin ni Yūsuf at sa panalangin ng bawat dumadalangin, ang Maalam sa kalagayan niya at kalagayan ng iba pa sa kanya.
Pagkatapos ay nangyaring bahagi ng pananaw ng Makapangyarihan at ng mga kalipi niya, noong nasaksihan nila ang mga patunay ng pagkainosente niya, na talagang magbibilanggo nga sila sa kanya, upang hindi mabunyag ang iskandalo, hanggang sa isang yugtong hindi nalalaman.
Kaya ikinulong nila siya at may pumasok kasama niya na dalawang binata sa bilangguan. Nagsabi ang isa sa dalawang binata kay Yūsuf: "Tunay na ako ay nakakita sa panaginip na ako ay pumipiga ng ubas upang maging alak." Nagsabi naman ang ikalawa: "Tunay na ako ay nakakita sa panaginip na ako ay nagpapasan sa ibabaw ng ulo ko ng tinapay na kumakain ang mga ibon mula roon. Magpabatid ka sa amin, O Yūsuf, ng pagpapaliwanag ng napanaginipan namin. Tunay na kami ay nakakikita sa iyo na kabilang sa mga alagad ng paggawa ng maganda."
Nagsabi si Yūsuf - sumakanya ang pangangalaga: "Walang dumarating sa inyo na pagkaing ipinagkakaloob sa inyong dalawa mula sa hari o iba pa sa kanya malibang maglilinaw ako sa inyong dalawa ng katotohanan niyon at kung papaano iyon bago pa man dumating ito sa inyong dalawa. Ang pagpapakahulugang iyon na ipaaalam ko ay kabilang sa itinuro sa akin ng Panginoon ko, hindi mula sa panghuhula ni mula sa astrolohiya. Tunay na ako ay nag-iwan sa relihiyon ng mga taong hindi sumasampalataya kay Allāh habang sila sa Kabilang-buhay ay mga tagatangging sumampalataya.
Sumunod ako sa relihiyon ng mga ninuno kong sina Abraham, Isaac, at Jacob. Ito ay ang relihiyon ng paniniwala sa kaisahan ni Allāh. Hindi natutumpak para sa amin na magtambal kami kay Allāh ng iba pa sa Kanya. Siya ay ang namumukod-tangi sa kaisahan. Iyan ay ang paniniwala sa kaisahan at ang pananampalatayang ako at ang mga ninuno ko ay nakabatay. Iyan ay bahagi ng kabutihang-loob ni Allāh sa amin na nagtuon Siya sa amin doon, at bahagi ng kabutihang-loob Niya sa mga tao sa kalahatan nang nagpadala Siya sa kanila ng mga propeta dahil doon, subalit ang higit na marami sa mga tao ay hindi nagpapasalamat kay Allāh sa mga biyaya Niya bagkus tumatangging sumampalataya sa Kanya.
Pagkatapos ay kinausap ni Yūsuf ang dalawang binata sa kulungan, na nagsasabi:"Ang pagsamba sa mga diyos na sari-sari ay mainam ba o ang pagsamba kay Allāh, ang Nag-iisa, na walang katambal sa Kanya, ang Palalupig, na hindi nalulupig?"
Wala kayong sinasamba bukod pa sa Kanya kundi mga pangalan sa hindi mga pinangalanan. Nagpangalan kayo at ang mga ninuno ninyo ng mga iyon sa mga diyos na walang ukol sa mga ito na isang bahagi sa pagkadiyos. Hindi nagbaba si Allāh sa pagpapangalan ninyo sa mga ito ng katwirang nagpapatunay sa katumpakan ng mga ito. Ang paghahatol sa lahat ng mga nilikha ay ukol kay Allāh lamang - tanging sa Kanya - hindi ukol sa mga pangalang ito na ipinangalan ninyo at ng mga ninuno ninyo. Nag-utos si Allāh - napakamaluwalhati Niya - na pakaisahin Siya sa pagsamba at sumaway Siya na magtambal kayo kasama Niya ng iba pa sa Kanya. Ang paniniwala sa kaisahang iyon ay ang relihiyong tuwid na walang kabaluktutan, subalit ang higit na marami sa mga tao ay hindi nakaaalam niyon. Dahil doon, nagtatambal sila kay Allāh kaya sumasamba sila sa ilan sa mga nilikha Niya.
O dalawang kapisan ko sa bilangguan, hinggil sa nanaginip na siya ay pumipiga ng ubas upang maging alak, tunay na siya ay lalabas mula sa kulungan at babalik sa gawain niya kaya magpapainom siya sa hari; at hinggil naman sa nanaginip na sa ibabaw ng ulo niya ay may tinapay na kumakain ang ibon mula roon, tunay na siya ay papatayin at bibitayin kaya kakain ang ibon mula sa karne ng ulo niya. Natapos na ang usapin na humiling kayong dalawa ng paglilinaw hinggil doon at nalubos na sapagkat ito ay magaganap nang walang pasubali."
Nagsabi si Yūsuf sa inakala niya na ito ay maliligtas sa dalawa - ang tagapagpainom sa hari: "Banggitin mo ang kasaysayan ko at ang lagay ko sa piling ng hari nang sa gayon siya ay magpalabas sa akin mula sa bilangguan," ngunit nagpalimot ang Demonyo sa tagapagpainom sa pagbanggit kay Yūsuf sa piling ng hari kaya nanatili si Yūsuf sa bilangguan matapos niyon nang ilang taon.
Nagsabi ang hari: "Tunay na ako ay nakakita sa panaginip ng pitong bakang matataba na kinakain ng pitong bakang payat, at nakakita ng pitong uhay na luntian at pitong uhay na tuyot. O mga ginoo at mga maharlika, magpabatid kayo sa akin ng pagpapakahulugan sa panaginip kong ito kung nangyaring kayo ay mga nakaaalam sa pagpapakahulugan sa panaginip."
Nagsabi sila: "Ang panaginip mo ay mga paglalahok ng mga maling panaginip. Ito ay hindi gayon kaya walang pagpapaliwanag dito. Hindi kami mga nakaaalam sa pagpapaliwanag ng mga maling panaginip na nagkahalu-halo."
Nagsabi ang tagapagpainom na naligtas kabilang sa dalawang binatang bilanggo, at nakaalaala kay Yūsuf - sumakanya ang pangangalaga - at sa taglay niyang kaalaman sa pagpapakahulugan sa panaginip, matapos ng isang yugto: "Ako ay magpapabatid sa inyo hinggil sa pagpapakahulugan sa napanaginipan ng hari matapos magtanong sa may kaalaman sa pagpapakahulugan nito, kaya magpadala ka sa akin, O hari, kay Yūsuf upang magpakahulugan siya sa panaginip mo."
Kaya noong nakarating kay Yūsuf ang nakaligtas ay nagsabi ito sa kanya: "O Yūsuf, O pagkatapat-tapat, magpabatid ka sa amin tungkol sa pagpapakahulugan sa nanaginip ng pitong bakang matataba na kinain ng pitong bakang payat, at nanaginip ng pitong uhay na luntian at nanaginip ng pitong uhay na tuyot, nang sa gayon ako ay babalik sa hari at mga nasa piling niya, nang sa gayon sila ay makaaalam paghahayag sa panaginip ng hari at makaaalam sa kainaman mo at kalagayan mo."
Nagsabi si Yūsuf - sumakanya ang pangangalaga - habang naghahayag sa panaginip na ito: "Magtatanim kayo nang pitong taong magkakasunod nang dibdiban, at ang anumang aanihin ninyo sa bawat taon mula sa pitong taong iyon ay iwan ninyo sa mga uhay nito bilang paghahadlang dito laban sa pagkabulok, maliban sa kaunti mula sa kakailanganin ninyong mga butil para kainin.
Pagkatapos ay may darating - matapos yaong pitong taong mataba na magtatanim kayo roon - na pitong taong tagtuyot na kakainin ng mga tao roon ang lahat ng inani sa mga taong mataba, maliban sa kaunti na bahagi ng iningatan ninyo na bahagi ng magiging punla.
Pagkatapos ay may darating - matapos yaong mga taon na tuyot - na isang taon na bababa doon ang mga ulan, tutubo ang mga pananim, at pipiga doon ang mga tao ng kakailanganin para pigain gaya ng ubas, oliba, at tubo.
Nagsabi ang Hari sa mga tagatulong nito noong umabot dito ang paghahayag ni Yūsuf sa panaginip nito: "Ilabas ninyo siya mula sa kulungan at dalhin ninyo siya sa akin." Ngunit noong dumating kay Yūsuf ang sugo ng hari ay nagsabi siya rito: "Bumalik ka sa amo mong hari at tanungin mo siya tungkol sa kasaysayan ng mga babaing sumugat sa mga kamay nila upang lumitaw ang kawalang-sala ko bago lumabas ng kulungan. Tunay na ang Panginoon ko, sa ginawa nilang pagtatangkang mang-akit, ay Maalam: walang naikukubli sa Kanya na anuman doon."
Nagsabi ang hari habang kumakausap sa mga babae: "Ano ang lagay ninyo nang hiniling ninyo kay Yūsuf nang may panggugulang na gumawa ng mahalay sa inyo?" Nagsabi ang maybahay ng Makapangyarihan habang umaamin sa ginawa nito: "Ngayon, lumilitaw ang totoo; ako ay nagtangka ng pagtukso sa kanya at hindi siya nagtangka ng pagtukso sa akin. Tunay na siya ay talagang kabilang sa mga tapat sa inangkin niya na kawalang-sala mula sa ipinaratang ko sa kanya."
Nagsabi ang maybahay ng Makapangyarihan: "Upang malaman ni Yūsuf nang umamin ako na ako ay nagtangkang umakit sa kanya at na siya ay tapat, na ako ay hindi gumawa-gawa laban sa kanya sa pagkaliban niya sapagkat luminaw sa akin mula sa nangyari na si Allāh ay hindi nagtutuon sa sinumang nagsisinungaling at nanlalansi."
Nagpatuloy ang maybahay ng Makapangyarihan sa pagsasalita nito, na nagsasabi: "Hindi ako nagpapawalang-kaugnayan ng sarili ko sa pagnanais ng kasagwaan at hindi ako nagnais niyon ng pagbibigay-matuwid sa sarili ko dahil ang gawi ng kaluluwang pantao ay ang kadalasan ng pag-uutos sa kasagwaan dahil sa pagkahilig nito sa ninanasa nito at sa kahirapan ng pagpigil nito roon, maliban sa kinaawaan ni Allāh na mga kaluluwa kaya naipagsanggalang Niya ang mga ito laban sa pag-uutos sa kasagwaan. Tunay na ang Panginoon ko ay Mapagpatawad sa sinumang nagbalik-loob kabilang sa mga lingkod Niya, Maawain sa kanila."
Nagsabi ang hari sa mga tagatulong nito noong luminaw ang kawalang-sala ni Yusuf at kaalaman niya: "Dalhin ninyo siya sa akin, magtatalaga ako sa kanya bilang natatangi para sa sarili ko." Kaya dinala nila siya sa hari. Noong nakausap siya nito ay luminaw rito ang kaalaman niya at ang pang-unawa niya. Nagsabi ito sa kanya: "Tunay na ikaw, O Yusuf, sa araw na ito sa ganang amin ay naging isang may katungkulan at reputasyon at napagkakatiwalaan."
Nagsabi si Yusuf sa hari: "Ipamahala mo ako sa pag-iingat ng mga imbakan ng yaman at mga pagkain ng Lupain ng Ehipto sapagkat tunay na ako ay isang tagaingat-yamang mapagkakatiwalaan, may kaalaman at pagkatalos sa pinamamahalaan ko."
Kung paanong nagkaloob Kami kay Yusuf ng pagkawalang-sala at paglaya sa pagkakulong, nagkaloob Kami sa kanya ng pagpapatag sa katungkulan sa Ehipto. Nanunuluyan siya at naninirahan siya sa alinmang lugar na niloob niya. Nagbigay Kami ng bahagi ng awa Namin sa Mundo sa sinumang niloloob Namin kabilang sa mga lingkod Namin. Hindi Kami nagwawala sa pabuya sa mga tagagawa ng maganda, bagkus magtutumbas Kami sa kanila nito nang ganap nang hindi kinukulangan.
Talagang ang gantimpala ni Allāh na inihanda Niya sa Kabilang-buhay ay higit na mabuti kaysa sa gantimpala ng Mundo para sa mga sumampalataya kay Allāh at nangingilag magkasala noon sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ipinag-uutos Niya at pag-iwas sa mga sinasaway Niya.
Pumunta ang mga kapatid ni Yusuf sa Lupain ng Ehipto na may dalang paninda nila. Pagkatapos ay pumasok sila sa kinaroroonan niya. Nakilala niya na sila ay mga kapatid niya ngunit hindi nila nakilala na siya ay kapatid nila dahil sa tagal ng panahon at pagbabago ng anyo niya dahil siya ay isang bata nang itinapon nila sa balon.
Noong naibigay niya sa kanila ang hiniling nilang panlaang pagkain at baon ay nagsabi siya, matapos na nagpabatid sila sa kanya na mayroon silang isang kapatid sa ama nila na iniwan nila sa piling ng ama nito: "Dalhin ninyo sa akin ang kapatid ninyo mula sa ama ninyo, magdaragdag ako sa inyo ng isang pasan ng kamelyo. Hindi ba ninyo nakikita na ako ay kumukumpleto ng pagtatakal at hindi kumukulang nito at ako ay pinakamabuti sa mga tagatanggap ng panauhin?
Ngunit kung hindi ninyo dadalhin siya sa akin, lilinaw ang pagsisinungaling ninyo sa pag-aangkin ninyo na mayroon kayong isang kapatid mula sa ama ninyo kaya hindi ako magtatakal sa inyo ng pagkain at huwag kayong lumapit sa lugar ko."
Sumagot sa kanya ang mga kapatid niya, na mga nagsasabi: "Hihilingin namin siya sa ama namin at magsusumikap kami roon. Tunay na kami ay talagang mga gagawa ng ipinag-utos mo sa amin nang walang pagkukulang."
Nagsabi si Yusuf sa mga manggagawa niya: "Ibalik ninyo ang paninda ng mga ito sa kanila upang malaman nila sa sandali ng pagkabalik nila na tayo ay hindi bumili ng mga ito mula sa kanila." Ito ay pipilit sa kanila sa pagbalik muli nang kasama nila ang kapatid nila upang mapagtibay kay Yusuf ang katapatan nila at tanggapin niya mula sa kanila ang paninda nila.
Kaya noong nakabalik sila sa ama nila at nagsalaysay roon ng nangyaring pagpaparangal ni Yusuf sa kanila ay nagsabi sila: "O ama namin, ipagkakait sa amin ang [muling] pagtatakal kung hindi namin dadalhin ang kapatid namin kasama namin kaya ipadala mo po siya kasama namin sapagkat tunay na kung ikaw ay magpapadala sa kanya kasama namin, tatakalan kami ng pagkain. Tunay na kami ay nangangako sa iyo ng pangangalaga sa kanya hanggang sa makabalik siya sa iyo nang ligtas."
Nagsabi sa kanila ang ama nila: "Ipagkakatiwala ko ba siya sa inyo kung paanong ipinagkatiwala ko sa inyo ang kapatid niyang buo, si Yusuf, mula noon? Ipinagkatiwala ko na sa inyo si Yusuf at nangako naman kayo ng pag-iingat sa kanya ngunit hindi kayo tumupad sa ipinangako ninyo kaya wala nang pagtitiwala sa ganang akin sa pangako ninyo ng pag-iingat sa kanya. Ang pagtitiwala ko ay nasa kay Allāh lamang sapagkat Siya ay ang pinakamabuti sa mga tagapag-ingat para sa sinumang ninais Niyang pag-ingatan at ang pinakamaawain sa mga naaawa sa sinumang ninais Niyang kaawaan."
Noong nabuksan nila ang mga sisidlan ng pagkain nila na dinala nila ay natagpuan nila ang halaga nito na isinauli sa kanila. Kaya nagsabi sila sa ama nila: "Alin pang bagay ang mahihiling namin sa makapangyarihang ito matapos ng pagpaparangal na ito? Ito ay ang halaga ng pagkaing binili namin, na isinauli ng makapangyarihan bilang pagmamagandang-loob mula sa kanya sa amin. Makapagdudulot kami ng pagkain para sa mag-anak namin. Mapag-iingatan namin ang kapatid namin laban sa pinangangambahan mo para sa kanya. Madaragdagan kami ng takal [na pasan] ng kamelyo dahilan sa pagsasama sa kanya sapagkat ang pagdaragdag ng takal [na pasan] ng kamelyo ay isang bagay na madali sa ganang makapangyarihan."
Nagsabi sa kanila ang ama nila: "Hindi ko siya ipadadala kasama ninyo hanggang sa magbigay kayo sa akin ng isang tipan kay Allāh na nagtitiyak na talagang ibabalik ninyo siya sa akin, maliban kung mapaliligiran kayo [ng kapahamakan] nang sama-sama, walang ititira kabilang sa inyo na isa man, at hindi ninyo kakayaning pigilin iyon ni makabalik." Kaya noong nagbigay sila sa kanya ng tipang tumitiyak kay Allāh niyon ay nagsabi siya: "Si Allāh ay saksi sa anumang sinasabi natin kaya nakasasapat sa atin ang pagsaksi Niya."
Nagsabi sa kanila ang ama nila habang nagtatagubilin sa kanila: "Huwag kayong pumasok sa Ehipto mula sa pintong nag-iisa na mga magkakasama, subalit pumasok kayo mula sa mga pintong nagkakaiba-iba sapagkat iyon ay higit na ligtas laban sa pagsasabay-sabay sa inyo ng isa sa kapinsalaan kung ninais nito iyon sa inyo. Hindi ako nagsasabi sa inyo niyon upang magtulak palayo sa inyo ng isang kapinsalaang ninais ni Allāh sa inyo. Hindi ako nakapagdudulot para sa inyo ng isang kapakinabangang hindi ninais ni Allāh sapagkat ang pagtatadhana ay hindi magaganap malibang pagtatadhana ni Allāh at ang utos ay hindi matutupad malibang utos Niya. Sa Kanya - tanging sa Kanya - ako nagtiwala sa lahat ng mga kapakanan ko at sa Kanya - tanging sa Kanya - magtiwala ang mga nagtitiwala sa mga kapakanan nila."
Kaya lumisan sila habang kasama nila ang kapatid na buo ni Yusuf. Noong nakapasok sila mula sa mga pintuang magkakaiba-iba, kung saan ipinag-utos sa kanila ng ama nila, hindi nangyaring nakapigil sa kanila ang pagpasok nila mula sa mga pintong nagkakaiba-iba laban sa anumang kabilang sa itinakda ni Allāh sa kanila. Ito ay bahagi lamang ng awa ni Jacob sa mga anak niya, na inihayag niya at itinagubilin niya sa kanila. Siya ay nakaaalam na walang pagtatadhanang magaganap malibang pagtatadhana ni Allāh sapagkat siya ay nakaaalam sa itinuro ni Allāh sa kanya na pananampalataya sa pagtatakda at paggawa sa mga kadahilanan, subalit ang higit na marami sa mga tao ay hindi nakaaalam niyon.
Noong nakapasok ang mga kapatid ni Yusuf sa kinaroroonan ni Yusuf habang kasama nila ang kapatid niyang buo, inilapit niya sa kanya ang kapatid niyang buo at nagsabi siya rito nang palihim: "Tunay na ako mismo ay ang kapatid mong buo, si Yusuf, kaya huwag kang malungkot sa pinaggagawa noon ng mga kapatid mo na mga gawaing salawahan gaya ng pananakit, paghihinanakit sa atin, at pagtapon nila sa akin sa balon."
Kaya noong nautusan ni Yusuf ang mga tagapaglingkod niya ng pagkarga sa mga kamelyo ng mga kapatid niya ng pagkain, inilagay niya ang pantakal ng hari na ipinantatakal sa pagkain para sa mga mamimili ng pagkain sa lalagyan ng kapatid niyang buo nang walang kaalaman nila sa paglalayong panatilihin ito kasama niya. Noong nakalisan sila pauwi sa mag-anak nila ay may nanawagang isang tagapanawagan nakabuntot sa kanila: "O mga may-ari ng mga kamelyong kinargahan ng mga panustos, tunay na kayo ay talagang mga magnanakaw."
Nagsabi ang mga kapatid ni Yusuf at lumapit sa tagapanawagang nakabuntot sa kanila at kasama niyon na mga kasamahan niyon: "Ano ang nawala mula sa inyo upang paratangan ninyo kami ng pagnanakaw."
Nagsabi ang tagapanawagan at ang kasama niyang mga kasamahan niya sa mga kapatid ni Yusuf: "Naglaho sa amin ang salop ng hari na ipinantatakal. Ukol sa sinumang makapagdadala ng salop ng hari bago ng pagsisiyasat ay isang kabayaran, na isang pasan ng kamelyo, at ako ay tagapaggarantiya sa kanya roon."
Nagsabi sa mga iyon ang mga kapatid ni Yusuf: "Sumpa man kay Allāh, talaga ngang nalaman ninyo ang kawalang-kaugnayan namin at ang kawalang-sala namin gaya ng nakita ninyo mula sa mga kalagayan namin, at na kami ay hindi dumating sa Lupain ng Ehipto upang manggulo roon. Hindi nangyaring kami sa buhay namin ay mga magnanakaw."
Nagsabi ang tagapanawagan at ang mga kasamahan niya: "Kaya ano ang ganti sa sinumang nagnakaw buhat sa inyo kung nangyaring kayo ay mga sinungaling sa pag-aangkin ninyo ng kawalang-sala sa pagnanakaw?"
Nagsabi sa mga iyon ang mga kapatid ni Yusuf: "Ang ganti sa magnanakaw sa ganang amin ay; na ang sinumang natagpuan ang ninakaw sa lalagyan niya ay magsusuko ng sarili niya sa ninakawan upang alipinin siya. Ang tulad ng ganting ito sa pamamagitan ng pang-aalipin ay iginaganti namin sa mga magnanakaw."
Kaya nagpabalik ang mga iyon sa kanila kay Yusuf upang siyasatin ang mga lalagyan nila. Nagsimula si Yusuf sa pagsiyasat sa mga lalagyan ng mga kapatid niyang hindi buo bago ng pagsisiyasat sa lalagyan ng kapatid niyang buo bilang pagtatakip sa panlalalang. Pagkatapos ay siniyasat niya ang lalagyan ng kapatid niyang buo at inilabas ang salop ng hari mula roon. Kung paanong nagpakana si Allāh para kay Yusuf sa pamamagitan ng pagpapanukala ng paglalagay ng salop sa lalagyan ng kapatid niya, nagpakana pa para sa kanya ng iba pang bagay: na magpapataw ang mga kapatid niya ayon sa parusa ng bayan nila sa pamamagitan ng pang-aalipin sa magnanakaw. Ang bagay na ito ay hindi maisasakatuparan kung sakaling ginawa ito ayon sa parusa ng hari para sa magnanakaw, na paghahagupit at pagpapamulta, malibang lumuob si Allāh ng iba pang panukala sapagkat Siya ay nakakakaya niyon. Inaangat ni Allāh ang mga ranggo ng sinumang niloloob Niya kabilang sa mga lingkod Niya kung paanong inangat Niya ang ranggo ni Yusuf. Sa ibabaw ng bawat nagtataglay ng kaalaman ay isang higit na maalam kaysa sa kanya at sa ibabaw ng kaalaman ng lahat ay ang kaalaman ni Allāh na nakaaalam sa bawat bagay.
Nagsabi ang mga kapatid ni Yusuf: "Kung nagnakaw siya ay walang kataka-taka sapagkat nagnakaw na ang isang kapatid niyang buo noon, bago ng pagnanakaw niya mismo." Tinutukoy nila si Yusuf - sumakanya ang pangangalaga - ngunit nagkubli si Yusuf ng pagkasakit ng damdamin niya sa pinagsasabi nilang ito at hindi niya inilantad ito sa kanila. Nagsabi siya sa sarili niya: "Ang taglay ninyong inggit at paggagawa ng kasagwaan ay nauna na mula sa inyo. Ito ay ang kasamaan mismo sa kalagayang ito. Si Allāh ay higit na nakaaalam sa paggawa-gawang ito na namumutawi mula sa inyo."
Nagsabi ang mga kapatid ni Yusuf kay Yusuf: "O makapangyarihan, tunay na siya ay may isang amang matandang labis sa edad na umiibig sa kanya nang higit, kaya dakpin mo po ang isa sa amin bilang pamalit niya. Tunay na kami ay nakakikita sa iyo bilang kabilang sa mga tagagawa ng maganda sa pakikitungo sa amin at pakikitungo sa iba pa sa amin kaya magmagandang-loob ka sa amin sa pamamagitan niyon."
Nagsabi si Yusuf - sumakanya ang pangangalaga: "Hinihiling ang pagkupkop ni Allāh na lumabag kami sa katarungan sa isang walang-sala dahil sa krimen ng tagalabag sa katarungan para manghuli kami ng iba pa sa sinumang natagpuan namin ang salop ng hari sa lalagyan niya; tunay na kami, kung ginawa namin iyon, ay talagang mga tagalabag sa katarungan yayamang nagparusa kami sa isang walang-sala at nagpalampas kami sa isang may-sala."
Kaya noong nawalan na sila ng pag-asa sa pagtugon ni Yusuf sa hiling nila, nagsarilinan sila palayo sa mga tao para sa pagsasanggunian. Nagsabi ang kapatid nilang matanda: "Nagpapaalaala ako sa inyo na ang ama ninyo ay tumanggap sa inyo ng tipan kay Allāh na nagbibigay-diin na ibabalik ninyo sa kanya ang anak niya malibang pumalibot sa inyo ang hindi niya nakakayang pigilin. Mula ng bago pa niyon ay nagwalang-bahala nga kayo kaugnay kay Yusuf at hindi kayo tumupad sa tipan ninyo sa ama ninyo kaugnay kay Yusuf. Kaya hindi ko iiwan ang Lupain ng Ehipto hanggang sa magpahintulot sa akin ang ama ko ng bumalik sa kanya o humusga si Allāh sa akin ng pagkuha sa kapatid ko. Si Allāh ay ang pinakambuti sa mga tagahusga sapagkat Siya ay humuhusga ayon sa totoo at katarungan."
Nagsabi pa ang kapatid na matanda: "Umuwi kayo sa ama ninyo at sabihin ninyo sa kanya: 'Tunay na ang anak mo ay nagnakaw kaya inalipin siya ng makapangyarihan ng Ehipto bilang kaparusahan sa kanya sa pagnanakaw niya. Walang naipabatid sa amin kundi ayon sa nalaman namin mula sa pagkasaksi namin sa salop na inilabas mula sa lalagyan niya. Hindi nangyaring mayroon kaming kaalaman na siya ay magnanakaw. Kung sakaling nalaman namin iyon ay hindi kami makikipagkasunduan sa iyo ng pagpapanumbalik sa kanya.
Upang makapagpatotoo sa katapatan namin, tanungin mo po, O ama namin, ang mga mamamayan ng Ehipto na kami dati ay naroon at tanungin mo po ang mga kasama sa karaban na pumunta kami kasama ng mga iyon, magpapabatid sila sa iyo ng ipinabatid namin sa iyo. Tunay na kami ay talagang totohanang mga tapat sa ipinabatid namin sa iyo na pagnanakaw niya.'"
Nagsabi sa kanila ang ama nila: "Ang usapin ay hindi gaya ng binanggit ninyo na pangyayaring siya ay nagnakaw, bagkus pinaganda sa inyo ng mga sarili ninyo na manlansi kayo sa kanya kung paanong nanlansi kayo sa kapatid niyang si Yusuf mula noon. Kaya isang pagtitiis na maganda [ang pagtitiis ko]: walang hinaing dito kundi kay Allāh. Sana si Allāh ay magpanumbalik sa kanila sa akin sa kalahatan: si Yusuf at ang kapatid niyang buo, at ang matandang kapatid nilang dalawa. Tunay na Siya - napakamaluwalhati Niya - ay ang Maalam sa kalagayan ko, ang Marunong sa pangangasiwa Niya sa kapakanan ko."
Lumisan siya na umaayaw sa kanila at nagsabi: "Ah, ang tindi ng lungkot ko dahil kay Yusuf!" Ang kaitiman ng dalawang mata niya ay naging puti dahil sa dalas ng pag-iyak niya dahil kay Yusuf sapagkat siya ay puno ng kalungkutan at pag-aalala. Ikinukubli niya ang lungkot niya sa mga tao.
Nagsabi ang mga kapatid ni Yusuf sa ama nila: "Sumpa man kay Allāh, hindi ka tumitigil, O ama namin, na umaalaala kay Yusuf at nagdurusa dahil sa kanya hanggang sa tumindi sa iyo ang karamdaman o masasawi ka na talaga."
Nagsabi sa kanila ang ama nila: "Hindi ako naghihinaing ng dumapo sa akin na pag-aalala at lungkot kundi kay Allāh - tanging sa Kanya - at nakaaalam ako mula sa kabaitan ni Allāh, pagmamagandang-loob Niya, pagtugon Niya sa nagigipit, at ganti Niya sa nagdurusa ng hindi ninyo nalalaman mismo."
Nagsabi sa kanila ang ama nila: "O mga anak ko, umalis kayo at tumuklas kayo ng mga ulat tungkol kay Yusuf at sa kapatid niya. Huwag kayong mawalan ng pag-asa sa pagpapaginhawa ni Allāh at pag-aaliw Niya sa mga lingkod Niya; tunay na walang nawawalan ng pag-asa sa pagpapaginhawa Niya at pag-aaliw Niya kundi ang mga taong tagatangging sumampalataya dahil sila ay hindi nakababatid sa pagkadakila ng kakayahan Niya at pagkakubli ng pagmamabuting-loob Niya sa mga lingkod Niya."
Kaya sumunod sila sa utos ng ama nila at umalis sila dahil sa paghahanap kay Yusuf at sa kapatid niya. Noong nakapasok sila sa kinaroroonan ni Yusuf ay nagsabi sila: "Dumapo sa amin ang kagipitan at ang karalitaan. Dumating kami nang may dalang panindang hamak na mumurahin, ngunit magtakal ka po para sa amin ng pagtatakal na lubos gaya ng pagtatakal mo mula noon para sa amin noong una. Magkawanggawa ka po sa amin sa pamamagitan ng pagdaragdag doon o pagwawalang-bahala sa kalidad ng paninda naming hamak; tunay na si Allāh ay gumaganti sa mga tagapagkawanggawa ayon sa pinakamagandang ganti."
Kaya noong narinig niya ang pananalita nila ay nagsampatiya siya sa kanila dala ng pagkaawa sa kanila. Nagpakilala siya sa kanila ng sarili niya. Nagsabi siya: "Nalaman nga ba ninyo ang ginawa ninyo kay Yusuf at sa kapatid niya nang kayo ay mga mangmang sa kahihinatnan ng ginawa ninyo sa kanilang dalawa?"
Nagulat sila at nagsabi sila: "Tunay na ikaw nga ba ay talagang si Yusuf?" Nagsabi sa kanila si Yusuf: "Oo; ako nga si Yusuf at itong nakikita ninyo kasama ko ay ang kapatid kong buo. Nagmagandang-loob nga si Allāh sa amin sa pamamagitan ng paglaya mula sa dating kalagayan namin at ng pag-angat ng katayuan. Tunay na ang sinumang mangingilag magkasala kay Allāh sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ipinag-uutos Niya at pag-iwas sa mga sinasaway Niya, at magtitiis sa pagsubok, tunay na ang gawa niya ay bahagi ng pagmamagandang-loob. Si Allāh ay hindi magwawala sa pabuya sa mga tagagawa ng maganda, bagkus nangangalaga Siya nito para sa kanila."
Nagsabi sa kanya ang mga kapatid niya, na mga humihingi ng paumanhin dahil sa pinaggagawa nila sa kanya: "Sumpa man kay Allāh, talaga ngang itinangi ka ni Allāh kaysa sa amin dahil sa ibinigay Niya sa iyo na mga katangian ng kalubusan. Talaga ngang kami noon kaugnay sa pinaggagawa namin sa iyo ay mga tagagawa ng masagwa na mga tagalabag sa katarungan."
Kaya tinanggap ni Yusuf ang paghingi nila ng paumanhin at nagsabi siya: "Walang paninisi sa inyo sa araw na ito, na humihiling ng kaparusahan ninyo ni pambabatikos. Hinihiling ko kay Allāh na magpatawad Siya sa inyo. Siya - napakamaluwalhati Niya - ay ang pinakamaawain sa mga naaawa."
Kaya ibinigay ni Yusuf sa kanila ang kamisa niya noong naipaalam nila sa kanya ang kinahinatnan ng paningin ng ama niya at nagsabi siya: "Umalis kayo kalakip ng kamisa kong ito at ilagay ninyo sa mukha ng ama ko, manunumbalik ang paningin niya. Dalhin ninyo sa akin ang mga mag-anak ninyo sa kalahatan nila."
Noong nakalabas ang karaban paalis ng Ehipto at humiwalay ito sa kabihasnan mula roon ay nagsabi si Jacob - sumakanya ang pangangalaga - sa mga anak niya at sinumang nasa piling niya sa lupain niya: "Tunay na ako ay talagang nakaamoy ng amoy ni Yusuf, kung sakaling hindi kayo magtuturing ng pagkamangmang sa akin at mag-uugnay sa akin sa pagkahukluban sa pamamagitan ng pagsabi ninyo: Ito ay matandang hukluban, na nagsasabi ng hindi niya nalalaman."
Nagsabi ang mga nasa piling niya kabilang sa mga anak niya: "Sumpa man kay Allāh, tunay na ikaw ay hindi natitigil sa naunang pagkahibang mo sa pumapatungkol sa kalagayan ni Yusuf sa ganang iyo at sa posibilidad ng pagkakita sa kanya sa muli."
Kaya noong nakarating ang tagapag-ulat na may dala ng ikatutuwa ni Jacob, ipinukol nito ang kamisa ni Yusuf sa mukha niya kaya siya ay naging nakakikita. Sa sandaling iyon ay nagsabi siya sa mga anak niya: "Hindi ba sinabi ko sa inyo na tunay na ako ay nakaaalam mula sa kabaitan ni Allāh at pagmamagandang-loob Niya ng hindi ninyo nalalaman mismo?"
Nagsabi ang mga anak niya sa ama nilang si Jacob - sumakanya ang pangangalaga - na mga humihingi ng paumanhin sa ginawa nila kay Yusuf at sa kapatid nito: "O ama namin, humingi ka po kay Allāh ng kapatawaran para sa mga pagkakasala naming nauna; tunay na kami noon ay mga nagkakasala na mga gumagawa ng masagwa sa ginawa namin kay Yusuf at sa kapatid niyang buo."
Nagsabi sa kanila ang ama nila: "Hihiling ako para sa inyo ng kapatawaran mula sa Panginoon ko; tunay na Siya ay ang Mapagpatawad sa mga pagkakasala ng mga nagbabalik-loob kabilang sa mga lingkod Niya, ang Maawain sa kanila."
Lumabas si Jacob at ang mag-anak nito mula sa lupain nito habang mga nagsasadya kay Yusuf sa Ehipto. Kaya noong nakapasok sila sa kinaroroonan ni Yusuf, pinatuloy niya sa kanya ang ama niya at ang ina niya at nagsabi siya sa mga kapatid niya at mag-anak nila: "Pumasok kayo sa Ehipto ayon sa kalooban ni Allāh, na mga natitiwasay; walang dadapo sa inyo rito na pananakit."
Pinaupo ni Yusuf ang mga magulang niya sa supa na inuupuan niya at binati siya ng mga magulang niya at mga kapatid niyang labing-isa sa pamamagitan ng pagpapatirapa. Ito ay pagpapatirapa ng pagpaparangal hindi ng pagsamba, bilang pagsasakatotohanan sa utos ni Allāh gaya ng sa mga panaginip. Dahil dito, nagsabi si Yusuf - sumakanya ang pangangalaga - sa ama niya: "Ang pagbating ito sa pamamagitan ng pagpapatirapa sa akin mula sa inyo ay ang pagpapakahulugan sa panaginip kong nakita ko mula noon at isinalaysay ko sa iyo. Ginawa ngang totoo ito ng Panginoon ko sa pagkaganap nito. Nagmagandang-loob nga sa akin ang Panginoon ko nang nagpalabas Siya sa akin mula sa pagkabilanggo at nang naghatid Siya sa inyo mula sa ilang matapos na nanggulo ang demonyo sa pagitan ko at ng mga kapatid ko. Tunay na ang Panginoon ko ay Mabait sa pangangasiwa Niya sa anumang niloloob Niya. Tunay na Siya ay ang Maalam sa mga kalagayan ng mga lingkod Niya, ang Marunong sa pangangasiwa Niya."
Pagkatapos ay dumalangin si Yusuf sa Panginoon niya at nagsabi: "O Panginoon ko, nagbigay Ka sa akin ng paghahari sa Ehipto at nagturo Ka sa akin ng pagpapahayag ng mga panaginip. O Tagapaglikha ng mga langit at lupa at Tagapagpasimula ng mga ito nang walang naunang pagkakatulad, Ikaw ay ang tumatangkilik sa lahat ng mga kapakanan ko sa buhay sa Mundo at ang tumatangkilik sa lahat ng mga ito sa Kabilang-buhay. Kunin Mo ako sa sandali ng pagwawakas ng taning ko bilang isang Muslim at isama Mo ako sa mga propetang mga matuwid kabilang sa mga ninuno ko at iba pa sa kanila sa Kataas-taasang Paraiso [Al-Firdaws] ng Paraiso."
Ang nabanggit na iyon mula sa kasaysayan ni Yusuf at mga kapatid niya ay isinisiwalat Namin sa iyo, O Sugo. Hindi ka noon nagkaroon ng kaalaman dito yayamang hindi ka noon naroon sa piling ng mga kapatid ni Yusuf nang nagpasya sila sa pagtatapon sa kanya sa kailaliman ng balon at nagpakana sila ng ipinakana nilang panlalalang, subalit Kami ay nagsiwalat sa iyo niyon.
Ang higit na marami sa mga tao ay hindi mga mananampalataya, kahit pa man nagkaloob ka, O Sugo, ng buong pagsisikap upang sumampalataya sila. Kaya huwag masawi ang sarili mo dahil sa kanila sa panghihinayang.
Kung sakaling nakaunawa sila ay talaga sanang sumampalataya sila dahil ikaw ay hindi humiling sa kanila ng gantimpala, O Sugo, dahil sa Qur'ān ni dahil sa nag-aanyaya ka sa kanila rito sapagkat walang iba ang Qur'ān kundi isang pagpapaalaala para sa lahat ng mga tao.
Marami ang mga tandang nagpapatunay sa pagka-iisa Niya - napakamaluwalhati Niya - na nakakalat sa mga langit at sa lupa, na dumaraan sila sa mga iyon samantalang sila sa pagmumuni-muni sa mga iyon ay mga umaayaw, na hindi pumapansin sa mga iyon.
Hindi sumasampalataya ang higit na marami sa kanila kay Allāh na Siya ay ang Tagapaglikha, ang Palatustos, ang Tagapagbigay-buhay, ang Tagapagbigay-kamatayan malibang habang sila ay sumasamba kasama Niya sa iba pa sa Kanya gaya ng mga rebulto at mga anito at nag-aangkin na mayroon Siyang anak - napakamaluwalhati Niya.
Kaya natitiwasay ba ang mga tagapagtambal na ito na darating sa kanila ang isang kaparusahan sa Mundo na babatbat sa kanila at susuklob sa kanila, na hindi nila nakakakayang itulak iyon, o darating sa kanila ang Huling Sandali nang biglaan samantalang sila ay hindi nakadarama sa pagpunta nito para makapaghanda para rito kaya dahil doon hindi sila sumampalataya?
Sabihin mo, O Sugo, sa sinumang inaanyayahan mo: "Ito ay daan ko na nag-aanyaya ako sa mga tao tungo rito. Ayon sa katwirang maliwanag, nag-aanyaya tungo roon ako at nag-aanyaya tungo roon ang sinumang sumunod sa akin, napatnubayan sa patnubay ko, at nagsabuhay sa kalakaran ko. Hindi ako kabilang sa mga tagapagtambal kay Allāh, bagkus ako ay kabilang sa mga naniniwala sa kaisahan Niya - napakamaluwalhati Niya."
Hindi Kami nagpadala mula noong wala ka pa, O Sugo, kundi ng mga lalaki, na kabilang sa mga tao, hindi mga anghel, na nagsiwalat Kami sa kanila gaya ng pagkasiwalat Namin sa iyo, na kabilang sa mga naninirahan sa mga lungsod hindi kabilang sa mga naninirahan sa mga ilang, ngunit nagpasinungaling sa kanila ang mga kalipunan nila kaya nagpahamak Kami sa mga iyon. Kaya hindi ba naglakbay ang mga tagapagpasinungaling na ito sa iyo sa lupa para magmuni-muni sila kung papaano ang naging wakas ng mga tagapagpasinungaling kabilang sa nauna sa kanila? Talagang ang tahanan sa Kabilang-buhay ay higit na mabuti para sa mga nangilag magkasala; kaya hindi ba kayo nakauunawa?
Ang mga sugong ito na isinusugo Namin ay nagpalugit Kami sa mga kaaway ng mga ito at hindi Kami nagmamadali sa kanila sa pagpaparusa bilang pagpapain sa kanila hanggang sa, nang naantala ang pagpapahamak sa kanila at nawalan ng pag-asa ang mga sugo sa pagkapahamak sa kanila at nag-akala ang mga tagatangging sumampalataya na ang mga sugo nila ay nagsinungaling sa kanila sa ipinangako ng mga ito sa kanila na kaparusahan para sa mga tagapagpasinungaling at pagliligtas sa mga mananampalataya, dumating naman ang pag-aadya Namin para sa mga sugo Namin. Nailigtas ang mga sugo at ang mga mananampalataya mula sa pagkahamak na magaganap sa mga tagapagpasinungaling. Hindi mapipigil ang pagpaparusa Namin sa mga taong salarin kapag magbababa Kami nito sa kanila.
Talaga ngang sa mga kasaysayan ng mga sugo, mga kasaysayan ng mga kalipunan nila, at sa kasaysayan ni Yusuf at ng mga kapatid niya ay may naging pangaral na napangangaralan sa pamamagitan nito ang mga may mga isip na malusog. Ang Qur'ān na naglalaman niyon ay hindi pananalitang kinatha-katha na ipinagsinungaling laban kay Allāh, bagkus ito ay pagpapatotoo sa mga kasulatang makalangit na ibinaba mula sa ganang kay Allāh, isang masusing pagpapaliwanag sa bawat nangangailangan ng masusing pagpapaliwanag na mga patakaran at mga batas, isang paggagabay sa bawat mabuti, at isang awa para sa mga taong sumasampalataya rito sapagkat sila ay nakikinabang sa anumang narito.