ترجمة سورة الحج

الترجمة الفلبينية (تجالوج) للمختصر في تفسير القرآن الكريم
ترجمة معاني سورة الحج باللغة الفلبينية من كتاب الترجمة الفلبينية (تجالوج) للمختصر في تفسير القرآن الكريم .
من تأليف: مركز تفسير للدراسات القرآنية .

O mga tao, mangilag kayong magkasala sa Panginoon ninyo sa pamamagitan ng pagsunod sa anumang ipinag-utos Niya sa inyo at magpigil kayo sa anumang sinaway Niya sa inyo! Tunay na ang sumasabay sa Araw ng Pagbangon na pagyanig ng lupa at iba pa rito na mga hilakbot ay isang bagay na sukdulan na kinakailangan ang paghahanda para rito sa pamamagitan ng paggawa ng ikinalulugod ni Allāh.
Sa Araw na masasaksihan ninyo ito, malilingat ang bawat tagapagpasuso sa pasusuhin nito, mailalaglag ng bawat babaing may dinadala [sa sinapupunan] ang dinadala nito dahil sa tindi ng pangamba, at makikita mo ang mga tao na dala ng paglaho ng mga isip nila ay tulad ng mga lasing dahil sa tindi ng kahilakbutan ng kalagayan gayong hindi naman sila lasing sa pag-inom ng alak subalit ang pagdurusa mula kay Allāh ay matindi sapagkat nag-alis ito sa kanila ng mga isip nila.
May mga tao na nakikipaghidwaan hinggil sa kakayahan ni Allāh sa pagbubuhay ng mga patay nang walang kaalamang pinagbabatayan, at sumusunod sa paniniwala at pananalita sa bawat naghihimagsik sa Panginoon na kabilang sa mga demonyo at kabilang sa mga pasimuno ng pagkaligaw.
Itinakda sa tagapaghimagsik na iyon kabilang sa mga demonyo ng tao at jinn na ang sinumang sumunod sa kanya at naniwala sa kanya, tunay na siya ay magliligaw rito palayo sa daan ng katotohanan at maghahatid dito sa pagdurusa sa Apoy dahil sa pag-aakay niya rito sa kawalang-pananampalataya at mga pagsuway.
O mga tao kung nangyaring mayroon kayong pagdududa sa kakayahan Namin sa pagbubuhay sa inyo matapos ng kamatayan, magnilay-nilay kayo sa pagkakalikha sa inyo. Nilikha Namin ang ama ninyong si Adan mula sa alabok. Pagkatapos ay nilikha Namin ang mga supling niya mula sa punlay na pinalalabas ng lalaki sa sinapupunan ng babae. Pagkatapos ay nagbagong-anyo ang punlay na naging namuong dugo. Pagkatapos ay nagbagong-anyo ang namuong dugo para maging isang piraso ng laman na nakawawangis ng piraso ng lamang nginuya. Pagkatapos ay nagbagong-anyo ang piraso ng laman para maging isang nilikhang lubos, na mananatili sa sinapupunan hanggang sa lumabas na isang sanggol na buhay o para maging isang nilikhang hindi lubos, na ilalaglag ng sinapupunan, upang maglinaw Kami sa inyo ng kakayahan Namin sa paglikha sa inyo sa mga antas. Nagpapatatag Kami sa loob ng mga sinapupunan ng niloloob Namin na mga fetus hanggang sa isilang ito sa panahong itinakda na siyam na buwan. Pagkatapos ay nagpapalabas Kami sa inyo mula sa mga tiyan ng mga ina ninyo bilang mga bata, pagkatapos upang makarating kayo sa kalubusan ng lakas at isip. Mayroon sa inyo na namamatay bago niyon. Mayroon sa inyo na nabubuhay hanggang sa umabot sa edad ng pag-uulyanin kung kailan humihina ang lakas at humihina ang isip hanggang sa maging higit na masahol sa kalagayan kaysa sa bata, na hindi nakaaalam ng anuman mula sa dating nalalaman. Nakakikita ka na ang lupa ay tuyot, na walang halaman dito, ngunit kapag nagbaba Kami sa ibabaw nito ng tubig ng ulan ay namumukadkad ito sa mga halaman, umaangat ito dahilan sa paglago ng mga halaman nito, at nagpapalabas ito ng bawat uri ng mga halamang magandang pagmasdan.
Ang nabanggit Naming iyon sa inyo - na pagsisimula sa paglikha sa inyo, mga antas nito, at mga kalagayan ng ipinanganganak sa inyo - ay upang sumampalataya kayo na si Allāh na lumikha sa inyo ay ang Totoo na walang pagdududa hinggil dito, na salungat naman sa sinasamba ninyo na mga diyus-diyusan ninyo, at upang sumampalataya kayo na Siya ay nagbibigay-buhay sa mga patay, na Siya sa bawat bagay ay May-kakayahan: hindi Siya napanghihina ng anuman,
upang sumampalataya kayo na ang Huling Sandali ay darating, walang pagdududa sa pagdating nito, at na si Allāh ay bubuhay sa mga patay sa mga libingan nila upang gumanti sa kanila sa mga gawa nila.
May mga tagatangging sumampalataya na nakikipagtalo hinggil sa paniniwala sa kaisahan ni Allāh nang walang kaalamang taglay nila na makararating sila sa pamamagitan nito sa katotohanan, ni pagsunod sa isang tagapagpatnubay na gagabay sa kanila roon, ni isang aklat na tagapagtanglaw na ibinaba mula sa kay Allāh, na papatnubay sa kanila tungo sa Kanya.
Pumipilipit ng leeg niya dala ng pagmamalaki upang magpalihis sa mga tao palayo sa pananampalataya at pagpasok sa relihiyon ni Allāh, ukol sa sinumang ito ang paglalarawan sa kanya ay pagkahamak sa Mundo dahil sa ipapataw sa kanya na parusa. Magpapalasap Kami sa kanya sa Kabilang-buhay ng pagdurusa sa Apoy na tagasunog.
Sasabihin sa kanya: "Ang pagdurusang iyon na lalasapin mo ay dahilan sa nakamit mo na kawalang-pananampalataya at mga pagsuway. Si Allāh ay hindi nagdudulot ng pagdurusa sa isa man sa nilikha Niya malibang dahil sa pagkakasala."
Mayroon sa mga tao na nalilito: sumasamba kay Allāh ayon sa pagdududa. Kaya kapag may dumapo sa kanya na isang mabuti gaya ng kalusugan at yaman, nagpapatuloy siya sa pananampalataya niya at pagsamba niya kay Allāh; at kapag may dumapo sa kanya na isang pagsusulit gaya ng karamdaman at karalitaan, nagmamasama siya sa relihiyon niya at tumatalikod palayo rito. Nalugi siya sa Mundo niya sapagkat hindi magdaragdag sa kanya ang kawalang-pananampalataya niya ng isang bahagi mula sa Mundo, na hindi itinakda para sa kanya. Nalugi siya sa Kabilang-buhay niya dahil sa daranasin niyang pagdurusang dulot ni Allāh. Iyon ay ang pagkaluging maliwanag.
Dumadalangin siya, sa halip kay Allāh, sa mga diyus-diyusan na hindi nakapipinsala sa kanya kung sumuway siya sa mga ito at hindi nagpapakinabang sa kanya kung tumalima siya sa mga ito. Ang pagdalanging iyon sa mga diyus-diyusan ay hindi nakapipinsala at hindi nagpapakinabang. Iyon ay ang pagkaligaw na malayo sa katotohanan.
Dumadalangin ang tagatangging sumampalataya na ito na sumasamba sa mga diyus-diyusan sa isang ang pinsala nitong napatotohanan ay higit na malapit kaysa ang pakinabang nitong nawawala. Talagang kay sagwa ang sinasambang ang pinsala nito ay higit na malapit kaysa ang pakinabang nito, at kay sagwa bilang isang tagapag-adya para sa sinumang nagpapaadya rito at bilang isang kasama para sa sinumang sumasama rito.
Tunay na si Allāh ay magpapapasok sa mga sumampalataya at gumawa ng mga gawaing maayos sa mga hardin na dumadaloy ang mga ilog mula sa ilalim ng mga palasyo ng mga ito. Tunay na si Allāh ay gumagawa ng anumang ninanais Niya na pagkaawa sa sinumang kinaaawaan Niya at pagparusa sa sinumang pinarurusahan Niya. Walang tagapilit sa Kanya - kaluwalhatian sa Kanya.
Ang sinumang nag-aakala na si Allāh ay hindi mag-aadya sa Propeta Niya - ang pagpapala at ang pangangalaga ay sumakanya - sa Mundo at Kabilang-buhay ay magpaabot siya ng isang lubid sa bubungan ng bahay niya. Pagkatapos ay magbigti siya gamit nito sa pamamagitan ng pag-angat sa sarili niya palayo sa lupa. Pagkatapos ay tumingin siya: mag-aalis nga ba iyon ng anumang natatagpuan niya sa sarili na ngitngit? Si Allāh ay tagapag-adya ng Propeta Niya, loobin man ng nagmamatigas o tanggihan.
Kung paanong naglinaw para sa inyo ng mga katwirang maliwanag sa pagbubuhay na muli, nagbaba naman kay Muḥammad - ang pagpapala at ang pangangalaga ay sumakanya - ng Qur'ān bilang mga talata na nagpapaliwanag, at dahil si Allāh ay nagtutuon sa pamamagitan ng kabutihang-loob Niya sa sinumang niloloob Niya sa landas ng kapatnubayan.
Tunay na ang mga sumampalataya kay Allāh kabilang sa Kalipunang ito, ang mga nagpakahudyo, ang mga Sabeano (isang pangkat ng mga tagasunod ng ilan sa mga propeta), ang mga Kristiyano, ang mga tagasamba ng apoy, at ang mga tagasamba ng mga diyus-diyusan, tunay na si Allāh ay maghuhusga sa pagitan nila sa Araw ng Pagbangon kaya papasok ang mga mananampalataya sa Paraiso at papasok ang mga iba pa sa kanila sa Apoy. Tunay na si Allāh sa bawat anuman sa mga sinasabi ng mga lingkod Niya at mga ginagawa nila ay Saksi: walang naikukubli sa Kanya mula sa mga ito na anuman. Gaganti Siya sa kanila sa mga ito.
Hindi mo ba nalaman, O Sugo, na kay Allāh ay nagpapatirapa ayon sa pagpapatirapa ng pagtalima ang sinumang nasa mga langit na mga anghel, at ang sinumang nasa lupa na mga mananampalatayang tao at jinn. Nagpapatirapa sa Kanya ang araw; nagpapatirapa sa Kanya ang buwan; at nagpapatirapa sa Kanya ang mga bituin sa langit, ang mga bundok, ang mga punong-kahoy, at ang mga hayop sa lupa ayon sa pagpapatirapa ng pagpapaakay. Nagpapatirapa sa Kanya ang marami sa mga tao ayon sa pagpapatirapa ng pagtalima. May maraming tumanggi sa pagpapatirapa sa Kanya bilang pagtalima kaya naging karapat-dapat sa kanila ang pagdurusang dulot ni Allāh dahil sa kawalang-pananampalataya nila. Ang sinumang hinusgahan ni Allāh ng pagkahamak at kaabahan dahil sa kawalang-pananampalataya niya ay wala sa kanyang isang magpaparangal. Tunay na si Allāh ay gumagawa ng anumang niloloob Niya sapagkat walang tagapilit sa Kanya.
Ang dalawang ito ay dalawang pangkat na nagkakaalitan hinggil sa Panginoon nila, kung alin sa kanila ang tama: ang pangkat ng pananampalataya at ang pangkat ng kawalang-pananampalataya. Ang pangkat ng kawalang-pananampalataya ay palilibutan ng apoy tulad ng pagpalibot ng mga kasuutan sa tagapagsuot ng mga ito. Ibubuhos mula sa ibabaw ng mga ulo nila ang tubig na labis-labis sa init.
Matutunaw sa pamamagitan nito ang nasa mga tiyan nila na mga bituka dahil sa tindi ng init nito, at aabot ito sa mga balat nito at tutunaw sa mga ito.
Ukol sa kanila sa Apoy ay mga pamukpok yari sa bakal na ipampapalo ng mga anghel sa mga ulo nila.
Sa tuwing tinatangka nila ang paglabas mula sa Apoy dahil sa tindi ng dinaranas nila na lumbay sa loob niyon ay ibinabalik sila roon at sinasabi sa kanila: "Lumasap kayo ng pagdurusa sa Apoy na tagasunog."
Ang pangkat ng pananampalataya, ang mga sumampalataya kay Allāh at gumawa ng mga gawang maayos, ay papapasukin ni Allāh sa mga hardin na dumadaloy mula sa ilalim ng mga palasyo ng mga ito at mga puno ng mga ito ang mga ilog. Magpapalamuti sa kanila si Allāh sa pamamagitan ng paggagayak sa kanila ng mga pulseras na ginto at magpapalamuti Siya sa kanila sa pamamagitan ng paggagayak ng mga mutya. Ang kasuutan nila sa mga iyon ay ang sutla.
Gumabay sa kanila si Allāh sa buhay sa Mundo tungo sa kaaya-aya sa mga sinasabi gaya ng pagsaksi na walang Diyos kundi si Allāh, at pagdakila at pagpupuri [sa Kanya]. Gumabay Siya sa kanila tungo sa kapuri-puring daan ng Islām.
Tunay na ang mga tumangging sumampalataya kay Allāh, naglilihis sa mga iba palayo sa pagpasok sa Islām, at sumasagabal sa mga tao sa Masjid na Pinakababanal, tulad ng ginawa ng mga tagapagtambal noong taon ng Ḥudaybīyah ay ipalalasap Namin sa kanila ang pagdurusang masakit. Yaong masjid na ginawa Naming qiblah para sa mga tao sa dasal nila at pinagdadausan ng mga gawain sa ḥajj at `umrah ay nagkakapantay roon ang taga-Makkah na naninirahan doon at ang nagsasadya roon na hindi kabilang sa mga naninirahan sa Makkah. Ang sinumang nagnanais doon ng isang paglihis palayo sa katotohanan sa pamamagitan ng pagkakasadlak sa anuman sa mga pagsuway nang sinasadya, magpapalasap Kami sa kanya ng isang pagdurusang nakasasakit.
Banggitin mo, O Sugo, noong nilinaw Namin para kay Abraham - sumakanya ang pangangalaga - ang pook ng Bahay at ang mga hangganan nito matapos na ito noon ay di-nalalaman. Nagkasi Kami sa kanya: "Huwag kang magtambal sa pagsamba sa Akin ng anuman bagkus sumamba ka sa Akin - tanging sa Akin - at magdalisay ka ng Bahay ko mula sa mga karumihang pisikal at espirituwal para sa mga pumapaligid dito at mga nagdarasal dito.
Manawagan ka sa mga tao habang nag-aanyaya sa kanila sa pagsasagawa ng ḥajj sa Bahay na ito na ipinag-utos Namin sa iyo ang pagpapatayo nito, pupunta sila sa iyo nang mga naglalakad o mga nakasakay sa bawat kamelyong nangayayat dahil sa dinanas na paglalakbay. Maghahatid sa kanila ang mga kamelyo, na nagdadala sa kanila mula sa malayong daan.
Ito ay upang dumalo sila sa magdudulot para sa kanila ng pakinabang na kapatawaran sa mga pagkakasala, pagtamo ng gantimpala, pag-iisa ng adhikain, at iba pa, at upang bumanggit sila sa pangalan ni Allāh sa kinakatay nila na mga alay sa mga araw na nalalaman: ang ikasampu ng Dhulḥijjah at tatlong araw matapos nito, bilang pasasalamat kay Allāh dahil sa itinustos Niya na mga kamelyo, mga baka, at mga tupa. Kaya kumain kayo mula sa mga alay na ito at magpakain kayo mula sa mga ito sa sinumang naging matindi ang karalitaan.
Pagkatapos ay lubusin nila ang natira sa kanila na mga gawain ng ḥajj nila at kumalas sila sa pamamagitan ng pag-aahit sa mga ulo nila, pagputol ng mga kuko nila, at pag-aalis ng duming naipon sa kanila dahilan sa iḥrām; tumupad sila sa inobliga nila sa mga sarili na ḥajj, o `umrah, o alay; at magsagawa sila ng ṭawāf ifāḍāh sa Bahay na pinalaya ni Allāh laban sa pangingibabaw ng mga manlulupig dito.
Yaong ipinag-utos sa inyo na pagkalas sa pamamagitan ng pag-ahit ng ulo, pagputol sa mga kuko, pag-aalis ng mga dumi, pagtupad sa panata, at pagligid sa Bahay ay ang inobliga ni Allāh sa inyo, kaya igalang ninyo ang inobliga ni Allāh sa inyo. Ang sinumang umiwas sa ipinag-utos ni Allāh na iwasan niya sa sandali ng iḥrām niya bilang paggalang mula sa kanya sa mga hangganan ni Allāh laban sa paglampas sa mga ito at sa mga pinakababanal Niya laban sa paglapastangan sa mga ito, iyon ay higit na mabuti para sa kanya sa Mundo at Kabilang-buhay sa ganang Panginoon niya - kaluwalhatian sa Kanya. Ipinahintulot para sa inyo, O mga tao, ang mga hayupan gaya ng mga kamelyo, mga baka, at mga tupa sapagkat hindi Siya nagbawal sa inyo mula sa mga ito gaya ng ḥāmī ni baḥīrah ni waṣīlah. Hindi Siya nagbawal mula sa mga ito maliban sa natatagpuan ninyo sa Qur'ān na pagbabawal sa patay [na hindi kinatay], dugo, at iba pa sa mga ito. Lumayo kayo sa karumihan na mga diyus-diyusan at lumayo kayo sa bawat salitang bulaan na pagsisinungaling laban kay Allāh o laban sa nilikha Niya.
Umiwas kayo roon bilang mga nakahilig palayo sa bawat relihiyon maliban pa sa relihiyon niyang kinalulugdan sa ganang Panginoon niya, na hindi mga tagapagtambal sa Kanya ng isa man sa pagsamba. Ang sinumang nagtatambal kay Allāh ay para bang lumagpak siya mula sa langit kaya maaaring dumagit ang mga ibon sa laman niya at buto niya o maghahagis sa kanya ang hangin sa isang pook na liblib.
Iyon ay ang ipinag-utos ni Allāh na paniniwala sa kaisahan Niya, pagpapakawagas sa Kanya, at pagwaksi sa mga diyus-diyusan at sa pagsabi ng kabulaanan. Ang sinumang dumadakila sa mga tanda ng relihiyon - kabilang sa mga ito ang alay at ang mga gawain sa ḥajj - tunay na ang paggalang sa mga ito ay bahagi ng pangingilag sa pagkakasala ng mga puso sa Panginoon ng mga ito.
Ukol sa inyo sa mga alay na kakatayin ninyo sa Bahay ay mga pakinabang tulad ng pagsakay, mga lana, mga anak ng hayop, at gatas hanggang sa isang yugtong tinatakdaan ng oras ng pagkakatay sa mga ito sa malapit sa Bahay ni Allāh at pinalaya Niya mula sa pangingibabaw ng mga manlulupig.
Para sa bawat kalipunang nagdaan ay nagtalaga ng isang pamamaraan ng pagpapadanak ng mga dugo ng hayop bilang alay kay Allāh sa pag-asang bumanggit sila sa pangalan ni Allāh sa kinakatay nila mula sa mga alay na iyon sa sandali ng pagkakatay bilang pasasalamat kay Allāh sa itinustos Niya sa kanila na mga kamelyo, mga baka, at mga tupa. Ang sinasamba ninyo ayon sa karapatan, o mga tao, ay nag-iisang sinasamba: walang katambal sa Kanya, kaya sa Kanya - tanging sa Kanya - kayo magpaakay sa pamamagitan ng pagpapasailalim at pagtalima. Magpabatid ka, O Sugo, sa mga tagapagpakumbabang nagpapakawagas ng magpapatuwa sa kanila.
na kapag nabanggit si Allāh ay nangangamba sila sa parusa Niya kaya umiiwas sila sa pagsalungat sa utos Niya, nagsasagawa sila ng dasal nang lubusan, nagtitiis sila kung may dumapo sa kanila na isang pagsusulit, at gumugugol sila sa mga uri ng pagpapakabuti mula sa itinustos ni Allāh sa kanila.
Ang mga kamelyo at ang mga baka na inaalay doon sa Bahay [ni Allāh] ay ginawa ang mga ito para sa inyo na mga sagisag ng Relihiyon at mga tanda nito. Ukol sa inyo sa mga ito ay mga pakinabang na pangrelihiyon at pangmundo. Kaya magsabi kayo ng Bismi -llāh (Sa ngalan ni Allāh) sa pagkakatay ninyo sa mga ito matapos na paghanayin ang mga paa ng mga ito. Ito ay paa na iginapos sa isa sa mga kamay ng hayop upang hindi gumala-gala ito. Kapag bumagsak ito sa tagiliran nito matapos ng pagkatay ay kumain kayo, O mga tagapag-alay, mula rito at magbigay kayo mula rito sa maralitang nagpipigil sa panghihingi at maralitang humaharang upang bigyan mula rito. Kung paanong pinagsilbi ang mga ito para sa inyo upang magpapasan kayo sa mga ito at sumakay kayo sa mga ito, pinagsilbi rin ang mga ito para sa inyo para magpaakay sa kung saan ninyo kakatayin ang mga ito bilang pagpapakalapit kay Allāh nang sa gayon kayo ay magpapasalamat kay Allāh sa biyaya ng pagpapasilbi sa mga ito para sa inyo.
Hindi aabot kay Allāh ang mga laman ng inihahain ninyo na mga alay ni ang mga dugo ng mga ito at hindi maiaangat ang mga ito tungo sa Kanya. Subalit inaangat tungo sa Kanya ang pangingilag ninyo sa pagkasasala sa Kanya sa pag-aalay dahil sa pagpapakawagas ninyo sa Kanya sa pagsunod ninyo sa pagpapakalapit-loob sa Kanya sa pamamagitan ng mga alay. Gayon pinagsilbi ang mga ito ni Allāh para sa inyo upang dumakila kayo kay Allāh habang mga nagpapasalamat sa Kanya sa pagtuon Niya sa inyo sa katotohanan. Magpabatid ka, O Sugo, ng nakatutuwa sa mga tagagawa ng maganda sa pagsamba nila sa Panginoon nila at sa pakikitungo nila sa nilikha Niya.
Tunay na si Allāh ay nagtutulak palayo sa mga sumampalataya ng kasamaan ng mga kaaway nila. Tunay na si Allāh ay hindi umiibig sa bawat palataksil sa ipinagkatiwala sa kanya, na mapagkaila sa utang na loob sa mga biyaya ni Allāh kaya naman hindi siya nagpapasalamat kay Allāh sa mga ito bagkus ay nasusuklam pa.
Ipinahintulot ni Allāh ang pakikipaglaban para sa mga mananampalatayang kinakalaban ng mga tagapagtambal. Ito ay dahil sa naganap sa kanila na paglabag ng mga kaaway nila sa katarungan sa kanila. Tunay na si Allāh sa pag-aadya sa mga mananampalataya laban sa kaaway nila nang walang pakikipaglaban ay talagang May-kakayahan, subalit ang karunungan Niya ay humiling na sulitin ang mga mananampalataya sa pamamagitan ng pakikipaglaban sa mga tagapagtambal.
[Sila] ang mga pinalayas ng mga tagatangging sumampalataya mula sa mga tahanan nila dala ng paglabag sa katarungan hindi dahil sa krimeng nagawa nila bagkus dahil sila ay nagsabi: "Ang Panginoon namin ay si Allāh; walang Panginoon para sa amin na iba pa sa Kanya." Kung hindi dahil sa isinabatas ni Allāh sa mga propeta at mga mananampalataya na pakikipaglaban sa mga kaaway nila ay talaga sanang lumabag ang mga ito sa mga larangan ng pagsamba at nagwasak ng mga monasteryo ng mga monghe, mga simbahan ng mga Kristiyano, mga templo ng mga Hudyo, at mga masjid ng mga Muslim, na inilaan sa pagdarasal at sa mga ito ay binabanggit ng mga Muslim si Allāh nang madalas na pagbanggit. Talagang mag-aadya nga si Allāh sa sinumang nag-aadya sa Relihiyon Niya at Propeta Niya. Tunay na si Allāh ay talagang Malakas sa pag-aadya sa sinumang nag-aadya sa Relihiyon Niya, Makapangyarihan: walang nakadaraig sa Kanya ni isa man.
Ang mga pinangakuang ito ng pag-aadya ay ang mga kung pamamahalain Namin sa lupa sa pamamagitan ng pag-aadya laban sa mga kaaway nila ay magsasagawa sila ng pagdarasal sa pinakalubos na paraan, magbibigay sila ng zakāh ng mga yaman nila, mag-uutos sila ng ipinag-uutos ng Batas ng Islām, at sasaway sila ayon sa sinaway nito. Kay Allāh - tanging sa Kanya - ang balikan ng mga bagay sa paggantimpala sa mga ito at pagparusa.
Kung nagpasinungaling sa iyo, O Sugo, ang mga kababayan mo ay magtiis ka sapagkat hindi ikaw ang una sa mga sugo na pinasinungalingan ng mga kababayan nila. Nagpasinungaling nga kay Noe, bago ng mga kababayan mo, ang mga tao ni Noe. Nagpasinungaling ang liping `Ād kay Hūd, at ang liping Thamūd kay Ṣāliḥ.
Nagpasinungaling ang mga tao ni Abraham kay Abraham, at nagpasinungaling ang mga tao ni Lot kay Lot.
Nagpasinungaling ang mga naninirahan sa Madyan kay Shu`ayb. Nagpasinungaling si Paraon at ang mga tao niya kay Moises. Nagpaliban Ako ng kaparusahan sa mga tao nila bilang pagpapain sa kanila. Pagkatapos ay sumunggab Ako sa kanila sa pamamagitan ng pagdurusa, kaya magnilay-nilay ka kung magiging papaano na ang pagtutol Ko sa kanila sapagkat ipinahamak Ko sila dahilan sa kawalang-pananampalataya nila.
Kay rami ng mga pamayanan na nilipol Namin - samantalang ang mga ito ay lumalabag sa katarungan dahil sa kawalang-pananampalataya ng mga ito - sa pamamagitan ng isang pagdurusang pumupuksa kaya ang mga tahanan ng mga ito ay winasak, na nawawala ang mga nakatira sa mga ito. Kay rami ng mga balon na nawawala ang mga tagaigib sa mga iyon dahil sa pagkapahamak nila. Kay rami ng mga palasyong matataas na pinalamutian, na hindi nakapagsanggalang sa mga nakatira sa mga iyon laban sa pagdurusa.
Kaya hindi ba naglakbay itong mga tagapagpasinungaling sa inihatid ng Sugo - pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan - sa lupain upang mapagmasdan nila ang mga bakas ng mga pamayanang ipinahamak na iyon para mag-isip-isip sila gamit ang mga isip nila upang makapagsaalang-alang sila at makarinig sila ng mga kasaysayan ng mga iyon ayon sa pagdinig ng pagtanggap upang mapangaralan sila. Tunay na ang pagkabulag ay hindi ang pagkabulag ng paningin, bagkus ang pagkabulag na nakapapahamak na nakalilipol ay ang pagkabulag ng pagkaunawa kung saan ang dumaranas nito ay walang pagsasaalang-alang at walang pagtanggap ng pangaral.
Ipinamamadali sa iyo, O Sugo, ng mga tagatangging sumampalataya kabilang sa mga kababayan mo ang pagdurusang madalian sa Mundo at pagdurusang matagalan sa Kabilang-buhay dahil sa pagkababala sa kanila sa mga ito. Hindi naman sisira sa kanila si Allāh sa ipinangako Niya sa kanila. Kabilang sa madalian ay ang dumapo sa kanila sa Araw ng [Labanan sa] Badr. Tunay na ang isang araw ng pagdurusa sa Kabilang-buhay ay tulad ng isang libong taon mula sa binibilang ninyo mula sa mga taon ng Mundo dahilan sa taglay nitong pagdurusa.
Kay rami ng mga pamayanan na nagpalugit Ako sa mga ito ng pagdurusa samantalang ang mga ito ay lumalabag sa katarungan dahil sa kawalang-pananampalataya ng mga ito. Hindi Ako nagmadali sa mga ito sa pagdulot ng pagdurusa bilang pagpapain sa mga ito. Pagkatapos ay sumunggab Ako sa mga ito sa pamamagitan ng isang pagdurusang pumupuksa. Tungo sa Akin - tanging sa Akin - ang balikan nila sa Araw ng Pagbangon, kaya gaganti Ako sa kanila sa kawalang-pananampalataya nila sa pamamagitan ng pagdurusang namamalagi.
O mga tao, ako lamang para sa inyo ay isang tagapagbabala: nagpapaabot ako sa inyo ng ipinasugo sa akin, maliwanag sa pagbabala ko.
Kaya ang mga sumampalataya kay Allāh at gumawa ng mga gawang maayos, ukol sa kanila mula sa Panginoon nila ay kapatawaran sa mga pagkakasala nila at ukol sa kanila ay isang panustos na masagana sa Paraiso, na hindi mapuputol magpakailanman.
Ang mga nagsikap naman sa pagpapasinungaling sa mga tanda Namin habang mga nagtatayang sila ay magpapahina kay Allāh at makalulusot sa Kanya para hindi Siya makapagparusa sa kanila, ang mga iyon ay ang mga maninirahan sa Impiyerno, na pananatilihan nila gaya ng pananatili ng kasamahan sa kasamahan nito.
Hindi Kami nagpadala noong wala ka pa, O Sugo, ng anumang sugo ni propeta malibang kapag bumigkas siya ng aklat ni Allāh ay nagpupukol ang demonyo sa pagbigkas niya ng nagpapalito sa mga tao na ito ay kabilang sa pagkakasi, ngunit nagpapawalang-bisa si Allāh sa ipinupukol ng demonyo at nagpapatatag Siya sa mga tanda Niya. Si Allāh ay Maalam sa bawat bagay: walang naikukubli sa Kanya na anuman, Marunong sa paglikha Niya, pagtatakda Niya, at pangangasiwa Niya.
Nagpupukol ang demonyo sa pagbigkas ng Propeta upang gawin ni Allāh ang ipinupukol ng demonyo na isang pagsusulit para sa mga mapagpaimbabaw at para sa mga tumigas ang mga puso nila kabilang sa mga tagapagtambal. Tunay na ang mga tagalabag sa katarungan kabilang sa mga mapagpaimbabaw at mga tagapagtambal ay talagang nasa isang pangangaway kay Allāh at sa Sugo Niya at isang pagkalayo sa katotohanan at pagkagabay.
[Iyan ay] upang matiyak ng mga binigyan ni Allāh ng kaalaman na ang Qur'ān na ibinaba kay Muḥammad - pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan - ay ang katotohanang ikinasi ni Allāh sa iyo, O Sugo, para madagdagan sila sa pananampalataya rito at magpakumbaba rito ang mga puso nila at magpakataimtim. Tunay na si Allāh ay talagang magpapatnubay sa mga sumampalataya tungo sa daan ng katotohanan, na tuwid, na walang pagkabaluktot doon, bilang ganti sa kanila sa pagpapakumbaba nila rito.
Hindi titigil ang mga tumangging sumampalataya kay Allāh at nagpasinungaling sa Sugo Niya na nasa isang pagdududa sa ibinaba ni Allāh sa iyo na Qur'ān habang mga nagpapatuloy hanggang sa pumunta sa kanila ang Huling Sandali nang biglaan samantalang sila ay nasa gayong kalagayan, o pumunta sa kanila ang pagdurusa sa isang Araw na walang awa roon at walang kabutihan - ang Araw ng Pagbangon - sa kaugnay sa kanila.
Ang paghahari sa Araw na Pagbangon - sa araw na pupunta sa mga ito ang dating ipinangangako sa kanila na pagdurusa - ay sa kay Allāh - tanging sa Kanya - walang makikipagtunggali sa Kanya roon. Siya - kaluwalhatian sa Kanya - ay hahatol sa pagitan ng mga mananampalataya at mga tagatangging sumampalataya. Hahatol Siya sa bawat isa sa kanila ayon sa kung ano ang karapat-dapat. Kaya ang mga sumampalataya at gumawa ng mga gawang maayos, ukol sa kanila ay isang gantimpalang sukdulan, ang mga hardin ng ginhawang mananatili, na hindi napuputol.
Ang mga tumangging sumampalataya sa Amin at nagpasinungaling sa mga tanda Naming ibinaba sa Sugo Namin, ukol sa kanila ay isang pagdurusang nang-aaba, na aabahin sila ni Allāh sa pamamagitan nito sa Impiyerno.
Ang mga nag-iwan sa mga tahanan nila at mga bayan nila sa paghahangad sa kaluguran ni Allāh at pagpapatibay sa relihiyon Niya, pagkatapos ay napatay sila sa pakikibaka sa landas Niya, o namatay sila, ay talagang magtutustos sa kanila si Allāh sa Paraiso ng isang panustos na maganda na mamamalagi, na hindi mapuputol. Tunay na si Allāh - kaluwalhatian sa Kanya - ay talagang Siya ang pinakamabuti sa mga tagapagtustos.
Talagang magpapapasok nga sa kanila si Allāh sa isang pook na kalulugdan nila. Tunay na si Allāh ay talagang Maalam sa mga gawain nila at mga layunin nila, Matimpiin yayamang hindi Siya nagmadali sa kanila sa kaparusahan sa kabila ng pagkukulang nila.
Ang nabanggit na iyon ay ang pagpapapasok sa Paraiso ng mga lumikas sa landas ni Allāh at ang pagpapahintulot sa pagtumbas sa lumalabag ng tulad sa paglabag niya yayamang walang kasalanan doon para sa nilabag. Kapag umulit ang lumalabag sa paglabag niya, tunay na si Allāh ay mag-aadya sa nilabag. Tunay na si Allāh ay talagang Mapagpaumanhin sa mga pagkakasala ng mga mananampalataya, Mapagpatawad sa kanila.
Ang pag-aadyang iyon sa nilabag ay dahil si Allāh ay nakakakaya sa anumang niloloob Niya. Kabilang sa kakayahan Niya ang pagpapapasok ng gabi sa maghapon at ng maghapon sa gabi sa pamamagitan ng pagdaragdag sa isa sa dalawa at pagbabawas sa iba, at dahil si Allāh ay Madinigin sa mga sinasabi ng mga lingkod Niya, Nakakikita sa mga gawain nila: walang naikukubli sa Kanya na anuman sa mga iyon. Gaganti Siya sa kanila sa mga iyon.
Ang nabanggit na iyon na pagpapapasok ni Allāh ng gabi sa maghapon at ng maghapon sa gabi ay dahil si Allāh ay ang Totoo kaya naman ang Relihiyon niya ay totoo, ang pangako Niya ay totoo, at ang pag-aadya Niya para sa mga mananampalataya ay totoo. Ang anumang sinasamba ng mga tagapagtambal bukod pa kay Allāh gaya ng mga diyus-diyusan ay ang kabulaanang walang batayan. Si Allāh ay ang Mataas sa nilikha Niya sa sarili, halaga, at paggapi; ang Malaki na ukol sa Kanya ang pagmamalaki, ang kadakilaan, at ang pagkapinagpipitaganan.
Hindi mo ba nakita, O Sugo, na si Allāh ay nagpababa mula sa langit ng ulan kaya ang lupa, matapos ng pagbaba ng ulan rito, ay naging luntian dahil sa pinatubo nito na halaman? Tunay na si Allāh ay Nakatatalos sa mga lingkod Niya yayamang nagbaba Siya para sa kanila ng ulan at nagpatubo Siya para sa kanila sa lupa, Tagabatid sa mga kapakanan nila: walang naikukubli sa Kanya na anuman sa mga ito.
Sa Kanya - tanging sa Kanya - ang pagmamay-ari sa anumang nasa mga langit at ang pagmamay-ari sa anumang sa nasa lupa. Tunay na si Allāh ay talagang Siya ang Walang-pangangailangan na hindi nangangailangan sa anumang nilikha kabilang sa mga nilikha Niya, ang Pinapupurihan sa bawat kalagayan.
Hindi mo ba nakita, O Sugo, na si Allāh ay nagpasilbi para sa iyo at para sa mga tao ng anumang nasa lupa na mga hayop at mga bagay para sa mga kapakinabangan ninyo at mga pangangailangan ninyo, at nagpasilbi para sa inyo ng mga sasakyang-dagat na naglalayag sa dagat ayon sa utos Niya at pagpapalingkod Niya mula sa isang bayan papunta sa ibang bayan. Pinipigilan Niya ang langit upang hindi bumagsak sa lupa malibang may kapahintulutan Niya. Kaya kung sakaling nagpahintulot siya sa langit na bumagsak sa lupa, talaga sanang bumagsak iyon. Tunay na si Allāh sa mga tao ay talagang Mahabagin, Maawain yayamang pinaglingkod Niya para sa kanila ang mga bagay na ito sa kabila ng taglay nilang paglabag sa katarungan.
Si Allāh ay ang nagbigay-buhay sa inyo yayamang nagpairal Siya sa inyo matapos na kayo noon ay mga walang kairalan, pagkatapos ay nagbigay-kamatayan sa inyo kapag nagwakas ang mga buhay ninyo, pagkatapos ay magbibigay-buhay sa inyo matapos ng kamatayan ninyo upang tuusin kayo sa mga gawa ninyo at gantihan kayo sa mga ito. Tunay na ang tao ay talagang madalas magkaila sa mga biyaya ni Allāh - gayong ang mga ito ay nakalitaw - dahil sa pagsamba niya kasama kay Allāh sa iba pa.
Para sa bawat may kapaniwalaan ay nagtalaga Kami ng isang batas at sila ay nagsasagawa ng batas nila, kaya huwag makipagtunggali sa iyo, O Sugo, ang mga tagapagtambal at ang mga alagad ng mga ibang relihiyon kaugnay sa batas mo sapagkat ikaw ay higit na malapit sa katotohanan kaysa sa kanila sapagkat sila ay mga alagad ng kabulaanan. Mag-anyaya ka sa mga tao tungo sa pagpapakawagas sa paniniwala sa kaisahan ni Allāh. Tunay na ikaw ay talagang nasa isang daang tuwid.
Kung hindi sila magpipigil na makipagtalo sa iyo matapos ng paglitaw ng katwiran ay ipagkatiwala mo ang nauukol sa kanila kay Allāh habang nagsasabi sa paraang nagbabanta: "Si Allāh ay higit na nakaaalam sa anumang ginagawa ninyo na gawain: walang naikukubli sa Kanya na anuman mula sa mga gawain ninyo."
Si Allāh ay hahatol sa pagitan ng mga lingkod Niya: ang mananampalataya sa kanila at ang tagatangging sumampalataya sa kanila, sa Araw ng Pagbangon hinggil sa anumang sila dati ay nagkakaiba-iba sa Mundo sa usapin ng relihiyon.
Hindi mo ba nalaman, O Sugo, na si Allāh ay nakaaalam sa anumang nasa langit at nakaaalam sa anumang nasa lupa; walang naikukubli sa Kanya na anuman sa mga ito. Tunay na ang kaalaman niyon ay nakatala sa Tablerong Pinag-iingatan. Tunay na ang kaalaman niyon sa kalahatan niyon ay madali kay Allāh.
Sumasamba ang mga tagapagtambal, bukod pa kay Allāh, sa mga diyus-diyusang hindi nagpapababa si Allāh ng isang katwiran sa pagsamba sa mga ito sa mga kasulatan Niya at wala sila ritong patunay mula sa kaalaman. Ang batayan nila lamang ay ang bulag na paggaya-gaya sa mga ninuno nila. Walang ukol sa mga tagalabag sa katarungan na anumang mapag-adyang magsasanggalang sa kanila laban sa anumang dadapo sa kanila mula sa pagdurusang dulot ni Allāh.
Kapag binibigkas sa kanila ang mga tanda Namin mula sa Qur'ān nang maliwanag, makikilala mo sa mga mukha ng mga tumangging sumampalataya kay Allāh ang pagtutol sa mga ito dahil sa pagsimangot nila sa sandali ng pagkarinig nila sa mga ito. Halos humagupit sila, dahil sa tindi ng galit, sa mga bumibigkas sa kanila ng mga tanda Namin. Sabihin mo sa kanila, O Sugo: "Kaya magpapabatid ba ako sa inyo ng higit na masama kaysa sa pagngingitngit ninyo at pagsisimangot ninyo? Iyon ay ang apoy na ipinangako ni Allāh sa mga tagatangging sumampalataya na magpapapasok Siya sa kanila roon. Kay saklap ang kahahantungang hahantungan nila!"
O mga tao, gumawa ng isang paghahalimbawa kaya makinig kayo roon at magsaalang-alang kayo niyon. Tunay na ang sinasamba ninyo na mga anito at iba pa sa mga ito bukod pa kay Allāh ay hindi makalilikha ng langaw sa kabila ng liit nito dahil sa kawalang-kakayahan nila. Kung sakaling nagtipon man sila sa kabuuan nila para lumikha nito ay hindi sila makalilikha nito. Kapag kumuha ang langaw ng isang bagay kabilang sa taglay nilang kaaya-ayang bagay at anumang nakawawangis niyon ay hindi sila makakakaya sa pagsagip niyon mula rito. Dahil sa kawalang-kakayahan nila sa paglikha ng langaw at sa pagsagip ng mga bagay-bagay nila laban dito, luminaw ang kawalang-kakayahan nila sa anumang higit na malaki kaysa rito. Kaya papaanong sumasamba sila sa mga anito - sa kabila ng kawalang-kakayahan ng mga ito - bukod pa kay Allāh? Humina ang humuhuling ito - ang anitong sinasamba na hindi nakakakayang sumagip sa inagaw ng langaw mula sa kanya - at humina ang hinuhuling ito na langaw.
Hindi sila dumakila kay Allāh nang totoong pagdakila sa Kanya nang sumamba sila kasama sa Kanya sa ilan sa mga nilikha Niya. Tunay na si Allāh ay talagang Malakas - at bahagi ng lakas Niya at kakayahan Niya ang paglikha sa mga langit at lupa at anumang nasa mga ito - Makapangyarihan: walang nakadaraig sa Kanya ni isa man, na salungat sa mga anito ng mga tagapagtambal sapagkat ang mga ito ay mahina at hamak na hindi nakalilikha ng anuman.
Si Allāh - kaluwalhatian sa Kanya at pagkataas-taas Siya - ay pumipili mula sa mga anghel ng mga sugo at pumipili mula sa mga tao ng mga sugo nang gayon din. Kaya nagsusugo Siya ng ilan sa mga anghel sa mga propeta, tulad ni Anghel Gabriel na isinugo Niya sa mga sugo kabilang sa mga tao, at nagsusugo Siya sa mga tao ng mga sugo kabilang sa mga tao. Tunay na si Allāh ay Madinigin sa anumang sinasabi ng mga tagapagtambal kaugnay sa mga sugo Niya, Nakakikita sa sinumang pinili Niya para sa pasugo Niya.
Nakaaalam Siya - kaluwalhatian sa Kanya - sa anumang kalagayan ng mga sugo Niya kabilang sa mga anghel at mga tao bago ng paglikha sa kanila at matapos ng pagkamatay nila. Tungo kay Allāh - tanging sa Kanya - ibinabalik ang mga bagay-bagay sa Araw ng Pagbangon yayamang bubuhayin Niya ang mga lingkod Niya para gantihan sila sa inihain nilang gawa.
O mga sumampalataya kay Allāh at gumawa ayon sa isinabatas para sa kanila, yumukod kayo at magpatirapa kayo sa pagdarasal ninyo kay Allāh - tanging sa Kanya, sumamba kayo sa Panginoon ninyo, at gumawa kayo ng mabuti gaya ng pagkakawanggawa at pakikipag-ugnayan sa kaanak, sa pag-asang magtamo kayo ng hinihiling at maligtas kayo sa pinangingilabutan.
Makibaka kayo sa landas ni Allāh nang pakikibakang wagas na ukol sa Kanya. Siya ay pumili sa inyo at gumawa sa relihiyon ninyo na maluwag: walang sikip ni paghihigpit. Ang maluwag na kapaniwalaang ito ay ang kapaniwalaan ng ama ninyong si Abraham - sumakanya ang pangangalaga. Pinangalanan kayo ni Allāh bilang mga Muslim sa mga kasulatang nauna at sa Qur’an upang ang Sugo ay maging isang saksi sa inyo na siya ay nagpaabot sa inyo ng ipinag-utos sa kanya na ipaabot at upang kayo naman ay maging mga saksi sa mga kalipunang nauna na ang mga sugo nila ay nagpaabot ng pasugo. Magpasalamat kayo kay Allāh roon sa pamamagitan ng pagsasagawa ng dasal sa pinakalubos na paraan. Magbigay kayo ng zakāh ng mga yaman ninyo. Dumulog kayo kay Allāh at sumandig kayo sa Kanya sa mga kapakanan ninyo sapagkat Siya - kaluwalhatian sa Kanya - ay kay inam bilang Pinagpapatangkilikan para sa sinumang nagpatangkilik sa Kanya na mga mananampalataya at kay inam bilang Mapag-adya para sa sinumang nagpapaadya sa Kanya mula sa kanila. Kaya magpatangkilik kayo sa Kanya, tatangkilik Siya sa inyo; magpaadya kayo sa Kanya, mag-aadya Siya sa inyo.
Icon