ترجمة سورة المائدة

الترجمة الفلبينية (تجالوج)
ترجمة معاني سورة المائدة باللغة الفلبينية من كتاب الترجمة الفلبينية (تجالوج) .
من تأليف: مركز رواد الترجمة بالتعاون مع موقع دار الإسلام .

O mga sumampalataya, tuparin ninyo ang mga kasunduan. Ipinahintulot para sa inyo ang hayop na mga panghayupan maliban sa bibigkasin pa sa inyo - nang hindi ipinahihintulot ang pangangaso habang kayo ay mga nasa kalagayan ng iḥrām. Tunay na si Allāh ay naghahatol ng ninanais Niya.
O mga sumampalataya, huwag kayong lumapastangan sa mga sagisag ni Allāh ni sa banal na buwan ni sa handog, ni sa mga nakakuwintas [na alay], ni sa mga nagsasadya sa Banal na Bahay na naghahangad ng kabutihang-loob mula sa Panginoon nila at pagkalugod. Kapag kumalas kayo [sa iḥrām ay maaaring] mangaso kayo. Huwag ngang magbubuyo sa inyo ang pagkapoot sa ilang taong bumalakid sa inyo sa Banal na Masjid na lumabag kayo. Magtulungan kayo sa pagpapakabuti at pangingilag sa pagkakasala at huwag kayong magtulungan sa kasalanan at paglabag. Mangilag kayong magkasala kay Allāh. Tunay na si Allāh ay matindi ang pagpaparusa.
Ipinagbawal sa inyo ang namatay [bago nakatay], ang dugo, ang laman ng baboy, ang anumang inihandog sa iba pa kay Allāh, ang nasakal, ang hinambalos, ang nalaglag, ang nasuwag, ang anumang kinainan ng mabangis na hayop maliban sa nakatay ninyo [bago namatay], ang inialay sa mga bantayog, at na magsapalaran kayo sa pamamagitan ng mga tagdan1 [ng palaso]. Iyon ay kasuwailan. Sa araw na ito ay nawalan ang mga tumangging sumampalataya ng pag-asa [na tatalikod kayo] sa Relihiyon ninyo, kaya huwag kayong matakot sa kanila at matakot kayo sa Akin. Sa araw na ito nilubos Ko para sa inyo ang Relihiyon ninyo, at binuo Ko sa inyo ang biyaya Ko at kinalugdan Ko para sa inyo ang Islām bilang relihiyon. Ngunit ang sinumang napilitan sa matinding kagutuman, nang hindi nagkakahilig sa pagkakasala, tunay na si Allāh ay mapagpatawad, maawain.
____________________
1. Ang patpat ng palaso hindi kasama ang ulo at ang buntot nito.
Tinatanong ka nila kung ano ang ipinahintulot para sa kanila. Sabihin mo: "Ipinahintulot sa inyo ang mga kaaya-aya at ang [nahuli ng] tinuruan ninyo na mga nagangasong hayop na sinanay mangaso, na tinuturuan ninyo ang mga ito ng mula sa itinuro sa inyo ni Allāh. Kaya kumain kayo mula sa nahuli ng mga ito para sa inyo at banggitin ninyo ang pangalan ni Allāh dito." Mangilag kayong magkasala kay Allāh. Tunay na si Allāh ay mabilis ang pagtutuos.
Sa araw na ito, ipinahintulot para sa inyo ang mga kaaya-aya. Ang pagkain ng mga nabigyan ng Kasulatan ay ipinahihintulot para sa inyo at ang pagkain ninyo ay ipinahihintulot para sa kanila, at ang mga babaing malinis ang puri kabilang sa mga mananampalataya at ang mga babaing malinis ang puri kabilang sa mga nabigyan ng Kasulatan mula sa nauna sa inyo kapag ibinigay ninyo sa kanila ang mga bigay-kaya sa kanila, bilang mga nagpapakalinis ng puri, hindi bilang mga mangangalunya, at hindi mga gumagawa ng mga kalaguyo. Ang sinumang tumanggi sa pananampalataya ay nawalan nga ng kabuluhan ang gawa niya at siya sa Kabilang-buhay ay kabilang sa mga nalulugi.
O mga sumampalataya, kapag tumayo kayo papunta sa pagdarasal ay maghugas kayo ng mga mukha ninyo, mga kamay ninyo hanggang sa mga siko – humaplos kayo sa mga ulo ninyo – at mga paa ninyo hanggang sa bukungbukong. Kung kayo ay kailangang-maligo [junub] ay maligo kayo. Kung kayo ay mga may-sakit o nasa isang paglalakbay, o dumating ang isa sa inyo mula sa dumihan, o nakipagtalik kayo sa mga babae at hindi kayo nakatagpo ng tubig, ay magsadya kayo [magsagawa ng tayammum] sa isang malinis na lupa at humaplos kayo sa mga mukha ninyo at mga kamay ninyo ng alikabok mula roon. Hindi nagnanais si Allāh na gawan kayo ng pahirap, bagkus ay nagnanais Siya na dalisayin kayo at lubusin ang biyaya Niya sa inyo nang sa gayon kayo ay magpapasalamat.
Alalahanin ninyo ang biyaya ni Allāh sa inyo at ang kasunduan Niya na nakipagkasunduan Siya sa inyo sa pamamagitan nito noong nagsabi kayo: "Narinig namin at tumalima kami." Mangilag kayong magkasala kay Allāh. Tunay na si Allāh ay maalam sa kimkim ng mga dibdib.
O mga sumampalataya, kayo ay maging mga mapagtaguyod para kay Allāh, mga saksi sa pagkamakatarungan. Huwag ngang mag-uudyok sa inyo ang pagkasuklam sa ilang tao upang hindi kayo maging makatarungan. Maging makatarungan kayo; ito ay pinakamalapit sa pangingilag sa pagkakasala. Mangilag kayong magkasala kay Allāh. Tunay na si Allāh ay nakababatid sa anumang ginagawa ninyo.
Nangako si Allāh sa mga sumampalataya at gumawa ng mga matuwid na ukol sa kanila ay isang kapatawaran at isang kabayarang sukdulan.
Ang mga tumangging sumampalataya at nagpasinungaling sa mga tanda Namin ay ang mga iyon ang mga maninirahan sa Impiyerno.
O mga sumampalataya, alalahanin ninyo ang biyaya ni Allāh sa inyo noong may naglayon na mga tao na mag-abot laban sa inyo ng mga kamay nila ngunit pinigil Niya ang mga kamay nila palayo sa inyo. Mangilag kayong magkasala kay Allāh. Kay Allāh ay manalig ang mga mananampalataya.
Talaga ngang tumanggap si Allāh ng kasunduan sa mga anak ni Israel. Nagpadala Kami mula sa kanila ng labindalawang pinuno. Nagsabi si Allāh: "Tunay na Ako ay kasama ninyo." Talagang kung nagpanatili kayo ng pagdarasal, nagbigay kayo ng zakāh, sumampalataya kayo sa mga sugo Ko, at kumatig kayo sa kanila, at nagpautang kayo kay Allāh ng isang magandang pautang, talaga ngang pagtatakpan Ko para sa inyo ang mga masagwang gawa ninyo at talaga ngang papapasukin Ko kayo sa mga hardin na dumadaloy mula sa ilalim ng mga ito ang mga ilog. Kaya ang sinumang tumangging sumampalataya pagkatapos niyon kabilang sa inyo ay naligaw nga sa katumpakan ng landas.
Kaya dahil sa pagsira nila sa kasunduan sa kanila, isinumpa Namin sila at ginawa Namin ang puso nila na matigas. Naglilihis sila sa mga salita palayo sa mga katuturan ng mga ito. Lumimot sila ng isang bahagi mula sa ipinaalaala sa kanila. Hindi ka titigil sa pagkabatid ng kataksilan mula sa kanila maliban sa kakaunti sa kanila, ngunit magpaumanhin ka sa kanila at magpawalang-sala ka. Tunay na si Allāh ay umiibig sa mga nagmamagandang-loob.
Kabilang sa mga nagsabi: "Tunay na kami ay mga Kristiyano," ay tumanggap Kami ng kasunduan sa kanila, ngunit lumimot sila ng isang bahagi mula sa ipinaalaala sa kanila kaya iniudyok Namin sa pagitan nila ang pagkamuhi at ang pagkapoot hanggang sa Araw ng Pagbangon. Magbabalita sa kanila si Allāh ng anumang dating pinaggagawa nila.
O mga May Kasulatan, dumating nga sa inyo ang Sugo Namin na naglilinaw sa inyo sa marami mula sa dating itinatago ninyo mula sa Kasulatan at nagsasaisang-tabi sa marami. May dumating nga sa inyo mula kay Allāh na isang liwanag at isang Aklat na naglilinaw,
na nagpapatnubay sa pamamagitan nito si Allāh sa sinumang sumunod sa kaluguran Niya, ang mga landas ng kapayapaan, nagpapalabas Siya sa kanila mula sa mga kadiliman tungo sa liwanag ayon sa kapahintulutan Niya, at nagpapatnubay Siya sa kanila sa landasing tuwid.
Talaga ngang tumangging sumampalataya ang mga nagsabi: "Tunay na si Allāh ay ang Kristo na anak ni Maria." Sabihin mo: "Sino ang nakapangyayari laban kay Allāh sa anuman kung ninais Niyang puksain ang Kristo na anak ni Maria, ang ina niya, at ang sinumang nasa lupa sa kalahatan?" Kay Allāh ang paghahari sa mga langit at lupa at anumang nasa pagitan ng mga ito. Nililikha Niya ang anumang niloloob Niya. Si Allāh, sa bawat bagay, ay may-kakayahan.
Nagsabi ang mga Hudyo at ang mga Kristiyano: "Kami ay mga anak ni Allāh at mga iniibig Niya." Sabihin mo: "Ngunit bakit pagdurusahin Niya kayo sa mga pagkakasala ninyo? Bagkus kayo ay mga tao kabilang sa nilikha Niya. Magpapatawad Siya sa kaninumang loloobin Niya at pagdurusahin Niya ang sinumang loloobin Niya. Kay Allāh ang paghahari sa mga langit at lupa at anumang nasa pagitan ng mga ito, at tungo sa Kanya ang kahahantungan.
O mga May Kasulatan, dumating nga sa inyo ang Sugo Namin na naglilinaw sa inyo pagkalipas ng isang yugto ng kawalan ng mga sugo upang hindi kayo magsabi: "Walang dumating sa amin na anumang tagapagbalita ng nakagagalak ni tagapagbabala," sapagkat may dumating nga sa inyo na isang tagapagbalita ng nakagagalak at isang tapagbabala. Si Allāh, sa bawat bagay, ay may-kakayahan.
[Banggitin] noong nagsabi si Moises sa mga kalipi niya: "O mga kalipi ko, alalahanin ninyo ang biyaya ni Allāh sa inyo noong gumawa Siya sa inyo ng mga propeta, gumawa sa inyo na mga malaya, at nagbigay sa inyo ng hindi Niya ibinigay sa isa man mula sa mga nilalang.
O mga kalipi ko, pumasok kayo sa lupaing pinabanal na itinakda ni Allāh para sa inyo at huwag kayong manumbalik sa mga likod ninyo dahil uuwi kayo na mga talunan."
Nagsabi sila: "O Moises, tunay na sa loob niyon ay may mga taong higante at tunay na kami ay hindi papasok doon hanggang sa lumalabas sila mula roon. Kaya kung lalabas sila mula roon, tunay na kami ay mga papasok."
May nagsabing dalawang lalaki kabilang sa mga nangangamba, na nagbiyaya si Allāh sa kanilang dalawa: "Pumasok kayo sa kanila sa pinto sapagkat kapag pinasok ninyo ito ay tunay na kayo ay mga mananaig. Kay Allāh ay manalig kayo, kung kayo ay mga mananampalataya."
Nagsabi sila: "O Moises, tunay na kami ay hindi papasok doon magpakailanman hanggat namamalagi sila roon. Kaya pumunta ka at ang Panginoon mo at makipaglaban kayong dalawa; tunay na kami rito ay mga uupo."
Nagsabi siya: "Panginoon ko, tunay na ako ay hindi nakapangyayari maliban sa sarili ko at kapatid ko, kaya paghiwalayin Mo kami at ang mga taong suwail."
Nagsabi Siya: "Kaya tunay na iyon ay ipagbabawal sa kanila – nang apatnapung taon – na nagpapagala-gala sa lupa. Kaya huwag kang magdalamhati sa mga taong suwail."
Bigkasin mo sa kanila ang balita sa dalawang anak ni Adan ayon sa katotohanan noong naghandog silang dalawa ng handog at tinanggap mula isa sa kanila at hindi naman tinanggap sa isa. Nagsabi [si Cain]: "Talagang papatayin nga kita." Nagsabi naman [si Abel]: "Tumatanggap lamang si Allāh mula sa mga nangingilag magkasala.
Talagang kung nag-abot ka ng kamay mo sa akin upang patayin ako, ako ay hindi mag-aabot ng kamay ko sa iyo upang patayin ka. Tunay na ako ay nangangamba kay Allāh, ang Panginoon ng mga nilalang.
Tunay na ako ay nagnanais na pumasan ka sa kasalanan ko at kasalanan mo kaya ikaw ay magiging kabilang sa mga mananahan sa Apoy. Iyon ay ganti sa mga lumalabag sa katarungan."
Ipinatalima sa kanya ng sarili niya ang pagpatay sa kapatid niya kaya pinatay niya ito at naging kabilang siya sa mga talunan.
Nagpadala si Allāh ng isang uwak na kakahig sa lupa upang ipakita nito sa kanya kung papaanong ikukubli ang bangkay ng kapatid niya. Nagsabi siya: "O kasawian sa akin, pinanghinaan akong maging tulad ng uwak na ito upang maikukubli ko ang bangkay ng kapatid ko." Kaya siya ay naging kabilang sa mga nagsisisi.
Alang-alang doon, itinakda Namin sa mga anak ni Israel na ang sinumang pumatay ng tao hindi [bilang parusa sa pagpatay ng] isang tao o paggawa ng kaguluhan sa lupa ay para bang pinatay niya ang mga tao sa kalahatan at ang sinumang bumuhay nito ay para bang binuhay niya ang mga tao sa kalahatan. Talaga ngang dumating sa kanila ang mga sugo Namin dala ang mga malinaw na patunay. Pagkatapos, tunay na marami mula sa kanila, matapos niyon, sa lupa ay talagang mga nagmamalabis.
Ang ganti lamang sa mga nakikipagdigma kay Allāh at sa Sugo Niya at nagpupunyagi sa lupa ng kaguluhan ay ang pagpapatayin sila o bitayin sila o pagpuputulin ang mga kamay nila at ang mga paa nila nang magkabilaan o ipatapon sa [ibang] lupain. Iyon ay ukol sa kanila, isang kadustaan sa Mundo, at ukol sa kanila sa Kabilang-buhay ay isang pagdurusang sukdulan,
maliban sa mga nagbalik-loob bago ninyo nakayang makadakip sa kanila. Kaya alamin ninyo na si Allāh ay mapagpatawad, maawain.
O mga sumampalataya, mangilag kayong magkasala kay Allāh, hangarin ninyo tungo sa Kanya ang kalapitan, at makibaka kayo alang-alang sa landas Niya nang sa gayon kayo ay magtatagumpay.
Tunay na ang mga tumangging sumampalataya, kung sakaling sa kanila ang anumang nasa lupa sa kalahatan at ang tulad nitong kasama nito upang tubusin sila sa pamamagitan niyon mula sa pagdurusa sa Araw ng Pagbangon ay hindi iyon tatanggapin mula sa kanila. Ukol sa kanila ay isang pagdurusang masakit.
Nanaisin nila na lumabas mula sa Apoy ngunit sila ay hindi mga lalabas mula roon. Ukol sa kanila ay isang pagdurusang mamamalagi.
Ang lalaking magnanakaw at ang babaing magnanakaw ay putulin ninyo ang mga kamay nila bilang ganti sa nakamit nila, bilang isang pampigil na kaparusahan mula kay Allāh. Si Allāh ay makapangyarihan, marunong.
Kaya ang sinumang nagbalik-loob matapos ang paglabag niya sa katarungan at nagpakabuti, tunay na si Allāh ay tatanggap sa pagbabalik-loob niya. Tunay na si Allāh ay mapagpatawad, maawain.
Hindi mo ba nalaman na si Allāh ay may-ari ng paghahari sa mga langit at lupa; pinagdurusa Niya ang sinumang loloobin Niya at pinatatawad Niya ang sinumang loloobin Niya. Si Allāh, sa bawat bagay, ay may-kakayahan.
O Sugo, huwag magpalungkot sa iyo ang mga nag-uunahan sa kawalang pananampalataya kabilang sa mga nagsabi: "Sumampalataya kami," sa pamamagitan ng mga bibig nila samantalang hindi sumampalataya ang mga puso nila at kabilang sa mga nagpakahudyo. Mga palapakinig sa kasinungalingan at mga palapakinig sa mga ibang taong hindi nakapunta sa iyo, naglilihis sila sa mga salita palayo sa abot ng mga katuturan ng mga ito. Nagsasabi sila: "Kung binigyan kayo nito ay kunin ninyo, at kung hindi kayo binigyan nito ay mag-ingat [tumanggi] kayo. Ang sinumang naisin ni Allāh na ilagay ang tukso sa kanya ay wala kang magagawa para sa kanya laban kay Allāh na anuman. Ang mga iyon ay ang mga hindi ninais ni Allāh na dalisayin ang mga puso nila. Ukol sa kanila sa Mundo ay kadustaan, at ukol sa kanila sa Kabilang -buhay ay isang pagdurusang sukdulan.
Mga palakinig sa kasinungalingan, mga palakain ng kinita sa masama, kaya kung pinuntahan ka nila ay humatol ka sa pagitan nila o umayaw ka palayo sa kanila. Kung aayaw ka palayo sa kanila ay hindi sila makapipinsala sa iyo ng anuman. Kung hahatol ka ay humatol ka sa pagitan nila ayon sa pagkamakatarungan. Tunay na si Allāh ay umiibig sa mga nagpapakamakatarungan.
Papaanong pinahahatol ka nila samantalang taglay nila ang Torah na naroon ang kahatulan ni Allāh, pagkatapos ay tatalikod sila matapos niyon. Ang mga iyon ay hindi ang mga mananampalataya.
Tunay na Kami ay nagbaba ng Torah, na sa loob nito noon ay may patnubay at liwanag. Naghahatol sa pamamagitan nito sa mga nagpakahudyo ang mga propetang mga nagpasakop, at [gayon din] ang mga rabbi at ang mga pantas sa pamamagitan ng pinaingatan sa kanila mula sa Kasulatan ni Allāh at sila noon doon ay mga saksi. Kaya huwag kayong matakot sa mga tao ngunit matakot kayo sa Akin. Huwag ninyong ipagpalit ang mga tanda Ko sa kakaunting halaga. Ang sinumang hindi humatol ng ayon sa ibinaba ni Allāh, ang mga iyon ay ang mga tumatangging sumampalataya.
Itinakda Namin sa kanila roon ang buhay sa buhay, ang mata sa mata, ang ilong sa ilong, ang tainga sa tainga, ang ngipin sa ngipin, at ang mga sugat ay may pantay na ganti. Ngunit ang sinumang nagkawanggawa [ng pagpapaumanhin] doon, ito ay isang panakip-sala para sa kanya. Ang sinumang hindi humatol ng ayon sa ibinaba ni Allāh, ang mga iyon ay ang mga lumalabag sa katarungan.
Nagpatunton Kami sa mga bakas nila kay Hesus na anak ni Maria bilang isang nagpapatotoo sa nauna sa kanya na Torah. Ibinigay Namin sa kanya ang Ebanghelyo, na sa loob nito noon ay may patnubay at liwanag at bilang isang nagpapatotoo sa nauna rito na Torah at bilang isang patnubay at isang pangaral para sa mga nangingilag magkasala.
Humatol ang mga May Ebanghelyo ng ayon sa ibinaba ni Allāh sa loob niyon. Ang sinumang hindi humatol ng ayon sa ibinaba ni Allāh, ang mga iyon ay ang mga suwail.
Ibinaba Namin sa iyo ang Aklat taglay ang katotohanan bilang isang nagpapatotoo sa nauna rito na kasulatan at bilang isang tagasubaybay rito. Kaya humatol ka sa pagitan nila ayon sa ibinaba ni Allāh at huwag kang sumunod sa mga nasa nila kapalit ng dumating sa iyo na katotohanan. Ukol sa bawat kabilang sa inyo ay nagtalaga Kami ng isang pagbabatas at isang pamamaraan. Kung sakaling niloob ni Allāh, talagang ginawa na sana Niya kayo na nag-iisang kalipunan subalit [pinag-iiba kayo] upang subukin Niya kayo sa ibinigay Niya sa inyo. Kaya mag-unahan kayo sa mga kabutihan. Tungo kay Allāh ang balikan ninyo sa kalahatan at magbabalita Siya sa inyo tungkol sa kayo noon hinggil doon ay nagkakasalungatan.
Humatol ka sa pagitan nila ng ayon sa ibinaba ni Allāh, huwag kang sumunod sa mga nasa nila, at mag-ingat ka sa kanila na matukso ka nila palayo sa ilan sa ibinaba ni Allāh sa iyo. Kaya kung tumalikod sila ay alamin mo na ninanais lamang ni Allāh na parusahan sila dahil sa ilan sa mga pagkakasala nila. Tunay na marami sa mga tao ay talagang mga suwail.
Kaya ang hatol ng kamangmangan ba ay hinahangad nila? Sino pa ang higit na magaling kaysa kay Allāh sa paghatol para sa mga taong nakatitiyak?
O mga sumampalataya, huwag ninyong gawin ang mga Hudyo at ang mga Kristiyano bilang mga katangkilik. Ang ilan sa kanila ay mga katangkilik ng iba. Ang sinumang tatangkilik sa kanila mula sa inyo, tunay na siya ay kabilang sa kanila. Tunay na si Allāh ay hindi nagpapatnubay sa mga taong lumalabag sa katarungan.
Ngunit nakikita mo ang sa mga puso nila ay may karamdaman na nagmamadali [sa pagtangkilik] sa mga iyon, na nagsasabi: "Natatakot kami na salantain kami ng isang kasawian." Ngunit harinawang si Allāh ay magdala ng pagwawagi o isang utos mula sa ganang Kanya kaya sila, dahil sa inililihim nila sa mga sarili nila, ay maging mga nagsisisi.
Magsasabi ang mga sumampalataya: "Ang mga ito ba ang mga sumumpa kay Allāh nang taimtiman sa mga panunumpa nila: Tunay na sila ay talagang kasama ninyo. Nawalan ng kabuluhan ang mga gawa nila kaya sila ay naging mga nalulugi."
O mga sumampalataya, ang sinumang tatalikod kabilang sa inyo sa relihiyon niya ay papalitan ni Allāh ng mga taong iibigin Niya sila at iibigin nila Siya, na mga mapagpakumbaba sa mga mananampalataya, na mga makapangyarihan sa mga tumatangging sumampalataya, na nakikibaka sa landas ni Allāh at hindi sila nangangamba sa paninisi ng isang naninisi. Iyon ay ang kagandahang-loob ni Allāh; nagbibigay Siya nito sa sinumang loloobin Niya. Si Allāh ay malawak, maalam.
Ang katangkilik ninyo lamang ay si Allāh, ang Sugo Niya, at ang mga sumampalataya na nagpapanatili sa pagdarasal at nagbibigay ng zakāh habang sila ay mga nakayukod.
Ang sinumang tatangkilik kay Allāh, sa Sugo Niya, at sa mga sumampalataya ay tunay na ang lapian ni Allāh ay ang mga mananaig.
O mga sumampalataya, huwag ninyong gawin bilang mga katangkilik ang mga gumawa sa relihiyon ninyo bilang isang biro at isang laro, kabilang sa mga nabigyan ng Kasulatan noong wala pa kayo at ang mga tumatangging sumampalataya. Mangilag kayong magkasala kay Allāh, kung kayo ay mga mananampalataya.
Kapag nanawagan kayo tungo sa pagdarasal, ginagawa nila ito bilang isang biro at isang laro. Iyon ay dahil sa sila ay mga taong hindi nakauunawa.
Sabihin mo: "O mga May Kasulatan, wala kayong ipinaghihinakit sa amin malibang sumampalataya kami kay Allāh, sa ibinaba sa amin, at sa ibinaba noon, at na ang higit na marami sa inyo ay mga suwail.
Sabihin mo: "Magbabalita ba Ako sa inyo ng higit na masama kaysa roon bilang isang gantimpala mula sa ganang kay Allāh. [Sila] ang mga isinumpa ni Allāh, kinagalitan Niya, ginawa Niya kabilang sa kanila na mga unggoy, mga baboy, at mga alipin ng nagdidiyus-diyusan. Ang mga iyon ay higit na masama sa kalagayan at higit na ligaw palayo sa katumpakan ng landas."
Kapag dumating sila sa inyo ay nagsasabi sila: "Sumampalataya kami," samantalang pumasok na sila taglay ang kawalang-pananampalataya at lumabas sila taglay ito. Si Allāh ay higit na nakaaalam sa itinatago nila noon.
Nakakikita ka ng marami sa kanila na nagmamadali sa kasalanan, paglabag, at pagkain nila ng kinita sa masama. Talagang kaaba-aba ang ginagawa nila noon.
Bakit hindi sila sinasaway ng mga rabbi at mga pantas sa pagsabi nila ng kasalanan at pagkain nila ng kinita sa masama. Talagang kaaba-aba ang ginagawa nila noon.
Nagsabi ang mga Hudyo: "Ang kamay ni Allāh ay nakagapos." Magapos nawa ang mga kamay nila at isinumpa sila dahil sa sinabi nila. Bagkus ang dalawang Kamay Niya ay nakabukas: gumugugol Siya kung papaano Niyang niloloob. Talagang magdaragdag nga sa marami sa kanila ang ibinaba sa iyo mula sa Panginoon mo ng pagmamalabis at kawalang-pananampalataya. Nagpukol Kami sa pagitan nila ng pagkamuhi at pagkapoot hanggang sa Araw ng Pagbangon. Sa tuwing nagpapaningas sila ng isang apoy para sa digmaan, inaapula ito ni Allāh. Nagpupunyagi sila sa lupa ng kaguluhan. Si Allāh ay hindi umiibig sa mga nanggugulo.
Kung sakaling ang mga May Kasulatan ay sumampalataya at nangilag magkasala ay talaga sanang magpapawalang-sala Kami sa kanila sa mga masagwang gawa nila at talaga sanang magpapapasok Kami sa kanila sa mga hardin ng lugod.
Kung sakaling sila ay gumanap sa Torah, Ebanghelyo, at anumang ibinaba sa kanila mula sa Panginoon nila, talaga sanang kumain sila mula sa itaas nila at mula sa ilalim ng mga paa nila. Kabilang sa kanila ay isang kalipunang makatwiran ngunit marami sa kanila ay kay sagwa ang ginagawa nila.
O Sugo, ipaabot mo ang ibinaba sa iyo mula sa Panginoon mo, at kung hindi mo gag̶̶awin ay hindi mo maipaaabot ang pasugo Niya. Si Allāh ay mangangalaga sa iyo sa mga tao. Tunay na si Allāh ay hindi nagpapatnubay sa mga taong tumatangging sumampalataya.
Sabihin mo: "O mga May Kasulatan, kayo ay hindi nakabatay sa anuman hanggang sa gampanan ninyo ang Torah, ang Ebanghelyo, at ang ibinaba sa inyo mula sa Panginoon ninyo." Talagang magdaragdag nga sa marami sa kanila ang ibinaba sa iyo mula sa Panginoon mo ng pagmamalabis at kawalang-pananampalataya. Kaya huwag kang magdalamhati sa mga taong tumatangging sumampalataya.
Tunay na ang mga sumampalataya, ang mga nagpakahudyo, ang mga Sabeo, at ang mga Kristiyano, ang sinumang sumampalataya kay Allāh at sa Huling Araw at gumawa ng matuwid ay walang pangamba sa kanila ni sila ay malulungkot.
Talaga ngang tumanggap Kami ng kasunduan sa mga anak ni Israel at nagsugo Kami sa kanila ng mga sugo. Sa tuwing may dumarating sa kanila na isang sugo na hindi ninanasa ng mga sarili nila, may isang pangkat na pinasinungalingan nila at may isang pangkat na pinapatay nila.
Inakala nilang walang ligalig kaya nabulag sila at nabingi sila, pagkatapos ay tumanggap si Allāh ng pagbabalik-loob sa kanila, pagkatapos ay may nabulag at nabinging marami sa kanila. Si Allāh ay nakakikita sa anumang ginagawa nila.
Talaga ngang tumangging sumampalataya ang mga nagsabi: "Tunay na si Allāh ay ang Kristo na anak ni Maria," samantalang nagsabi ang Kristo: "O mga anak ni Israel, sambahin ninyo si Allāh, ang Panginoon ko at ang Panginoon ninyo." Tunay na ang sinumang nagtatambal kay Allāh ay nagkait nga si Allāh sa kanya ng Paraiso at ang kanlungan niya ay ang Apoy. Hindi magkakaroon ang mga lumalabag sa katarungan ng anumang mga tagaadya.
Talaga ngang tumangging sumampalataya ang mga nagsabi: "Tunay na si Allāh ay ikatlo ng tatlo." Walang anumang Diyos maliban sa nag-iisang Diyos. Kung hindi sila titigil sa sinasabi nila ay talagang dadapuan nga ang mga tumangging sumampalataya kabilang sa kanila ng isang pagdurusang masakit.
Kaya hindi ba sila nagbabalik-loob kay Allāh at humihingi ng kapatawaran sa Kanya? Si Allāh ay mapagpatawad, maawain.
Walang iba ang Kristo na anak ni Maria kundi isang sugo, na nagdaan na bago pa niya ang mga sugo, at ang ina niya ay isang matapat. Silang dalawa ay kumakain noon ng pagkain. Tingnan mo kung papaano Naming nililinaw para sa kanila ang mga tanda, pagkatapos ay tingnan mo kung paano silang nalilihis.
Sabihin mo: "Sumasamba ba kayo bukod pa kay Allāh sa hindi nakapagdudulot para sa inyo ng isang pinsala ni pakinabang." Si Allāh ay ang Madinigin, ang Maalam.
Sabihin mo: "O mga May Kasulatan, huwag kayong magpalabis sa relihiyon ninyo ng hindi katotohanan at huwag ninyong sundin ang mga nasa ng mga taong naligaw na noon, nagpaligaw sa marami, at naligaw palayo sa katumpakan ng landas."
Isinumpa ang mga tumangging sumampalataya kabilang sa mga anak ni Israel ayon sa dila ni David at Hesus na anak ni Maria. Iyon ay dahil sa sumuway sila at sila noon ay lumalabag.
Sila noon ay hindi nagsasawayan laban sa isang nakasasamang ginawa nila. Talagang kaaba-aba ang ginagawa nila noon.
Nakakikita ka ng marami kabilang sa kanila na tumatangkilik sa mga tumangging sumampalataya. Talagang kaaba-aba ang ipinaunang para sa kanila ng mga sarili nila: napoot si Allāh sa kanila. Sa pagdurusa, sila ay mga mananatili.
Kung sakaling sila noon ay sumasampalataya kay Allāh, sa Propeta, at sa ibinaba rito, hindi sana nila ginawa ang mga iyon bilang mga katangkilik subalit marami sa kanila ay mga suwail.
Talagang matatagpuan mo ngang ang pinakamatindi sa mga tao sa pagkamuhi sa mga sumampalataya ay ang mga Hudyo at ang mga nagtambal [kay Allāh]. Talagang matatagpuan mo ngang ang pinakamalapit sa kanila sa pagmamahal sa mga sumampalataya ay ang mga nagsabi: "Tunay na kami ay mga Kristiyano." Iyon ay sapagkat kabilang sa kanila ay mga ministro at mga monghe, at na sila ay hindi nagmamalaki.
Kapag narinig nila ang ibinaba sa Sugo, makikita mo ang mga mata nila na nag-uumapaw sa luha dahil sa nakilala nila na katotohanan. Nagsasabi sila: "Panginoon Namin, sumampalataya kami kaya isulat Mo kami kasama ng mga sumasaksi.
Ano ang nangyayari sa amin: Hindi kami sumasampalataya kay Allāh at sa dumating sa amin na katotohanan, at naghahangad kami na papasukin kami ng Panginoon namin [sa Paraiso] kasama ng mga matuwid?
Kaya naggantimpala sa kanila si Allāh dahil sa sinabi nila ng mga hardin na dumadaloy mula sa ilalim ng mga ito ang mga ilog bilang mga nananatili sa mga ito. Iyon ay ang ganti sa mga nagmamagandang-loob.
Ang mga tumangging sumampalataya at nagpasinungaling sa mga tanda Namin ay ang mga iyon ang mga maninirahan sa Impiyerno.
O mga sumampalataya, huwag kayong magbawal ng mga kaaya-ayang ipinahintulot ni Allāh para sa inyo at huwag kayong lumabag. Tunay na si Allāh ay hindi umiibig sa mga lumalabag.
Kumain kayo mula sa itinustos sa inyo ni Allāh bilang isang ipinahintulot na kaaya-aya. Mangilag kayong magkasala kay Allāh na kayo ay sa Kanya mga mananampalataya.
Hindi kayo sinisisi ni Allāh sa pagkadulas sa mga panunumpa ninyo subalit sinisisi Niya kayo dahil pinagtibay ninyo ang mga panunumpa. Kaya ang panakip-sala niyon ay ang pagpapakain sa sampung dukha ng katamtaman sa ipinakakain ninyo sa mag-anak ninyo o ang pagpapadamit sa kanila o ang pagpapalaya sa isang alipin, ngunit ang sinumang hindi nakatagpo ay pag-aayuno ng tatlong araw. Iyon ay panakip-sala sa mga panunumpa ninyo kapag nanumpa kayo. Ingatan ninyo ang mga panunumpa ninyo. Gayon nililinaw ni Allāh para sa inyo ang mga tanda Niya nang sa gayon kayo ay magpapasalamat.
O mga sumampalataya, ang alak, ang pagpusta, ang mga bantayog, at [ang pagsasapalaran gamit] ang mga tagdan ng palaso ay kasalaulaan lamang kabilang sa gawain ng demonyo kaya iwasan ninyo ito, nang sa gayon kayo ay magtatagumpay.
Ninanais lamang ng demonyo na paganapin sa pagitan ninyo ang poot at ang suklam dahil sa alak at pagpusta, at hadlangan kayo sa pag-alaala kay Allāh at sa pagdarasal, kaya kayo ba ay mga titigil?
Tumalima kayo kay Allāh at tumalima kayo sa Sugo at mag-ingat kayo. Ngunit kung tumalikod kayo ay alamin ninyo na ang sa Sugo Namin ay ang pagpapaabot na naglilinaw lamang.
Walang maisisisi sa mga sumampalataya at gumawa ng mga mabuti kaugnay sa anumang kinain nila [noon] kapag nangilag silang magkasala, sumampalataya sila, at gumawa sila ng mga mabuti, pagkatapos ay nangilag silang magkasala at sumampalataya sila, pagkatapos ay nangilag silang magkasala at nagpapakahusay sila. Si Allāh ay umiibig sa mga tagapagpahusay.
O mga sumampalataya, talagang susulitin nga kayo ni Allāh ng isang bagay kabilang sa pinangangasong hayop na natatamo ng mga kamay ninyo at mga sibat ninyo upang masubok ni Allāh kung sino ang nangangamba sa Kanya nang Lingid. Kaya ang sinumang lumabag matapos niyon, ukol sa kanya ay isang pagdurusang masakit.
O mga sumampalataya, huwag kayong pumatay ng pinangangasong hayop habang kayo ay mga nasa iḥrām. Ang sinumang pumatay nito kabilang sa inyo nang sinasadya ay may isang ganting tulad ng pinatay niya na mga hayupan, na hahatol nito ang dalawang may katarungan kabilang sa inyo bilang isang handog na aabot sa Ka`bah; o may isang panakip-sala na pagpapakain ng mga dukha o katumbas niyon na pag-aayuno upang malasap niya ang kinalalabasan ng kagagawan niya. Nagpaumanhin si Allāh sa anumang nagdaan. Ang sinumang umulit ay maghihiganti si Allāh sa kanya. Si Allāh ay makapangyarihan, may paghihiganti.
Ipinahintulot para sa inyo ang nahuhuli sa dagat at ang pagkain doon bilang pakinabang para sa inyo at para sa mga manlalakbay. Ipinagbawal sa inyo ang nahuhuli sa katihan hanggat kayo ay nananatiling mga nasa iḥrām. Mangilag kayong magkasala kay Allāh na tungo sa Kanya ay titipunin kayo.
Ginawa ni Allāh ang Ka’bah bilang Bahay na Pinakababanal bilang pagpapanatili para sa mga tao, ang Buwang Pinakababanal, ang alay, at ang mga nakakuwintas. Iyon ay upang malaman ninyo na si Allāh ay nakaaalam sa anumang nasa mga langit at anumang nasa lupa at na si Allāh sa bawat bagay ay maalam.
Alamin ninyo na si Allāh ay matindi ang pagpaparusa at na si Allāh ay mapagpatawad, maawain.
Walang tungkulin ang Sugo kundi ang pagpapaabot. Si Allāh ay nakaaalam sa anumang inilalahad ninyo at sa anumang ikinukubli ninyo.
Sabihin mo: "Hindi nagkakapantay ang karima-rimarim at ang kaaya-aya, kahit pa man nagpahanga sa iyo ang dami ng karima-rimarim." Kaya mangilag kayong magkasala kay Allāh, O mga may mga pang-unawa, nang sa gayon kayo ay magtatagumpay.
O mga sumampalataya, huwag kayong magtanong tungkol sa mga bagay na kung ilalahad ang mga ito sa inyo ay ikayayamot ninyo ngunit kung magtatanong kayo tungkol sa mga ito sa sandaling pinabababa ang Qur’ān ay ilalahad ang mga ito sa inyo; nagpaumanhin si Allāh sa mga ito. Si Allāh ay mapagpatawad, matimpiin.
Itinanong na ang mga ito ng mga tao kabilang sa una sa inyo, pagkatapos sila sa mga ito ay naging mga tumatangging sumampalataya.
Hindi nagtalaga si Allāh ng baḥīrah, ni sā’ibah, ni waṣīlah, ni ḥāmī, subalit ang mga tumangging sumampalataya ay gumawa-gawa kay Allāh ng kasinungalingan, at ang higit na marami sa kanila ay hindi nakauunawa.
Kapag sinabi sa kanila: "Halikayo sa ibinaba ni Allāh at sa Sugo" ay nagsasabi sila: "Sapat sa amin ang natagpuan namin sa mga magulang namin." Kahit ba ang mga magulang nila noon ay hindi nakauunawa ng anuman at hindi napapatnubayan?
O mga sumampalataya, tungkulin ninyo ang mga sarili ninyo. Hindi kayo napipinsala ng sinumang naligaw kapag napatnubayan kayo. Tungo kay Allāh ang balikan ninyo sa kalahatan at magbabalita Siya sa inyo ng anumang ginagawa ninyo noon.
O mga sumampalataya, ang pagsasaksi sa pagitan ninyo, kapag dumalo sa isa sa inyo ang kamatayan sa sandali ng paghahabilin, ay [gagawin ng] dalawang may katarungan kabilang sa inyo o dalawang iba pa kabilang sa iba sa inyo kung kayo ay naglakbay sa lupain at dinapuan kayo ng pagdapo ng kamatayan. Pipigilan ninyo silang dalawa matapos ng pagdarasal at manunumpa silang dalawa kay Allāh, kung nag-aalinlangan kayo, [ng ganito:] "Hindi namin ipagbibili ito sa isang halaga kahit pa man iyon ay isang nauugnay sa pagkakamag-anak at hindi namin ikukubli ang pagsasaksi kay Allāh; tunay na kami, kung gayon, ay talagang kabilang sa mga nagkakasala."
Ngunit kung natuklasang silang dalawang ay naging karapat-dapat sa isang kasalanan, may dalawang iba pang tatayo sa katayuan nilang dalawa, ang dalawang pinakamalapit na kaanak kabilang sa mga naging karapat-dapat [sa pagmamana]. Kaya manunumpa ang dalawang ito [ng ganito]: "Talagang ang pagsasaksi namin ay higit na totoo kaysa sa pagsasaksi nilang dalawa at hindi kami lumabag; tunay na kami, kung gayon, ay talagang kabilang sa mga lumalabag sa katarungan."
Iyon ay higit na malamang na magsagawa sila ng pagsasaksi ayon sa katunayan nito o mangamba sila na tanggihan ang mga panunumpa matapos ng mga panunumpa nila. Mangilag kayong magkasala kay Allāh at duminig kayo. Si Allāh ay hindi nagpapatnubay sa mga taong suwail.
Sa araw na titipunin ni Allāh ang mga sugo at magsasabi Siya: "Ano ang itinugon sa inyo?" ay magsasabi sila: "Walang kaalaman sa amin; tunay na Ikaw ay ang palaalam sa mga Lingid."
[Banggitin] kapag magsasabi si Allāh: "O Hesus na anak ni Maria, alalahanin mo ang biyaya Ko sa iyo at sa ina mo noong nag-alalay Ako sa iyo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu: magsasalita ka sa mga tao habang nasa duyan pa at nasa kasapatang-gulang na; noong itinuro Ko sa iyo ang pagsulat, ang karunungan, ang Torah, at ang Ebanghelyo; noong lumilikha ka mula sa putik ng gaya ng anyo ng ibon ayon sa kapahintulutan Ko, umiihip ka rito at ito ay nagiging ibon, at nagpapagaling ka ng ipinanganak na bulag at ng ketongin ayon sa kapahintulutan Ko; noong pinalalabas mo ang mga patay ayon sa kapahintulutan Ko; at noong pinigilan Ko ang mga anak ni Israel laban sa iyo noong dinalhan mo sila ng mga malinaw na patunay at nagsabi ang mga tumangging sumampalataya kabilang sa kanila: Ito ay walang iba kundi isang panggagaway na malinaw."
[Banggitin] noong nagsiwalat Ako sa mga disipulo, na [nagsasabi]: "Sumampalataya kayo sa Akin at sa Sugo Ko" ay nagsabi sila: "Sumampalataya kami at sumaksi Ka na kami ay mga Muslim."
[Banggitin] noong nagsabi ang mga disipulo: "O Hesus na anak na Maria, makakaya ba ng Panginoon mo na magpababa sa atin ng isang hapag mula sa langit?" ay nagsabi siya: "Mangilag kayong magkasala kay Allāh kung kayo ay mga mananampalataya."
Nagsabi sila: "Ninanais namin na kumain mula roon, at mapanatag ang mga puso namin, at malaman namin na nagtapat ka nga sa amin, at kami roon ay maging kabilang sa mga sumasaksi."
Nagsabi si Hesus na anak ni Maria: "O Allāh, Panginoon namin, magbaba Ka sa amin ng isang hapag mula sa langit, na para sa amin ay magiging isang pagdiriwang para sa una sa amin at huli sa amin at isang tanda mula sa Iyo. Tustusan Mo kami yayamang Ikaw ay pinakamainam sa mga nagtutustos."
Nagsabi si Allāh: "Tunay na Ako ay magpapababa nito sa inyo; kaya ang sinumang tatangging sumampalataya matapos niyon kabilang sa inyo ay tunay na Ako ay magpaparusa sa kanya ng isang pagdurusang hindi Ko ipinarurusa sa isa sa mga nilalang."
[Banggitin] kapag magsasabi si Allāh: "O Hesus na anak ni Maria, ikaw ba ay nagsabi sa mga tao: Gawin ninyo ako at ang ina ko bilang dalawang diyos bukod pa kay Allāh?" ay magsasabi ito: "Napakamaluwalhati Mo; hindi magiging ukol sa akin na magsabi ako ng anumang wala akong karapatan. Kung nangyaring nagsabi ako niyon ay talaga sanang nalaman Mo iyon. Nalalaman Mo ang nasa sarili ko ngunit hindi ko nalalaman ang nasa sarili Mo. Tunay na Ikaw ay ang palaalam sa mga Lingid.
Wala akong sinabi sa kanila kundi ang ipinag-utos Mo sa akin: Sambahin ninyo si Allāh, ang Panginoon ko at ang Panginoon ninyo. Ako noon sa kanila ay isang saksi hanggat nananatili ako sa piling nila; ngunit noong kinuha Mo ako, Ikaw ay ang Mapagmasid sa kanila. Ikaw sa bawat bagay ay isang saksi.
Kung pagdurusahin Mo sila, tunay na sila ay mga lingkod Mo; at kung magpapatawad Ka sa kanila, tunay na Ikaw ay ang Makapangyarihan, ang Marunong."
Magsasabi si Allāh: "Ito ay araw na pakikinabangin ang mga tapat ng katapatan nila. Ukol sa kanila ay mga hardin na dumadaloy mula sa ilalim ng mga ito ang mga ilog habang mga nananatili sa mga ito magpakailanman." Nalugod si Allāh sa kanila at nalugod naman sila sa Kanya. Iyon ang pagtamong sukdulan.
Kay Allāh ang paghahari sa mga langit at lupa at anumang nasa loob ng mga ito. Siya sa bawat bagay ay may-kakayahan.
Icon