ﰡ
[Ito ay] isang kabanatang ibinaba Namin at isinatungkulin Namin. Nagbaba Kami rito ng mga talatang naglilinaw nang sa gayon kayo ay magsasaalaala.
Ang babaing nangangalunya at ang lalaking nangangalunya ay humagupit kayo sa bawat isa sa kanilang dalawa ng isang daang hagupit. Huwag kayong tangayin ng pagkahabag sa kanilang dalawa sa Relihiyon ni Allāh kung kayo ay sumasampalataya kay Allāh at sa Huling Araw. Sumaksi sa pagdurusa nilang dalawa ang isang pangkat kabilang sa mga mananampalataya.
Ang lalaking nangangalunya ay hindi mag-aasawa maliban sa isang babaing nangangalunya o sa isang babaing tagapagtambal. Ang babaing nangangalunya ay hindi mag-aasawa maliban sa isang lalaking nangangalunya o isang lalaking tagapagtambal. Ipinagbawal iyon sa mga mananampalataya
Ang mga nagpaparatang sa mga malinis na babae, pagkatapos ay hindi nakapaglahad ng apat na saksi, ay humagupit kayo sa kanila ng walumpung hagupit at huwag kayong tumanggap sa kanila ng isang pagsasaksi magpakailanman. Ang mga iyon ay ang mga suwail,
maliban sa mga nagbalik-loob matapos niyon at nagsaayos sapagkat tunay na si Allāh ay Mapagpatawad, Maawain.
Ang mga nagpaparatang sa mga maybahay nila gayong hindi nangyaring mayroon silang mga saksi maliban sa mga sarili nila, ang pagsaksi ng isa sa kanila ay apat na pagsaksi kay Allāh na tunay na siya ay talagang kabilang sa mga tapat.
Ang ikalimang [pagsaksi] ay na ang sumpa ni Allāh ay sumakanya kung siya ay kabilang sa mga sinungaling.
Magtutulak ng pagdurusa palayo sa maybahay ang pagsaksi niya nang apat na pagsaksi kay Allāh na tunay na ang asawa ay talagang kabilang sa mga sinungaling.
Ang ikalimang [pagsaksi] ay na ang galit ni Allāh ay sumakanya kung ito ay kabilang sa mga sinungaling
Kung hindi dahil sa kabutihang-loob ni Allāh sa inyo at awa Niya, at na dahil si Allāh ay Palatanggap ng pagbabalik-loob, Marunong.
Tunay na ang mga naghatid ng kabulaanan ay isang pulutong kabilang sa inyo. Huwag ninyong akalaing ito ay masagwa para sa inyo, bagkus ito ay mabuti para sa inyo. Ukol sa bawat tao kabilang sa kanila ang nakamit niya mula sa kasalanan. Ang bumalikat sa kalakihan niyon kabilang sa kanila, ukol sa kanya ay isang pagdurusang mabigat.
Bakit nga ba, noong narinig ninyo ito, hindi nag-isip ang mga lalaking mananampalataya at ang mga babaing mananampalataya ng maganda sa mga sarili nila at nagsabing ito ay isang kabulaanang malinaw?
Bakit nga ba hindi sila nagdala para rito ng apat na saksi? Kaya kung hindi sila naghatid ng mga saksi, ang mga iyon, sa ganang kay Allāh, ay ang mga sinungaling.
Kung hindi dahil sa kabutihang-loob ni Allāh sa inyo at awa Niya sa Mundo at Kabilang-buhay ay talaga sanang sinaling kayo, dahil sa pinaggagawa ninyo, ng isang pagdurusang mabigat
noong tumatanggap kayo niyon sa pamamagitan ng dila ninyo, nagsasabi kayo sa pamamagitan ng mga bibig ninyo ng wala kayong kaalaman hinggil doon, at nag-aakala kayong iyon ay magaan samantalang iyon sa ganang kay Allāh ay mabigat.
Bakit nga ba, noong narinig ninyo ito, hindi kayo nagsabi: "Hindi nauukol sa amin na magsalita kami nito. Kaluwalhatian sa Iyo! Ito ay isang paninirang-puring mabigat."
Nangangaral sa inyo si Allāh na [huwag] kayong manumbalik sa tulad nito magpakailanman, kung kayo ay mga mananampalataya.
Naglilinaw si Allāh sa inyo ng mga talata Niya. Si Allāh ay Maalam, Marunong.
Tunay na ang mga umiibig na lumaganap ang mahalay sa mga sumasampalataya, ukol sa kanila ay isang pagdurusang masakit sa Mundo at Kabilang-buhay. Si Allāh ay nakaaalam samantalang kayo ay hindi nakaaalam.
Kung hindi dahil sa kabutihang-loob ni Allāh sa inyo at awa Niya, at dahil si Allāh ay Mahabagin, Maawain, [kaagad sana kayong pinarusahan.]
O mga sumampalataya, huwag kayong sumunod sa mga bakas ng demonyo. Ang sinumang sumusunod sa mga bakas ng demonyo, tunay na siya ay nag-uutos ng kahalayan at nakasasama. Kung hindi dahil sa kagandahang-loob ni Allāh sa inyo at awa Niya, walang dumalisay kabilang sa inyo na isa man magpakailanman; subalit si Allāh ay nagdadalisay sa sinumang niloloob Niya. Si Allāh ay Madinigin, Maalam.
Huwag manumpa ang mga may kalamangan kabilang sa inyo at kaluwagan na hindi sila magbigay sa mga kaanak, mga dukha, at mga tagalikas sa landas ni Allāh; magpaumanhin sila; at magpalampas sila. Hindi ba kayo umiibig na magpatawad si Allāh para sa inyo? Si Allāh ay Mapagpatawad, Maawain.
Tunay na ang nagpaparatang sa mga mabining inosenteng babaing mananampalataya ay isinumpa sila sa Mundo at Kabilang-buhay at ukol sa kanila ay isang pagdurusang mabigat,
sa Araw na sasaksi laban sa kanila ang mga dila nila, ang mga kamay nila, at ang mga paa nila sa dati nilang ginagawa.
Sa Araw na iyon, tutumbasan sila ni Allāh sa relihiyon nilang totoo at malalaman nilang si Allāh ay ang katotohanan, ang Malinaw.
Ang mga salitang karima-rimarim ay ukol sa mga taong karima-rimarim, at ang mga taong karima-rimarim ay ukol sa mga salitang karima-rimarim. Ang mga salitang kaaya-aya ay ukol sa mga taong kaaya-aya, at ang mga taong kaaya-aya ay ukol sa mga salitang kaaya-aya. Ang mga [taong kaaya-ayang] iyon ay mga pinawalang-sala mula sa sinasabi ng mga [naninirang-puring] ito. Ukol sa kanila ay isang kapatawaran at isang panustos na marangal.
O mga sumampalataya, huwag kayong pumasok sa mga bahay na hindi mga bahay ninyo hanggang sa nakapagpaalam kayo at bumati kayo sa mga nakatira sa mga ito. Iyon ay higit na mabuti para sa inyo nang sa gayon kayo ay makapag-aalaala.
Kaya kung hindi kayo nakatagpo sa loob niyon ng isa man ay huwag kayong pumasok sa mga iyon hanggang sa ipinahintulot sa inyo. Kung sinabi sa inyo: "Umuwi kayo," ay umuwi kayo. Ito ay higit na dalisay para sa inyo. Si Allāh sa anumang ginagawa ninyo ay Maalam.
Wala sa inyo ang paninisi na pumasok kayo sa mga bahay na hindi tinitirahan, na doon ay may kapakinabangan para sa inyo. Si Allāh ay nakaaalam sa anumang inilalantad ninyo at anumang inililihim ninyo.
Sabihin mo sa mga lalaking mananampalataya na magbaba sila ng mga paningin nila at mangalaga sila sa mga ari nila. Iyon ay higit na dalisay para sa kanila. Tunay na si Allāh ay Nakababatid sa anumang niyayari nila.
Sabihin mo sa mga babaing mananampalataya na magbaba sila ng mga paningin nila, mangalaga sila sa mga ari nila, huwag silang maglantad ng gayak nila maliban sa nakalitaw na mula rito, magpaabot sila ng mga belo nila sa mga dibdib nila, huwag silang maglantad ng gayak nila maliban sa mga asawa nila, o mga ama nila, o mga ama ng mga asawa nila, o mga lalaking anak nila, o mga lalaking anak ng mga asawa nila, o mga lalaking kapatid nila, o mga lalaking anak ng mga lalaking kapatid nila, o mga lalaking anak ng mga babaing kapatid nila, o mga kapwa babae nila, o mga minay-ari ng mga kanang kamay nila, o mga tagapaglingkod na walang pagnanasa kabilang sa mga lalaki, o mga batang lalaking hindi nakabatid sa mga kahubaran ng mga babae. Huwag silang magpadyak ng mga paa nila upang malaman ang ikinukubli nila mula sa gayak nila. Magbalik-loob kayo kay Allāh sa kalahatan, O mga mananampalataya, nang sa gayon kayo ay magtatagumpay.
Ipakasal ninyo ang mga walang asawa kabilang sa inyo at ang mga maayos kabilang sa mga lalaking alipin ninyo at mga babaing alipin ninyo. Kung sila ay mga maralita, magkakaloob sa kanila si Allāh mula sa kabutihang-loob Niya. Si Allāh ay Malawak, Maalam.
Manatili sa kalinisang-puri ang mga hindi nakatatagpo ng pampakasal hanggang sa magkaloob sa kanila si Allāh mula sa kabutihang-loob Niya. Ang mga naghahangad ng kasulatan [ng paglaya] mula sa minay-ari ng mga kanang kamay ninyo ay makipagsulatan kayo sa kanila [ng kasunduan] kung nakaalam kayo sa kanila ng kabutihan at magbigay kayo sa kanila mula sa yaman ni Allāh na ibinigay Niya sa inyo. Huwag kayong mamilit sa mga babaing alipin ninyo sa pagpapatutot, kung nagnais sila ng pagpapakabini, upang maghangad ng panandalian sa buhay na makamundo. Ang sinumang namilit sa kanila, tunay na si Allāh, noong matapos ng pamimilit sa kanila, ay Mapagpatawad, Maawain.
Talaga nang nagbaba Kami sa inyo ng mga tandang naglilinaw, halimbawa mula sa mga nagdaan noong wala pa kayo, at pangaral ukol sa mga tagapangilag sa pagkakasala.
Si Allāh ay ang liwanag ng mga langit at lupa. Ang paghahalimbawa sa liwanag Niya ay gaya ng isang siwang na sa loob nito ay may isang ilawan. Ang ilawan ay nasa loob ng isang salamin. Ang salamin ay para bang ito ay isang tala na malaperlas na pinagniningas mula sa isang pinagpalang punong-kahoy na oliba na hindi isang silanganin at hindi isang kanluranin, na halos ang langis nito ay nagtatanglaw kahit pa man hindi ito nasaling ng isang apoy. Isang liwanag sa ibabaw ng isang liwanag, nagpapatnubay si Allāh para sa liwanag Niya sa sinumang niloloob Niya. Gumagawa si Allāh ng mga paghahalimbawa para sa mga tao. Si Allāh sa bawat bagay ay Maalam.
[Ang gayon ay] nasa mga bahay [ni Allāh] na nagpahintulot si Allāh na iangat at banggitin sa mga ito ang pangalan Niya, na nagluluwalhati para sa Kanya sa mga ito sa umaga at mga gabi.
Mga lalaking hindi nalilibang ng isang kalakalan ni pagtitinda palayo sa pag-aalaala kay Allāh, pagpapanatili sa pagdarasal, at pagbibigay ng zakāh, nangangamba sila sa isang Araw na magpapalipat-lipat doon ang mga puso at ang mga paningin
upang gumanti sa kanila si Allāh sa pinakamaganda sa ginawa nila at magdagdag Siya sa kanila mula sa kabutihang-loob Niya. Si Allāh ay nagtutustos sa kaninumang niloloob Niya nang walang pagtutuos.
Ang mga tumangging sumampalataya, ang mga gawa nila ay gaya ng isang malikmata sa isang mababang kapatagan na inaakala ng uhaw na isang tubig. Hanggang sa nang dumating ito roon ay hindi ito nakatagpo roon ng anuman ngunit nakatagpo ito kay Allāh sa tabi niya at maglulubos Siya rito ayon sa pagtutuos dito. Si Allāh ay mabilis ang pagtutuos.
O gaya ng mga kadiliman sa isang dagat na pagkalalim-lalim na tinatakpan ng mga alon, na sa ibabaw ng mga ito ay may mga alon, na sa ibabaw ng mga ito ay may mga ulap. Mga kadilimang ang ilan sa mga ito ay nasa ibabaw ng iba. Kapag naglabas siya ng kamay niya ay hindi niya halos makita ito. Ang sinumang hindi gumawa si Allāh para sa kanya ng isang liwanag ay walang ukol sa kanya na anumang liwanag.
Hindi mo ba nakita na kay Allāh nagluluwalhati ang sinumang nasa mga langit at lupa, at ang mga ibon habang mga nagbubuka [ng mga pakpak]. Bawat [isa] ay nakaalam nga ng dasal nito at pagluluwalhati nito. Si Allāh ay Maalam sa anumang ginagawa nila.
Kay Allāh ang paghahari sa mga langit at lupa, at tungo kay Allāh ang kahahantungan.
Hindi mo ba nakita na si Allāh ay nagpapausad sa mga ulap. Pagkatapos ay nagbubuklod Siya sa mga ito. Pagkatapos ay gumagawa Siya sa mga ito na isang bunton, at nakikita mo ang ulan na lumalabas mula sa loob ng mga ito. Nagpapababa Siya mula sa langit [tulad ng laki ] ng mga bundok [ng mga ulap] na nasa loob ng mga iyon ay may mga yelong ulan, at nagpapatama Siya ng mga ito sa kaninumang niloloob Niya at nagbabaling Siya ng mga ito palayo sa kaninumang niloloob Niya. Halos ang kislap ng kidlat nito ay tumangay sa mga paningin.
Nagpapasalitan si Allāh sa gabi at maghapon. Tunay sa gayon ay talagang may pangaral sa mga may mga paningin.
Si Allāh ay lumikha sa bawat hayop mula sa tubig, at mayroon sa kanila na naglalakad sa tiyan, mayroon sa kanila na naglalakad sa dalawang paa, at mayroon sa kanila na naglalakad sa apat. Lumilikha si Allāh ng anumang niloloob Niya. Tunay na si Allāh sa bawat bagay ay May-kakayahan.
Talaga ngang nagbaba Kami ng mga tandang malinaw. Si Allāh ay nagpapatnubay sa sinumang niloloob Niya tungo sa isang landasing tuwid.
Nagsasabi sila: "Sumampalataya kami kay Allāh at sa Sugo at tumalima Kami." Pagkatapos ay may tumatalikod na isang pangkat kabilang sa kanila matapos niyon. Ang mga iyon ay hindi ang mga mananampalataya.
Kapag inanyayahan sila kay Allāh at sa Sugo Niya upang humatol ito sa pagitan nila, biglang may isang pangkat kabilang sa kanila na mga tagaayaw.
Kung nangyaring ukol sa kanila ang katotohanan, pupunta sila sa kanya na mga nagpapahinuhod.
Sa mga puso nila ba ay may karamdaman, o nag-alinlangan sila, o nangangamba sila na kumiling si Allāh laban sa kanila at ang Sugo Niya? Bagkus ang mga iyon ay ang mga tagalabag sa katarungan.
Tanging ang sasabihin ng mga mananampalataya kapag inanyayahan sila kay Allāh at sa Sugo Niya upang humatol sa pagitan nila ay na magsabi sila: "Nakarinig kami at tumalima kami." Ang mga iyon ay ang mga magtatagumpay.
Ang sinumang tumatalima kay Allāh at sa Sugo Niya, natatakot kay Allāh, at nangingilag magkasala sa Kanya, ang mga iyon ay ang mga magtatagumpay.
Nanumpa sila kay Allāh nang taimtim sa mga panunumpa nila na talagang kung nag-utos ka sa kanila ay talagang lalabas nga sila. Sabihin mo: "Huwag kayong sumumpa. May isang [huwad na] pagtalimang nakikilala." Tunay na si Allāh ay Tagabatid sa anumang ginagawa ninyo.
Sabihin mo: "Tumalima kayo kay Allāh at tumalima kayo sa Sugo; ngunit kung tatalikod kayo, tanging tungkulin sa kanya ang ipinapasan sa kanya at tungkulin sa inyo ang ipinapasan sa inyo. Kung tatalima kayo sa kanya ay mapapatnubayan kayo. Walang tungkulin sa Sugo kundi ang pagpapaabot na malinaw."
Nangako si Allāh sa mga sumampalataya kabilang sa inyo at gumawa ng mga matuwid na talagang magtatalaga nga Siya sa kanila bilang kahalili sa lupain gaya ng pagtalaga Niya sa mga nauna sa kanila bilang kahalili, talagang magpapatatag nga Siya para sa kanila ng Relihiyon nila na kinalugdan Niya para sa kanila, at talagang magpapalit nga Siya sa kanila, matapos ng pangamba nila, ng katiwasayan. Sasamba sila sa akin; hindi sila magtatambal sa Akin ng anuman. Ang sinumang tumangging sumampalataya matapos niyon, ang mga iyon ay ang mga suwail.
Magpanatili kayo ng pagdarasal, magbigay kayo ng zakāh, at tumalima kayo sa Sugo, nang sa gayon kayo ay kaaawaan.
Huwag kang mag-akala sa mga tumangging sumampalataya na mga mapagpapawalang-kakayahan sa lupa. Ang kanlungan nila ay ang Apoy, at talagang sumaklap ang kahahantungan.
O mga sumampalataya, magpaalam sa inyo ang mga minay-ari ng mga kanang kamay ninyo at ang mga hindi umabot sa kahustuhang gulang kabilang sa inyo sa tatlong sandali: mula sa bago ng dasal sa madaling-araw, kapag nag-aalis kayo ng mga kasuutan ninyo [sa pamamahinga] sa tanghali, at mula sa matapos ng dasal sa gabi. Tatlong [sandali ng] kahubaran para sa inyo [ito]. Wala sa inyo at wala sa kanilang masisisi bukod sa mga ito. Mga lumilibot sa inyo: ang ilan sa inyo sa iba pa. Gayon naglilinaw si Allāh para sa inyo ng mga talata. Si Allāh ay Maalam, Marunong.
Kapag umabot ang mga bata kabilang sa inyo sa kahustuhang gulang ay magpaalam sila gaya ng pagpaalam ng mga nauna sa kanila. Gayon naglilinaw si Allāh para sa inyo ng mga talata Niya. Si Allāh ay Maalam, Marunong.
Ang mga matanda kabilang sa mga babaing hindi na nakaaasang mag-asawa ay wala sa kanilang maisisisi na maghubad sila ng mga [panlabas na] kasuutan nila nang hindi mga nagtatanghal ng gayak, ngunit ang magpakahinhin sila ay higit na mabuti para sa kanila. Si Allāh ay Madinigin, Maalam.
Sa bulag ay walang maisisisi, sa lumpo ay walang maisisisi, sa maysakit ay walang maisisisi, at sa mga sarili ninyo na kumain kayo mula sa mga bahay ninyo, o mga bahay ng mga ama ninyo, o mga bahay ng mga ina ninyo, o mga bahay ng mga lalaking kapatid ninyo, o mga bahay ng babaing kapatid ninyo, o mga bahay ng mga tiyuhin sa ama ninyo, o mga bahay ng mga tiyahin sa ama ninyo, o mga bahay ng mga tiyuhin sa ina ninyo, o mga bahay ng mga tiyahin sa ina ninyo, o anumang nagtaglay kayo ng mga susi nito, o [bahay] ng kaibigan ninyo. Wala sa inyong maisisisi na kumain kayo nang magkakasama o nang hiwa-hiwalay. Kapag pumasok kayo sa mga bahay ay bumati kayo sa mga sarili ng isa't isa sa inyo ng isang pagbating mula sa ganang kay Allāh, na pinagpalang kaaya-aya. Gayon naglilinaw si Allāh para sa inyo ng mga talata nang sa gayon kayo ay makauunawa.
Tanging ang mga mananampalataya ay ang mga sumampalataya kay Allāh at sa Sugo Niya. Kapag nangyaring sila ay kasama sa kanya sa isang usaping bukluran, hindi sila umaalis hanggang sa magpaalam sila sa kanya. Tunay na ang mga nagpapaalam sa iyo, ang mga iyon ay ang mga sumasampalataya kay Allāh at sa Sugo Niya. Kaya kapag nagpaalam sila sa iyo dahil sa ilan sa nauukol sa kanila, magpahintulot ka sa sinumang niloob mo kabilang sa kanila at humingi ka ng tawad para sa kanila kay Allāh. Tunay na si Allāh ay Mapagpatawad, Maawain.
Huwag kayong gumawa sa pagtawag sa Sugo sa gitna ninyo gaya ng pagtawag ng ilan sa inyo sa iba. Nalalaman nga ni Allāh ang mga tumatalilis kabilang sa inyo habang itinatago. Kaya mag-ingat ang mga sumasalungat sa utos niya na baka may tumama sa kanila na isang pagsubok o may tumama sa kanila na isang pagdurusang masakit.
Pansinin, tunay na sa kay Allāh ang anumang nasa mga langit at lupa. Nakaaalam nga Siya sa anumang kayo ay naroon at sa araw na ibabalik sila sa Kanya kaya magbabalita Siya sa kanila ng anumang ginawa nila. Si Allāh sa bawat bagay ay Maalam.