ﰡ
Ang pagbababa ng Aklat ay mula kay Allāh, ang Makapangyarihan, ang Maalam.
ang Tagapatawad ng pagkakasala, ang Tagatanggap ng pagbabalik-loob, ang Matindi sa pagpaparusa, ang May-kaya. Walang Diyos kundi Siya; sa Kanya ang kahahantungan.
Walang nakikipagtalo hinggil sa mga tanda ni Allāh kundi ang mga tumangging sumampalataya, kaya huwag manlinlang sa iyo ang paggala-gala nila sa lupain.
Nagpasinungaling ang mga kababayan ni Noe at ang mga lapian noong matapos nila. Nagtangka ang bawat kalipunan sa sugo nila upang dumaklot doon. Nakipagtalo sila sa pamamagitan ng kabulaanan upang magpamali sa pamamagitan nito sa katotohanan. Kaya dumaklot Ako sa kanila kaya papaano na ang parusa Ko!
Gayon nagindapat ang salita ng Panginoon mo sa mga tumangging sumampalataya, na sila ay mga maninirahan sa Apoy.
Ang mga [anghel] na nagpapasan ng Trono at ang mga nasa paligid nito ay nagluluwalhati kalakip ng pagpupuri sa Panginoon nila, sumasampalataya sa Kanya, at humihingi ng tawad para sa mga sumampalataya, [na nagsasabi]: "Panginoon namin, sumaklaw Ka sa bawat bagay sa awa at kaalaman kaya magpatawad Ka sa mga nagbalik-loob at sumunod sa landas Mo, at mangalaga Ka sa kanila sa pagdurusa sa Impiyerno.
Panginoon namin, at magpapasok Ka sa kanila sa mga Hardin ng Pamamalagian na ipinangako Mo sa kanila at sa sinumang umayos kabilang sa mga magulang nila, mga asawa nila, at mga supling nila. Tunay na Ikaw ay ang Makapangyarihan, ang Marunong.
Mangalaga Ka sa kanila sa mga masagwang gawa. Ang sinumang pinangalagaan Mo sa mga masagwang gawa sa Araw na iyon ay kinaawaan Mo nga. Iyon ay ang pagkatamong sukdulan."
Tunay na ang mga tumangging sumampalataya ay tatawagin: "Talagang ang pagkamuhi ni Allāh ay higit na malaki kaysa sa pagkamuhi ninyo sa mga sarili ninyo nang inaanyayahan kayo sa pananampalataya ngunit tumatanggi kayong sumampalataya."
Magsasabi sila: "Panginoon namin, nagbigay-kamatayan Ka sa amin nang dalawang ulit at nagbigay-buhay Ka sa amin nang dalawang ulit, at umamin kami sa mga pagkakasala namin. Kaya ba sa paglabas ay may anumang landas?"
[Sasabihin]: "Iyon ay dahil kapag dinalanginan si Allāh nang mag-isa, tumatanggi kayong sumampalataya; at kung tinatambalan Siya, sumasampalataya kayo. Kaya ang paghahatol ay ukol kay Allāh, ang Mataas, ang Malaki."
Siya ay ang nagpapakita sa inyo ng mga tanda Niya at nagbababa para sa inyo mula sa langit ng panustos. Walang nagsasaalaala kundi ang sinumang nagsisising nagbabalik.
Kaya dumalangin kayo kay Allāh bilang mga nagpapakawagas sa Kanya sa relihiyon kahit pa man masuklam ang mga tagatangging sumampalataya.
Ang Angat sa mga antas, ang May Trono, nagtatalaga Siya ng espiritu mula sa utos Niya sa sinumang niloloob Niya kabilang sa mga lingkod Niya upang magbabala ng Araw ng pagkikita.
Sa Araw na sila ay mga lilitaw, walang makakukubli kay Allāh mula sa kanila na anuman. Sa kanino ang paghahari sa Araw na ito? Sa kay Allāh, ang Nag-iisa, ang Palagapi.
Sa Araw na ito, gagantihan ang bawat kaluluwa sa nakamit nito. Walang kawalang-katarungan sa Araw na ito. Tunay na si Allāh ay Mabilis sa pagtutuos.
Magbabala ka sa kanila ng Araw ng Papalapit kapag ang mga puso ay nasa tabi ng mga lalamunan habang mga nagpipigil. Walang ukol sa mga tagalabag sa katarungan na anumang matalik na kaibigan ni tagapamagitang tatalimain.
Nakaaalam Siya sa taksil sa mga mata at ang anumang ikinukubli ng mga dibdib.
Si Allāh ay humuhusga ayon sa katotohanan samantalang ang mga dinadalanginan nila bukod pa sa Kanya ay hindi humuhusga ayon sa anuman. Tunay na si Allāh ay ang Madinigin, ang Nakakikita.
Hindi ba sila humayo sa lupain para magmasid sila kung papaano naging ang kinahinatnan ng mga noon ay kabilang sa nauna sa kanila? Dati ang mga iyon ay higit na matindi kaysa sa kanila sa lakas at mga bakas sa lupain, ngunit dumaklot sa kanila si Allāh dahil sa mga pagkakasala nila. Hindi nangyaring mayroon sila laban kay Allāh na anumang tagasanggalang.
Iyon ay dahil sila noon ay hinahatiran ng mga sugo nila ng mga malinaw na patunay ngunit tumanggi silang sumampalataya kaya dumaklot sa kanila si Allāh. Tunay na Siya ay Malakas, Matindi sa pagparusa.
Talaga ngang nagsugo Kami kay Moises, kalakip ng mga tanda Namin at isang pagbibigay-karapatang malinaw,
kina Paraon, Hāmān, at Qārūn, ngunit nagsabi sila: "Isang manggagaway na palasinungaling!"
Kaya noong nagdala siya sa kanila ng katotohanan mula sa ganang Amin ay nagsabi sila: "Patayin ninyo ang mga lalaking anak ng mga sumampalataya kasama sa kanya at hayaan ninyong mabuhay ang mga kababaihan nila." Ngunit walang iba ang pakana ng mga tagatangging sumampalataya kundi nasa isang pagkaligaw.
Nagsabi si Paraon: "Hayaan ninyo ako, papatayin ko si Moises at dumalangin siya sa Panginoon niya. Tunay na ako ay nangangamba na magpalit siya sa relihiyon ninyo o na magpangibabaw siya sa lupain ng kaguluhan."
Nagsabi si Moises: "Tunay na ako ay nagpakupkop sa Panginoon ko at Panginoon ninyo laban sa bawat nagpapakamalaking hindi sumasampalataya sa Araw ng Pagtutuos."
May nagsabing isang lalaking mananampalataya kabilang sa mag-anak ni Paraon, na nagtatago ng pananampalataya niya: "Papatay ba kayo ng isang lalaki dahil nagsasabi siya: 'Ang Panginoon ko ay si Allāh,' gayong nagdala nga siya sa inyo ng mga malinaw na patunay mula sa Panginoon ninyo? Kung siya ay naging isang sinungaling, pananagutan niya ang kasinungalingan niya. Kung siya ay naging isang tapat, tatama sa inyo ang ilan sa ipinangangako niya sa inyo. Tunay na si Allāh ay hindi nagpapatnubay sa sinumang tagamalabis na palasinungaling.
O mga kababayan ko, taglay ninyo ang paghahari ngayong araw bilang mga nangingibabaw sa lupain, ngunit sino ang mag-aadya sa atin laban sa parusa ni Allāh kung dumating ito sa atin?" Nagsabi si Paraon: "Wala akong ipinakikita sa inyo kundi ang nakikita ko at wala akong ipinapatnubay sa inyo kundi ang landas ng kagabayan."
Nagsabi ang sumampalataya: "O mga kababayan ko, tunay na ako ay nangangamba para sa inyo ng tulad ng sa araw ng mga lapian,
tulad ng kinagawian ng mga kababayan nina Noe, `Ād, Thamūd, at ng mga kabilang sa matapos nila. Hindi si Allāh nagnanais ng kawalang-katarungan para sa mga lingkod [Niya].
O mga kababayan ko, tunay na ako ay nangangamba para sa inyo sa Araw ng Pagtatawagan,
sa Araw na tatalikod kayo na mga tumatakas. Walang ukol sa inyo laban kay Allāh na anumang tagasanggalang. Ang sinumang pinaligaw ni Allāh ay walang ukol sa kanya na anumang tagapatnubay.
Talaga ngang nagdala sa inyo si Yusuf noong una pa ng mga malinaw na patunay, ngunit nanatili kayo sa isang pagdududa sa dinala niya sa inyo, hanggang sa nang namatay siya ay nagsabi kayo: "Hindi magpapadala si Allāh noong matapos niya ng isang sugo." Gayon nagpapaligaw si Allāh sa sinumang tagamalabis na nag-aalinlangan.
Ang mga nakikipagtalo hinggil sa mga tanda ni Allāh nang walang katunayang pumunta sa kanila ay malaki sa pagkamuhi sa ganang kay Allāh at sa ganang mga sumampalataya. Gayon nagpipinid si Allāh sa bawat puso ng isang nagpapakamalaking palasiil.
Nagsabi si Paraon: "O Hāmān, magpatayo ka para sa akin ng isang tore nang sa gayon ako ay makararating sa mga daanan:
mga daanan tungo sa mga langit para makatingin ako sa Diyos ni Moises, at tunay na ako ay talagang nagpapalagay na siya ay isang sinungaling." Gayon ipinang-akit para kay Paraon ang kasagwaan ng gawain niya at hinadlangan siya sa landas. Walang [kahahantungan] ang pakana ni Paraon kundi sa pagkawasak.
Nagsabi ang sumampalataya: "O mga kababayan ko, sumunod kayo sa akin, magpapatnubay ako sa inyo sa landas ng kagabayan.
O mga kalipi ko, itong buhay na pangmundong buhay ay isang pagtatamasa lamang at tunay na ang Kabilang-buhay ay ang tahanan ng pamamalagian.
Ang sinumang gumawa ng isang masagwang gawa ay hindi gagantihan maliban ng tulad nito. Ang sinumang gumawa ng maayos, na lalaki man o babae habang siya ay isang mananampalataya, ang mga iyon ay papasok sa Hardin, na tutustusan doon nang walang pagtutuos.
O mga kababayan ko, anong mayroon ako na nag-aanyaya ako sa inyo tungo sa kaligtasan samantalang nag-aanyaya kayo sa akin tungo sa Apoy?
Nag-aanyaya kayo sa akin upang tumanggi akong sumampalataya kay Allāh at magtambal ako sa Kanya ng wala sa aking kaalaman hinggil doon, samantalang ako ay nag-aanyaya sa inyo tungo sa [Kanya], ang Makapangyarihan, ang Mapagpatawad.
Walang pasubali na ang ipinaaanyaya ninyo sa akin ay walang ukol ditong isang pag-aanyaya sa Mundo ni sa Kabilang-buhay, na ang pagsasaulian sa amin ay kay Allāh, at na ang mga tagamalabis ay ang mga kasamahan ng Apoy.
Kaya makaaalaala kayo sa sinasabi ko sa inyo. Ipinagkakatiwala ko ang nauukol sa akin kay Allāh; tunay na si Allāh ay Nakakikita sa mga lingkod [Niya]."
Kaya nangalaga sa kanya si Allāh sa mga masagwang gawa na ipinakana nila. Pumaligid sa mga kampon ni Paraon ang kasagwaan ng pagdurusa.
Ang Apoy, isasalang sila roon sa umaga at gabi. Sa Araw na sasapit ang Huling Sandali [ay sasabihin]: "Magpapasok kayo sa mga kampon ni Paraon sa pinakamatindi sa pagdurusa."
[Banggitin] kapag magkakatwiranan sila sa loob ng Apoy kaya magsasabi ang mga mahina sa mga nagmalaki: "Tunay na kami para sa inyo ay naging tagasunod. Kaya ba kayo ay mga makasasapat para sa amin sa isang bahagi mula sa Apoy?"
Magsasabi ang mga nagmalaki: "Tunay na tayo ay lahat narito [sa Impiyerno]; tunay na si Allāh ay humatol na sa pagitan ng mga lingkod [Niya]."
Magsasabi pa ang mga nasa Apoy sa mga [anghel na] tanod ng Impiyerno: "Dumalangin kayo sa Panginoon ninyo na magpagaan Siya para sa amin ng isang araw ng pagdurusa."
Magsasabi sila: "Hindi ba nangyaring naghahatid sa inyo ang mga sugo ninyo ng mga malinaw na patunay?" Magsasabi ang mga iyon: "Oo." Magsasabi sila: "Kaya dumalangin kayo," at walang [kahahantungan] ang panalangin ng mga tagatangging sumampalataya kundi sa pagkaligaw."
Tunay na Kami ay talagang nag-aadya sa mga sumampalataya sa Mundo at sa Araw na titindig ang mga saksi,
sa Araw na hindi magpapakinabang sa mga tagalabag sa katarungan ang dahi-dahilan nila. Ukol sa kanila ay ang sumpa at ukol sa kanila ay ang kasagwaan ng tahanan.
Talaga ngang nagbigay Kami kay Moises ng patnubay at nagpamana Kami sa mga anak ni Israel ng Kasulatan
bilang isang patnubay at isang paalaala para sa mga may isip.
Kaya magtiis ka; tunay na ang pangako ni Allāh ay katotohanan. Humingi ka ng tawad sa pagkakasala mo at magluwalhati ka kalakip ng pagpupuri sa Panginoon mo sa gabi at pag-uumaga.
Tunay na ang mga nakikipagtalo hinggil sa mga tanda ni Allāh nang walang isang katunayang pumunta sa kanila, walang nasa mga dibdib nila kundi isang pagmamalaking hindi sila makaaabot rito. Kaya magpakupkop ka kay Allāh. Tunay na Siya ay ang Madinigin, ang Nakakikita.
Talagang ang pagkakalikha sa mga langit at lupa ay higit na malaki kaysa sa pagkalikha sa mga tao, subalit ang higit na marami sa mga tao ay hindi nakaaalam.
Hindi nagkakapantay ang bulag at ang nakakikita, ang mga sumampalataya at mga gumawa ng mga maayos at ang tagagawa ng masagwa. Kakaunti ang pagsasaalaala ninyo!
Tunay na ang Huling Sandali ay talagang darating, walang pag-aalinlangan hinggil dito, subalit ang higit na marami sa mga tao ay hindi sumasampalataya.
Nagsabi ang Panginoon ninyo: "Dumalangin kayo sa Akin, tutugon Ako sa inyo." Tunay na ang mga nagmamalaki sa [pag-ayaw sa] pagsamba sa Akin ay papasok sa Impiyerno na mga hamak.
Si Allāh ay ang gumawa para sa inyo ng gabi upang tumahan kayo roon at ng maghapon bilang nagpapakita. Tunay na si Allāh ay talagang may kabutihang-loob sa mga tao, subalit ang higit na marami sa mga tao ay hindi nagpapasalamat.
Gayon si Allāh, ang Panginoon ninyo na Tagalikha ng bawat bagay. Walang Diyos kundi Siya, kaya paanong napahihibang kayo?
Gayon napahihibang ang mga noon ay sa mga tanda ni Allāh nagkakaila.
Si Allāh ay ang gumawa para sa inyo ng lupa bilang isang pamamalagian at ng langit bilang isang bubungan, nagbigay-anyo sa inyo at nagpaganda sa mga anyo ninyo, at nagtustos sa inyo ng mga kaaya-ayang bagay. Gayon si Allāh, ang Panginoon ninyo. Kaya mapagpala si Allāh, ang Panginoon ng mga nilalang.
Siya ay ang Buhay. Walang Diyos kundi Siya, kaya dumalangin kayo sa Kanya bilang mga nagpapakawagas sa Kanya sa relihiyon. Ang papuri ay ukol kay Allāh, ang Panginoon ng mga nilalang.
Sabihin mo: "Tunay na ako ay sinaway na sumamba ako sa mga dinadalanginan ninyo bukod pa kay Allāh noong dumating sa akin ang mga malinaw na patunay mula sa Panginoon ko, at inutusan na magpasakop sa Panginoon ng mga nilalang.
Siya ay ang lumikha sa inyo mula sa alabok, pagkatapos ay mula sa isang patak, pagkatapos ay mula sa isang malalinta, pagkatapos ay nagpapalabas Siya sa inyo bilang isang bata, pagkatapos ay upang umabot kayo sa ganap na gulang ninyo, pagkatapos ay upang kayo ay maging mga matanda – mayroon sa inyo na pinapapanaw bago pa niyon – at upang umabot kayo sa isang taning na tinukoy, at nang sa gayon kayo ay makapag-uunawa.
Siya ay ang nagbibigay-buhay at nagbibigay-kamatayan; at kapag nagtadhana Siya ng isang bagay ay nagsasabi lamang Siya rito na mangyari at mangyayari.
Hindi ka ba nakakita sa mga nakikipagtalo hinggil sa mga tanda ni Allāh kung paano silang napalilihis?
[Sila] ang mga nagpasinungaling sa Aklat at sa ipinasugo Namin sa mga sugo Namin, kaya malalaman nila
kapag ang mga kulyar ay nasa mga leeg nila at ang mga tanikala habang hinahatak sila
sa nakapapasong tubig. Pagkatapos sa Apoy ay paliliyabin sila.
Pagkatapos ay sasabihin sa kanila: "Nasaan na ang dati ninyong itinatambal
bukod kay Allāh. Magsasabi sila: "Nawala sila sa amin; bagkus hindi kami dati dumadalangin noon sa anuman." Gayon nagpapaligaw si Allāh sa mga tagatangging sumampalataya.
[Sasabihin]: "Iyon ay dahil kayo dati ay natutuwa sa Mundo ayon sa hindi karapatan at dahil kayo dati ay nagpapakasaya.
Pumasok kayo sa mga pinto ng Impiyerno bilang mga mananatili roon, at kay saklap ang tuluyan ng mga nagpapakamalaki!"
Kaya magtiis ka; tunay na ang pangako ni Allāh ay totoo. Kaya alinman: magpapakita nga Kami sa iyo ng ilan sa ipinangangako Namin sa kanila o magpapapanaw nga Kami sa iyo. Sa Amin sila panunumbalikin.
Talaga ngang nagsugo Kami ng mga sugo noong wala ka pa. Mayroon sa kanilang nagsalaysay Kami sa iyo at mayroon sa kanilang hindi Kami nagsalaysay sa iyo. Hindi nangyaring ukol sa isang sugo na maghatid ito ng isang tanda malibang ayon sa pahintulot ni Allāh. Kaya kapag dumating ang utos ni Allāh, huhusga ayon sa katotohanan at malulugi roon ang mga nagpapabula.
Si Allāh ay ang gumawa para sa inyo ng mga hayupan upang sumakay kayo mula sa mga ito at mula sa mga ito ay kumakain kayo.
Ukol sa inyo sa mga ito ay mga pakinabang at upang umabot kayo lulan sa mga ito sa isang pangangailangang nasa mga dibdib ninyo; at lulan sa mga ito at lulan sa mga daong ay dinadala kayo.
Nagpapakita Siya sa inyo ng mga tanda Niya. Kaya sa alin sa mga tanda ni Allāh kayo nagkakaila?
Kaya hindi ba sila humayo sa lupain para magmasid sila kung papaano naging ang kinahinatnan ng mga kabilang sa nauna sa kanila? Dati ang mga iyon ay higit na marami kaysa sa kanila at higit na matindi sa lakas at mga bakas sa lupain ngunit walang naipakinabang sa kanila ang dati nilang nakakamit.
Kaya noong nagdala sa kanila ang mga sugo sa kanila ng mga patunay na malilinaw ay natuwa sila sa taglay nilang kaalaman at pumaligid sa kanila ang dati nilang kinukutya.
Kaya noong nakakita sila sa parusa Namin ay nagsabi sila: "Sumampalataya kami kay Allāh – tanging sa Kanya – at tumanggi kaming sumampalataya sa anumang kami dati ay sa Kanya mga nagtatambal."
Ngunit hindi nangyaring magpapakinabang sa kanila ang pananampalataya nila kapag nakita nila ang parusa Namin. [Ito] ang kalakaran ni Allāh na nagdaan nga sa mga lingkod Niya. Nalugi roon ang mga tagatangging sumampalataya.