ﰡ
Alif. Lām. Rā’. Ang mga ito ay ang mga tanda ng Aklat na malinaw.
Tunay na Kami ay nagbaba nito bilang isang Qur’an na Arabe nang sa gayon kayo ay makauunawa.
Kami ay nagsasalaysay sa iyo ng pinakamaganda sa mga salaysay sa pamamagitan ng pagsiwalat Namin sa iyo ng Qur’ān na ito bagamat ikaw dati bago nito ay talagang kabilang sa mga nalilingat.
[Banggitin] noong nagsabi si Yūsuf sa ama niya: "O ama ko, tunay na ako ay nakakita [sa panaginip] ng labing-isang tala, araw, at buwan; nakita ko sila na sa akin ay mga nakapatirapa."
Nagsabi ito: "O anak ko, huwag mong isalaysay ang panaginip mo sa mga kapatid mo dahil magpapakana sila sa iyo ng isang pakana. Tunay na ang demonyo para sa tao ay isang kaaway na malinaw."
Gayon pinili ka ng Panginoon mo, magtuturo sa iyo ng pagpapakahulugan sa mga panaginip, at maglulubos sa biyaya Niya sa iyo at sa mag-anak ni Jacob, gaya ng paglubos Niya nito sa dalawang ninuno mo noon na sina Abraham at Isaac. Tunay na ang Panginoon mo ay Maalam, Marunong.
Talaga ngang hinggil kay Yūsuf at sa mga kapatid niya ay may mga tanda para sa mga nagtatanong.
[Banggitin] noong nagsabi sila: "Talagang si Yūsuf at ang kapatid niya ay higit na kaibig-ibig sa ama natin kaysa sa atin samantalang tayo ay isang nakararaming pangkat. Tunay na ang ama natin ay nasa isang pagkaligaw na malinaw.
Patayin ninyo si Yūsuf o itapon ninyo sa isang [ibang] lupain, malalaan para sa inyo ang mukha ng ama ninyo at kayo matapos niyon ay magiging mga taong maayos."
Nagsabi ang isang nagsasabi kabilang sa kanila: "Huwag ninyong patayin si Yūsuf, ngunit ihagis ninyo siya sa kailaliman ng balon, pupulutin siya ng ilan sa mga karaban kung kayo ay gagawa [niyon]."
Nagsabi sila: "O ama namin, ano ang mayroon sa iyo? Hindi ka nagtitiwala sa amin para kay Yūsuf samantalang kami sa kanya ay talagang mga tagapayo.
Ipadala mo siya kasama namin bukas, magpapasasa siya at maglalaro; at tunay na kami sa kanya ay talagang mga tagapag-ingat."
Nagsabi siya: "Tunay na ako ay talagang nalulungkot na aalis kayo dala siya at nangangamba na kainin siya ng lobo habang kayo sa kanya ay mga nalilingat."
Nagsabi sila: "Talagang kung kinain siya ng lobo samantalang kami ay isang [malakas na] pangkat, tunay na kami samakatuwid ay talagang mga talunan."
Kaya noong umalis sila dala siya at napagkaisahan nila na ilagay siya sa kailaliman ng balon, nagsiwalat Kami sa kanya: "Talagang magbabalita ka nga sa kanila hinggil sa kagagawan nilang ito samantalang sila ay hindi nakararamdam."
Dumating sila sa ama nila sa gabi na umiiyak.
Nagsabi sila: "O ama namin, tunay na kami ay umalis, na nag-uunahan at iniwan namin si Yūsuf sa tabi ng mga dala-dalahan namin, at kinain siya ng lobo. Ikaw ay hindi maniniwala sa amin kahit pa man nangyaring kami ay mga tapat."
Dumating sila dala ang damit niya na may dugong huwad. Nagsabi siya: "Bagkus hinalina kayo ng mga sarili ninyo sa isang kagagawan, kaya isang magandang pagtitiis [ang pagtitiis ko]. Si Allāh ay ang ipinapantulong laban sa inilalarawan ninyo."
May dumating na isang karaban; pagkatapos ay nagpadala sila ng tagaigib nila at ibinaba nito ang timba nito. Nagsabi ito: "O nakagagalak na balita! Ito ay isang batang lalaki." Inilihim nila siya bilang isang paninda. Si Allāh ay Maalam sa ginagawa nila.
Ipinagbili nila siya sa isang halagang mababa: mga dirham na mabibilang. Sila sa kanya ay kabilang sa mga nagwawalang-halaga.
Nagsabi ang bumili sa kanya mula sa Ehipto sa maybahay nito: "Parangalan mo ang pagtira niya; baka magpakinabang siya sa atin o umampon tayo sa kanya bilang anak." Gayon Kami nagpatatag kay Yūsuf sa lupain at upang magturo Kami sa kanya ng pagpapakahulugan ng mga panaginip. Si Allāh ay nananaig sa pinangyayari Niya, subalit ang higit na marami sa mga tao ay hindi nakaaalam.
Noong umabot siya sa kahustuhang gulang niya ay nagbigay Kami sa kanya ng karunungan at kaalaman. Gayon Kami gumaganti sa mga tagagawa ng maganda.
Nagtangkang umakit sa kanya sa sarili niya ang [babaing] siya ay nasa bahay nito. Nagsara ito ng mga pinto at nagsabi: "Halika ka!" Nagsabi siya: "Pagpapakupkop kay Allāh! Tunay na siya ay panginoon ko; nagmagandang-loob siya sa pagpapatira sa akin. Tunay na hindi magtatagumpay ang mga tagalabag sa katarungan."
Talaga ngang nagnasa ito sa kanya, at nagnasa sana siya kung sakaling hindi niya nakita ang patotoo ng Panginoon niya. Gayon nga upang magpaliko Kami palayo sa kanya ng kasagwaan at kahalayan. Tunay na siya ay kabilang sa mga lingkod Naming mga tagapag-ukol ng kawagasan.
Nag-unahan silang dalawa sa pinto, pinunit nito ang damit niya mula sa likuran, natagpuan nilang dalawa ang asawa nito sa tabi ng pinto, nagsabi ito: "Walang iba ang ganti sa sinumang nagnanais sa maybahay mo ng kasagwaan malibang ibilanggo siya o isang pagdurusang masakit."
Nagsabi siya: "Siya ay nagtangkang umakit sa akin sa sarili ko." Sinaksihan ng isang tagasaksi kabilang sa kasambahay nito, [na nagsasabi]: "Kung nangyaring ang kamisa niya ay napunit sa harapan, nagpakatotoo ito at siya naman ay kabilang sa mga sinungaling;
At kung nangyaring ang kamisa niya ay napunit mula sa likuran, nagsinungaling ito at siya naman ay kabilang sa mga tapat."
Kaya noong nakita niyon na ang kamisa niya ay napunit mula sa likuran, nagsabi iyon: "Tunay na ito ay bahagi ng pakana ninyong [mga babae]; tunay na ang pakana ninyong [mga babae] ay sukdulan.
Yūsuf , umayaw ka rito! At [Maybahay,] humingi ka ng kapatawaran sa pagkakasala mo! Tunay na ikaw ay kabilang sa mga nagkakamali.
May nagsabing mga babae sa lungsod: "Ang maybahay ng Makapangyarihan ay nagtangkang umakit sa binatang alipin nito sa sarili niya; nagpahumaling siya rito sa pag-ibig. Tunay na kami ay nagtuturing dito na nasa isang pagkaligaw na malinaw."
Kaya noong nakarinig ito hinggil sa panlalansi nila ay nagsugo ito sa kanila, naglaan ito para sa kanila ng isang piging, at nagbigay ito sa bawat isa sa kanila ng kutsilyo, at nagsabi ito [kay Yūsuf]: "Lumabas ka sa kinaroroonan nila." Kaya noong nakita nila siya ay minalaki nila siya [sa kakisigan] at nahiwa nila ang mga kamay nila, at sinabi nila: "Kasakdalan kay Allāh! Ito ay hindi isang mortal. Walang iba ito kundi isang anghel na marangal!"
Nagsabi ito: "Kaya iyan ang isinisisi ninyo sa akin hinggil sa kanya. Talaga ngang pinagtangkaan kong akitin siya sa sarili niya, ngunit nagpigil siya; at talagang kung hindi niya gagawin ang ipinag-uutos ko sa kanya, talagang ibibilanggo nga siya at talagang siya nga ay magiging kabilang sa mga nanliliit."
Nagsabi siya: "Panginoon ko, ang bilangguan ay higit na kaibig-ibig sa akin kaysa sa inaanyaya nila sa akin. Kung hindi Ka maglilihis palayo sa akin ng pakana nila, makakikiling ako sa kanila at ako ay magiging kabilang sa mga mangmang."
Kaya tumugon sa kanya ang Panginoon niya, at naglihis Siya palayo sa kanya ng pakana nila. Tunay na Siya ay ang Madinigin, ang Maalam.
Pagkatapos ay lumitaw sa kanila, matapos na nakita nila ang mga tanda, na talagang magbibilanggo nga sa kanya hanggang sa isang panahon.
May pumasok kasama niya sa bilangguan na dalawang binata. Nagsabi ang isa sa dalawa: "Tunay na ako ay nanaginip na ako ay pumipiga ng alak." Nagsabi naman ang isa pa: "Tunay na ako ay nanaginip na ako ay nagpapasan sa ibabaw ng ulo ko ng tinapay na kumakain ang mga ibon mula roon. Magbalita ka sa amin ng pagpapakahulugan nito. Tunay na kami ay nakakikita sa iyo na kabilang sa mga tagagawa ng maganda."
Nagsabi siya: "Walang dumarating sa inyo na pagkain na itinutustos sa inyong dalawa malibang magbabalita ako sa inyong dalawa ng pagpapakahulugan nito bago pa man dumating ito sa inyong dalawa. Iyan ay kabilang sa itinuro sa akin ng Panginoon ko. Tunay na ako ay nag-iwan sa kapaniwalaan ng mga taong hindi sumasampalataya kay Allāh habang sila sa Kabilang-buhay ay mga tagatangging sumampalataya.
Sumunod ako sa kapaniwalaan ng mga ninuno kong sina Abraham, Isaac, at Jacob. Hindi nangyaring ukol sa aming magtambal kami kay Allāh ng anumang bagay. Iyon ay bahagi ng kagandahang-loob ni Allāh sa amin at sa mga tao, subalit ang higit na marami sa mga tao ay hindi nagpapasalamat.
O dalawang kasamahan ko sa bilangguan, ang mga panginoong magkakahiwa-hiwalay ba ay higit na mainam o si Allāh, ang Nag-iisa, ang Palalupig?
Wala kayong sinasamba bukod pa sa Kanya kundi mga pangalang ipinangalan ninyo at ng mga ninuno ninyo. Hindi nagbaba si Allāh sa mga ito ng anumang katunayan. Walang iba ang paghahatol kundi ukol kay Allāh. Nag-utos Siya na huwag kayong sumamba kundi sa Kanya. Iyan ay ang relihiyong matuwid, subalit ang higit na marami sa mga tao ay hindi nakaaalam.
O dalawang kasamahan ko sa bilangguan, hinggil sa isa sa inyong dalawa, magpapainom siya sa panginoon niya ng alak; at hinggil naman sa isa pa, bibitayin siya at kakain ang mga ibon mula sa ulo niya. Napagpasyahan na ang usapin na hinggil dito ay nag-uusisa kayong dalawa."
Nagsabi siya sa inakala niya na ito ay maliligtas sa dalawa: "Banggitin mo ako sa piling ng panginoon mo," ngunit nagpalimot dito ang Demonyo sa pagbanggit sa panginoon nito kaya nanatili siya sa bilangguan nang ilang taon.
Nagsabi ang hari: "Tunay na ako ay nanaginip ng pitong bakang matataba na kinakain ng pitong bakang yayat, at pitong uhay na luntian at mga iba pang tuyot. O konseho, magbigay-linaw kayo sa panaginip ko kung nangyaring kayo sa panaginip ay naghahayag."
Nagsabi sila: "Mga paglalahok ng mga maling panaginip, hindi kami sa pagpapaliwanag ng mga panaginip mga nakaaalam."
Nagsabi ang naligtas mula sa dalawang [bilanggo] at nakaalaala matapos ng isang yugto: "Ako ay magbabalita sa inyo hinggil sa pagpapakahulugan nito, kaya magsugo kayo sa akin [kay Yūsuf]."
Yūsuf, O pagkatapat-tapat, magbigay-linaw ka sa amin hinggil sa [panaginip na] pitong bakang matataba na kinain ng pitong bakang yayat, at pitong uhay na luntian at mga iba pang tuyot, nang sa gayon ako ay babalik sa mga tao, nang sa gayon sila ay makaaalam.
Nagsabi siya: "Magtatanim kayo nang pitong taong sunud-sunod, at ang anumang aanihin ninyo ay hayaan ninyo ito sa uhay nito, maliban sa kaunti mula sa kakainin ninyo.
Pagkatapos ay may darating matapos niyon na pitong [taon na] matitindi na kakain sa inimpok ninyo para sa mga [taon na] ito, maliban sa kaunti na bahagi ng iimbak ninyo.
Pagkatapos ay may darating matapos niyon na isang taon na dito ay uulanin ang mga tao at dito ay pipiga sila.
Nagsabi ang Hari: "Dalhin ninyo siya sa akin." Ngunit noong dumating sa kanya ang sugo ay nagsabi siya: "Bumalik ka sa panginoon mo at tanungin mo siya kung ano ang lagay ng mga babae na humiwa-hiwa ng mga kamay nila. Tunay na ang Panginoon ko, sa pakana nila, ay Maalam."
Nagsabi ito: "Ano ang katayuan ninyo nang nagtangka kayong mang-akit kay Yūsuf palayo sa sarili niya?" Nagsabi sila: "Kasakdalan ay ukol kay Allāh! Wala kaming nalaman sa kanya na kasagwaan." Nagsabi ang maybahay ng Makapangyarihan: "Ngayon, nabunyag ang totoo; ako ay nagtangkang umakit sa kanya palayo sa sarili niya, at tunay na siya ay talagang kabilang sa mga tapat."
Iyon ay upang malaman niya na ako ay hindi nagtaksil sa kanya nang lingid at na si Allāh ay hindi nagpapatnubay sa pakana ng mga taksil.
Hindi ako nagpapawalang-sala sa sarili ko; tunay na ang sarili ay palautos ng kasagwaan, maliban sa kinaawaan ng Panginoon ko. Tunay na ang Panginoon ko ay Mapagpatawad, Maawain.
Nagsabi ang hari: "Dalhin ninyo siya sa akin, magtatangi ako sa kanya para sa sarili ko." Noong nakausap siya nito ay nagsabi ito: "Tunay na ikaw sa araw na ito sa amin ay isang matatag [ang katungkulan], pinagkakatiwalaan."
Nagsabi siya: "Italaga mo ako sa mga imbakan ng lupain; tunay na ako ay mapag-ingat, maalam."
Gayon Kami nagpatatag sa katungkulan kay Yusuf sa lupain. Naninirahan siya roon saanman niya niloloob. Nagpapadapo Kami ng awa Namin sa sinumang niloloob Namin, at hindi Kami nagwawala sa pabuya sa mga tagagawa ng maganda.
Talagang ang pabuya ng Kabilang-buhay ay higit na mabuti para sa mga sumampalataya at nangingilag magkasala noon.
Dumating ang mga kapatid ni Yusuf, pagkatapos ay pumasok sila sa kinaroroonan niya, at nakilala niya sila samantalang sila sa kanya ay mga di-nakakikilala.
Noong nagkaloob siya sa kanila ng kagamitan nila ay nagsabi siya: "Dalhin ninyo sa akin ang isang kapatid ninyo mula sa ama ninyo. Hindi ba ninyo nakikita na ako ay naglulubos sa pagtatakal at ako ay pinakamabuti sa mga tagapagpatuloy?
Ngunit kung hindi ninyo dadalhin siya sa akin ay walang pagtatakal para sa inyo sa ganang akin at huwag kayong lumapit sa akin."
Nagsabi sila: "Magtatangka kaming humimok sa ama niya [sa pagsasama] sa kanya, at tunay na kami ay talagang mga gagawa [niyon]."
Nagsabi siya sa mga alila niya: "Ilagay ninyo ang paninda nila sa mga sisidlan nila nang sa gayon sila ay makakikilala sa mga ito kapag nakauwi sila sa mag-anak nila nang sa gayon sila ay babalik."
Kaya noong nakabalik sila sa ama nila ay nagsabi sila: "O ama namin, ipinagkait sa amin ang pagtatakal; kaya ipadala mo po kasama namin ang kapatid namin, tatakalan kami. Tunay na kami sa kanya ay talagang mga tagapag-ingat."
Nagsabi siya: "Ipagkakatiwala ko ba siya sa inyo malibang [napipilitan] kung paanong ipinagkatiwala ko sa inyo ang kapatid niya noon? Ngunit si Allāh ay pinakamabuti bilang tagapag-ingat at Siya ay ang pinakamaawain sa mga naaawa."
Noong nabuksan nila ang mga sisidlan nila ay natagpuan nila na ang paninda nila ay isinauli sa kanila. Nagsabi sila: "O ama namin, ano pa ang mahahangad namin? Ito ay ang paninda naming isinauli sa amin. Mapaglalaanan namin ang mag-anak namin. Mapag-iingatan namin ang kapatid namin. Madaragdagan kami ng takal [na pasan] ng kamelyo; iyan ay isang pagtakal na madali."
Nagsabi siya: "Hindi ko siya ipadadala kasama ninyo hanggang sa magbigay kayo sa akin ng isang taimtim na pangako mula kay Allāh na talagang dadalhin nga [muli] ninyo siya sa akin, maliban kung mapaliligiran kayo [ng kapahamakan]." Kaya noong nagbigay sila sa kanya ng taimtim na pangako nila ay nagsabi siya: "Si Allāh, sa anumang sinasabi natin, ay pinagkakatiwalaan."
Nagsabi siya: "O mga anak ko, huwag kayong pumasok mula sa isang pinto, bagkus ay pumasok kayo mula sa mga pintong nagkakaiba-iba. Wala akong magagawa na anuman para sa inyo mula kay Allāh. Walang iba ang pagpapasya kundi ukol kay Allāh. Sa Kanya ako nagtiwala at sa Kanya magtiwala ang mga nagtitiwala."
Noong nakapasok sila mula sa kung saan ipinag-utos sa kanila ng ama nila, hindi nangyaring nagdudulot ito sa kanila laban kay Allāh ng anuman malibang isang pangangailangan sa sarili ni Jacob na tinugon niya. Tunay na siya ay talagang may kaalaman dahil sa naituro Namin sa kanya, subalit ang higit na marami sa mga tao ay hindi nakaaalam.
Noong nakapasok sila sa kinaroroonan ni Yusuf ay pinatuloy niya sa kanya ang kapatid niya. Nagsabi siya: "Tunay na ako ay ang kapatid mo kaya huwag kang magdalamhati sa ginagawa nila noon."
Kaya noong napaglaanan niya sila ng nakalaan sa kanila ay inilagay niya ang inuman sa sisidlan ng kapatid niya. Pagkatapos ay nanawagan ang isang tagapanawagan: "O karaban, tunay na kayo ay talagang mga magnanakaw."
Nagsabi sila at lumapit sa mga iyon: "Ano ang nawawalan kayo?"
Nagsabi ang mga iyon: "Nawawalan kami ng salop ng hari. Ukol sa sinumang makapagdadala niyon ay isang pasan ng kamelyo, at ako sa kanya ay tagapanagot."
Nagsabi sila: "Sumpa man kay Allāh, talaga ngang nalaman ninyo na hindi kami dumating upang manggulo sa lupain, at hindi nangyaring kami ay mga magnanakaw."
Nagsabi ang mga iyon: "Kaya ano ang ganti roon kung nangyaring kayo ay mga sinungaling?"
Nagsabi sila: "Ang ganti rito: ang sinumang natagpuan iyon sa sisidlan niya ay siya ang ganti rito. Gayon Kami gumaganti sa mga tagalabag sa katarungan."
Kaya nagsimula siya sa mga sisidlan nila bago ng sisidlan ng kapatid niya. Pagkatapos ay nailabas niya ito mula sa sisidlan ng kapatid niya. Gayon nagpakana kami para kay Yusuf. Hindi nangyaring magdadala siya sa kapatid niya sa batas ng hari maliban kung loloobin ni Allāh. Inaangat Namin sa mga antas ang sinumang niloloob Namin. Sa ibabaw ng bawat may kaalaman ay isang maalam.
Nagsabi sila: "Kung nagnakaw siya ay nagnakaw nga ang isang kapatid niya noon.’ Ngunit inilihim ito ni Yusuf sa sarili niya at hindi niya ipinahalata ito sa kanila. Nagsabi siya: "Kayo ay higit na masama sa kalagayan at si Allāh ay higit na nakaaalam sa anumang inilalarawan ninyo."
Nagsabi sila: "O makapangyarihan, tunay na siya ay may isang amang matandang lubha, kaya kunin mo po ang isa sa amin bilang kapalit niya. Tunay na kami ay nakakikita sa iyo bilang kabilang sa mga tagagawa ng maganda."
Nagsabi siya: "[Hiling ko] ang pagkupkop ni Allāh na manghuli kami maliban pa sa sinumang natagpuan naming ang pag-aari namin ay sa piling niya; tunay na kami, samakatuwid, ay talagang mga tagalabag sa katarungan."
Kaya noong nawalan na sila ng pag-asa sa kanya, bumukod sila na nagsasanggunian. Nagsabi ang matanda nila: "Hindi ba ninyo nalaman na ang ama ninyo ay tumanggap sa inyo ng isang taimtim na pangako kay Allāh at noong una ay nagwalang-bahala kayo kay Yusuf, kaya hindi ko iiwan ang lupain hanggang sa magpahintulot sa akin ang ama ko o humatol si Allāh sa akin at Siya ay ang pinakambuti sa mga tagahatol.
Bumalik kayo sa ama ninyo at sabihin ninyo: 'O ama namin, tunay na ang anak mo ay nagnakaw. Wala kaming nasaksihan maliban sa ayon sa nalaman namin. Hindi nangyaring kami sa Lingid ay mga tagabantay.
Tanungin mo ang pamayanan na kami dati ay nasa loob niyon at ang karaban na pumunta kami kasama niyon. Tunay na kami ay talagang mga tapat.’"
Nagsabi siya: "Bagkus humalina sa inyo ang mga sarili ninyo sa isang kagagawan, kaya isang pagtitiis na maganda [ang pagtitiis ko]. Sana si Allāh ay magdala sa akin sa kanila sa kalahatan; tunay na Siya ay ang Maalam, ang Marunong."
Tumalikod siya sa kanila at nagsabi: "Ah, hinagpis ko dahil kay Yusuf!" Pumuti ang dalawang mata niya dahil sa kalungkutan sapagkat siya ay mapagpigil.
Nagsabi sila: "Sumpa man kay Allāh, nagpapatuloy kang umaalaala kay Yusuf hanggang sa ikaw ay maging halos mamatay sa sakit o ikaw ay maging kabilang sa mga nasawi."
Nagsabi siya: "Naghihinaing lamang ako ng dalamhati ko at lungkot ko kay Allāh at nakaaalam ako mula kay Allāh ng hindi ninyo nalalaman.
O mga anak ko, umalis kayo at makiramdam kayo hinggil kay Yusuf at sa kapatid niya at huwag kayong mawalan ng pag-asa sa habag ni Allāh; tunay na walang nawawalan ng pag-asa sa habag ni Allāh kundi ang mga taong tagatangging sumampalataya."
Kaya noong nakapasok sila sa kinaroroonan niya ay nagsabi sila: "O makapangyarihan, sumaling sa amin at sa mag-anak namin ang kapinsalaan at dumating kami nang may dalang panindang mababang uri, ngunit lubusin mo po sa amin ang takal at magkawanggawa ka po sa amin; tunay na si Allāh ay gumaganti sa mga tagapagkawanggawa."
Nagsabi siya: "Nalaman ba ninyo ang ginawa ninyo kay Yusuf at sa kapatid niya nang kayo ay mga mangmang?"
Nagsabi sila: "Tunay na ikaw ba ay talagang si Yusuf?" Nagsabi siya: "Ako si Yusuf at ito ang kapatid ko. Nagpaunlak nga si Allāh sa amin; tunay na ang sinumang mangingilag magkasala at magtitiis, tunay na si Allāh ay hindi magwawala sa pabuya sa mga tagagagawa ng maganda."
Nagsabi sila: "Sumpa man kay Allāh, talaga ngang minagaling ka ni Allāh kaysa sa amin at tunay na kami dati ay talagang mga nagkakamali."
Nagsabi siya: "Walang panunumbat sa inyo sa araw na ito. Magpapatawad si Allāh sa inyo. Siya ay ang pinakamaawain sa mga naaawa.
Umalis kayo kalakip ng kamisa kong ito at ipukol ninyo sa mukha ng ama ko, pupunta siyang nakakikita. Pumunta kayo sa akin kasama ng mag-anak ninyo nang sama-sama."
Noong nakalisan ang karaban ay nagsabi ang ama nila: "Tunay na ako ay talagang nakadarama ng halimuyak ni Yusuf, kung sakaling hindi kayo magturing ng pagkaulyanin sa akin."
Nagsabi sila: "Sumpa man kay Allāh, tunay ikaw ay talagang nasa kamalian mong matanda."
Kaya noong dumating na ang tagapagbalita ng nakagagalak, ipinukol nito iyon sa mukha niya kaya nanumbalik siya na nakakikita. Nagsabi siya: "Hindi ba sinabi ko sa inyo na tunay na ako ay nakaaalam mula kay Allāh ng hindi ninyo nalalaman?"
Nagsabi sila: "O ama namin, humingi ka po ng kapatawaran para sa amin sa mga pagkakasala namin; tunay na kami noon ay mga nagkakamali."
Nagsabi siya: "Hihingi ako ng kapatawaran para sa inyo sa Panginoon ko; tunay na Siya ay ang Mapagpatawad, ang Maawain."
Kaya noong nakapasok sila sa kinaroroonan ni Yusuf, pinatuloy niya sa kanya ang mga magulang niya at nagsabi: "Pumasok kayo sa Ehipto,sa niloob ni Allāh, na mga natitiwasay."
Inangat niya ang magulang niya sa trono at yumukod sila sa kanya na mga nakapatirapa. Nagsabi siya: "O ama ko, ito ay pagpapakahulugan sa panaginip ko noon. Ginawa nga ito ng Panginoon ko na totoo. Nagmagandang-loob nga Siya sa akin noong nagpalabas Siya sa akin mula sa pagkabilanggo at nagdala Siya sa inyo mula sa ilang matapos na nagpasigalot ang demonyo sa pagitan ko at ng mga kapatid ko. Tunay na ang Panginoon ko ay Mabait sa anumang niloloob Niya. Tunay na Siya ay ang Maalam, ang Marunong.
Panginoon ko, nagbigay Ka sa akin ng bahagi ng paghahari at nagtuturo Ka sa akin ng pagpapakahulugan sa mga panaginip. Tagapaglalang ng mga langit at lupa, Ikaw ay Katangkilik ko sa Mundo at Kabilang-buhay. Papanawin Mo ako na isang Muslim at isama Mo ako sa mga matutuwid."
Iyon ay kabilang sa mga balita ng Lingid; isiniwalat Namin ito sa iyo. Wala ka noon sa piling nila noong nagkaisa sila sa pasya nila samantalang sila ay nanlalansi.
Ang higit na marami sa mga tao, kahit pa man nagsigasig ka, ay hindi mga mananampalataya.
Hindi ka humihingi sa kanila para rito ng anumang pabuya. Walang iba ito kundi isang paalaala para sa mga nilalang.
Kay rami ng tanda sa mga langit at lupa, na dumaraan sila sa mga iyon samantalang sila sa mga iyon ay mga taga-ayaw.
Hindi sumasampalataya ang higit na marami sa kanila kay Allāh malibang habang sila ay mga tagapagtambal.
Kaya natitiwasay ba sila na darating sa kanila ang isang tagalukob mula sa pagpaparusa ni Allāh o darating sa kanila ang Huling Sandali nang biglaan samantalang sila ay hindi nakararamdam?
Sabihin mo: "Ito ay landas ko. Nag-aanyaya ako tungo kay Allāh batay sa pagkatalos, ako at ang sinumang sumunod sa akin. Napakamaluwalhati ni Allāh! Hindi ako kabilang sa mga tagapagtambal."
Hindi Kami nagsugo mula noong wala ka pa kundi ng mga lalaking nagsiwalat Kami sa kanila kabilang sa mga naninirahan sa mga lungsod. Kaya hindi ba sila naglakbay sa lupain para magmasid sila kung papaano ang naging kinahinatnan ng mga kabilang sa nauna sa kanila? Talagang ang tahanan sa Kabilang-buhay ay higit na mabuti para sa mga nangilag magkasala; kaya hindi ba kayo nakauunawa?
[Nagpalugit] hanggang sa, nang nawalan ng pag-asa ang mga sugo [na ito] at nag-akala naman sila na ang mga ito ay pinagsinungalingan nga, dumating naman sa mga ito ang pag-aadya Namin at nailigtas ang sinumang niloloob Namin at hindi mapipigil ang parusa Namin sa mga taong salarin.
Talaga ngang sa mga kasaysayan nila ay may naging aral para sa mga may mga pang-unawa. Hindi ito isang sanaysay na magagawa-gawa, bagkus ito ay pagpapatotoo sa nauna rito, isang masusing pagpapaliwanag sa bawat bagay, isang patnubay, at isang awa para sa mga taong sumasampalataya.